“Ingatan Mo ang Aking mga Utos at Patuloy Kang Mabuhay”
SIYA’Y batang-bata, matalino, “maganda ang tindig at maganda ang anyo.” Ang maybahay ng kaniyang amo ay makalaman at walang kahihiyan. Palibhasa’y labis ang pagkahalina sa kabataang lalaki, araw-araw niya itong tinutukso. “Nangyari nang araw na ito na gaya ng iba pang mga araw ay pumasok siya sa bahay upang gawin ang kaniyang gawain, at walang sinuman sa mga tao sa bahay ang naroon sa bahay. Nang magkagayon ay sinunggaban siya ng babae sa kaniyang kasuutan, na sinasabi: ‘Sipingan mo ako!’ ” Ngunit iniwan ni Jose, ang anak ng patriyarkang si Jacob, ang kaniyang kasuutan at tinakasan niya ang asawa ni Potipar.—Genesis 39:1-12.
Mangyari pa, hindi lahat ay tumatakas mula sa isang mapanuksong kalagayan. Halimbawa, isaalang-alang ang kabataang lalaki na nakita ni Haring Solomon ng sinaunang Israel sa mga lansangan kung gabi. Pagkatapos na akitin ng isang imoral na babae, “agad-agad niyang sinundan siya na gaya ng isang toro na patungo sa katayan.”—Kawikaan 7:21, 22, New International Version.
Ang mga Kristiyano ay pinayuhan na ‘tumakas mula sa pakikiapid.’ (1 Corinto 6:18) Sa kabataang alagad na Kristiyano na si Timoteo, si apostol Pablo ay sumulat: “Tumakas ka mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Kapag napapaharap sa mga kalagayan na nagpapahiwatig ng pakikiapid, pangangalunya, o iba pang kasalanan sa moral, dapat din tayong may katatagang tumakas gaya ng ginawang pagtakas ni Jose mula sa asawa ni Potipar. Ano ang tutulong sa atin upang maging determinado na gawin iyan? Sa ika-7 kabanata ng aklat ng Kawikaan sa Bibliya, si Solomon ay nagbigay sa atin ng ilang napakahalagang payo. Hindi lamang niya binanggit ang mga turo na mag-iingat sa atin mula sa panlilinlang ng imoral na mga tao kundi inilantad niya ang mga pamamaraan nila sa pamamagitan ng maliwanag na paglalarawan sa isang tagpo kung saan inaakit ng isang malaswang babae ang isang kabataang lalaki.
‘Itali Mo ang Aking mga Utos sa Iyong mga Daliri’
Nagsimula ang hari sa makaamang payo: “Anak ko, tuparin mo ang aking mga pananalita, at pakaingatan mo nawa sa iyo ang aking mga utos. Ingatan mo ang aking mga utos at patuloy kang mabuhay, at ang aking kautusan tulad ng balintataw ng iyong mga mata.”—Kawikaan 7:1, 2.
Ang mga magulang, lalung-lalo na ang mga ama, ay may bigay-Diyos na pananagutan na ituro sa kanilang mga anak ang mga pamantayan ng Diyos hinggil sa mabuti at masama. Pinayuhan ni Moises ang mga ama: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deuteronomio 6:6, 7) At si apostol Pablo ay sumulat: “Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Kaya, kasali sa mga utos ng magulang na dapat pakaingat-ingatan, o labis na pahalagahan, ay ang mga paalaala, ang mga utos, at mga batas na masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
Maaaring kalakip din sa pagtuturo ng mga magulang ang iba pang mga tuntunin—mga alituntunin sa pamilya. Ang mga ito ay para sa ikabubuti ng mga miyembro ng pamilya. Totoo, maaaring magkaiba-iba ang mga alituntunin sa iba’t ibang pamilya, depende sa mga pangangailangan. Subalit, ang mga magulang ang nagpapasiya kung ano ang pinakamabuti para sa kanila mismong pamilya. At ang mga alituntunin na kanilang ginagawa ay karaniwang kapahayagan ng kanilang taimtim na pag-ibig at pagmamalasakit. Ang ipinapayo sa mga kabataan ay na sundin nila ang mga alituntuning ito kalakip na ang mga turo sa Kasulatan na tinanggap mula sa kanilang mga magulang. Oo, kailangang ituring ang gayong mga utos “gaya ng balintataw ng iyong mga mata”—anupat gayon na lamang ito pakaiingat-ingatan. Iyan ang paraan upang maiwasan ang nakamamatay na bunga ng pagwawalang-bahala sa mga pamantayan ni Jehova at sa gayo’y ‘patuloy na mabuhay.’
