Ayon kay Mateo
7 “Huwag na kayong humatol+ para hindi kayo mahatulan;+ 2 dahil kung paano kayo humahatol, gayon kayo hahatulan,+ at kung paano ninyo tinatrato ang iba, ganoon din nila kayo tatratuhin.*+ 3 Kaya bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng kapatid mo, pero hindi mo nakikita ang troso sa sarili mong mata?+ 4 O paano mo masasabi sa kapatid mo, ‘Hayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ samantalang troso ang nasa sarili mong mata? 5 Mapagpanggap! Alisin mo muna ang troso sa sarili mong mata para makita mo nang malinaw kung paano aalisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.
6 “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal, o ihagis sa mga baboy ang inyong mga perlas,+ para hindi nila iyon tapak-tapakan at balingan kayo at saktan.+
7 “Patuloy kayong humingi at bibigyan kayo,+ patuloy kayong maghanap at makakakita kayo, patuloy kayong kumatok at pagbubuksan kayo;+ 8 dahil bawat isa na humihingi ay tumatanggap,+ at bawat isa na naghahanap ay nakakakita, at bawat isa na kumakatok ay pinagbubuksan. 9 Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kaniyang anak kapag humingi ito ng tinapay? 10 O magbibigay ng ahas kapag humingi ito ng isda? 11 Kaya kung kayo na makasalanan ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, lalo pa nga ang inyong Ama sa langit! Magbibigay siya ng mabubuting bagay+ sa mga humihingi sa kaniya.+
12 “Kaya lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.+ Sa katunayan, ito ang pinakadiwa ng Kautusan at mga Propeta.+
13 “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan,+ dahil maluwang ang pintuang-daan at malapad ang daang papunta sa pagkapuksa, at marami ang pumapasok dito; 14 pero makipot ang pintuang-daan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang mga nakakahanap dito.+
15 “Mag-ingat kayo sa huwad na mga propeta+ na lumalapit sa inyo na nakadamit-tupa,+ pero sa loob ay hayok na mga lobo.*+ 16 Makikilala ninyo sila sa mga bunga nila. Ang mga tao ay hindi makapipitas ng ubas o ng igos mula sa matitinik na halaman, hindi ba?+ 17 Maganda ang bunga ng mabuting puno, pero walang silbi ang bunga ng bulok na puno.+ 18 Ang mabuting puno ay hindi mamumunga ng walang-silbing bunga, at ang bulok na puno ay hindi mamumunga ng magandang bunga.+ 19 Bawat puno na hindi maganda ang bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy.+ 20 Kaya makikilala ninyo ang mga taong iyon sa kanilang mga bunga.+
21 “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa Kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lang ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.+ 22 Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon: ‘Panginoon, Panginoon,+ hindi ba nanghula kami sa pangalan mo, nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at gumawa ng maraming himala sa pangalan mo?’+ 23 At sasabihin ko sa kanila: ‘Hindi ko kayo kilala! Masama ang ginagawa ninyo. Lumayo kayo sa akin!’+
24 “Kung gayon, ang lahat ng nakaririnig sa sinasabi ko at sumusunod dito ay gaya ng isang matalinong tao na nagtayo ng bahay niya sa ibabaw ng malaking bato.+ 25 At bumuhos ang ulan, bumaha, at humihip ang hangin at humampas sa bahay, pero hindi ito gumuho, dahil nakatayo ito sa ibabaw ng malaking bato. 26 Pero ang lahat ng nakaririnig sa sinasabi ko at hindi sumusunod dito ay gaya ng isang taong mangmang na nagtayo ng bahay niya sa buhanginan.+ 27 At bumuhos ang ulan, bumaha, at humihip ang hangin at humampas sa bahay,+ at gumuho ito at lubusang nawasak.”
28 Matapos magsalita si Jesus, namangha ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo,+ 29 dahil nagturo siya sa kanila bilang isang tao na may awtoridad,+ at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.