Makagagawa Ka ng Espirituwal na Pagsulong
ANG tunay na halaga ay maaaring mahirap makilala. Totoo iyan sa mga brilyante. Bagaman ang makinis na brilyante ay kumikislap, malamlam lamang ang kinang ng isang hindi pa natabas na brilyante. Gayunpaman, sa loob ng hindi pa natatabas na brilyante ay naroroon ang di-matututulang posibilidad ng isang magandang hiyas.
Sa maraming paraan, ang mga Kristiyano ay katulad ng hindi pa natatabas na brilyante. Bagaman malayo pa rin tayo sa kasakdalan, tayo ay may natatagong halaga na makabuluhan kay Jehova. Gaya ng mga brilyante, lahat tayo ay may kani-kaniyang kakaibang katangian. At bawat isa sa atin ay makagagawa ng higit pang pagsulong sa espirituwal kung iyan ang taos-puso nating hangarin. Mapabubuti pa ang ating personalidad, upang lalo itong kuminang sa ikaluluwalhati ni Jehova.—1 Corinto 10:31.
Pagkatapos na matabas at mapakinis, ang isang brilyante ay inilalagay sa isang enggaste na nagpapatingkad sa kinang nito. Gayundin naman, maaari tayong gamitin ni Jehova sa iba’t ibang kalagayan, o atas, kung ‘magbibihis tayo ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.’—Efeso 4:20-24.
Ang gayong espirituwal na pagsulong ay maaaring hindi madali, kung paanong ang isang brilyante na nasa likas na anyo nito ay madalang na mangislap na gaya ng isang hiyas. Baka kailangang iwaksi natin sa ating sarili ang isang namamalaging kahinaan, baguhin ang ating pangmalas sa pagtanggap ng pananagutan, o magpumilit pa ngang alisin sa ating sarili ang isang nakaugalian. Subalit makagagawa tayo ng pagsulong kung talagang gusto natin, yamang ang Diyos na Jehova ay makapagbibigay sa atin ng “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Corinto 4:7; Filipos 4:13.
Pinalalakas ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod
Ang pagtabas ng brilyante ay nangangailangan ng kumpiyansa na resulta ng wastong kaalaman, yamang minsang matabas ang isang bahagi ng magaspang na brilyante, ito ay karaniwan nang nasasayang. Kailangang tabasin ang mamahaling materyal—kung minsan ay mga 50 porsiyento ng di-tabas na bato—upang magawa ang ninanais na hubog. Kailangan din natin ang kumpiyansa na resulta ng pagkakaroon ng tumpak na kaalaman upang mahubog ang ating personalidad at sumulong sa espirituwal. Tayo ay lalo nang dapat magtiwala na palalakasin tayo ni Jehova.
Gayunman, baka akalain natin na hindi natin kaya o isipin natin na hindi tayo makagagawa nang higit pa. Noong una, ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay nakadarama rin ng gayon kung minsan. (Exodo 3:11, 12; 1 Hari 19:1-4) Nang atasan ng Diyos na maging isang “propeta sa mga bansa,” si Jeremias ay bumulalas: “Naririto’t talagang hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako’y isang bata lamang.” (Jeremias 1:5, 6) Gayunman, sa kabila ng kaniyang pag-aatubili, si Jeremias ay naging matapang na propeta na naghatid ng tuwirang mensahe sa isang galit na bayan. Paano nangyari ito? Natuto siyang manalig kay Jehova. Nang maglaon ay sumulat si Jeremias: “Pinagpala ang taong malakas ang pangangatawan na naglalagak ng kaniyang tiwala kay Jehova, at ang pagtitiwala ay kay Jehova.”—Jeremias 17:7; 20:11.