“Itali mo ang mga iyon [ang aking mga utos] sa iyong mga daliri,” ang pagpapatuloy ni Solomon, “at isulat mo sa tapyas ng iyong puso.” (Kawikaan 7:3) Kung paanong kitang-kita ng ating mga mata ang mga daliri at mahalaga ang mga ito sa pagsasagawa ng mga nais nating gawin, ang mga aral na natutuhan mula sa maka-Kasulatang pagsasanay o ang pagtatamo ng kaalaman sa Bibliya ay patuloy na paalaala at patnubay sa lahat ng ating gagawin. Dapat nating isulat ang mga ito sa mga tapyas ng ating puso, anupat ang mga ito’y ginagawang bahagi ng ating buong katauhan.
Yamang hindi kinalilimutan ang kahalagahan ng karunungan at pagkaunawa, nagpayo ang hari: “Sabihin mo sa karunungan: ‘Ikaw ay aking kapatid na babae’; at ang pagkaunawa ay tawagin mo nawang ‘Kamag-anak na Babae.’ ” (Kawikaan 7:4) Ang karunungan ay ang kakayahan na gamitin sa tamang layunin ang bigay-Diyos na kaalaman. Dapat nating pakamahalin ang karunungan gaya ng ating pagmamahal sa isang iniibig na kapatid na babae. Ano ba ang pagkaunawa? Ito ang kakayahan na maunawaan ang isang bagay at makuha ang pinakadiwa nito sa pamamagitan ng pag-unawa sa ugnay-ugnay na mga bahagi at sa kabuuan nito. Ang pagkaunawa ay dapat na maging malapit sa atin na gaya ng isang matalik na kaibigan.
Bakit dapat nating sundin ang maka-Kasulatang pagsasanay at linangin ang pagiging malapít sa karunungan at pagkaunawa? Upang “bantayan [ang ating mga sarili] laban sa babaing di-kilala, laban sa banyaga na nagpapadulas ng kaniyang mga pananalita.” (Kawikaan 7:5) Oo, ang paggawa ng gayon ay mag-iingat sa atin mula sa madudulas at mapanghikayat na paraan ng isang di-kilalang tao, o banyaga—isang imoral na tao.a
Nakilala ng Kabataang Lalaki ang ‘Isang Tusong Babae’
Sumunod ay inilarawan ng hari ng Israel ang isang tagpo na mismong nasaksihan niya: “Sa bintana ng aking bahay, sa pagitan ng aking sala-sala ay dumungaw ako, upang mapagmasdan ko ang mga walang-karanasan. Ibig kong makapagsuri sa gitna ng mga anak na lalaki ng isang kabataang lalaki na kapos ang puso, na dumaraan sa lansangang malapit sa kaniyang panulukan, at sa daang patungo sa kaniyang bahay ay humahayo ito, sa takipsilim, sa kinagabihan ng araw, sa pagsapit ng gabi at ng karimlan.”—Kawikaan 7:6-9.
