ARALING ARTIKULO 8
‘Nagpapasaya Ba sa Puso’ ang Payo Mo?
“Ang langis at insenso ay nagpapasaya sa puso; gayon din ang pagkakaibigang pinapatibay ng taimtim na pagpapayo.”—KAW. 27:9.
AWIT 102 Tulungan ang Mahihina
NILALAMANa
1-2. Ano ang natutuhan ng isang brother pagdating sa pagbibigay ng payo?
MARAMING taon na ang nakakaraan, dalawang elder ang dumalaw sa isang sister na hindi nakakadalo ng pulong. Gumamit ng maraming teksto tungkol sa pagdalo sa pulong ang elder na nangunguna sa shepherding. Sa tingin niya, naging maayos naman ang pagdalaw nila. Pero nang paalis na sila ng kasama niya, sinabi ng sister, “Hindi n’yo alam ang pinagdaraanan ko.” Nagbigay agad ng payo ang mga brother na iyon nang hindi man lang inaalam ang kalagayan ng sister. Kaya para sa sister, hindi nakatulong ang payo nila.
2 Sinabi ng elder na nanguna sa pakikipag-usap: “Noong panahong iyon, iniisip ko na walang respeto ang sister. Pero nang makapag-isip-isip ako, na-realize ko na imbes na bumanggit ako ng mga angkop na teksto mula sa Bibliya, sana pala, nagtanong muna ako, ‘Kumusta ka na?’ ‘Kumusta na ang kalagayan mo?’ ‘Paano kami makakatulong?’” Malaki ang natutuhan ng elder na iyon sa karanasan niya. Ngayon, mas mapagmalasakit na pastol na siya.
3. Sino-sino sa kongregasyon ang puwedeng magbigay ng payo?
3 Bilang mga pastol, may pananagutan ang mga elder na magpayo kung kinakailangan. Pero baka kailangan ding magpayo ng ibang mga kapatid. Halimbawa, baka kailangan nilang payuhan mula sa Bibliya ang isang kaibigan. (Awit 141:5; Kaw. 25:12) O baka isang nakatatandang sister ang kailangang ‘magpayo sa mga nakababatang babae’ tungkol sa mga bagay na binanggit sa Tito 2:3-5. At ang mga magulang ay madalas na kailangang magpayo sa mga anak nila. Kahit na ang artikulong ito ay partikular nang para sa mga elder, tayong lahat ay makikinabang sa pagtalakay kung paano magpapayo nang praktikal, nakakapagpatibay, at “nagpapasaya sa puso.”—Kaw. 27:9.
4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
4 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang apat na tanong tungkol sa pagpapayo: (1) Ano ang tamang motibo? (2) Kailangan ba talagang magpayo? (3) Sino ang dapat magpayo? (4) Paano magiging epektibo ang payo mo?
ANO ANG TAMANG MOTIBO?
5. Paano makakatulong sa isang elder ang tamang motibo para maging katanggap-tanggap ang payo niya? (1 Corinto 13:4, 7)
5 Mahal ng mga elder ang mga kapatid. Kaya pinapayuhan nila kung minsan ang isang kapatid na nakikita nilang nanganganib na magkasala. (Gal. 6:1) Pero bago iyon gawin ng isang elder, baka kailangan niya munang pag-isipan ang mga binanggit ni apostol Pablo tungkol sa pag-ibig. “Ang pag-ibig ay matiisin at mabait. . . . Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, at tinitiis ang lahat ng bagay.” (Basahin ang 1 Corinto 13:4, 7.) Dapat pag-isipang mabuti ng isang elder ang mga tekstong ito. Makakatulong iyon para makita niya kung pag-ibig ang motibo niya sa pagpapayo. Kapag nararamdaman kasi ng pinapayuhan na nagmamalasakit ang elder, mas malamang na tanggapin niya ang payo.—Roma 12:10.
6. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ni apostol Pablo?