Sa ngayon, pinalalakas din ni Jehova yaong naglalagak ng kanilang tiwala sa kaniya. Nasumpungan ni Edward,a isang ama na may apat na anak at mabagal sumulong sa espirituwal, na totoo ito. Ganito ang paliwanag niya: “Siyam na taon na akong Saksi ni Jehova, subalit parang hindi ako sumusulong sa espirituwal. Ang problema ay kaunti ang aking pangganyak at wala akong kumpiyansa. Pagkatapos lumipat sa Espanya, napaugnay ako sa isang maliit na kongregasyon na may isa lamang matanda at isang ministeryal na lingkod. Dahil sa pangangailangan, hiniling sa akin ng matanda na humawak ng maraming atas. Ninerbiyos ako nang husto nang ibigay ko ang aking unang mga pahayag at mga bahagi sa pulong. Gayunman, natuto akong manalig kay Jehova. Ang matanda ay laging pumupuri sa akin at nagbibigay ng mataktikang mga mungkahi para sa pagsulong.
“Kasabay nito, dinagdagan ko ang aking gawain sa paglilingkod sa larangan at pinagbuti ang aking espirituwal na pangunguna sa aking pamilya. Bunga nito, lalong naging makabuluhan ang katotohanan sa buong pamilya, at lalo akong nakadama ng kasiyahan. Ako ngayon ay isa nang ministeryal na lingkod, at nagsisikap ako upang malinang ang mga katangian ng isang tagapangasiwang Kristiyano.”
“Hubarin Ninyo ang Lumang Personalidad”
Gaya ng natanto ni Edward, sa espirituwal na pagsulong ay kailangan ang pagtitiwala kay Jehova. Ang paglinang ng tulad-Kristong “bagong personalidad” ay mahalaga rin. Paano magagawa ito? Ang unang hakbang ay “hubarin” ang mga kaugalian na bahagi ng lumang personalidad. (Colosas 3:9, 10) Kung paanong kailangang alisin ang mga depekto, tulad ng ibang mineral, mula sa isang hindi pa natatabas na brilyante upang ito ay maging isang makislap na hiyas, kailangan din namang iwaksi ang mga saloobin na “nauukol sa sanlibutan” upang ang ating bagong personalidad ay magningning.—Galacia 4:3.
Isa sa gayong saloobin ay ang pag-aatubiling tumanggap ng pananagutan dahil sa takot na masyadong marami ang hihilingin sa atin. Totoo, ang pananagutan ay nangangahulugan ng paggawa, subalit ito ay kasiya-siyang paggawa. (Ihambing ang Gawa 20:35.) Inamin ni Pablo na sa makadiyos na debosyon ay kailangang ‘gumawa tayo nang masikap at magpunyagi.’ Sinabi niya na natutuwa tayong gawin iyon “sapagkat inilagak natin ang ating pag-asa sa isang Diyos na buháy,” isa na hindi lumilimot kailanman sa ating ginagawa alang-alang sa ating mga kapuwa Kristiyano at sa iba.—1 Timoteo 4:9, 10; Hebreo 6:10.
Ang ilang brilyante ay nagkaroon ng “lamat” nang ang mga ito’y nabubuo pa lamang at kailangang hawakan nang maingat ang mga ito. Subalit sa tulong ng isang instrumento na tinatawag na polariscope, matatagpuan ng tagapagpakinis ang lamat at matagumpay na makagagawa sa bato nang matagumpay. Marahil ay mayroon tayong panloob na lamat, o kahinaan sa personalidad, dahil sa ating kinalakhan o isang masakit na karanasan. Ano ang magagawa natin? Una, kailangang kilalanin natin ang ating problema at sikaping pagtagumpayan ito hangga’t maaari. Tiyak na dapat nating ihinga ang ating niloloob kay Jehova sa panalangin, marahil ay humihingi rin ng espirituwal na tulong mula sa isang Kristiyanong matanda.—Awit 55:22; Santiago 5:14, 15.
