PAYO, TAGAPAYO
Sa maraming salitang Hebreo at Aramaiko na ginamit sa Kasulatan upang ipahayag ang ideya ng “payo,” ang pangngalang Hebreo na ʽe·tsahʹ at ang kaugnay na pandiwang ya·ʽatsʹ ang pinakamadalas lumitaw. Bagaman kadalasang isinasalin bilang “payo,” ang ʽe·tsahʹ ay isinasalin din bilang “pakana.” (Isa 8:10) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang konsepto ng “payo” bilang isang pangngalan ay ipinapahayag ng bou·leʹ at sym·bouʹli·on. Ang bou·leʹ ay isinasalin din bilang “pakana” (Luc 23:51; Gaw 5:38), “malinaw na kalooban” (Gaw 13:36), at “kapasiyahan” (Gaw 27:42).
Kaya ang terminong “payo” ay maaari ring mangahulugang “kalooban,” “layunin,” “kapasiyahan,” “pakana,” gaya halimbawa kapag ipinahahayag ni Jehova: “Ang aking pasiya [counsel] ay mananatili.” (Isa 46:10) Ang “mga layunin [counsels] ng mga puso,” samakatuwid nga, ang mga plano, pakana, layunin [purpose], o mga kapasiyahan, ng natatagong panloob na pagkatao ang siyang mailalantad kapag dumating ang Panginoong Jesu-Kristo upang maggawad ng kahatulan. (1Co 4:5) Sa Efeso 1:11, ang pariralang “ayon sa ipinapasiya ng kaniyang kalooban” (sa literal, “ayon sa payo ng kalooban niya”) ay maaaring nangangahulugang “ayon sa layunin, o kapasiyahan, na kapahayagan ng kalooban ng Diyos.” Sinabi ng apostol na si Pablo na malaya siya sa pagkakasala sa dugo dahil hindi niya ipinagkait na ituro “ang lahat ng layunin [counsel] ng Diyos” (“ang kabuuan ng layunin [purpose] ng Diyos,” JB; “ang buong kalooban ng Diyos,” NIV), samakatuwid nga, lahat ng bagay na kinakailangan para sa kaligtasan.—Gaw 20:27.
Ang mga lalaking kilala dahil sa kanilang karunungan ay lubhang pinahahalagahan bilang mga tagapayo ng hari. (Tingnan ang 2Sa 16:23.) Dahil sa kanilang posisyon, may mga pagkakataong inaalok sila ng suhol upang gamitin nila ang kanilang impluwensiya sa tiwaling paraan. Nang umupa ng mga tagapayo ang mga kaaway ng mga Judio, maaaring ginawa nila iyon sa pamamagitan ng panunuhol sa mga Persianong naglilingkod sa gayong katungkulan.—Ezr 4:5.
Walang iisang tao ang nagtataglay ng lahat ng kaalaman. Kaya naman, ang taong nakikinig sa mahusay na payo ay marunong. (Kaw 12:15) Sukdulang kahibangan para sa isa na tanggihan ang mabuting payo ng makaranasang mga tagapayo, gaya ng ginawa ni Haring Rehoboam.—1Ha 12:8.
Si Jehova ang nagtataglay ng karunungan sa ganap na diwa nito. Siya lamang ang hindi nangangailangan ng sinumang magpapayo sa kaniya. (Isa 40:13; Ro 11:34) Ang kaniyang Anak ay nakagaganap bilang “Kamangha-manghang Tagapayo,” anupat naglalaan ng patnubay at pangangasiwa, dahil tumanggap siya ng payo mula sa kaniyang Ama at sinunod niya ito, at taglay niya ang espiritu ng Diyos. (Isa 9:6; 11:2; Ju 5:19, 30) Idiniriin nito na upang ang payo ay maging kapaki-pakinabang, kailangang isaalang-alang si Jehova. Walang kabuluhan ang anumang payo na sumasalungat sa Kataas-taasan. Hindi iyon maituturing na payo.—Kaw 19:21; 21:30.