6 Nagpakita ng magandang halimbawa si apostol Pablo para sa mga elder. Pinayuhan niya ang mga kapatid sa Tesalonica noong kailangan nila ito. Pero sa mga liham niya sa kanila, binanggit muna ni Pablo ang pananampalataya nila, pag-ibig, at pagtitiis. Naging makonsiderasyon din siya sa kalagayan nila. Sinabi niya sa kanila na alam niyang hindi madali ang buhay nila dahil sa pag-uusig at mga problema. (1 Tes. 1:3; 2 Tes. 1:4) Sinabi pa nga niya sa kanila na magandang halimbawa sila sa ibang mga Kristiyano. (1 Tes. 1:8, 9) Tiyak na natuwa sila sa mga komendasyon ni Pablo! Kitang-kita na talagang mahal ni Pablo ang mga kapatid. Kaya pinakinggan at tinanggap ng mga taga-Tesalonica ang payo sa dalawang liham niya.—1 Tes. 4:1, 3-5, 11; 2 Tes. 3:11, 12.
7. Bakit binabale-wala ng ilan ang payo?
7 Ano ang puwedeng mangyari kapag mali ang paraan ng pagpapayo natin? Sinabi ng isang makaranasang elder, “Binabale-wala ng ilan ang payo, hindi dahil may mali sa payo. Minsan kasi, hindi maibigin ang paraan ng pagpapayo.” Ano ang matututuhan natin dito? Kung pag-ibig ang nararamdaman mo imbes na inis kapag nagbibigay ng payo, mas madali itong tanggapin.
KAILANGAN BA TALAGANG MAGPAYO?
8. Ano muna ang dapat itanong ng elder sa sarili bago magpayo?
8 Hindi dapat maging padalos-dalos ang mga elder sa pagpapayo. Bago ito gawin, dapat munang itanong ng elder: ‘Kailangan ba talaga akong magsalita? Mali ba talaga ang ginagawa ng kapatid? May nalalabag ba siyang utos sa Bibliya? O baka magkaiba lang talaga kami ng opinyon?’ Iniiwasan ng mga elder na maging “padalos-dalos sa [kanilang] pagsasalita.” (Kaw. 29:20) Baka hindi sigurado ang isang elder kung kailangan niyang payuhan ang isang kapatid. Puwede niyang kausapin ang isa pang elder para matiyak kung may nalalabag bang utos sa Bibliya ang kapatid at kung kailangan itong payuhan.—2 Tim. 3:16, 17.
9. Ano ang matututuhan natin kay Pablo pagdating sa pagpapayo tungkol sa pananamit at pag-aayos? (1 Timoteo 2:9, 10)
9 Tingnan ang isang halimbawa. Isang elder ang nag-aalala sa paraan ng pananamit o pag-aayos ng isang kapatid. Puwedeng itanong ng elder sa sarili niya, ‘May makakasulatang dahilan ba para magpayo?’ Dahil ayaw ng elder na magpayo batay sa sarili niyang opinyon, puwede siyang magtanong sa isa pang elder o sa isang may-gulang na kapatid. Magkasama nilang pag-aaralan ang payo ni Pablo tungkol sa pananamit at pag-aayos. (Basahin ang 1 Timoteo 2:9, 10.) May mga prinsipyong ibinigay si Pablo na nagpapakitang dapat na maayos, mahinhin, at kakikitaan ng matinong pag-iisip ang pananamit ng isang Kristiyano. Pero hindi nagbigay si Pablo ng listahan ng mga dapat at di-dapat isuot. Alam niya na may karapatan ang mga kapatid na magdesisyon kung ano ang gusto nilang isuot hangga’t wala itong nalalabag na prinsipyo sa Bibliya. Kaya para malaman ng mga elder kung kailangang payuhan ang isang kapatid o hindi, dapat muna nilang isaalang-alang kung ang pananamit ng kapatid ay nagpapakita ng kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.