Ang bintana na dinungawan ni Solomon ay may sala-sala—tila isang balangkas na may mga liston na kahoy at marahil ay may masalimuot na mga ukit. Habang naglalaho ang takip-silim, binabalot na ng kadiliman ng gabi ang mga lansangan. Napansin niya ang isang kabataang lalaki na madaling tuksuhin. Palibhasa’y kulang sa kaunawaan, o katinuan, kapos ang kaniyang puso. Malamang, alam niya kung anong uri ng komunidad ang kaniyang pinasok at kung ano ang mangyayari sa kaniya roon. Ang kabataang lalaki ay lumapit sa “kaniyang panulukan,” na madaraanan patungo sa bahay ng babae. Sino ang babaing ito? Ano ang kaniyang ginagawa?
Nagpatuloy ang mapagmasid na hari: “Narito! may babaing sumasalubong sa kaniya, na may kasuutan ng patutot at katusuhan ng puso. Siya ay maingay at sutil. Ang kaniyang mga paa ay hindi namamalagi sa kaniyang bahay. Ngayon ay nasa labas siya, ngayon ay nasa mga liwasan siya, at nag-aabang siya sa tabi ng bawat panulukan.”—Kawikaan 7:10-12.
Ang paraan ng pananamit ng babae ay maliwanag na nagsasabi kung sino siya. (Genesis 38:14, 15) Malaswa ang kaniyang pananamit, tulad ng isang patutot. Isa pa, may katusuhan ang kaniyang puso—ang kaniyang pag-iisip ay “mapaglilo,” ang kaniyang motibo ay “mapanlinlang.” (An American Translation; New International Version) Siya ay maingay at matigas ang ulo, madaldal at sutil, malaswa at mapaggiit sa sarili, walang-kahihiyan at palaban. Sa halip na manatili sa bahay, mas gusto pa niyang mamalagi sa mga liwasan, nag-aabang sa mga panulukan ng lansangan upang siluin ang kaniyang biktima. Naghihintay siya ng isang gaya ng kabataang lalaki.
“Maraming Panghihikayat”
Sa gayo’y nakilala ng kabataang lalaki ang imoral na babae na may tusong mga plano. Tiyak na nakuha nito ang pansin ni Solomon! Siya’y nagsalaysay: “Sinunggaban niya ang lalaki at hinalikan niya ito. Tinapangan niya ang kaniyang mukha, at pinasimulan niyang sabihin sa kaniya: ‘Ang mga haing pansalu-salo ay naatang sa akin. Ngayon ay tinupad ko ang aking mga panata. Kaya naman lumabas ako upang salubungin ka, upang hanapin ang iyong mukha, upang masumpungan kita.’ ”—Kawikaan 7:13-15.
Ang mga labi ng babaing ito ay madulas. Nababanaag ang kumpiyansa-sa-sarili sa kaniyang mukha, may pagtitiwalang sinambit niya ang kaniyang mga salita. Ang lahat ng kaniyang sinasabi ay maingat na pinag-aralan upang maakit ang kabataang lalaki. Sa pagsasabi na siya’y naghandog ng haing pansalu-salo nang mismong araw na iyon at tumupad sa kaniyang panata, ipinakikita niya ang pagiging matuwid niya, na nagpapahiwatig na siya’y hindi nagkukulang sa espirituwalidad. Ang mga haing pansalu-salo sa templo sa Jerusalem ay binubuo ng karne, harina, langis, at alak. (Levitico 19:5, 6; 22:21; Bilang 15:8-10) Yamang ang naghahandog ay nakikibahagi sa haing pansalu-salo para sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya, sa gayo’y sinabi niya na napakaraming makakain at maiinom sa kaniyang bahay. Maliwanag ang ipinahihiwatig: Magkakaroon ng kasiya-siyang sandali ang kabataang lalaki roon. Talagang lumabas siya ng kaniyang bahay upang hanapin ang lalaki. Nakababagbag nga ng damdamin—kung paniniwalaan ng sinuman ang gayong kasinungalingan. “Totoo na lumabas siya upang maghanap ng isang tao,” ang sabi ng isang iskolar sa Bibliya, “subalit talaga bang ang hinahanap niya ay ang partikular na lalaking ito? Ang walang bait lamang ang maniniwala sa kaniya—marahil tulad ng lalaking ito.”