Ang gayong panloob na lamat ay nakaapekto kay Nicholas. “Ang aking ama ay isang alkoholiko, at kami ng aking kapatid na babae ay pinahirapan niya nang husto,” ang paliwanag niya. “Nang huminto ako sa pag-aaral, umanib ako sa hukbo, subalit isinuong ako sa gulo ng aking rebelyosong hilig. Ibinilanggo ako ng mga awtoridad sa hukbo dahil sa pagtutulak ng droga, at sa isa pang pagkakataon ay tumakas ako. Sa wakas, umalis ako sa hukbo, subalit may problema pa rin ako. Bagaman magulo ang aking buhay dahil sa pag-aabuso sa droga at labis na pag-inom, nagkainteres ako sa Bibliya at nagnais na magkaroon ng layunin sa buhay. Sa wakas, nakausap ko ang mga Saksi ni Jehova, binago ang aking istilo ng pamumuhay, at niyakap ang katotohanan.
“Subalit inabot ng mga taon bago ko natanggap at napagtagumpayan ang depekto sa aking personalidad. Matindi ang aking pagkamuhi sa awtoridad at ako’y umaangal kapag pinapayuhan ako. Bagaman gusto ko na ako’y lubusang gamitin ni Jehova, hinahadlangan naman ako ng kahinaang ito. Sa wakas, sa tulong ng dalawang maunawaing matanda, inamin ko ang aking problema at sinimulang ikapit ang kanilang maibigin at maka-Kasulatang payo. Bagaman paminsan-minsan ay naghihinanakit pa rin ako nang kaunti, nasupil ko na ngayon ang aking rebelyosong paggawi. Nagpapasalamat ako sa matiising pakikitungo sa akin ni Jehova at sa maibiging pagtulong ng mga matatanda. Dahil sa aking espirituwal na pagsulong, kamakailan ay nahirang ako bilang isang ministeryal na lingkod.”
Gaya ng natuklasan ni Nicholas, hindi madaling baguhin ang malalim-ang-pagkakaugat na saloobin. Maaari tayong mapaharap sa gayunding hamon. Marahil tayo ay sobrang maramdamin. Baka tayo ay may kinikimkim na sama ng loob, o maaaring sobra ang ating pagpapahalaga sa kalayaan. Kung gayon, ang ating Kristiyanong pagsulong ay maaaring limitado. Nakakatulad nito ang nararanasan ng mga tagapagpakinis ng brilyante sa mga bato na tinatawag nilang naats. Ang totoo ang mga ito ay dalawang bato na naging isa nang nagsisimula pang mabuo ang brilyante. Bilang resulta, ang naats ay may dalawang magkasalungat na padron ng pagkakabuo na labis na nagpapahirap sa pagtabas na kaayon ng hilatsa. Sa kaso natin, nasusumpungan natin na nagkakalaban ang “hilatsa” ng pagkukusa sa “hilatsa” ng di-sakdal na laman. (Mateo 26:41; Galacia 5:17) Kung minsan, parang gusto na nating lubusang ihinto ang pakikipagpunyagi, anupat ikinakatuwiran na tutal ang di-kasakdalan ng ating personalidad ay hindi naman mahalaga. Baka sabihin natin, ‘Tutal, mahal pa rin naman ako ng aking pamilya at mga kaibigan.’
Gayunpaman, kung ibig nating paglingkuran ang ating mga kapatid at luwalhatiin ang ating makalangit na Ama, kailangang ‘baguhin natin ang puwersa na nagpapakilos sa ating pag-iisip’ sa pamamagitan ng pagsusuot ng bagong personalidad. Sulit ang pagsisikap, gaya ng mapatutunayan ni Nicholas at ng di-mabilang na iba pa. Alam ng isang tagapagpakinis ng brilyante na ang isang depekto ay makapagpapapangit sa buong brilyante. Gayundin naman, sa pagpapabaya sa isang mahinang aspekto ng ating personalidad, masisira natin ang ating espirituwal na hitsura. Lalong masama, ang isang malubhang kahinaan ay maaaring umakay sa ating espirituwal na pagbagsak.—Kawikaan 8:33.
