PATUTOT
Ang terminong ito ay kadalasang ikinakapit sa isang babae na nagsasagawa ng seksuwal na pakikipagtalik sa labas ng buklod ng pag-aasawa, lalo na kung kinaugalian niya itong gawin kapalit ng isang kabayaran. Sa katunayan, ang terminong Griego na porʹne (patutot; babaing mapakiapid) ay nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “magtinda.” (Apo 17:1, tlb sa Rbi8) Ang terminong Hebreo na zoh·nahʹ (isinalin sa Ingles bilang harlot at prostitute; sa Tagalog, “patutot”) ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na za·nahʹ, na nangangahulugang “magpatutot; magkaroon ng imoral na pakikipagtalik; makiapid.”
Sa pasimula pa lamang, hinahatulan na ng Diyos ang pagpapatutot. Itinatag mismo ng Diyos sa Eden ang sakdal na pamantayan para sa pag-aasawa noong ikasal sina Adan at Eva, nang Kaniyang sabihin: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Gen 2:24) Bagaman hinatulan ng Diyos ang pagpapatutot, pinahintulutan naman niya ang pagkakaroon ng mga kinakasamang babae at ang poligamya, maging sa gitna ng kaniyang mga lingkod, hanggang sa dumating ang kaniyang takdang panahon upang sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay muling itatag ang sakdal na pamantayan para sa pag-aasawa. Sinipi ni Jesus ang mga salita ng kaniyang Ama na nabanggit sa itaas, at idiniin ng apostol na si Pablo na dapat sundin ng kongregasyong Kristiyano ang alituntuning ito. Ipinakita niya na ang Kristiyanong lumalabag sa alituntuning ito ay naglalakip ng kaniyang sarili sa isang patutot, bilang “iisang katawan.”—Mat 19:4-9; 1Co 6:16.
Makikita sa kaso ni Juda na apo sa tuhod ni Abraham ang pangmalas ng mga lingkod ng Diyos noong unang panahon hinggil sa pagpapatutot. Habang tumatahan siya bilang isang naninirahang dayuhan sa Canaan kung saan pinahihintulutan ang pagpapatutot, ang ulo ng pamilya na si Juda ay sumiping kay Tamar (balo ng kaniyang anak na si Er) na noo’y nagbalatkayo bilang patutot. Nang matuklasan na si Tamar ay nagdadalang-tao dahil dito, ganito ang iniulat kay Juda: “Si Tamar na iyong manugang ay nagpatutot, at narito, siya ay nagdadalang-tao rin sa kaniyang pagpapatutot.” Iniutos ni Juda na sunugin si Tamar (samakatuwid nga, patayin muna, pagkatapos ay sunugin bilang karima-rimarim) dahil itinuturing siyang katipan ng anak ni Juda na si Shela. Nang matuklasan niya ang buong katotohanan, hindi nagdahilan si Juda sa ginawa niyang pagsiping sa napagkamalang patutot, ngunit sinabi niya hinggil kay Tamar: “Siya ay higit na matuwid kaysa sa akin, sa dahilang hindi ko siya ibinigay kay Shela na aking anak.” Pinagpaumanhinan niya si Tamar sa ginawa nitong pagkilos upang magkaroon ng supling mula kay Juda dahil hindi ibinigay ni Juda si Tamar sa anak niyang si Shela upang tuparin nito kay Tamar ang pag-aasawa bilang bayaw.—Gen 38:6-26.
Sa Ilalim ng Kautusan. Ipinag-utos ng Diyos sa Israel: “Huwag mong lalapastanganin ang iyong anak na babae sa pamamagitan ng paggawang patutot sa kaniya, upang ang lupain ay hindi magpatutot at ang lupain ay mapuno nga ng kahalayan sa moral.” (Lev 19:29) Ang pangangalunya ay ipinagbawal ng ikapitong utos (Exo 20:14; Deu 5:18); kamatayan ang parusa para sa mga nagkasala. (Lev 20:10) Ang babaing nasumpungang nagkasala ng pagpapakasal habang nagkukunwaring isang birhen ay papatayin. (Deu 22:13-21) Kung ang isang babaing ipinakipagtipan ay makiapid sa ibang lalaki, ituturing siyang kapareho ng isang mapangalunyang asawang babae, at siya’y papatayin. (Deu 22:23, 24) Ang dalagang nakiapid ay ipakakasal sa lalaking dumaya at sumiping sa kaniya malibang tumanggi ang ama ng babae na pahintulutan ang pag-aasawang iyon.—Exo 22:16, 17; Deu 22:28, 29.
