Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
‘Ano ang Masama sa Pagkakaroon ng Kaunting Kasayahan?’
KUNG mga gabi ng Biyernes, si Pauline (hindi niya tunay na pangalan) ay nagtutungo sa mga pulong Kristiyano. Ngunit bagaman nasisiyahan siya sa mga pinag-uusapan doon, alam niya na kasabay nito ang mga bata sa paaralan ay dumadalo sa mga parti at mga sayawan.
Sabi ni Pauline na pagkatapos ng pulong, siya ay magdaraan sa isang paboritong lugar na pinupuntahan ng mga tin-edyer doon pauwi niya ng bahay. Nagugunita niya: “Naaakit ng malakas na musika at kikislap-kislap na mga ilaw, tumitingin ako sa bintana habang nagdaraan kami at may pag-aasam-asam na ginuguniguni ko ang katuwaan na nararanasan nila.” Nang maglaon, ang kaniyang pagnanais na makipagsaya na kasama ng kaniyang mga kaibigan ay naging ang pinakamahalagang bagay sa kaniyang buhay.
‘Mayroon bang Kulang sa Akin?’
Ganiyan ba kahalaga sa iyo ang pagkakaroon ng kaunting kasayahan? Marahil ay hindi. Subalit marahil paminsan-minsan ikaw ay nakadarama, na gaya ng nadarama ni Pauline, na may isang bagay na kulang sa iyo. Ang lahat ng iyong mga kaibigan at mga kaklase ay para bang nagkakasayahan. At ikaw? Nakatali ka sa rutina ng mga gawain sa paaralan, araling-bahay, at mga gawain sa bahay. Ang buhay ay maaari pa ngang magtinging mas mahigpit kung ang iyong mga magulang ay mga Kristiyano at iginigiit nila ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya.
Nais mong panoorin ang palabas sa TV na pinag-uusapan ng lahat, subalit sinasabi ng iyong mga magulang na ito ay napakarahas. Nais mong lumabas na kasama ng ilang mga kaklase, subalit sinasabi nilang ang mga ito ay masamang kasama. (1 Corinto 15:33) Nais mong anyayahan ang ilang mga kaibigan para sa isang salu-salo, subalit iginigiit ng iyong Inay at Itay na pangasiwaan ito.
Subalit ang ilan sa iyong mga kakilala sa paaralan ay maaaring wala ng gayong mga restriksiyon. Pinahihintulutan—o hindi pinapansin—ng kanilang mga magulang ang kanilang paghitit ng marijuana, pagdalo sa magulong mga konsiyertong rock, at nagsasagawa pa nga ng imoralidad. Hindi naman sa nais mong gawin ang masasamang bagay na ito. Subalit baka kainggitan mo ang kalayaan ng iyong mga kaibigan na gawin kung ano ang nais nilang gawin. ‘Ano ba ang masama sa pagkakaroon ng kaunting kasayahan paminsan-minsan?’ tanong mo.
Ang Tao—Ginawa Upang Masiyahan sa Buhay!
Kung ang Diyos na Maygawa sa atin ang tatanungin, wala namang masama sa pagkakaroon ng kaunting kasayahan paminsan-minsan. Ang katibayan nito ay nakikita sa paglalang. Ilarawan ang makinis, malaki-matang munting otter habang ito ay nagpapadulas sa sarili nitong gawang padulasang putik. Paulit-ulit itong nagpapadulas, sumasalpok sa tubig na una ang ulo—basta naglalaro. Ang munting kinapal ay para bang hindi nagsasawa sa kalugud-lugod na laro nito. Hindi ba ito nagsasabi sa iyo ng isang bagay tungkol sa personalidad na Isa na gumawa sa mapaglarong nilikhang ito?
Si Jehova ay isang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Nais niyang ang kaniyang mga nilikha ay hindi lamang basta umiral kundi magkaroon din ng tunay na kagalakan sa pamumuhay. Tiyak na lalo nang totoo ito sa atin na mga tao na nilikha ayon sa larawan mismo ng Diyos.—Genesis 1:26, 27.
Sa gayon pinagkalooban ng Diyos ang unang tao, si Adan, ng kakayahan na magsaya. Siya ay hindi hamak na robot. Ni siya man ay isang mahina, aral-lamang, o trabaho-lamang, na personalidad. Mayroon siyang tunay na lubos na kasiyahan sa buhay. Kaya, binigyan ng Diyos si Adan ng kakayahang madama at masiyahan sa walang-takdang pagkasarisaring mga tanawin, lasa, tunog, at amoy. Kinilala pa niya ang pangangailangan ni Adan ng isang makakasama at binigyan siya ng isang sakdal na kasama.—Genesis 2:18, 23.
Kaya hindi ipinagkakait ng Diyos sa mga kabataan ang kaunting kasayahan. Sa pamamagitan ng pantas na taong si Solomon, sabi Niya: “Kabataan, magalak ka sa iyong kabataan. Magsaya ka samantalang ikaw ay bata pa. Gawin mo ang ibig mong gawin, at sundin mo ang nasa ng iyong puso.”—Eclesiastes 11:9, Today’s English Version.
Kahit Ano Puede?
Subalit nangangahulugan ba ito na pagdating sa paglilibang, kahit ano ay puede? Hindi nga. Sapagkat pagkatapos sabihin ang mga salita sa itaas, si Solomon ay nagbababala: “Subalit alalahanin mo na hahatulan ka ng Diyos sa anumang gawin mo.” Totoo, nais ng Diyos na masiyahan kang lubos sa buhay. Subalit kasabay nito, ikaw ay pinananagot niya sa iyong mga pagkilos. “Alisin mo ang alalahanin sa iyong puso, at iwaksi mo ang kabalisahan sa iyong katawan; sapagkat ang kabataan at ang kasibulan ng buhay ay walang kabuluhan,” susog pa ni Solomon.—Eclesiastes 11:10.
Ang mga simulain ng Bibliya ay hindi dapat isakripisyo alang-alang sa pagkakaroon ng kaunting kasayahan. Sapagkat kung ano ang nagdadala ng “katuwaan” ngayon ay kadalasang nagdadala ng alalahanin sa kinabukasan. Ang ibang mga kabataan, halimbawa, ay nagsasabi na ang paghitit ng marijuana ay nakatutuwa. Subalit ang kanser sa bagà o ang pinsala sa utak at sa mga gene ay hindi nakatutuwa; ni nakatutuwa man ang mga resulta ng imoralidad sa sekso—pagdadalang-tao at mga sakit na seksuwal na naililipat.a Gayunman, madaling kaligtaan ito at kainggitan ang kalayaan na waring tinatamasa ng ibang mga kabataan.
Ganiyan din ang nadama noon ng salmista. “Ako’y nanaghili sa mga hambog, nang aking makita ang kapayapaan ng mga taong masama,” sabi niya. Nagsimula pa nga siyang mag-alinlangan sa kahalagahan ng pamumuhay sa matuwid na mga simulain. “Tunay na sa walang kabuluhan ay nilinis ko ang aking puso at hinugasan ko ang aking kamay sa kawalang-sala,” sabi niya. Subalit dumating sa kaniya ang isang malalim na kabatiran: Ang mga taong balakyot ay talagang “nasa madulas na dako”—dumadausos sa kapahamakan! (Awit 73:3, 13, 18) Hindi maiiwasan na pinagbabayaran nila ang halaga ng paglabag sa maka-Diyos na mga simulain.
Natutuhan din ito ni Pauline—sa mahirap na paraan. Siya’y napuspos ng kaniyang pagnanais sa kasayahan. Kaya’t siya’y huminto ng pagdalo sa mga pulong na Kristiyano at nakipagkaibigan sa mga kabataang mahilig sa kalayawan. Mula roon, ang lahat ay pababa na. “Nasumpungan ko ang aking sarili na ginagawa ang lahat ng masamang bagay na ibinabala sa akin.” Ang kaniyang masuwail na pag-uugali ay nagbunga pa nga ng pagkaaresto sa kaniya at siya ay ipinadala sa isang paaralan para sa mga babaing suwail! Gayunman ang lahat ng sama ng loob na ito ay maaari sanang naiwasan kung sinunod niya ang babala ni Solomon na “iwaksi ang kabalisahan.”
