Liham ni Santiago
2 Mga kapatid ko, masasabi ba ninyong nanghahawakan kayo sa pananampalataya ng ating maluwalhating Panginoong Jesu-Kristo kung nagpapakita kayo ng paboritismo?+ 2 Kung dumating sa pagtitipon ninyo ang isang taong may suot na mga singsing na ginto at magarang damit, at pumasok din ang isang taong mahirap na marumi ang damit, 3 inaasikaso ba ninyong mabuti ang nakasuot ng magarang damit at sinasabi, “Dito ka umupo sa magandang puwesto,” at sinasabi ba ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang,” o, “Diyan ka umupo sa ibaba ng tuntungan ko”?+ 4 Kung ganoon kayo, hindi ba nagtatangi na kayo+ at humahatol nang masama?+
5 Makinig kayo, mahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mahihirap sa sanlibutan para maging mayaman sa pananampalataya+ at mga tagapagmana ng Kaharian, na ipinangako niya sa mga umiibig sa kaniya?+ 6 Pero winawalang-dangal ninyo ang mahihirap. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo+ at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman? 7 Hindi ba namumusong* sila sa marangal na pangalang itinawag sa inyo? 8 Ngayon, kung patuloy ninyong tinutupad ang dakilang kautusan ng Hari ayon sa kasulatan, “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,”+ mabuti naman ang ginagawa ninyo. 9 Pero kung patuloy kayong nagpapakita ng paboritismo,+ nagkakasala kayo, at ang kautusan ang humahatol* sa inyo bilang mga manlalabag-batas.+
10 Dahil kung sinusunod ng sinuman ang buong Kautusan pero gumawa siya ng maling hakbang sa isang bagay, nilalabag niya ang buong Kautusan.+ 11 Dahil ang nagsabi, “Huwag kang mangangalunya,”+ ay nagsabi rin, “Huwag kang papatay.”+ Ngayon, kung hindi ka nga nangalunya pero pumatay ka naman, lumabag ka pa rin sa kautusan. 12 Patuloy kayong magsalita at gumawi gaya ng mga hahatulan ng kautusan ng isang malayang bayan.*+ 13 Dahil ang hindi nagpapakita ng awa ay hahatulan nang walang awa.+ Mas dakila ang awa kaysa sa paghatol.
14 Mga kapatid ko, ano ang saysay kung sasabihin ng isa na may pananampalataya siya pero hindi naman ito nakikita sa mga ginagawa niya?+ Hindi siya maililigtas ng gayong pananampalataya, hindi ba?+ 15 Kung may mga kapatid na walang maisuot* at walang makain sa araw-araw, 16 at sabihin sa kanila ng isa sa inyo, “Huwag kayong mag-alala; magbihis kayo at magpakabusog,” pero hindi naman ninyo ibinibigay ang kailangan nila, ano ang silbi nito?+ 17 Ganoon din ang pananampalataya; kung wala itong kasamang gawa, ito ay patay.+
18 Gayunman, may magsasabi: “May pananampalataya ka, at may mga gawa naman ako. Ipakita mo sa akin ang pananampalataya mo na walang kasamang gawa, at ipapakita ko sa iyo ang pananampalataya ko sa pamamagitan ng mga gawa ko.” 19 Naniniwala kang may isang Diyos, hindi ba? Mabuti naman iyan. Pero kahit ang mga demonyo ay naniniwala at nangangatog.+ 20 Hindi mo ba alam, ikaw na mangmang, na ang pananampalataya na walang gawa ay walang silbi? 21 Hindi ba si Abraham na ama natin ay ipinahayag na matuwid dahil sa ginawa niya nang ihandog niya ang anak niyang si Isaac sa altar?+ 22 Ipinapakita nito na ang pananampalataya niya ay may kasamang gawa at ang pananampalataya niya ay naging ganap dahil sa mga ginawa niya,+ 23 at natupad ang kasulatan na nagsasabi: “Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova,* at dahil dito, itinuring siyang matuwid,”+ at tinawag siyang kaibigan ni Jehova.*+
24 Kaya ipinapakita nito na ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid dahil sa mga ginagawa niya at hindi dahil sa pananampalataya lang. 25 Sa gayon ding paraan, hindi ba ang babaeng bayaran na si Rahab ay ipinahayag ding matuwid dahil sa mga gawa niya pagkatapos niyang patuluyin nang may kabaitan ang mga mensahero at palabasin sila sa ibang daan?+ 26 Kaya nga, kung paanong ang katawan na walang hininga* ay patay,+ ang pananampalataya na walang gawa ay patay.+