BUHANGIN
Materyal na buhaghag, butil-butil at binubuo ng mga partikula na mas maliliit kaysa sa graba ngunit mas magaspang kaysa sa banlik. Sa kaniyang dakilang karunungan, ‘inilagay ng Diyos na Jehova ang buhanginan bilang hangganan ng dagat, isang tuntuning namamalagi nang walang takda anupat hindi ito makalalampas.’ (Jer 5:22) Di-tulad ng taganas na bato, ang buhangin ay bumibigay at sa gayon ay ito ang tumatanggap sa lakas ng hampas ng mga alon. Nababasag at napapawi ang puwersa ng nagngangalit na mga alon, anupat napipigilan ang dagat.
Nang pagpalain niya ang mga tribo nina Zebulon at Isacar, sinabi ni Moises na “sisipsipin nila ang napakasaganang yaman ng mga dagat at ang mga nakatagong imbak sa buhanginan.” (Deu 33:18, 19) Maaaring nangangahulugan ito na pagpapalain sila ng mga kayamanan ng dagat at lupa.
Paulit-ulit na ginagamit sa Bibliya ang “buhangin sa dagat” upang tumukoy sa pagiging di-mabilang o pagiging napakarami. (Gen 22:17; 32:12; 41:49; Jos 11:4; Aw 78:27; 139:17, 18; Jer 15:8; Heb 11:12) Ngunit ang bilang na tinutukoy ay hindi naman pagkalaki-laki sa bawat kaso. Gayunman, sa paningin ng nagmamasid, napakalaki ng bilang ng mga persona o mga bagay na nasasangkot anupat hindi matiyak ang dami nito. Halimbawa, ang isang bahagi ng mga hukbong Filisteo na lumusob sa Israel noong mga araw ni Haring Saul ay inilalarawan bilang “mga taong gaya ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat dahil sa dami.” (1Sa 13:5) Ang bilang niyaong mga maililigaw ni Satanas matapos siyang pawalan mula sa kalaliman, ayon sa nakita ni Juan sa pangitain, ay sinasabing “gaya ng buhangin sa dagat,” samakatuwid nga, napakalaki ng bilang anupat hindi matiyak ni Juan kung ilan iyon.—Apo 20:8.
Nang ilarawan ang tindi ng kaniyang pagkaligalig, ipinahayag ng tapat na si Job: “Mas mabigat pa ito kaysa sa mga buhangin sa mga dagat.” (Job 6:3) Sa katamtaman, ang 1 m kubiko (1.3 yarda kubiko) lamang ng basang buhangin ay tumitimbang nang 1,900 kg (4,200 lb). Bagaman mabigat na pasan ang isang kargang buhangin, ang pagkayamot na dulot ng isang taong mangmang ay mas mabigat pa para sa isa na kailangang magtiis niyaon. Ipinahihiwatig ito sa Kawikaan 27:3: “Ang bigat ng bato at ang isang kargang buhangin—ngunit ang pagkayamot na dulot ng mangmang ay mas mabigat kaysa sa dalawang iyon.”