Pagiging Timbang
Ito ang dahilan kung bakit ang iyong mga magulang ay nagbibigay ng mga restriksiyon o mga pagbabawal sa iyo. Hindi nila sinisikap na alisan ka ng kasayahan. Bagkus, nais nilang “alisin [mo] ang alalahanin sa iyong puso” at iligtas mo ang iyong sarili sa malubhang mga problema. Gayunman, ang ‘pag-aalis ng alalahanin’ ay nangangahulugan ng higit pa sa basta pag-iwas lamang sa masasamang mga gawa. Nangangahulugan ito ng pagpapanatili mo ng pangunahing mga bagay na nasa kaayusan. Sabi ni Solomon: “Sa bawat bagay ay may kapanahunan . . . panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtawa; panahon ng pagtangis at panahon ng pagsayaw.”—Eclesiastes 3:1, 4.
Tayo ay nabubuhay sa isang daigdig na inuuna ang kalayawan. Inilalarawan ito ng isang aklat tungkol sa estratihiya ng pagbibili ang tinatawag nitong Ang Bagong Teolohiya ng Kalayawan: “Uso rin ngayon ang pamumuhay sa kasalukuyan sa halip na sa hinaharap; ang pagkakaroon ng katuwaan ngayon sa halip na sa dakong huli. Nais ng mga taong mamuhay ngayon, at ang mga kompanyang naglalaan ng mga produkto at mga serbisyo na nagpapahintulot sa mga mamimili na gawin ito ay totoong nagtatamasa ng pambihirang tagumpay.” Inihula ng Bibliya na ang mga tao ngayon ay magiging “maibigin sa kalayawan.”—2 Timoteo 3:1, 4.
Gayunman, sinisikap ng isang Kristiyano na maging timbang. Ang mga gawaing paglilibang ay katulad ng saganang mga rekado. Tiyak na ginagawa nitong mas katakam-takam ang pagkain. Subalit itatampok mo ba ito bilang pangunahing ulam? (Ihambing ang Kawikaan 24:13 at 25:27.) Gayunman, maraming kabataan ang ginugugol ang kanilang buhay na palipat-lipat mula sa isang anyo ng libangan tungo sa kasunod. Ang resulta ay kadalasan nang isang mababaw na anyo ng kasayahan na nag-iiwan sa kanila na walang kabuluhan at bigo. Sabi ni Solomon: “Anumang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait. Hindi ko pinigil ang aking puso sa anumang kagalakan . . . At, narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.”—Eclesiastes 2:10, 11.
Hindi, ang mga gawaing paglilibang ay hindi siyang lahat sa buhay. Pinanatili ni Jesu-Kristo ang libangan sa kaniyang dako. Sinasabi ng Bibliya na siya ay dumalo sa isang handaan ng kasalan sa Cana. Kabilang sa gayong mga handaan ang pagkain, musika, pagsasayaw, at nakapagpapatibay na pakikisama. Gumawa pa nga si Jesus ng isang bagay sa ikapagtatagumpay ng handaan sa kasal sa pamamagitan ng makahimalang paglalaan ng alak. (Juan 2:3-11) Alam niya kung paano magkaroon ng kaunting kasayahan.
Subalit ang buhay ni Jesus ay hindi walang-tigil na mga parti. Ginugol niya ang karamihan ng kaniyang panahon sa pagtataguyod ng espirituwal na mga kapakanan, pagtuturo sa mga tao ng kalooban ng Diyos. Sabi niya: “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo at tapusin ang kaniyang gawa.” (Juan 4:34) Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay nagdulot kay Jesus ng higit na nagtatagal na kasiyahan kaysa ilang panandaliang libangan.
Pagkatapos ng kaniyang makasanlibutang pagpapalayaw sa sarili, si Pauline ay gumawa ng malaking mga pagbabago sa kaniyang buhay. Natutuhan din niya ang kagalakan ng buong pusong debosyon sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Sinisikap niya ngayong panatilihin ang libangan at aliwan sa kanilang dako. Subalit kumusta naman yaong mga panahon kapag ang paglilibang ay kinakailangan at angkop? Ano ang ilang mga bagay na maaari mong gawin upang punan ang mga oras na iyon? Tatalakayin ito ng isang artikulo sa hinaharap.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulo sa Pebrero 8, 1986, ng Gumising! na “Makasira Kaya sa Aking Kalusugan ang Paghitit ng Marijuana?”
[Larawan sa pahina 17]
Talaga bang kulang sa kasayahan ang mga kabataang sumusunod sa mga simulain ng Bibliya?