‘Ang Paghahanap ng Nakalulugod na mga Salita, Tamang mga Salita’
“ANG mángangarál ay humanap ng nakalulugod na mga salita at ng nasusulat na tamang mga salita ng katotohanan.” (Eclesiastes 12:10) Anong pagkahala-halaga nga ang ‘nakalulugod, tamang mga salita’ na salig sa kinasihang Kasulatan! Ang mga ito ay maihahambing sa “mga mansanas na ginto sa mga bilaong pilak,” may arte at marangal na magagamit sa anumang okasyon at hindi matutumbasan ng halaga kung ikaw ay nasa kalagayan ng kagipitan.—Kawikaan 25:11.
Sa ating kaarawan ang Lalong-dakilang Mángangarál, si Jesu-Kristo, ay may paglalaang espirituwal na mga bagay na makapupong higit sa tinamasa ng bayan ng Diyos sa ilalim ng sinaunang mga hari ng Israel. (Mateo 12:42) Sa loob ng mahigit na isang siglo, nakalulugod, tamang mga salita ng katotohanan na sumasaklaw sa bawat pitak ng buhay ang taglay ng mga lathalain ng Watch Tower Society at malaganap na ipinamamahagi sa maraming wika. Maraming pamilya at mga indibiduwal ang sa gayo’y nakatipon sa kanilang sariling mga tahanan ng isang aklatan ng mapanghahawakang mga lathalaing reperensiya na nakatutok sa Bibliya. Bukod dito, karamihan ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay may mahuhusay na aklatan na ginagamit sa kanilang mga Kingdom Hall.
Gayunman, ang pagkasumpong ng nakalulugod, tamang mga salita na kailangan para sa isang partikular na situwasyon ay nangangailangan pa rin ng pagsasaliksik. Kaya naman, sapol nang unang-una pa sa kasaysayan nito, ang Watch Tower Society ay naglathala na ng mga indise sa kaniyang mga publikasyon.—Tingnan ang kahon sa pahina 28 at 29.
Isang Bagong Patakaran
Sa taóng 1985 ay nagsimula ang isang bagong kabanata sa kasaysayan ng Watch Tower Publications Indexes. Siyam na naunang mga Indexes ang pinagsama-sama at pinagkaisa sa isang tomo na sumasaklaw ng 1930 hanggang 1985, isang proyekto na nangailangan ng 14 na taon (man-years) ng pagpapagal. Ang mga pakinabang sa gayong iisang-tomong Index na sumasaklaw ng maraming taon ay humantong noong 1986 sa isang bagong patakaran, ang paglalathala ng pinagsama-samang Indexes mula noon. Sa bawat taon, karaniwan na sa loob ng apat na sunud-sunod na mga taon, isang pinagsama-samang Index na brosyur ang sasaklaw ng isa, dalawa, tatlo, at pagkatapos ay apat na taon. Tuwing limang taon isang pinabalatang Index ang bubuo ng pinagsama-samang lahat na Indexes mula 1986 pasulong, tulad halimbawa ng 1986-90, 1986-95, at patuloy. Kung gayon, hindi na kailangang kumunsulta sa mahigit na tatlong Indexes: ang 1930-1985 Index, ang kasalukuyang pinabalatang Index, at ang kasalukuyang brosyur.
Ang Index ay Inihanda na Ikaw ang Sumasaisip
Ang unang seksiyon sa bawat Index ay isang indise ng mga paksa. Sa paghahanda ng isang indise ng paksa, dalawang tanong ang isasaisip: (1) Anong impormasyon ang dapat na isali sa indise? (2) Saan maaaring tumingin ang sinuman para sa impormasyong iyon?
Bilang isang mambabasa, ikaw ay bihirang maging interesado na hanapin ang bawat kaliit-liitang komento sa isang paksa. Yamang pangkaraniwan nang ang hinahanap mong impormasyon ay yaong mahalaga o talagang magagamit, ito ang pinipili para isama sa indise. Ngunit ang gayong materyal ay hindi naman kinakailangang napakalawak. Ang isang ipinasok sa Index ay maaaring tumukoy lamang ng isang pangungusap, tulad baga ng isang pangungusap tungkol sa patakaran ng Samahan sa isang bagay. O iyon ay maaaring sumaklaw ng isang buong artikulo, kahit isang buong publikasyon. Subalit, karaniwan na ang ipinasok ay umaakay tungo sa mga ilang parapong tinalakay.
