‘Iniingatan Mo Ba ang Praktikal na Karunungan’?
AYON sa kuwento, may isang batang mahirap na nakatira sa isang malayong nayon. Sa pag-aakalang mahina ang kaniyang isip, pinagtatawanan siya ng taong-bayan. Kapag may mga bisita sa nayon, ginagawa nila siyang katuwaan. Magpapakita sila sa bata ng dalawang barya, isang malaking baryang pilak at isang maliit na baryang ginto, na doble ang halaga kaysa sa baryang pilak. “Alin ang gusto mo?” ang sabi nila. Pinipili ng bata ang baryang pilak at saka umaalis.
Isang araw, tinanong ng isang bisita ang bata, “Hindi mo ba alam na doble ang halaga ng baryang ginto kaysa sa baryang pilak?” Ngumiti ang bata at nagsabi, “Alam ko po.” “E bakit baryang pilak ang pinili mo?” ang tanong ng bisita. “Kung baryang ginto ang pinili mo, doble sana ang pera mo!” Sumagot ang bata, “Pero kung pipiliin ko po ang baryang ginto, hindi na sila makikipaglaro sa akin sa susunod. Alam n’yo po ba kung ilang baryang pilak na ang naipon ko?” Ang batang ito ay nagpakita ng katangiang dapat ding taglayin ng mga adulto—ang praktikal na karunungan.
Sinasabi ng Bibliya: “Ingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip. Kung magkagayon ay lalakad ka nang tiwasay sa iyong daan, at ang iyo ngang paa ay hindi hahampas sa anuman.” (Kaw. 3:21, 23) Kapag alam natin kung ano ang “praktikal na karunungan” at kung paano ito gagamitin, maililigtas tayo nito. Tutulong ito para hindi tayo matisod sa espirituwal at manatiling matatag ang ating “paa.”
ANO BA ITO?
Ang praktikal na karunungan ay iba sa kaalaman at unawa. Ang taong may kaalaman ay nag-iimbak ng mga impormasyon. Nakikita naman ng taong may unawa kung paano nauugnay ang mga impormasyon sa isa’t isa. Pinagsasama ng taong may karunungan ang kaalaman at unawa, at ginagamit ang mga iyon sa praktikal na paraan.
Halimbawa, sa maikling panahon, baka mabasa at maunawaan ng isa ang nilalaman ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Sa panahon ng kaniyang Bible study, maaaring tama ang mga sagot niya. Baka magsimula na siyang dumalo sa mga pulong at magbigay pa nga ng magagandang komento. Mukhang sumusulong siya sa espirituwal, pero ibig bang sabihin na mayroon na siyang karunungan? Hindi naman. Baka mabilis lang siyang matuto. Pero kung isinasabuhay niya ang katotohanan at ginagamit nang tama ang kaniyang kaalaman at unawa, nagiging marunong siya. Kapag nagkaroon ng magagandang resulta ang kaniyang mga desisyon dahil sa kaniyang patiunang pag-iisip, malinaw na nagpapakita na siya ng praktikal na karunungan.
Mababasa sa Mateo 7:24-27 ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa dalawang lalaki na nagtayo ng kani-kaniyang bahay. Sinabi niya na ang isa ay “maingat.” Dahil pinag-isipan ng lalaking ito ang posibleng mangyari sa hinaharap, itinayo niya ang kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak. Malawak siyang mag-isip at praktikal. Hindi niya ikinatuwiran na mas mura at mas madaling magtayo ng bahay sa may buhanginan. Naging marunong siya at pinag-isipan ang pangmatagalang kahihinatnan ng gagawin niya. Kaya nang dumating ang bagyo, matatag ang bahay niya. Ang tanong ngayon ay, Paano tayo magkakaroon ng praktikal na karunungan at paano natin maiingatan ang mahalagang katangiang ito?
PAANO AKO MAGKAKAROON NITO?
Una, pag-isipan ang sinasabi ng Mikas 6:9: “Ang taong may praktikal na karunungan ay matatakot sa iyong pangalan.” Kung natatakot tayo sa pangalan ng Diyos na Jehova, igagalang natin siya. Magkakaroon tayo ng pagpipitagan sa kung ano ang kinakatawanan ng kaniyang pangalan, kasama na ang kaniyang mga pamantayan. Para maigalang mo ang sinuman, kailangan mong malaman ang kaniyang kaisipan. Sa gayon, makapagtitiwala ka at matututo mula sa kaniya, at matutularan mo ang kaniyang magagandang nagagawa. Kung palaisip tayo sa pangmatagalang epekto ng mga ikinikilos natin sa ating kaugnayan kay Jehova at kung ibinabatay natin ang ating mga desisyon sa kaniyang mga pamantayan, nagkakaroon na tayo ng praktikal na karunungan.
Ikalawa, sinasabi ng Kawikaan 18:1: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” Kung hindi tayo mag-iingat, baka mailayo natin ang ating sarili kay Jehova at sa kaniyang bayan. Para maiwasang ibukod ang sarili, kailangan nating makipagsamahan sa mga natatakot sa pangalan ng Diyos at may paggalang sa kaniyang mga pamantayan. Hangga’t posible, kailangan tayong personal na naroroon sa Kingdom Hall at regular na makisama sa kongregasyong Kristiyano. Sa panahon ng pulong, kailangan nating buksan ang ating puso at isip para tumagos dito ang ating naririnig.