Pagkatapos na gawing kabigha-bighani ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang kasuutan, ng kaniyang mapambolang pananalita, ng kaniyang mga yakap, at ng dampi ng kaniyang mga labi, ginamit ng nang-aakit na babae ang mababangong bagay. Ang sabi niya: “Nilatagan ko ng mga kubrekama ang aking kama, ng mga bagay na may sari-saring kulay, ng lino ng Ehipto. Nilagyan ko ang aking higaan ng mira, aloe at kanela.” (Kawikaan 7:16, 17) Inayos niya nang napakaganda ang kaniyang kama na may makukulay na lino mula sa Ehipto at pinabanguhan ito ng mga piling pabango gaya ng mira, aloe, at kanela.
“Halika, inumin natin ang kalubusan ng ating pag-ibig hanggang sa umaga,” ang pagpapatuloy niya, “masiyahan tayo sa isa’t isa sa mga kapahayagan ng pag-ibig.” Ang paanyaya ay higit pa sa kasiya-siyang pagkain para sa dalawang tao. Ang ipinapangako niya ay ang kasiyahan sa pagtatalik. Para sa kabataang lalaki, ang pang-akit ay mapanganib at nakatutuwa! Bilang karagdagang pang-akit, sinabi pa niya: “Sapagkat ang asawang lalaki ay wala sa kaniyang bahay; naglakbay siya sa malayo. Isang supot ng salapi ang dala niya sa kaniyang kamay. Sa araw ng kabilugan ng buwan ay uuwi siya sa kaniyang bahay.” (Kawikaan 7:18-20) Ligtas na ligtas sila, ang pagtiyak niya sa lalaki, sapagkat wala ang kaniyang asawa dahil sa inaasikasong negosyo at matatagalan pa bago ito makabalik. Anong husay niya sa panlilinlang sa kabataan! “Iniligaw siya ng babae sa pamamagitan ng maraming panghihikayat nito. Sa pamamagitan ng dulas ng mga labi nito ay inaakit siya nito.” (Kawikaan 7:21) Kailangan ng isang lalaki ang kakayahan ni Jose upang tanggihan ang nakahahalinang pang-aakit na ito. (Genesis 39:9, 12) Nakaabot ba sa pamantayan ang kabataang lalaking ito?
“Tulad ng Toro na Pumaparoon sa Patayan”
“Kaagad niya itong sinundan,” ang ulat ni Solomon, “tulad ng toro na pumaparoon sa patayan, at para bang kinabitan ng pangaw na pandisiplina sa taong mangmang, hanggang sa biyakin ng palaso ang kaniyang atay, gaya ng ibong nagmamadali sa pagpasok sa bitag, at hindi niya nalalamang nasasangkot dito ang kaniya mismong kaluluwa.”—Kawikaan 7:22, 23.
Ang paanyaya ay totoong mahirap tanggihan para sa kabataang lalaki. Dahil sa kaniyang isinaisantabi ang katinuan, sumunod siya sa babae na “tulad ng toro na pumaparoon sa patayan.” Kung paanong hindi makatakas sa kaniyang parusa ang isang taong nasa pangaw, gayundin ang kabataang lalaki na nahulog sa kasalanan. Hindi niya nakikita ang panganib ng lahat ng ito hanggang sa “biyakin ng palaso ang kaniyang atay,” iyon ay, hanggang sa magkasugat siya na ikamamatay niya. Maaaring sa pisikal na paraan ang pagkamatay sapagkat kaniyang inilantad ang kaniyang sarili mismo sa nakamamatay na mga sakit na naililipat sa pagtatalik.b Ang sugat ay maaari ring maging sanhi ng kaniyang pagkamatay sa espirituwal; “nasasangkot dito ang kaniya mismong kaluluwa.” Ang buong pagkatao niya at ang kaniyang buhay ay totoong apektado, at napakalaki ng pagkakasala niya sa Diyos. Sa gayo’y nagmadali siya sa paghawak sa kamatayan gaya ng isang ibon sa bitag!