Dahil dito at sa iba pang mga kadahilanan, walang alinlangan na ang mga patutot sa Israel ay mga babaing banyaga, maliban sa ilan. Paulit-ulit na nagbababala ang Mga Kawikaan laban sa “babaing di-kilala” at “ibang babae” na maaaring umakit sa isang lalaki sa paggawa ng imoralidad.—Kaw 2:16; 5:20; 7:5; 22:14; 23:27.
Ang mga saserdote ay pinagbawalan ng Kautusan na mag-asawa ng isang patutot, at kung ang anak na babae ng isang saserdote ay magpatutot, siya’y papatayin at pagkatapos ay susunugin sa apoy. (Lev 21:7, 9, 14) Hindi maaaring tanggapin bilang abuloy sa santuwaryo ni Jehova ang “upa sa isang patutot,” sapagkat ang mga patutot ay karima-rimarim sa paningin ni Jehova.—Deu 23:18.
Tumibay ang pananampalataya ng mga taong-bayan kay Solomon bilang karapat-dapat na kahalili ni David sa trono ng Israel dahil sa matalino at maunawaing paghawak niya sa kaso ng dalawang patutot. Malamang, hindi mapagpasiyahan ng mga hukom sa mababang hukuman ang kasong ito, kaya naman isinangguni ito sa hari. (Deu 1:17; 17:8-11; 1Sa 8:20) Maaaring ang mga babaing ito ay mga patutot, hindi sa diwang nagbebenta sila ng aliw, kundi mga babaing nakiapid, anupat maaaring sila’y mga babaing Judio o posibleng mga babaing may lahing banyaga.—1Ha 3:16-28.
Mga Patutot sa Templo. Ang mga patutot sa templo ay naging prominenteng bahagi ng huwad na relihiyon. Iniuulat ng istoryador na si Herodotus (I, 199) na ang “pinakamaruming kaugalian sa Babilonya ay ang pagpilit sa bawat babae sa lupain na maupo sa templo ni Aphrodite minsan sa kaniyang buong buhay at makipagtalik sa isang estranghero.” Kasangkot din ang mga patutot sa pagsamba kina Baal, Astoret, at iba pang mga diyos at mga diyosang sinasamba sa Canaan at sa iba pang dako.
Bahagi rin ng tiwaling pagsamba ang mga lalaking patutot sa templo.—1Ha 14:23, 24; 15:12; 22:46.
‘Ang Daang Patungo sa Kamatayan.’ Sa ikapitong kabanata ng Mga Kawikaan, inilalarawan ni Haring Solomon ang isang tagpo na kaniyang napagmasdan, na nagpapakita kung paano kumikilos ang isang patutot at ang mga resulta niyaon sa mga nasisilo niya. Binabanggit niya ang tungkol sa isang kabataang lalaki na dumaraan sa lansangang malapit sa bahay ng isang patutot sa pagsapit ng gabi. Inilalarawan ni Solomon ang kabataang lalaki bilang “kapos ang puso,” anupat kulang sa kaunawaan o katinuan. (Tingnan ang PUSO.) Ang babae, na nakabihis ng di-mahinhing kasuutan ng isang patutot, ay nag-aabang at lumalapit sa kaniya. Madudulas ang kaniyang labi at magaling siyang magsalita, ngunit ang totoo siya’y maingay at sutil; may katusuhan ang kaniyang puso. Ipinangangalandakan ng patutot na ito na siya’y matuwid sa pagsasabing naghandog siya ng mga haing pansalu-salo nang araw na iyon (anupat ipinahihiwatig na mayroon silang pagkaing mapagsasaluhan, yamang ang naghahandog ay palagiang kumukuha ng bahagi ng haing pansalu-salo para sa kaniya at sa kaniyang pamilya).—Kaw 7:6-21.