Tulad ng “Ningas” sa Loob Natin
Sinisikap ng tagapagpakinis ng brilyante na patingkarin ang ningning sa loob ng brilyante. Nagagawa ito sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga tapyas upang ang mga ito’y magningning na may iba’t ibang kulay. Sa loob ng brilyante ay maaaninag ang sari-saring kulay ng liwanag, na siyang nagdudulot ng ningning na nagpapakislap sa brilyante. Sa katulad na paraan, ang espiritu ng Diyos ay maaaring maging gaya ng isang “ningas” sa loob natin.—1 Tesalonica 5:19; Gawa 18:25; Roma 12:11.
Subalit paano kung madama natin na kailangan nating maganyak sa espirituwal na paraan? Paano magagawa ito? Kailangan nating ‘pag-isipan ang ating mga lakad.’ (Awit 119:59, 60) Kasangkot dito ang pagkilala sa mga bagay na nagpapabagal sa ating espirituwalidad at pagkatapos ay alamin kung aling teokratikong mga gawain ang kailangan nating lalong itaguyod nang puspusan. Mapalalalim natin ang espirituwal na pagpapahalaga sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral at marubdob na pananalangin. (Awit 119:18, 32; 143:1, 5, 8, 10) Bukod dito, sa pakikisama sa mga lubusang nagpapagal sa pananampalataya, higit pa nating mapatitibay ang ating kapasiyahan na masigasig na paglingkuran si Jehova.—Tito 2:14.
Inamin ni Louise, isang kabataang Kristiyanong babae: “Pinag-isipan ko nang dalawang taon ang pagiging regular pioneer bago ako aktuwal na nagpatala bilang isang payunir, o buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian. Walang humahadlang sa akin, subalit maalwan ang takbo ng aking buhay, at hindi ko basta magawang iwan ito. Pagkatapos ay bigla na lamang namatay ang aking ama. Natanto ko kung gaano karupok ang buhay at na hindi ko ginagamit ang buhay ko sa pinakamainam na paraan. Kaya binago ko ang aking espirituwal na pangmalas, dinagdagan ang aking paglilingkod, at naging isang regular pioneer. Ang lalo nang nakatulong sa akin dito ay ang espirituwal na mga kapatid ko na laging sumusuporta sa mga kaayusan ng paglilingkod sa larangan at na regular na sumasama sa akin sa ministeryo. Natutuhan ko na mabuti man o masama, nahahawa tayo sa mga pamantayan at tunguhin ng ating mga kasamahan.”
Parang Pinatalas sa Pamamagitan ng Bakal
Ang mga brilyante ang likas na pinakamatigas na nabubuong yaman sa lupa. Kaya naman, kailangan ang isang brilyante upang matabas ang isa pa. Maaaring ipagunita nito sa mga estudyante ng Bibliya ang kawikaan na nagsasabi: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal mismo ay pinatatalas. Gayon pinatatalas ng tao ang mukha ng iba.” (Kawikaan 27:17) Paano “pinatatalas” ang mukha ng isang tao? Ang isang tao ay maaaring magtagumpay sa pagpapatalas sa talino at espirituwalidad ng kaniyang kapuwa, kung paanong magagamit ang isang piraso ng bakal upang patalasin ang isang talim na yari sa parehong metal. Halimbawa, kung tayo ay manlumo dahil sa isang kabiguan, ang pampatibay-loob ng ibang tao ay maaaring lubhang nakapagpapalakas. Ang ating malungkot na hitsura kung gayon ay mapabubuti, at tayo ay maaaring mapasigla para sa panibagong sigasig sa gawain. (Kawikaan 13:12) Lalo nang makatutulong ang matatanda sa kongregasyon upang mapatalas tayo sa pamamagitan ng paglalaan ng maka-Kasulatang pampatibay-loob at payo ukol sa pagsulong. Sinusunod nila ang simulain na sinabi ni Solomon: “Bigyan mo ang isang matalinong tao at siya ay lalong tatalino. Pagkalooban ng kaalaman ang isa na matuwid at susulong siya sa pagkatuto.”—Kawikaan 9:9.