10. Ano ang dapat nating tandaan pagdating sa desisyon ng iba?
10 Makakatulong kung tatandaan natin na puwedeng magkaroon ng magkaibang desisyon ang dalawang may-gulang na kapatid. Pero hindi ibig sabihin na tama ang isa sa kanila at ang isa ay mali. Hindi natin dapat ipilit sa kapatid natin kung ano ang sa tingin nating tama at mali.—Roma 14:10.
SINO ANG DAPAT MAGPAYO?
11-12. Kung kailangang payuhan ang isang kapatid, anong mga tanong ang dapat pag-isipan ng elder, at bakit?
11 Kung malinaw na kailangan talagang magbigay ng payo, sino ang dapat gumawa nito? Bago magpayo sa isang sister na may asawa o sa isang menor de edad, kakausapin muna ng elder ang ulo ng pamilya. Baka kasi gusto nito na siya ang kumausap sa kapamilya niya,b o kaya nandoon siya habang nagpapayo ang elder. At gaya ng binanggit sa parapo 3, kung minsan, mas makakabuti kung isang nakatatandang sister ang magpapayo sa nakababatang sister.
12 May dapat pang isaalang-alang ang isang elder, ‘Ako ba talaga ang dapat na magpayo, o may ibang mas karapat-dapat na gumawa nito?’ Halimbawa, baka mababa ang tingin sa sarili ng isang kapatid at mas makikinig siya sa isang elder na nakaranas din ng ganoon. Mas malamang kasi na maiintindihan siya ng elder na iyon at magiging mas katanggap-tanggap sa kaniya ang payo nito. Pero pananagutan ng lahat ng elder na patibayin ang mga kapatid na gumawa ng pagbabago ayon sa Bibliya. Naranasan man o hindi ng mga elder ang pinagdaraanan ng isang kapatid, ang pinakamahalaga, maibigay ang kinakailangang payo.
PAANO MAGIGING EPEKTIBO ANG PAYO MO?
13-14. Bakit mahalagang makinig ang isang elder?
13 Maging handang makinig. Kapag naghahanda ng maipapayo ang isang elder, dapat niya munang itanong: ‘Ano ang alam ko sa kalagayan ng kapatid? Kumusta kaya siya? May pinagdaraanan ba siya na hindi ko alam? Ano ang pinakakailangan niya ngayon?’
14 Makakatulong sa mga nagbibigay ng payo ang prinsipyo sa Santiago 1:19. Isinulat ni Santiago: “Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal magalit.” Baka iniisip ng isang elder na alam na niya ang lahat ng kailangan niyang malaman. Pero ganoon nga kaya? Sinasabi ng Kawikaan 18:13: “Kapag sumasagot ang isang tao bago niya marinig ang mga detalye, kamangmangan iyon at kahiya-hiya.” Mas maganda na alamin mo mismo mula sa tao kung ano ang kalagayan niya. Kaya mahalagang makinig muna ang isang elder bago magsalita. Huwag kalimutan ang aral na natutuhan ng elder na binanggit sa simula ng artikulong ito. Napag-isip-isip niya na imbes na pasimulan agad ang pagdalaw gamit ang materyal na pinaghandaan niya, dapat pala ay nagtanong muna siya: “Kumusta ka na?” “Kumusta na ang kalagayan mo?” “Paano kami makakatulong?” Kung maglalaan ng panahon ang mga elder para alamin ang kalagayan ng mga kapatid, mas malamang na makatulong sila at pakinggan.
15. Paano masusunod ng mga elder ang prinsipyo sa Kawikaan 27:23?
15 Kilalanin ang kawan. Gaya ng binanggit sa pasimula, para maging epektibo ang payo, hindi sapat na basta magbasa ng ilang teksto o magbigay ng mga mungkahi. Kailangang maramdaman ng mga kapatid na nagmamalasakit tayo sa kanila, naiintindihan natin sila, at gusto natin silang tulungan. (Basahin ang Kawikaan 27:23.) Dapat magsikap ang mga elder na kaibiganin ang mga kapatid.
