Espiritu
Kahulugan: Ang Hebreong salitang ruʹach at ang Griyegong pneuʹma, na madalas na isinasaling “espiritu,” ay may iba’t ibang kahulugan. Lahat ng mga ito ay tumutukoy sa isang bagay na di-makikita ng tao at na may kinalaman sa kumikilos na puwersa. Ang mga salitang Hebreo at Griyego ay ginagamit upang tumukoy sa (1) hangin, (2) ang kumikilos na puwersa ng buhay sa makalupang mga nilalang, (3) ang nagpapakilos na puwersang nagmumula sa makasagisag na puso ng isang tao na nakakaimpluwensiya sa kaniyang paraan ng pagsasalita at pagkilos, (4) kinasihang mga kapahayagan na may di-nakikitang pinagmulan, (5) mga espiritung persona, at (6) ang kumikilos na puwersa ng Diyos, o banal na espiritu. Ang ilan sa mga paggamit na ito ay tatalakayin dito may kaugnayan sa mga paksang maaaring bumangon sa ministeryo sa larangan.
Ano ang banal na espiritu?
Ang paghahambing ng mga teksto sa Bibliya na tumutukoy sa banal na espiritu ay nagpapakitang ang mga tao ay maaaring ‘mapuspos’ nito; sila’y maaaring ‘mabautismuhan’ nito; at sila’y maaaring ‘pahiran’ nito. (Luc. 1:41; Mat. 3:11; Gawa 10:38) Hindi magiging angkop ang alinman sa mga salitang ito kung ang banal na espiritu ay isang persona.
Si Jesus ay tumukoy din sa banal na espiritu bilang isang “katulong” (Griyego, pa·raʹkle·tos), at sinabi niya na ang katulong na ito ay “magtuturo,” “magpapatotoo,” “magsasalita,” at ‘makikinig.’ (Juan 14:16, 17, 26; 15:26; 16:13) Karaniwan sa mga Kasulatan ang paglalarawan sa isang bagay bilang persona. Halimbawa, ang karunungan ay sinasabing may mga “anak.” (Luc. 7:35) Ang kasalanan at kamatayan ay tinutukoy bilang mga hari. (Roma 5:14, 21) Bagama’t sinasabi ng ilang teksto na “nagsalita” ang espiritu, nililiwanag ng ibang mga teksto na ito’y ginawa sa pamamagitan ng mga anghel o mga tao. (Gawa 4:24, 25; 28:25; Mat. 10:19, 20; ihambing ang Gawa 20:23 sa Gaw 21:10, 11.) Sa 1 Juan 5:6-8, hindi lamang ang espiritu kundi ang “tubig at dugo” din naman ay sinasabing ‘nagpapatotoo.’ Kaya, wala sa mga pananalitang masusumpungan sa mga tekstong ito ang sa ganang sarili’y magpapatunay na ang banal na espiritu ay isang persona.
Ang wastong kahulugan ng banal na espiritu ay dapat na kaayon ng lahat ng mga kasulatan na tumutukoy sa espiritung iyan. Taglay ang ganitong pangmalas, makatuwirang unawain na ang banal na espiritu ay ang kumikilos na puwersa ng Diyos. Hindi ito isang persona kundi isang makapangyarihang puwersang nagmumula sa Diyos na ginagamit niya upang ganapin ang kaniyang banal na kalooban.—Awit 104:30; 2 Ped. 1:21; Gawa 4:31.
Tingnan din ang mga pahina 414, 415, sa paksang “Trinidad.”
Ano ang nagpapatotoo na taglay ng isang tao ang banal na espiritu, o “the Holy Ghost” (KJ)?