Ngayong naakit na ang kabataang lalaki, gaya ng ipinakikita ni Solomon, siya’y nahumaling na sa pagkakasala kasama ng babae, at palibhasa’y hindi na nag-iisip nang matino, sumusugod siyang ‘tulad ng toro na pumaparoon sa patayan,’ gaya ng isang lalaking nakapangaw at hindi makatakas sa disiplinang tatanggapin niya. “Hanggang sa,” sabi ni Solomon, “biyakin ng palaso ang kaniyang atay,” samakatuwid nga, hanggang sa magkaroon siya ng sugat na ikamamatay, kapuwa sa espirituwal at sa pisikal, sapagkat hindi lamang niya inilantad ang kaniyang katawan sa nakamamatay na sakit na naililipat sa pagtatalik (sa malalalang kaso ng sipilis, sinisira ng mga baktirya ang atay), kundi gayundin, “hindi niya nalalamang nasasangkot dito ang kaniya mismong kaluluwa.” Malubhang naaapektuhan ang kaniyang buong pagkatao at ang kaniyang buhay, at nagkasala siya nang malubha laban sa Diyos. Tinatapos ni Solomon ang kaniyang ulat sa pagsasabing: “Ang kaniyang bahay [yaong sa patutot] ay mga daang patungo sa Sheol; ang mga iyon ay pababa sa mga loobang silid ng kamatayan.”—Kaw 7:22, 23, 27; ihambing ang Kaw 2:16-19; 5:3-14.
“Sumisira ng mahahalagang pag-aari.” Sinasabi ng kawikaan: “Ang taong umiibig sa karunungan ay nagpapasaya sa kaniyang ama, ngunit siyang nakikisama sa mga patutot ay sumisira ng mahahalagang pag-aari.” (Kaw 29:3) Una sa lahat, sinisira niya ang kaniyang kaugnayan sa Diyos, na siyang pinakamahalagang pag-aari; pagkatapos, nagdudulot siya ng kadustaan sa kaniyang pamilya at sinisira niya ang kaniyang mga ugnayang pampamilya. Gaya ng babala ng isa pang kawikaan, ‘ibinibigay ng taong iyon sa iba ang kaniyang dangal at ang kaniyang mga taon sa bagay na malupit; nagpapakabusog sa kaniyang kalakasan ang mga taong di-kilala, at napapasabahay ng banyaga ang mga bagay na pinaghirapan niya.’—Kaw 5:9, 10.
Kaya naman nagpapayo ang taong marunong: “Huwag mong nasain sa iyong puso ang kaniyang kariktan, . . . sapagkat dahil sa isang babaing patutot ay walang natitira sa isa kundi isang bilog na tinapay; ngunit tungkol naman sa asawa ng ibang lalaki, siya ay nanghuhuli ng isa ngang mahalagang kaluluwa.” (Kaw 6:24-26) Maaaring nangangahulugan ito na dahil sa pakikipagsamahan niya sa isang patutot, nilulustay ng isang lalaki sa Israel ang kaniyang yaman at nauuwi siya sa karalitaan (ihambing ang 1Sa 2:36; Luc 15:30), ngunit naiwawala naman ng lalaking nangalunya sa asawa ng ibang lalaki ang kaniyang kaluluwa (sa ilalim ng Kautusan, kamatayan ang parusa para sa pangangalunya). O kaya naman, maaaring ang patutot na tinutukoy ng buong ulat ay ang mapangalunyang asawang babae.