16. Ano ang tutulong sa mga elder na makapagbigay ng epektibong payo?
16 Iniiwasan ng mga elder na isipin ng mga kapatid na sa tuwing lumalapit sila, may ipapayo sila o itatawag-pansin. Kaya regular na nakikipag-usap ang mga elder sa mga kapatid para ipakitang nagmamalasakit sila sa kanila. “Kapag ginawa mo iyan,” ang sabi ng isang makaranasang elder, “magiging kaibigan mo ang mga kapatid. Kaya kapag kailangan mo nang magbigay ng payo, mas magiging madali na para sa iyo na gawin iyon.” Mas madali ring tatanggapin ng pinapayuhan ang payo mo.
17. Kailan lalo nang dapat maging matiisin at mabait ang isang elder?
17 Maging matiisin at mabait. Kailangang-kailangan ang pagtitiis at kabaitan lalo na kapag sa umpisa, hindi pinapakinggan ng pinapayuhan ang sinasabi ng Bibliya. Kaya dapat iwasan ng elder na mainis kapag hindi agad tinanggap ang payo niya. Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Hindi niya dudurugin ang nabaling tambo, at hindi niya papatayin ang aandap-andap na mitsa.” (Mat. 12:20) Sa personal na panalangin ng elder, puwede niyang banggitin ang nangangailangan ng payo at hilingin kay Jehova na tulungang maintindihan nito kung bakit kailangan ang payo at sundin ito. Baka kailangan din ng panahon para makapag-isip-isip muna ang kapatid na pinapayuhan. Kung matiisin at mabait ang elder, hindi sa paraan ng pagpapayo magpopokus ang pinapayuhan kundi sa payo. Pero siyempre, dapat na laging mula sa Salita ng Diyos ang payo niya.
18. (a) Pagdating sa pagpapayo, ano ang dapat nating tandaan? (b) Gaya ng makikita sa larawan at kahon, ano ang pinag-uusapan ng mga magulang?
18 Matuto sa mga pagkakamali mo. Dahil hindi pa tayo perpekto, hindi natin masusunod ang lahat ng mungkahi sa artikulong ito. (Sant. 3:2) Magkakamali’t magkakamali pa rin tayo, pero dapat nating sikaping matuto mula sa mga iyon. Kapag nararamdaman ng mga kapatid natin na mahal natin sila, mas madali nila tayong mapapatawad sa nasabi o nagawa natin.—Tingnan din ang kahong “Paalala sa mga Magulang.”
ANO ANG NATUTUHAN NATIN?
19. Paano natin mapapasaya ang puso ng mga kapatid natin?
19 Nakita nating hindi madaling magbigay ng epektibong payo. Hindi tayo perpekto, pati na ang mga pinapayuhan natin. Tandaan ang mga prinsipyong tinalakay sa artikulong ito. Tiyaking magpayo nang may tamang motibo. Tiyakin din na kailangan talaga iyon at ikaw ang karapat-dapat na magpayo. Bago magpayo, magtanong at makinig mabuti para maintindihan ang pinagdaraanan ng pinapayuhan mo. Sikaping ilagay ang sarili mo sa kalagayan niya. Maging malumanay at kaibiganin ang mga kapatid. Tandaan: Gusto nating maging epektibo at “nagpapasaya sa puso” ang payo natin.—Kaw. 27:9.
AWIT 103 Mga Pastol—Regalo ng Diyos
a Hindi laging madaling magbigay ng payo. Paano natin magagawa ito sa paraang mapapatibay at matutulungan ang iba? Makakatulong ang artikulong ito lalo na sa mga elder para pakinggan at sundin ang payo nila.
b Tingnan ang artikulong “Ano ang Ibig Sabihin ng Pagkaulo sa Kongregasyon?” sa Bantayan, isyu ng Pebrero 2021.