Ang tanong na kung saan dapat lumitaw sa Index ang mga reperensiya ay kasinghalaga rin naman, sapagkat ang mga mambabasa ay nagkakaiba-iba ang iniisip at kanilang titingnan ang iba’t ibang mga paulo. Halimbawa, ang impormasyon tungkol sa Tore ng Babel ay makikita sa ilalim ng TOWER OF BABEL. Ngunit may mga mambabasa na baka roon tumingin sa ilalim ng BABYLON, ARCHAEOLOGY, o LANGUAGE(S), depende sa aspekto ng paksa na pumupukaw ng interes nila. Sa gayon, pinagsikapan na ulitin ang mga reperensiya sa ilalim ng sarisaring angkop na mga paulo, na isinasaisip na ang mga mambabasa ay may iba’t ibang edad at mga karanasan, at sila’y may iba’t ibang layunin.
Kung Papaano Makatutulong sa Iyo ang Index
Tulad ng isang mapa ang Index ay mapapakinabangan mo lamang kung iyon ay gagamitin mo. Ano ba ang aasahan mong masusumpungan maging sa indise ng paksa o sa seksiyon ng indise ng Kasulatan na kasunod nito?
Ang mga reperensiya sa seksiyon ng indise ng Kasulatan ay para sa materyal na nagpapaliwanag ng indibiduwal na talata. Baka makatagpo ka ng paliwanag tungkol sa tagpo na may kaugnayan sa mga salita ng isang teksto, kung bakit iyon isinulat, kanino iyon kumakapit, o tumutukoy sa kahulugan ng indibiduwal na mga salita o parirala. Ang isang halimbawa ay yaong kahilingan na nakapaloob sa modernong panalangin na ibinigay ni Jesus: “Huwag mo kaming ihatid sa tukso.” (Mateo 6:13) Bakit ganiyan ang pagkasabi riyan? Ang indise ng Kasulatan ang tutulong sa iyo upang alamin iyon.
Ang indise ng paksa, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ay isang indise unang-una ng mga paksa imbis ng mga salita o mga parirala. Pagka hinahanap ang isang artikulo sa pamamagitan ng titulo niyaon, ang ilang mambabasa ay nahihirapan na matagpuan iyon. Ang problemang ito ay maaaring lumitaw kapag walang salita sa titulo na talagang mapagkakakilanlan sa paksa. Ang isang halimbawa ay ang artikulong “Gaano ang Labis-labis?,” na tumatalakay sa mga epekto ng alak. Yamang natatandaan mo ang nilalaman ng artikulo, maaari mong tingnan ang ALCOHOLIC BEVERAGES o DRINKING sa Index, at makikita mong iyon ay isa sa mga reperensiya roon.
Ang Index ay may tanging maitutulong sa paghanap ng impormasyon tungkol sa mga problemang napapaharap sa iyo. Halimbawa, kung ikaw ay isang magulang, ikaw ba paminsan-minsan ay nakadarama ng pagkabigo sa iyong pagsisikap na disiplinahin at akayin ang iyong mga anak? Sa ilalim ng CHILDREN ay masusumpungan mo ang mga reperensiya na nagbibigay ng matalinong unawa tungkol sa kanilang kaisipan, damdamin, at pangangailangan. Gayunman, sa ilalim ng paulong CHILD TRAINING, ay makasusumpong ka ng mga reperensiya para sa pagtuturo at pagdisiplina sa lahat ng pitak nito.
Ang Watch Tower Society manakanaka ay tumatanggap ng mga liham na humihingi ng tulong sa paglutas ng kanilang mga suliraning pangmag-asawa o nagtatanong tungkol sa kung nararapat baga ang mga ilang pagtatalik na pangmag-asawa. Bagaman ang Samahan ay maaaring makatugon, ang ganoon ding sensitibo, praktikal na payo ay matatagpuan kung babaling sa paulong MARRIAGE, na may mga subtitulong “problems” at “sex” o “sexual relations,” at hanapin iyon sa mga reperensiyang nakatala roon.
Tumatanggap din ng mga liham sa mga dumaranas ng panlulumo o diperensiya sa isip. Ang payo at tulong na ibinibigay sa pamamagitan ng liham ay mas mabilis na matatagpuan sa iyong sariling aklatan o sa naroroon sa lokal na Kingdom Hall sa pamamagitan ng paghahanap sa ilalim ng paulong DEPRESSION at MENTAL ILLNESS sa Index. Mga artikulong nagpapaliwanag kung papaano pakikitunguhan ang diperensiya sa isip, ang mga paraan ng paggamot, at ang nakababagbag-damdaming mga karanasan ng mga taong dumanas ng panlulumo ay tinutukoy roon.
Ikaw ba ay isang kabataan? Marahil ay interesado ka sa pag-aasawa, sa buhay pampamilya, paaralan, sa iyong kaugnayan sa iyong mga magulang at sa iba pa. Ang pangunahing paulo na YOUTHS ay may mga reperensiya sa ilalim ng lahat ng mga subtitulong ito at iba pa. Bukod dito, mga paulo na gaya ng RELATIONSHIPS, SCHOOLS, CAREER, at COURTSHIP ay maraming maituturo. Para sa mga report sa paaralan, ang Index ay makaaakay sa iyo na makasumpong ng maiinam na materyal tungkol sa kalikasan, siyensiya, droga, ekonomiya, at marami pang iba.