Luc. 4:18, 31-35: “[Binasa ni Jesus mula sa balumbon ni propetang Isaias:] ‘Sumasa akin ang espiritu ni Jehova, sapagka’t ako’y pinahiran niya upang ipahayag ang mabuting balita’ . . . At siya’y bumaba sa Capernaum, na isang lunsod ng Galilea. At sila’y tinuruan niya sa araw ng sabbath; at nangagtaka sila sa kaniyang paraan ng pagtuturo, sapagka’t may awtoridad ang kaniyang salita. At sa sinagoga ay may isang lalake na may espiritu ng karumaldumal na demonyo, at siya’y sumigaw ng malakas na tinig . . . Nguni’t sinaway ito ni Jesus, na sinasabi, ‘Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya.’ At nang ang tao’y mailugmok ng demonyo sa gitna nila, ay lumabas ito sa kaniya na hindi siya sinaktan.” (Ano ang nagpapatotoo na taglay ni Jesus ang espiritu ng Diyos? Hindi sinasabi ng ulat na siya’y nangatal o sumigaw o kumilos na may pagkahibang. Sa halip, sinasabing siya’y nagsalita na may awtoridad. Nguni’t kapansinpansin na sa okasyong iyon ay pinangyari ng isang espiritung demonyo ang lalake na sumigaw at bumagsak sa lupa.)
Sinasabi ng Gawa 1:8 na kapag tumanggap ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Jesus sila’y magiging mga saksi niya. Ayon sa Gawa 2:1-11, nang tinanggap nga nila ang espiritung iyon, namangha ang mga nagmamasid sapagka’t, bagama’t sila’y taga-Galilea, sila’y nagsasalita tungkol sa kamanghamanghang mga bagay ng Diyos sa mga wikang nauunawaan ng maraming mga banyagang naroroon. Nguni’t hindi sinasabi ng ulat na nagkaroon ng sumisilakbong damdamin ang mga tumanggap ng espiritu.
Kapansinpansin na nang tumanggap si Elizabeth ng banal na espiritu at sumigaw ng “malakas na tinig” ay wala siya noon sa isang pulong ukol sa pagsamba kundi bumabati lamang sa isang dumadalaw na kamag-anak. (Luc. 1:41, 42) Nang ibinuhos ang banal na espiritu sa isang pulutong ng mga alagad, iniuulat ng Gawa 4:31 na nayanig ang dakong yaon, nguni’t ang naging epekto ng espiritung iyon sa mga alagad ay, hindi ang sila’y nanginig o nagsigulong nang paroo’t-parito, kundi ang sila’y ‘nagsalita ng salita ng Diyos nang may katapangan.’ Sa katulad na paraan ngayon, ang katapangan sa pagsasalita ng salita ng Diyos, ang kasigasigan sa gawaing pagpapatotoo—ito ang mga katunayan na taglay ng isa ang banal na espiritu.
Gal. 5:22, 23: “Ang bunga ng espiritu ay ang pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kaamuan, pagpipigil-sa-sarili.” (Ang mga bungang ito, at hindi ang mga bugso ng relihiyosong damdamin, ang siyang dapat hanapin kapag gusto nating makilala ang mga taong tunay na nagtataglay ng espiritu ng Diyos.)
Ang kakayahan bang magsalita ng may matinding damdamin sa isang wikang hindi pinag-aralan ng isa ay nagpapatunay na taglay niya ang espiritu ng Diyos?
Tingnan ang pamagat na “Wika, Pagsasalita ng mga.”
May nagaganap ba ngayong kahima-himalang pagpapagaling sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos?
Tingnan ang pamagat na “Pagpapagaling.”
Sino ang binabautismuhan sa banal na espiritu?
Tingnan ang pahina 58, sa ilalim ng “Bautismo,” gayundin ang paksang “Pagkapanganak-na-Muli.”
Mayroon bang espiritung bahagi ng tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan?
Ezek. 18:4: “Ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.” (Ang RS, NE, KJ, at Dy ay pawang nagsasalin ng Hebreong salitang neʹphesh sa talatang ito bilang “kaluluwa,” sa gayo’y sinasabi na ang kaluluwa ang siyang namamatay. Ang ilang mga bersiyon na nagsasalin ng neʹphesh bilang “kaluluwa” sa ibang mga talata ay gumagamit ng pananalitang “ang tao” o “ang isa” sa talatang ito. Kaya, ang neʹphesh, o kaluluwa, ay ang persona, hindi isang espiritung bahagi niya na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan.) (Tingnan ang paksang “Kaluluwa” para sa karagdagang mga detalye.)
