“Ang Iyong mga Plano ay Matibay na Matatatag”
SA AWIT na kinatha ng salmistang si David, nanalangin siya: “Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, O Diyos, at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, yaong matatag. Isauli mo sa akin ang pagbubunyi sa iyong pagliligtas, at alalayan mo nawa ako ng isang nagkukusang espiritu.” (Awit 51:10, 12) Matapos siyang magkasala kasama si Bat-sheba, ang nagsisising si David ay nagsumamo sa Diyos na Jehova upang linisin ang kaniyang puso at maglagay sa kaniya ng isang espiritu, o tendensiya ng isip, na gumawa ng tama.
Talaga bang lumilikha si Jehova sa atin ng bagong puso, at naglalagay sa atin ng bago at nagkukusang espiritu? O isang dalisay na puso ang dapat nating pagsikapang magkaroon at ingatan? “Si Jehova ang tagasuri ng mga puso,” pero hanggang sa anong antas niya inuugitan ang ating puso? (Kawikaan 17:3; Jeremias 17:10) Gaano ba siya kaimpluwensiya sa ating buhay, motibo, at ikinikilos?
Sa unang siyam na talata ng Kawikaan kabanata 16 kung saan walong beses na binanggit ang pangalan ng Diyos, ipinakikita kung paano natin hahayaang makontrol ng Diyos ang ating buhay upang ang ‘ating mga plano ay matibay na matatag.’ (Kawikaan 16:3) Nagtutuon naman ng pansin ang talata 10 hanggang 15 sa pananagutan ng isang hari o tagapamahala.
“Ang Pagsasaayos ng Puso”—Sino ang Gagawa Nito?
“Sa makalupang tao nauukol ang pagsasaayos ng puso,” ang sabi ng Kawikaan 16:1a. Maliwanag na tayo ang may pananagutang ‘magsaayos ng ating puso.’ Hindi makahimalang inihahanda ni Jehova ang ating puso ni nagbibigay man siya ng nagkukusang espiritu. Kailangan nating magsikap na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa kaniyang Salita, ang Bibliya, magbulay-bulay sa ating natututuhan, at iayon ang ating pag-iisip sa kaniyang pag-iisip.—Kawikaan 2:10, 11.
Gayunman, noong humiling si David na magkaroon siya ng “dalisay na puso” at “bagong espiritu,” kinilala niya na siya ay may tendensiyang magkasala at kailangan niya ang tulong ng Diyos para linisin ang kaniyang puso. Yamang tayo ay di-sakdal, baka matukso tayong gumawa ng “mga gawa ng laman.” (Galacia 5:19-21) Upang ‘mapatay natin ang mga sangkap ng ating katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan,’ kailangan natin ang tulong ni Jehova. (Colosas 3:5) Napakahalaga ngang humingi ng tulong sa kaniya upang hindi tayo madaig ng mga tukso at maalis natin ang makasalanang mga tendensiya sa ating puso!
Matutulungan ba natin ang iba sa “pagsasaayos” ng kanilang puso? “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Paano nakapagpapagaling ang ating dila? Tangi lamang kung “mula kay Jehova ang sagot ng dila,” samakatuwid nga, kapag nagsasalita tayo ng tumpak na mga salita ng katotohanan mula sa Bibliya.—Kawikaan 16:1b.
“Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib,” ang sabi ng Bibliya. (Jeremias 17:9) Ang ating makasagisag na puso ay may tendensiyang magmatuwid sa sarili at manlinlang sa sarili. Nagbabala sa panganib na ito si Haring Solomon ng sinaunang Israel nang sabihin niya: “Ang lahat ng mga lakad ng tao ay dalisay sa kaniyang sariling paningin, ngunit sinusukat ni Jehova ang mga espiritu.”—Kawikaan 16:2.
Dahil sa pag-ibig sa sarili, baka ipagmatuwid natin ang ating mga pagkakamali, itago ang masasamang ugali, at magbulag-bulagan sa ating sariling kasamaan. Subalit hindi natin puwedeng linlangin si Jehova. Sinusukat niya ang mga espiritu. Ang espiritu ng isang tao ay ang nangingibabaw na disposisyon ng kaniyang isip at ito ay nauugnay sa puso. Ang paghubog dito ay nakadepende nang malaki sa ginagawa ng makasagisag na puso, na nagsasangkot sa ating pag-iisip, damdamin, at motibo. Sinusukat ng “tagasuri ng mga puso” ang ating espiritu, at ang kaniyang kahatulan ay walang paboritismo o kinikilingan. Katalinuhan ngang bantayan ang ating espiritu.
“Igulong Mo ang Iyong mga Gawain kay Jehova”
Para makapagplano, kailangan tayong mag-isip—isang gawain ng ating puso. Kasunod ng mga plano ang pagkilos. Magtatagumpay kaya tayo sa ating mga plano? Sinabi ni Solomon: “Igulong mo ang iyong mga gawain kay Jehova at ang iyong mga plano ay matibay na matatatag.” (Kawikaan 16:3) Iginugulong natin ang ating mga gawain kay Jehova kapag nagtitiwala, umaasa, at nagpapasakop tayo sa kaniya—ipinapapasan natin sa kaniya ang ating pasanin, wika nga. Umawit ang salmista: “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.”—Awit 37:5.
Gayunman, kung gusto nating matibay na maitatag ang ating mga plano, dapat na kaayon ito ng Salita ng Diyos at may mabuting motibo. Bukod dito, dapat tayong humingi ng tulong at suporta kay Jehova sa panalangin at dapat nating puspusang gawin ang ating buong makakaya upang sundin ang payo ng Bibliya. Lalo nang mahalaga na ‘ihagis ang ating pasanin kay Jehova’ kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok o suliranin, sapagkat ‘siya ang aalalay sa atin.’ Oo, “hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”—Awit 55:22.
“Ang Lahat ng Bagay ay Ginawa ni Jehova Ukol sa Kaniyang Layunin”
Ano pa ang nagiging resulta kapag iginugulong natin ang ating mga gawain kay Jehova? “Ang lahat ng bagay ay ginawa ni Jehova ukol sa kaniyang layunin,” ang sabi ng matalinong hari. (Kawikaan 16:4a) Ang Maylalang ng uniberso ay Diyos na may layunin. Kapag iginugulong natin ang ating mga gawain sa kaniya, nagiging makabuluhan at makahulugan ang ating mga gawain sa buhay, hindi walang saysay. At ang layunin ni Jehova para sa lupa at sa tao ay walang hanggan. (Efeso 3:11) Inanyuan niya ang lupa at nilalang ito “upang tahanan.” (Isaias 45:18) At talagang matutupad ang orihinal na layunin niya para sa sangkatauhan sa lupa. (Genesis 1:28) Ang buhay na ginugugol sa paglilingkod sa tunay na Diyos ay magiging walang hanggan at makabuluhan.
Ginawa ni Jehova “maging ang balakyot na ukol sa masamang araw.” (Kawikaan 16:4b) Hindi siya ang lumalang sa mga balakyot, sapagkat “sakdal ang kaniyang gawa.” (Deuteronomio 32:4) Ngunit pinahintulutan niya silang umiral at patuloy na mabuhay hanggang sa igawad niya ang kaniyang hatol. Halimbawa, sinabi ni Jehova sa Paraon ng Ehipto: “Sa dahilang ito ay pinanatili kitang buháy, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong lupa.” (Exodo 9:16) Ang Sampung Salot at ang pagpuksa kay Paraon at sa kaniyang hukbo sa Dagat na Pula ay di-malilimutang pagtatanghal ng walang-kapantay na kapangyarihan ng Diyos.
Maaari ding maniobrahin ni Jehova ang mga kalagayan anupat di-namamalayan ng mga balakyot na ang ginagawa nila ay para sa kaniyang layunin. Sinabi ng salmista: “Pupurihin ka ng pagngangalit ng tao; ang nalalabing pagngangalit ay ibibigkis mo [Jehova] sa iyo.” (Awit 76:10) Maaaring ipahintulot ni Jehova na magngalit sa kaniyang mga lingkod ang kaniyang mga kaaway—pero hanggang sa puntong kailangan lamang para madisiplina ang kaniyang bayan at sa gayon ay sanayin sila. Ang anumang labis pa rito ay hindi na ipahihintulot ng Diyos.
Samantalang tinutulungan ni Jehova ang mga mapagpakumbaba niyang lingkod, paano naman ang mga mapagmapuri at arogante? “Ang lahat ng may pusong mapagmapuri ay karima-rimarim kay Jehova,” ang sabi ng hari ng Israel. “Ang kamay man ay humawak sa kamay, gayunma’y hindi magiging ligtas ang isa sa kaparusahan.” (Kawikaan 16:5) Ang mga “may pusong mapagmapuri” ay maaaring magkampi-kampi subalit hindi sila makaliligtas sa kaparusahan. Kung gayon, makabubuting linangin natin ang espiritu ng kapakumbabaan gaanuman karami ang ating nalalaman, gaanuman tayo kahusay o anuman ang ating pribilehiyo sa paglilingkod.