“Huwag Kang Gumala-gala sa Kaniyang mga Landas”
Dahil sa natuto mula sa kaniyang nakita, hinimok ng matalinong hari: “At ngayon, O mga anak, makinig kayo sa akin at magbigay-pansin kayo sa mga pananalita ng aking bibig. Ang iyong puso ay huwag nawang lumiko sa kaniyang mga daan. Huwag kang gumala-gala sa kaniyang mga landas. Sapagkat marami na siyang naibuwal na patay, at ang lahat ng kaniyang napapatay ay marami. Ang kaniyang bahay ay mga daang patungo sa Sheol; ang mga iyon ay pababa sa mga loobang silid ng kamatayan.”—Kawikaan 7:24-27.
Maliwanag, ang payo ni Solomon ay umiwas sa nakamamatay na mga paraan ng isang imoral na tao at ‘patuloy na mabuhay.’ (Kawikaan 7:2) Napapanahon nga ang payong ito para sa atin sa ngayon! Talagang kailangang umiwas sa mga lugar na madalas puntahan ng mga naghihintay upang makakuha ng mabibiktima. Bakit mo isusuong ang iyong sarili sa kanilang mga pamamaraan sa pamamagitan ng pagtungo sa gayong mga lugar? Oo, bakit dapat kang maging “kapos sa puso” at magpagala-gala sa mga daan ng isang “banyaga”?
Nakita ng hari na inakit ng “babaing di-kilala” ang kabataang lalaki sa pamamagitan ng pag-anyaya na ‘magpakasaya sila sa isa’t isa sa mga kapahayagan ng pag-ibig.’ Hindi ba’t maraming kabataan—lalo na ang mga kabataang babae—ang pinagsamantalahan sa ganitong paraan? Subalit isip-isipin ito: Kapag may umakit sa iyo na gumawa ng seksuwal na kahalayan, iyon ba’y totoong pag-ibig o mapag-imbot na pagnanasa? Bakit gigipitin ng isang lalaking tunay na nagmamahal sa isang babae na labagin nito ang kaniyang Kristiyanong pagsasanay at budhi? “Ang iyong puso ay huwag nawang lumiko” sa gayong mga daan, ang payo ni Solomon.
Ang mga pananalita ng isang manunukso ay karaniwan nang madulas at pinag-isipang mabuti. Ang pagiging malapit natin sa karunungan at pagkaunawa ay makatutulong sa atin na maunawaan nang lubusan ang mga ito. Maiingatan tayo kung hindi natin kalilimutan ang iniutos ni Jehova. Kung gayon, nawa’y lagi nating pagsikapan na ‘ingatan ang mga utos ng Diyos at patuloy na mabuhay,’ nang walang-hanggan pa nga.—1 Juan 2:17.
[Mga talababa]
a Ang salitang “di-kilala” ay kumakapit sa mga taong inihiwalay ang kanilang mga sarili kay Jehova sa pamamagitan ng pagtalikod sa Kautusan. Sa gayon, ang isang imoral na babae, gaya ng isang patutot, ay tinutukoy bilang isang “babaing di-kilala.”
b Ang ilang sakit na naililipat sa pagtatalik ay pumipinsala ng atay. Halimbawa, inaatake ng mga baktirya ang atay sa malalang mga kaso ng sipilis. At ang organismo na dahilan ng gonorea ay maaaring maging sanhi ng pamamaga ng atay.
[Mga larawan sa pahina 29]
Paano mo minamalas ang mga alituntunin ng iyong mga magulang?
[Larawan sa pahina 31]
Nangangahulugan ng buhay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos