Ang Kahulugan ng mga Balita
Isang Sambahayan na Baha-bahagi
Sinabi ni Jesus na “kung ang isang sambahayan ay baha-bahagi laban sa ganang sarili,” iyon ay hindi makatatayo. (Marcos 3:25) Ang Iglesia Unida ng Canada, ang pinakamalaking relihiyong Protestante ng bansa, ay nasa ganitong kalagayan sa isyu ng homoseksuwalidad at ordinasyon ng mga lalaki at mga babaing homoseksuwal.
Isang resolusyon ang pinagtibay ng ika-32 Pangkalahatang Konsilyo ng Iglesia Unida ng Canada ang nagpapahintulot sa aktibong mga homoseksuwal na magsilbing mga klerigo. Sang-ayon sa The Globe and Mail, isang pahayagan sa Canada, ang resolusyon ay nagsasabi na anuman ang kanilang kinasanayang sekso, sinoman “na nag-aangking may pananampalataya kay Jesu-Kristo at sumusunod sa Kaniya ay malugod na tinatanggap o makapagiging lubos na mga miyembro ng Iglesia,” at “lahat” ng miyembro ng Iglesia ay maaaring ilagay sa ordinadong ministeryo.” Isang 125-pahinang report ng Iglesia Unida ang nagsasabi: “Mayroong sari-saring seksuwal na kinasanayan: homoseksuwal, biseksuwal, heteroseksuwal. Ito’y nararapat na ituring na natural at isang kaloob na galing sa Diyos.”
Sa pagkomento sa desisyon ng simbahan na tanggapin ang mga homoseksuwal bilang mga klerigo, sinabi ng Globe na “ang nangingibabaw na isyu ang magliligtas sa simbahan.” Sapol noong 1972, ayon sa ipinakikita ng mga ulat, ang simbahan ay patuloy na nawawalan ng mga miyembro at may suliranin sa pananalapi. Ang dahilan? Binanggit ng klerigong si John Tweedie na “may patuloy na paglalabásan sa iglesia habang nakikita ng mga tao na ito’y palayo nang palayo sa Kristiyanong kinasasaligan nito.” “Sa gayon,” ayon sa pag-uulat ng The Post ng Canada, “ang kanilang pagtanggap sa mga bagay tulad ng homoseksuwalidad, sekso sa labas ng buklod ng pag-aasawa, aborsiyon kung oras na kailangan, at nalalansag na mga pag-aasawa, aborsiyon kung oras na kailangan, at nalalansag na mga pag-aasawa ay isang alok sa isang nakababatang salinlahi.”
Gayunman, ang pagtalima ba kay Kristo ay nagpapahintulot ng isang pakikipagkompromiso ng mga simulain ng Bibliya? Sa kabaligtaran, ang Salita ng Diyos ay malinaw: “Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; ang mga taong imoral . . . mga likong homoseksuwal . . . wala sa mga ito ang magmamana ng Kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10. Today’s English Version.
Paggamit ng Pamalo
“Itabi ang Pamalo, subalit Pansinin ang Resulta” ang siyang titulo ng isang artikulong inilathala sa The Natal Mercury, isang pahayagan sa Timog Aprika na ipinaghihinanakit ang modernong kausuhan na pagkakait ng pisikal na parusa sa mga anak sa tahanan at sa paaralan. Sino ba ang may pananagutan sa nagbagong saloobing ito tungkol sa pamamalo? Si Propesor Smythe, isang pediatrician sa Unibersidad ng Natal, Timog Aprika, ay nagbubunton ng sisi sa mga sikologo sa bata. “Karaniwan na kung susuriin ang ugat ng isang emosyonal na isyu,” sabi ni Smythe, “makikita ang pagbabago ng saloobing simula sa sikolohikong turo. Sa simula’y marahas na salungat sa anumang anyo ng pisikal na parusa, pagkatapos ay nagugulantang sa resulta ng di pagdisiplina bunga ng paniniwala na walang kabiguan at walang mga pagsugpo.”
Ang iminumungkahi ni Smythe ay ang pagiging timbang. “Ang sukdulang kaluwagan sa disiplina ay kasinsama ng sukdulang pagpaparusa,” ang sabi niya, “subalit ang katotohanan na mas madali ang remedyo kung tungkol sa labis-ang-pagkadisiplina kaysa kulang-ang-pagkadisiplinang bata ay pabor sa pagkapit sa panig ng disiplina kung may duda ka.” Idiniin ng propesor na ang motibo para sa pagbibigay ng pisikal na parusa ay dapat na ang maibiging pagmamalasakit sa kasalukuyan at panghinaharap na kapakanan ng bata.
Ang ganiyang payo ay hindi na bago kundi isang panunumbalik sa di nagkakamaling patnubay ng Bibliya: “Siyang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit siyang umiibig ay naglalapat sa kaniya ng disiplina.”—Kawikaan 13:24; tingnan din ang Kawikaan 23:13, 14.