“Sa Pagkatakot kay Jehova”
Yamang isinilang tayo na makasalanan, may tendensiya tayong magkasala. (Roma 3:23; 5:12) Ano ang tutulong sa atin upang hindi mauwi sa masamang landas ang ating mga plano? Sinasabi sa Kawikaan 16:6: “Sa pamamagitan ng maibiging-kabaitan at katapatan ay naipagbabayad-sala ang kamalian, at dahil sa pagkatakot kay Jehova ay lumalayo sa kasamaan ang isa.” Bagaman naipagbabayad-sala ni Jehova ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang maibiging-kabaitan at katapatan, ang pagkatakot kay Jehova ang humahadlang sa atin na magkasala. Napakahalaga nga na bukod sa pag-ibig sa Diyos at pagpapahalaga sa kaniyang maibiging-kabaitan, linangin din natin ang pagkatakot na hindi siya mapalugdan!
Nagkakaroon ng pagkatakot sa Diyos ang ating puso kapag nililinang natin ang pagpipitagan at paggalang sa kagila-gilalas na kapangyarihan ng Diyos. Isipin na lamang ang kaniyang kapangyarihan na makikita sa kaniyang mga nilalang! Napaalalahanan ang patriyarkang si Job tungkol sa kapangyarihan ng Diyos na kitang-kita sa Kaniyang mga nilalang, at ito ang nakatulong sa kaniya na maituwid ang kaniyang pag-iisip. (Job 42:1-6) Sa katulad na paraan, hindi ba’t naitutuwid din ang ating pag-iisip kapag nababasa at nabubulay-bulay natin ang mga ulat ng pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan gaya ng iniulat sa Bibliya? Umawit ang salmista: “Halikayo at tingnan ang mga gawa ng Diyos. Ang kaniyang pakikitungo sa mga anak ng mga tao ay kakila-kilabot.” (Awit 66:5) Hindi dapat abusuhin ang maibiging-kabaitan ni Jehova. Nang ‘maghimagsik ang mga Israelita at pinagdamdam nila ang banal na espiritu ng Diyos, si Jehova ay naging kaaway nila; siya ay nakipagdigma laban sa kanila.’ (Isaias 63:10) Sa kabilang banda, “kapag nalulugod si Jehova sa mga lakad ng isang tao ay pinangyayari niya na maging ang kaniyang mga kaaway ay makipagpayapaan sa kaniya.” (Kawikaan 16:7) Talaga ngang isang proteksiyon ang pagkatakot kay Jehova!
“Mas mabuti ang kaunti na may katuwiran kaysa sa saganang bunga na walang katarungan,” ang sabi ng matalinong hari. (Kawikaan 16:8) Sinasabi sa Kawikaan 15:16: “Mas mabuti ang kaunti na may pagkatakot kay Jehova kaysa sa saganang panustos na may kasamang kalituhan.” Talagang kailangan ang pagpipitagan sa Diyos para manatili tayo sa matuwid na landas.
“Ang Puso ng Makalupang Tao ay Makapag-iisip ng Kaniyang Lakad”
Nilalang ang tao na may kakayahang magpasiya at pumili ng tama at mali. (Deuteronomio 30:19, 20) Ang ating makasagisag na puso ay may kakayahang umisip ng mga mapagpipilian at magtuon ng pansin sa isa o higit pa sa mga ito. Upang ipakita na pananagutan natin ang pagpili, sinabi ni Solomon: “Ang puso ng makalupang tao ay makapag-iisip ng kaniyang lakad.” Matapos gawin ito, “si Jehova ang nagtutuwid ng kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 16:9) Yamang maaaring patnubayan ni Jehova ang ating mga hakbang, matalino tayo kung hihingi tayo ng tulong sa kaniya upang ‘ang ating mga plano ay matibay na matatag.’
Gaya ng nabanggit na, ang puso ay mapandaya at may tendensiyang mangatuwiran nang mali. Halimbawa, kapag nagkasala ang isang tao, baka ipagmatuwid ito ng kaniyang puso. Sa halip na talikuran ang kaniyang makasalanang paggawi, baka ikatuwiran ng indibiduwal na ang Diyos naman ay maibigin, mabait, maawain, at mapagpatawad. Sinasabi ng taong iyon sa kaniyang puso: “Nakalimot ang Diyos. Ikinubli niya ang kaniyang mukha. Tiyak na hindi na niya iyon makikita.” (Awit 10:11) Subalit mapanganib at hindi tama na abusuhin ang awa ng Diyos.
