LANGGAM
[sa Heb., nema·lahʹ].
Mga insektong maliliit ngunit napakarami at napakalaganap, bumubuo ng mga kolonya, at binigyang-pansin sa Bibliya dahil sa kasipagan at likas na karunungan nito. (Kaw 6:6-8; 30:24, 25) Tinatayang may mahigit sa 10,000 uri ng langgam, anupat matatagpuan ang mga insektong ito sa lahat ng bahagi ng lupa maliban sa mga rehiyon ng polo.
Isang ‘Bayan.’ Sa Kawikaan 30:25, ang mga langgam ay tinatawag na isang ‘bayan’ (sa Heb., ʽam), katulad ng pagtukoy ni Joel sa mga balang bilang “isang bansa” (Joe 1:6), at ang pananalitang iyon ay angkop na angkop sa maliliit na nilalang na ito. Ang ilang kolonya ng langgam ay binubuo lamang ng ilang dosenang langgam, samantalang ang iba naman ay may pagkalaki-laking populasyon na umaabot nang daan-daang libo. Bagaman karaniwan nang katamtaman lamang ang laki ng kanilang pugad o lugar na saklaw ng kanilang mga lagusan, maaari itong lumawak hanggang sa umabot nang isang akre. Ang bawat kolonya ay may tatlong pangunahing uri ng langgam: ang reyna o mga reyna, ang mga lalaki, at ang mga manggagawa (mga babaing di-gumulang sa sekso). Gayunman, gaya ng sinasabi ng kawikaan, ang langgam ay ‘walang kumandante, opisyal o tagapamahala.’ (Kaw 6:7) Ang reyna ay hindi naman talaga isang tagapamahala at mas angkop na tawaging inang langgam, sapagkat ang pangunahin niyang gawain ay mangitlog. Bagaman maaaring mabuhay nang hanggang 15 taon ang reynang langgam, ang mga lalaki ay gumugulang at namamatay na pagkatapos nilang makipagtalik. Ang mga manggagawang langgam, na maaaring mabuhay nang hanggang anim na taon, ay may iba’t ibang tungkuling ginagampanan, gaya ng paghahanap at pagtitipon ng pagkain para sa kolonya, pagpapakain sa reyna, pag-aalaga sa mga larva, paglilinis ng pugad, paghuhukay ng mga bagong silid kung kailangang palawakin ang pugad, at pagtatanggol dito. Iba-iba ang laki at proporsiyon ng mga manggagawang langgam, kahit sa iisang kolonya, anupat sa ilang kaso ang mas malalaki ang gumaganap bilang mga kawal sakaling may sumalakay sa pugad. Gayunman, sa kabila ng halos eksaktong pagkakahati-hati ng gawain (na sa ilang kolonya ay nakaayos ayon sa gulang ng mga manggagawa at sa iba naman ay ayon sa laki) at ng maituturing na masalimuot na panlipunang organisasyon ng mga langgam, walang palatandaan na mayroon silang nakatataas na opisyal, o tagapag-utos.
“Likas na Karunungan.” Ang “karunungan” ng mga langgam ay hindi bunga ng matalinong pangangatuwiran kundi resulta ng mga likas na paggawi na ipinagkaloob sa kanila ng kanilang Maylalang. Binabanggit ng Bibliya na ang langgam ay ‘naghahanda ng kaniyang pagkain sa tag-araw at nagtitipon ng kaniyang laang pagkain sa pag-aani.’ (Kaw 6:8) Ang isa sa pinakakaraniwang uri ng langgam sa Palestina, ang harvester ant o agricultural ant (Messor semirufus), ay nag-iimbak ng maraming butil kapag tagsibol at tag-araw at pagkatapos ay ginagamit iyon sa mga kapanahunang mahirap humanap ng pagkain, gaya sa panahon ng taglamig. Ang langgam na ito ay karaniwang matatagpuan malapit sa mga giikan, kung saan maraming mga buto ng halaman at mga butil. Kapag ang nakaimbak na mga buto ay naging mamasa-masa dahil sa ulan, binubuhat ng mga harvester ant ang mga butil sa labas upang ibilad sa araw. Kinakagat pa nga nito ang sumusupling na bahagi ng buto upang hindi iyon tumubo habang nakaimbak. Mahahalata ang kinaroroonan ng mga kolonya ng mga harvester ant dahil sa mga landas na madalas nilang dinaraanan at dahil sa mga balat ng buto na naiiwan sa labas ng pasukan.
Mga Ulirang Katangian. Dahil sa mga nabanggit, ang isang maikling pagsusuri sa langgam ay nagbibigay ng puwersa sa payong ito: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; tingnan mo ang mga lakad nito at magpakarunong ka.” (Kaw 6:6) Hindi lamang ang kanilang likas na paghahanda para sa hinaharap ang kapansin-pansin kundi pati ang kanilang tiyaga at determinasyon, anupat madalas ay binubuhat nila o pilit na kinakaladkad ang mga bagay na makalawang ulit ng kanilang timbang o mahigit pa, ginagawa ang kanilang buong makakaya upang gampanan ang kanilang atas, at hindi sumusuko sila man ay mahulog, dumausdos, o gumulong pababa sa isang malalim na dako. Yamang mahusay silang magtulungan, pinananatili nilang napakalinis ang kanilang pugad at pinagmamalasakitan nila ang kanilang mga kapuwa manggagawa, anupat kung minsan ay tinutulungan pang makabalik sa pugad ang mga langgam na nasugatan o nanlupaypay sa pagod.