Sabihin pa, nangangailangan ng panahon ang espirituwal na pagsasanay. Sa loob ng mahigit na sampung taon, ibinahagi ni apostol Pablo ang kaniyang karanasan at pamamaraan ng pagtuturo kay Timoteo. (1 Corinto 4:17; 1 Timoteo 4:6, 16) Ang mahabang yugto ng pagsasanay na ibinigay ni Moises kay Josue sa loob ng 40 taon ay matagal na pinakinabangan ng bansang Israel. (Josue 1:1, 2; 24:29, 31) Sinamahan ni Eliseo ang propetang si Elias sa loob marahil ng 6 na taon, anupat nakatanggap ng mainam na pundasyon para sa kaniya mismong ministeryo na nagtagal ng mga 60 taon. (1 Hari 19:21; 2 Hari 3:11) Sa matiyagang paglalaan ng patuloy na pagsasanay, sinusunod ng matatanda ang halimbawa nina Pablo, Moises, at Elias.
Ang pagbibigay ng komendasyon ay isang mahalagang bahagi ng pagsasanay. Ang taimtim na kapahayagan ng pagpapahalaga sa isang mahusay-ang-pagkakaganap na mga bahagi o para sa kapuri-puring mga gawa ay maaaring mag-udyok sa iba na naising lalo pang paglingkuran ang Diyos. Ang komendasyon ay nagpapaunlad ng kumpiyansa na siya namang naglalaan ng pampasigla upang mapanagumpayan ang mga kahinaan. (Ihambing ang 1 Corinto 11:2.) Ang pampasigla na sumulong sa katotohanan ay nagmumula rin sa pagiging lubhang abala sa gawaing pangangaral ng Kaharian at sa iba pang gawain sa kongregasyon. (Gawa 18:5) Kapag ang matatanda ay nag-aatas ng pananagutan sa mga kapatid na lalaki alinsunod sa kanilang espirituwal na pagsulong, ito ay nagbibigay sa mga lalaking ito ng kapaki-pakinabang na karanasan at malamang na makapagpapasidhi sa kanilang hangarin na patuloy na sumulong sa espirituwal.—Filipos 1:8, 9.
Mabuting Dahilan Para Gumawa ng Espirituwal na Pagsulong
Ang mga brilyante ay itinuturing na mahalaga. Totoo rin ito sa mga napapabilang ngayon sa pambuong-daigdig na pamilya ng mga mananamba ni Jehova. Sa katunayan, ang Diyos mismo ang tumatawag sa kanila na “kanais-nais,” o “mahalagang,” mga bagay ng lahat ng bansa. (Hagai 2:7, talababa sa Ingles) Sa nakaraang taon, 375,923 ang naging bautisadong Saksi ni Jehova. Upang mabigyang-lugar ang paglagong ito, kailangang ‘palakihin ang dako ng tolda.’ Sa pamamagitan ng pagsulong sa espirituwal—at sa pag-abot ng mga pribilehiyo sa Kristiyanong paglilingkod—posible na magkaroon ng bahagi sa pangangalaga sa paglagong ito.—Isaias 54:2; 60:22.
Hindi tulad ng maraming mahahalagang brilyante na iniingatan sa mga kaha-de-yero ng bangko at bihirang makita, ang ating espirituwal na halaga ay maaaring sumikat nang maningning. At habang ating regular na pinakikinis at inihahayag ang ating mga katangiang Kristiyano, niluluwalhati natin ang Diyos na Jehova. Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.” (Mateo 5:16) Walang-alinlangan, nagbibigay ito sa atin ng makatuwirang dahilan upang makagawa ng espirituwal na pagsulong.
[Talababa]
a Pinalitan ang mga pangalan sa artikulong ito.