“Ang Tapat na Panukat at Timbangan ay kay Jehova”
Matapos talakayin ang tungkol sa puso at paggawi ng makalupang tao, ibinaling naman ni Solomon ang kaniyang pansin sa puso at paggawi ng isang hari nang sabihin niya: “Ang kinasihang pasiya ay dapat na mapasa mga labi ng hari; sa paghatol ay hindi dapat na maging di-tapat ang kaniyang bibig.” (Kawikaan 16:10) Talagang matutupad ang mga salitang ito sa iniluklok na haring si Jesu-Kristo. Ang kaniyang pamamahala sa lupa ay kaayon ng kalooban ng Diyos.
Tinukoy ng matalinong hari ang bukal ng katarungan at katuwiran nang sabihin niya: “Ang tapat na panukat at timbangan ay kay Jehova; ang lahat ng mga batong panimbang ng supot ay kaniyang gawa.” (Kawikaan 16:11) Si Jehova ang naglalaan ng tapat na panukat at timbangan. Hindi hari ang magtatakda ng mga pamantayang ito ayon sa gusto niya. Noong nasa lupa si Jesus, sinabi niya: “Hindi ako makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili kong pagkukusa; ayon sa aking narinig, ako ay humahatol; at ang hatol na ipinapataw ko ay matuwid, sapagkat hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” Maaasahan natin ang sakdal na katarungan mula sa Anak, na sa kaniya “ipinagkatiwala [ng Ama] ang lahat ng paghatol.”—Juan 5:22, 30.
Ano pa ang maaasahan sa hari na kumakatawan kay Jehova? “Ang paggawa ng kabalakyutan ay karima-rimarim sa mga hari,” ang sabi ng hari ng Israel, “sapagkat sa pamamagitan ng katuwiran ay matibay na natatatag ang trono.” (Kawikaan 16:12) Ginagabayan ng matuwid na mga simulain ng Diyos ang Mesiyanikong Kaharian. Wala itong kaugnayan sa “trono [na] nagpapangyari ng mga kapighatian.”—Awit 94:20; Juan 18:36; 1 Juan 5:19.
Pagtatamo ng Kabutihang-Loob ng Hari
Paano dapat tumugon ang mga sakop ng maringal na hari? Sinabi ni Solomon: “Ang mga labi ng katuwiran ay kalugud-lugod sa isang dakilang hari; at ang nagsasalita ng mga bagay na matuwid ay iniibig niya. Ang pagngangalit ng hari ay gaya ng mga mensahero ng kamatayan, ngunit ang taong marunong ang siyang umiiwas doon.” (Kawikaan 16:13, 14) Dinidibdib ng mga mananamba ni Jehova sa ngayon ang mga salitang ito at aktibo silang nangangaral tungkol sa Kaharian at gumagawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Alam nilang nalulugod ang Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo, kapag ginagamit nila ang kanilang dila sa ganitong paraan. Tiyak na isang katalinuhan na iwasan ang galit ng makapangyarihang haring tao at hangarin ang kaniyang pagsang-ayon. Ngunit mas matalino ngang hangarin ang pagsang-ayon ng Mesiyanikong Hari!
“Sa liwanag ng mukha ng hari ay may buhay,” ang patuloy pa ni Solomon, “at ang kaniyang kabutihang-loob ay tulad ng ulap ng ulan sa tagsibol.” (Kawikaan 16:15) Ang “liwanag ng mukha ng hari” ay nangangahulugan ng kaniyang pagsang-ayon, kung paanong ‘ang liwanag ng mukha ni Jehova’ ay nangangahulugan ng pagsang-ayon ng Diyos. (Awit 44:3; 89:15) Kung paanong tiyak na may dalang ulan na magpapahinog sa pananim ang mga ulap, tiyak na ebidensiya ng mabubuting bagay na darating ang kabutihang-loob ng hari. Kung ihahambing sa pagpapala at kasaganaan noong paghahari ni Haring Solomon, higit ang pagpapala at kasaganaan ng buhay sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyanikong Hari.—Awit 72:1-17.
Habang hinihintay natin ang pangangasiwa ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng gawain sa lupa, hingin natin ang tulong niya na linisin ang ating puso. Magtiwala rin tayo kay Jehova at maglinang ng makadiyos na pagkatakot. Saka lamang tayo lubos na makapagtitiwala na ‘ang ating mga plano ay matibay na matatatag.’—Kawikaan 16:3.
[Larawan sa pahina 18]
Sa anong diwa ‘ginawa ni Jehova ang balakyot na ukol sa masamang araw’?