Sinasabi ng huling mga talata ng kabanatang ito (Kaw 6:29-35): “[Kung tungkol sa] sinumang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa, walang sinumang humihipo sa kaniya ang mananatiling di-naparurusahan. Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw dahil lamang sa nagnakaw siya upang busugin ang kaniyang kaluluwa kapag siya ay nagugutom. Ngunit, kapag nasumpungan, magsasauli siya ng pitong ulit ang dami; ang lahat ng pag-aari sa kaniyang bahay ay ibibigay niya. Ang sinumang nangangalunya sa isang babae ay kapos ang puso; siyang gumagawa nito ay nagpapahamak ng kaniyang sariling kaluluwa. Isang salot at kasiraang-puri ang masusumpungan niya, at ang kaniyang kadustaan ay hindi mapapawi. Sapagkat ang pagngangalit ng isang matipunong lalaki ay paninibugho, at hindi siya mahahabag sa araw ng paghihiganti. Hindi niya pakukundanganan ang anumang uri ng pantubos, ni magpapakita man siya ng pagsang-ayon, gaano man kalaki ang iyong regalo.”
Maaaring ang kahulugan ng Kawikaan 6:30-35 ay na hindi gaanong hinahamak ng mga tao ang isang magnanakaw na nagnanakaw upang maibsan ang kaniyang gutom. Sa paanuman ay nauunawaan nila ang kaniyang ikinilos. Gayunpaman, kapag siya’y nahuli, ipasasauli sa kaniya nang may ‘interes’ ang anumang ninakaw niya (lalo na sa ilalim ng Kautusan [Exo 22:1, 3, 4]; maaaring ginamit sa kawikaan ang pananalitang “pitong ulit” upang ipahiwatig na pagbabayarin siya ng pinakamataas na multang posible). Subalit ang mangangalunya ay hindi makagagawa ng anumang pagsasauli para sa kaniyang kasalanan; ang kaniyang kadustaan, na malaki, ay nananatili, at sa anumang paraan ay hindi niya matutubos o mabibili ang kaniyang sarili mula sa kaparusahang nararapat sa kaniya.
Kung ang isang Kristiyano na miyembro ng espirituwal na katawan ni Kristo ay sisiping sa isang patutot o makikiapid, kinukuha niya ang isang sangkap ni Kristo at ginagawa itong sangkap ng isang patutot, anupat inilalakip ang kaniyang sarili sa isang patutot bilang iisang katawan. Sa gayo’y nagkakasala siya laban sa kaniyang sariling katawan dahil ito’y “sangkap ni Kristo.”—1Co 6:15-18.
Dapat Iwan ang Gayong Gawain Upang Maligtas. May pag-asa para sa mga patutot kung tatalikdan nila ang karima-rimarim na gawaing ito at mananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Ang mga patuloy na nagsasagawa ng gayong imoralidad ay hindi makapagmamana ng Kaharian. (Gal 5:19-21; Efe 5:5) Sumulat ang apostol sa mga Kristiyanong nasa Corinto at pinaalalahanan niya sila na ang ilan sa kanila ay mga mapakiapid at mga mangangalunya noon ngunit iniwan na nila ang landasing iyon at hinugasan na sila at ipinahayag na matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesu-Kristo. (1Co 6:9-11) Ipinakita ng marami sa mga patutot sa Israel na mas mabuti ang kanilang puso kaysa sa puso ng mga lider ng relihiyon. Mapagpakumbabang tinanggap ng mga babaing ito, na nililibak ng mga eskriba at mga Pariseo, ang pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo, at ginamit silang halimbawa ni Jesus sa mga lider ng relihiyon, sa pagsasabing: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay nauuna na sa inyo sa kaharian ng Diyos.”—Mat 21:31, 32.
