Mga Gawa ng mga Apostol
27 Nang maipasiyang maglalayag kami papuntang Italya,+ ibinigay nila si Pablo at ang iba pang bilanggo kay Julio na opisyal ng hukbo sa pangkat ng Augusto. 2 Sumakay kami sa barko na mula sa Adrameto na dadaan sa mga daungan sa baybayin ng lalawigan* ng Asia, at kasama namin si Aristarco+ na mula sa Tesalonica, na nasa distrito ng Macedonia. 3 Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon, at naging mabait si Julio kay Pablo at hinayaan siyang makipagkita sa mga kaibigan niya at maasikaso ng mga ito.
4 Mula roon, naglayag kami malapit sa Ciprus para makapagkubli kami sa pasalungat na hangin. 5 At pumalaot kami at dumaan sa tapat ng Cilicia at Pamfilia at dumaong sa Mira sa Licia. 6 Doon, ang opisyal ng hukbo ay nakakita ng barko mula sa Alejandria na papuntang Italya, at pinasakay niya kami roon. 7 Dahan-dahan kaming naglayag sa loob ng ilang araw hanggang sa Cinido, at hindi iyon naging madali. Para makapagkubli kami sa pasalungat na hangin, naglayag kami malapit sa Creta sa may Salmone. 8 Pagkatapos ng mahirap na paglalayag sa may baybayin, nakarating kami sa Magagandang Daungan, na malapit sa lunsod ng Lasea.
9 Mahabang panahon na ang lumipas at mapanganib na ngayong maglayag dahil tapós na rin ang pag-aayuno sa Araw ng Pagbabayad-Sala,+ kaya sinabi ni Pablo: 10 “Mga lalaki, kung tutuloy tayo sa paglalayag, posibleng mawasak ang barko, mawala ang kargamento, at manganib ang buhay natin.” 11 Pero nakinig ang opisyal ng hukbo sa kapitan ng barko at sa may-ari nito sa halip na kay Pablo. 12 At dahil mahirap magpalipas ng taglamig sa daungang iyon, ipinayo ng karamihan na maglayag sila at tingnan kung makakarating sila sa Fenix para doon magpalipas ng taglamig; isa itong daungan ng Creta na bukás pahilagang-silangan at patimog-silangan.
13 Nang maging banayad ang ihip ng hangin mula sa timog, inisip nilang maitutuloy na nila ang plano nila, kaya itinaas nila ang angkla at naglayag sa may baybayin ng Creta. 14 Pero hindi pa natatagalan, humampas dito ang napakalakas na hangin na tinatawag na Euroaquilo. 15 Hinahampas ng hangin ang barko at hindi na makapaglayag pasalungat dito, kaya nagpatangay na lang kami. 16 Pagkatapos, mabilis kaming naglayag malapit sa isang maliit na isla na tinatawag na Cauda, pero nahirapan kaming isalba ang maliit na bangka na hatak-hatak ng barko. 17 At nang maisampa ito sa barko, tinalian nila ng malalaking lubid ang katawan ng barko para hindi ito mabiyak, at dahil natatakot silang sumadsad sa Sirte, ibinaba nila ang layag at nagpaanod na lang. 18 Kinabukasan, binawasan nila ang kargamento ng barko+ dahil hinahampas kami ng unos. 19 At noong ikatlong araw, itinapon nila ang ilang kagamitan ng barko.
20 Pero noong maraming araw nang walang araw o bituin at hinahampas kami ng malakas na unos, nawalan na kami ng pag-asang makaligtas. 21 Nang matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila at nagsabi: “Mga lalaki, kung sinunod ninyo ang sinabi ko na huwag maglayag mula sa Creta, hindi sana natin ito dinanas at wala tayong itinapong gamit.+ 22 Pero lakasan ninyo ang loob ninyo, dahil walang mamamatay sa inyo; barko lang ang mawawasak. 23 Ngayong gabi, ang Diyos na nagmamay-ari sa akin at pinaglilingkuran ko ay nagsugo ng isang anghel,+ 24 at sinabi nito: ‘Huwag kang matakot, Pablo. Tatayo ka sa harap ni Cesar,+ at ililigtas ng Diyos ang lahat ng kasama mo sa barko.’ 25 Kaya lakasan ninyo ang loob ninyo, mga lalaki, dahil naniniwala akong gagawin ng Diyos ang lahat ng sinabi sa akin ng anghel. 26 Pero kailangan nating mapadpad sa baybayin ng isang isla.”+
27 Nang 14 na gabi na kami sa dagat at hinahampas-hampas kami sa Dagat ng Adria, inisip ng mga mandaragat na malapit na sila sa lupa noong hatinggabi na. 28 Sinukat nila ang lalim at nalaman na 20 dipa ito, kaya umusad sila nang kaunti, sinukat ulit ang lalim, at nalaman na 15 dipa ito. 29 At sa takot na sumadsad sa batuhan, apat na angkla ang inihagis nila mula sa popa,* at gustong-gusto nilang mag-umaga na. 30 Pero gustong tumakas ng mga mandaragat. Ibinaba nila ang maliit na bangka, at nagkunwari silang ibababa lang ang mga angkla mula sa proa.* 31 Kaya sinabi ni Pablo sa opisyal ng hukbo at sa mga sundalo: “Kapag hinayaan ninyong tumakas ang mga taong ito, hindi kayo maliligtas.”+ 32 Dahil dito, pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng maliit na bangka at hinayaan itong mahulog.
33 Noong malapit nang mag-umaga, hinimok sila ni Pablo na kumain: “Ngayon ang ika-14 na araw ng inyong paghihintay, pero hindi pa rin kayo kumakain ng anuman. 34 Kaya kumain kayo kahit kaunti; para ito sa ikabubuti ninyo. Dahil hindi mawawala kahit isang hibla ng buhok sa ulo ninyo.” 35 Pagkasabi nito, kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat sa Diyos sa harap nilang lahat, pinagpira-piraso ito, at kumain. 36 Kaya lumakas ang loob nilang lahat, at kumain na rin sila. 37 Lahat-lahat, kami ay 276.* 38 Nang mabusog na sila, itinapon nila ang trigo sa dagat para gumaan ang barko.+
39 Nang mag-umaga na, nakakita sila ng look na may dalampasigan. Hindi nila alam kung anong lugar iyon,+ pero determinado silang isadsad doon ang barko. 40 Kaya pinutol nila ang mga lubid ng mga angkla at hinayaang mahulog ang mga ito sa dagat, at kasabay nito, kinalag nila ang mga tali ng mga timon; at matapos itaas ang layag sa unahan, nagpatangay sila sa hangin papuntang dalampasigan. 41 Pero sumadsad sila sa mababaw na bahagi ng dagat. Bumaon doon ang proa at hindi na matanggal, at ang popa ay nawasak ng mga alon.+ 42 Dahil dito, ipinasiya ng mga sundalo na patayin ang mga bilanggo para hindi sila makalangoy palayo at makatakas. 43 Pero gusto ng opisyal ng hukbo na madalang ligtas si Pablo kaya pinigilan niya ang plano nila. Inutusan niya ang mga marunong lumangoy na tumalon sa dagat at mauna sa dalampasigan, 44 at saka susunod ang iba, gamit ang mga tabla at iba pang bahagi ng barko. Kaya lahat sila ay ligtas na nakarating sa lupa.+