Awit 146:4: “Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya’y nagbabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Dito ang salitang Hebreo na isinaling “espiritu” ay kuha sa ruʹach. Isinasalin ng iba bilang “hininga.” Kapag ang ruʹach, o kumikilos na puwersa ng buhay, ay umalis sa katawan, nawawala ang pag-iisip ng tao; hindi ito patuloy na umiiral sa ibang daigdig.)
Ecles. 3:19-21: “Ang nangyayari sa mga anak ng tao ay nangyayari sa mga hayop, samakatuwid baga’y isang bagay ang nangyayari sa kanila. Kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao; at silang lahat ay may iisang espiritu, anupa’t hindi nakahihigit ang tao sa hayop, sapagka’t lahat ay walang kabuluhan. Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako. Lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay mauuwi sa alabok uli. Sinong nakakaalam ng espiritu ng tao kung napaiilanglang; at ng espiritu ng hayop, kung napaiibaba sa lupa?” (Dahil sa sila’y nagmana ng kasalanan at kamatayan mula kay Adan, lahat ng mga tao ay namamatay at bumabalik sa alabok, tulad ng mga hayop. Nguni’t taglay ba ng bawa’t tao ang isang espiritu na patuloy na nabubuhay bilang matalinong personalidad matapos pumanaw sa katawan? Hindi; sumasagot ang Ecl 3 talatang 19 na ang tao at ang hayop “ay may iisang espiritu.” Kung ang pagbabatayan lamang ay ang pangmalas ng tao, walang makasasagot sa tanong na ibinabangon sa Ecl 3 talatang 21 tungkol sa espiritu. Nguni’t sumasagot ang Salita ng Diyos na ang mga tao ay hindi ipinanganak na taglay ang anomang magdudulot sa kanila ng kahigitan sa mga hayop pagkamatay nila. Gayumpaman, dahil sa maawaing paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, binuksan ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa mga taong may pananampalataya, subali’t hindi sa mga hayop. Para sa marami sa sangkatauhan, pangyayarihin ito sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, kapag ang kumikilos na puwersa ng buhay mula sa Diyos ang muling magbigay-lakas sa kanila.)
Luc. 23:46: “Si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig at nagsabi: ‘Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu [Griyego, pneuʹmaʹ].’ Pagkasabi nito, ay nalagutan siya ng hininga.” (Pansinin na nalagutan si Jesus ng hininga. Nang lumabas ang espiritu niya hindi siya umakyat sa langit. Noon lamang ikatlong araw pagkaraan nito binuhay-muli si Jesus. At, gaya ng ipinakikita ng Gawa 1:3, 9, lumipas pa ang 40 araw bago siya umakyat sa langit. Kung gayon, ano ang kahulugan ng sinabi ni Jesus bago siya nalagutan ng hininga? Sinasabi niya na, pagkamatay niya, ang pag-asa niyang mabuhay muli ay lubusang nasasalalay sa Diyos. Ukol sa karagdagang mga komento tungkol sa ‘espiritung nagbabalik sa Diyos,’ tingnan ang pahina 103, sa paksang “Kaluluwa.”)
Kung May Magsasabi—
‘Taglay ba ninyo ang banal na espiritu (o ang Holy Ghost)?’
Maaari kayong sumagot: ‘Opo, at iyan ang dahilan kung bakit ako’y dumalaw sa inyo ngayon. (Gawa 2:17, 18)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Iyan po ang nagpangyari sa aking makibahagi sa ministeryong Kristiyano. Nguni’t napansin ko na may iba’t ibang ideya kung paano malalaman na ang isa ay talagang may espiritu ng Diyos. Ano po naman ang ideya ninyo?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (Pagtalakay sa materyal sa mga pahina 159, 160.)