At kung ibubuhos natin kay Jehova ang ating puso sa panalangin, mas mapapalapít tayo sa kaniya. (Kaw. 3:5, 6) Kapag binubuksan natin ang ating puso at isip habang binabasa ang Bibliya at ang literatura mula sa organisasyon ni Jehova, nagkakaideya tayo sa pangmatagalang resulta ng ating mga ikinikilos at makapagpapasiya tayo nang tama. Kailangan din nating buksan ang ating puso sa payong ibinibigay ng may-gulang na mga brother. (Kaw. 19:20) Sa paggawa nito, sa halip na ‘salansangin ang lahat ng praktikal na karunungan,’ malilinang natin ang mahalagang katangiang ito.
PAANO ITO MAKATUTULONG SA PAMILYA KO?
Maiingatan ng praktikal na karunungan ang mga pamilya. Halimbawa, hinihimok ng Bibliya ang asawang babae na magkaroon ng “matinding paggalang” sa kaniyang asawa. (Efe. 5:33) Paano naman makakamit ng asawang lalaki ang paggalang ng kaniyang asawa? Kung pipilitin niya ang kaniyang misis na igalang siya, pansamantala lang ang resulta nito. Baka magpakita lang ng paggalang ang asawang babae kapag nandiyan ang kaniyang asawa para hindi sila mag-away. Pero igagalang pa rin kaya niya ang kaniyang mister kapag wala na ito? Malamang na hindi. Kailangang pag-isipan ng asawang lalaki kung ano ang magdudulot ng pangmatagalang resulta. Kung ipakikita niya ang bunga ng espiritu at magiging maibigin at mabait, makakamit niya ang matinding paggalang ng kaniyang misis. Siyempre pa, dapat igalang ng Kristiyanong asawang babae ang kaniyang mister, karapat-dapat man ito o hindi.—Gal. 5:22, 23.
Sinasabi rin ng Bibliya na dapat ibigin ng asawang lalaki ang kaniyang asawa. (Efe. 5:28, 33) Pero para hindi mawala ang pagmamahal ng kaniyang mister, baka ilihim ng asawang babae ang ilang di-magagandang bagay na karapatan nitong malaman. Pagpapakita ba iyan ng praktikal na karunungan? Paano kung malaman iyon ng mister niya sa kalaunan? Mas mamahalin kaya siya nito? Baka mahirapan siyang gawin iyon. Pero kung hahanap ang asawang babae ng angkop na panahon para ipaliwanag nang mahinahon sa kaniyang mister ang tungkol sa di-magagandang bagay na iyon, pahahalagahan ng mister niya ang kaniyang katapatan. Mas mamahalin siya nito.
Ang mga anak ay dapat sumunod sa kanilang mga magulang. Kailangan silang disiplinahin sa paraan ni Jehova. (Efe. 6:1, 4) Ibig bang sabihin, gagawa ang mga magulang ng mahabang listahan ng mga dapat at di-dapat gawin ng isang bata? Hindi sapat na alam ng bata ang mga patakaran sa bahay at ang parusa sa paglabag. Tinutulungan ng magulang na may praktikal na karunungan ang kaniyang anak na maunawaan kung bakit dapat siyang sumunod.
Halimbawa, ipagpalagay na naging bastos ang bata sa nanay o tatay niya. Kung pagsasalitaan ng magulang ang bata ng masakit o parurusahan ito dahil sa galit, baka mapahiya ito at manahimik na lang. Pero baka nagdaramdam ito, at posibleng lumayo ang loob sa mga magulang niya.
Kaya naman, pinag-iisipan ng mga magulang na naglilinang ng praktikal na karunungan ang pagdidisiplina nila sa kanilang mga anak at ang magiging epekto nito sa mga bata sa hinaharap. Hindi tamang mag-react agad ang mga magulang dahil napahiya sila. Puwedeng kausapin ang bata nang sarilinan, sa mahinahon at maibiging paraan. Ipaliwanag na inaasahan ni Jehova na igagalang niya ang kaniyang mga magulang para sa kaniyang walang-hanggang kapakanan. Maiintindihan ng bata na kung iginagalang niya ang kaniyang mga magulang, pinararangalan niya si Jehova. (Efe. 6:2, 3) Maaaring maabot ng ganitong mabait na pamamaraan ang puso ng bata. Mararamdaman niya ang malasakit ng kaniyang mga magulang, at mas igagalang niya sila. Mas madali na ngayon para sa anak na lumapit sa kaniyang mga magulang kapag may bumangong mahahalagang usapin.
May mga magulang na ayaw saktan ang damdamin ng kanilang anak, kaya hindi nila ito itinutuwid. Pero paano paglaki nito? Matatakot ba siya kay Jehova at kikilalanin ang karunungan ng pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos? Bubuksan kaya niya ang puso at isip niya kay Jehova, o ibubukod ang kaniyang sarili sa espirituwal na paraan?—Kaw. 13:1; 29:21.
Pinaplano ng isang mahusay na eskultor ang kaniyang proyekto. Hindi lang siya basta ukit nang ukit at aasang magiging maganda ang kalalabasan nito. Ang mga magulang na may praktikal na karunungan ay gumugugol nang maraming oras para matutuhan at masunod ang mga pamantayan ni Jehova. Ipinakikita nito na natatakot sila sa Kaniyang pangalan. Dahil hindi nila ibinubukod ang kanilang sarili mula kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, nagkakaroon sila ng praktikal na karunungang magagamit para patibayin ang kanilang pamilya.
Araw-araw, gumagawa tayo ng mga desisyon na posibleng makaapekto sa buhay natin. Sa halip na magpasiya agad at magpadala sa bugso ng damdamin, bakit hindi muna huminto at mag-isip? Pag-isipang mabuti ang pangmatagalang kahihinatnan nito. Hanapin ang patnubay ni Jehova at sundin ito. Sa paggawa nito, maiingatan natin ang praktikal na karunungan, at magtatamo tayo ng buhay.—Kaw. 3:21, 22.