Si Rahab. Si Rahab, na mula sa paganong lunsod ng Jerico, ay isang halimbawa ng patutot na nagpakita ng pananampalataya sa Diyos at ibinilang na matuwid. (San 2:25) Sa bahay ni Rahab nanuluyan ang mga lalaking isinugo ni Josue upang maniktik sa Jerico. (Jos 2:1) Hindi makatuwirang ipalagay na ginawa nila iyon para sa imoral na mga layunin. Tungkol sa kanilang motibo, ganito ang sabi ng mga propesor na sina C. F. Keil at F. Delitzsch sa Commentary on the Old Testament: “Hindi gaanong paghihinalaan ang pagpasok nila sa bahay ng gayong uri ng tao. Karagdagan pa, ang kinaroroonan ng kaniyang bahay sa gilid o sa ibabaw ng pader ng bayan ay makapagpapadali sa pagtakas. Subalit talagang pinatnubayan ng Panginoon ang landasin ng mga tiktik, sapagkat nasumpungan nila sa makasalanang ito ang mismong taong angkop na angkop para sa kanilang layunin, at na sa kaniyang puso ay talagang nagkaroon ng epekto ang balita ng mga himalang ginawa ng Diyos na buháy alang-alang sa Israel, anupat hindi lamang niya ipinagbigay-alam sa mga tiktik ang kalumbayan ng mga Canaanita, kundi, taglay ang nananampalatayang pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos ng Israel, ikinubli rin niya ang mga tiktik mula sa lahat ng pagtatanong ng kaniyang mga kababayan, sa kabila ng napakalaking panganib sa kaniyang sarili.” (1973, Tomo II, Joshua, p. 34) Yamang iniutos ng Diyos na palayasin ng Israel ang mga Canaanita dahil sa kanilang imoral na mga gawain at yamang pinagpala ng Diyos ang paglupig sa Jerico at si Rahab mismo, talagang hindi makatuwirang ipalagay na nagsagawa ang mga tiktik ng imoralidad kay Rahab o na ipinagpatuloy pa niya ang kaniyang gawaing pagpapatutot pagkatapos niyaon. Dahil sa kaniyang pananampalataya, at mga gawang kasuwato niyaon, iniligtas ang kaniyang buhay. Nang maglaon ay pumasok siya sa marangal na pag-aasawa kay Salmon na mula sa tribo ni Juda at naging isang ninuno ni Jesu-Kristo.—Lev 18:24-30; Jos kab 2; 6:22-25; Mat 1:1, 5.
May kinalaman kay Jepte na anak ng isang babaing patutot (Huk 11:1), at sa panunuluyan ni Samson sa bahay ng isang patutot sa lunsod ng Gaza (Huk 16:1), tingnan ang JEPTE; SAMSON.
Makasagisag na Paggamit. Sa Bibliya, ang isang tao, bansa, o kongregasyon ng mga taong nakaalay sa Diyos na nakikipag-alyansa sa sanlibutan o na bumabaling sa pagsamba sa huwad na mga diyos ay tinatawag na “mga patutot.” Ganiyan ang bansang Israel. Ang Israel ay nahikayat na magkaroon ng “imoral na pakikipagtalik” sa mga banyagang diyos at, kung paanong ang isang di-tapat na asawang babae ay naghahanap ng ibang lalaki, siya’y umasa sa mga banyagang bansa ukol sa katiwasayan at kaligtasan mula sa kaniyang mga kaaway sa halip na sa kaniyang “asawang nagmamay-ari,” ang Diyos na Jehova. (Isa 54:5, 6) Karagdagan pa, lubhang nagpakasama ang Jerusalem sa kaniyang kawalang-katapatan anupat hinigitan pa niya ang karaniwang ginagawa ng mga patutot, gaya ng sinabi ng kinasihang propeta na si Ezekiel: “Sa lahat ng patutot ay nahirati silang magbigay ng regalo, ngunit ikaw—ibinigay mo ang iyong mga regalo sa lahat ng maalab na umiibig sa iyo, at sinusuhulan mo sila upang pumaroon sa iyo mula sa lahat ng dako sa iyong mga pagpapatutot.” (Eze 16:33, 34) Ang sampung-tribong kaharian ng Israel at ang dalawang-tribong kaharian ng Juda ay kapuwa tinuligsa bilang mga patutot sa ganitong makasagisag na paraan.—Eze 23:1-49.
Makasagisag na inilalarawan sa Apocalipsis ang sukdulang halimbawa ng espirituwal na pagpapatutot, samakatuwid nga, isang patutot na nakasakay sa isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop at may pangalan sa kaniyang noo na “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.” Siya’y “pinakiapiran ng mga hari sa lupa.”—Apo 17:1-5; tingnan ang BABILONYANG DAKILA.