Mga Pakinabang Para sa Lahat ng Grupong May Iba’t ibang Edad
Isang 81-anyos na babae ang sumulat: “Ang mga aklat at mga magasin ay isang malaking minahan ng ginto na mapagkukunan ng impormasyon at espirituwal na lakas—at ang Index ang nag-aahon sa ginto upang pumaibabaw.” Isang ina na ang mga anak ay edad otso at nuebe anyos ang nagsabi: “Ngayon ay naiisip ko kung papaano na nga ako kung wala ito. Ito ang tumulong sa akin na masagot ang marami sa mga katanungan na nakabagabag sa akin nang matagal na panahon at ang pagsasaliksik sa oras ng paghahanda para sa mga pulong sa kongregasyon ay naging lubhang madali. . . . Nais ko ring sabihin sa inyo kung papaano natulungan ng publikasyong ito ang aming pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. . . . Pagka ang mga anak na babae namin ay pinamimilì ng aking asawa ng kung ano ang ibig nilang gawin, malimit na ibig nilang magsaliksik na ginagamit ang Index. Sila’y natutuwa na pumili ng isang paksang doo’y interesado sila, tulad halimbawa ng kanilang paboritong mga hayop o iba’t ibang bansa, at kanilang nahahanap ang impormasyon pagkatapos na bigyan sila ng bahagyang tulong. Ito’y nagturo rin sa kanila na ang pag-aaral ng Bibliya ay nakatutuwa.”
Ang paghahanap ng nakalulugod na mga salita at ng tamang mga salita ng katotohanan ay mga gantimpalang di-matutumbasan ng anumang halaga. Ang pagpapagal ng Mángangarál ay nagbigay ng mga kapakinabangang higit kaysa kaniyang layunin noon pa mang una, sapagkat ang gayong mga salita ay nagsilbing pampatibay-loob at patnubay sa mga lingkod ni Jehova hanggang sa araw na ito. Ang ating kaugnay na pagsisikap ay nagdadala rin sa atin ng pagpapala ni Jehova, na nagbubunga ng mga resulta na maaaring tumagal magpakailanman.—Kawikaan 3:13-18, 21-26.
[Kahon/Larawan sa pahina 28, 29]
Sinaunang mga Indise
Noong 1902 isang pantanging edisyon ng Holman Parallel Edition Bible ang ginawa para sa Watch Tower Society, at ito’y may malalawak na pantulong na inihanda ng Samahan. Ang apendiseng ito ay may kapuwa mga indise ng paksa at Kasulatan sa mga serye ng mga aklat ng Millennial Dawn (nang malaunan ay nakilala bilang Studies in the Scriptures), dalawang pangunahing pulyeto, at Zion’s Watch Tower para sa 1879-1901.
Ang Berean Bibles ng 1907 at pagkatapos ay naglaan ng nakakatulad na mga indise. Ito’y hinalinhan noong 1922 ng malalawak na indise sa lahat ng mga publikasyon ng Samahan. Ang mga indiseng ito ay inilathala sa panghuli sa pitong tomo ng Watch Tower reprints (1879-1919). Magpahanggang sa araw na ito ang huling binanggit ang pangunahing mga paraan ng paghanap ng materyal na lathala sa mga sinaunang publikasyon ng Watch Tower Society.
Gayunman, sa sumunod na 40 taon ang pagsasaliksik sa mga publikasyon na labas pagkatapos nang 1919 ay kinailangang gawin sa pamamagitan ng paggamit ng kalat-kalat na mga indise sa likod ng mga aklat at sa huling labas ng magasin bawat taon. Subalit noong 1959 ang Samahan ay nagsagawa ng isang malaking proyekto na maglagay ng isang indise ng paksa at ng Kasulatan sa isang nag-iisang tomo para sa mga publikasyong ito sa Ingles. Isang lupon ang binuo na doo’y kasali ang mga kagawad na manggagawa sa punong tanggapan, mga misyonerong nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead, at pati naglalakbay na mga tagapangasiwa buhat sa New York City. Pagkaraan ng isang taon at kalahati ng puspusang pagpapagal ng 18 nag-alay na mga manggagawa, ang unang Watch Tower Publications Index, na may mga seksiyon para sa mga paksang tinalakay at mga kasulatang ipinaliwanag, na sumasaklaw ng 31 taon mula 1930 hanggang 1960, ay inilabas. Iyan ay unang inilabas sa nagagalak na mga tagapakinig sa 1961 Mga Asamblea ng Nagkakaisang mga Mananamba.
Sapol noon, isang Watch Tower Publications Index ang inilalathala sa Ingles taun-taon, at naglalathala ng isang pinabalatang akumulatibong Index tuwing limang taon.