Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Awit ni Solomon
“TULAD ng isang liryo sa gitna ng matitinik na panirang-damo, gayon ang kaibigan kong babae sa gitna ng mga anak na babae.” “Tulad ng puno ng mansanas sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan, gayon ang mahal ko sa gitna ng mga anak na lalaki.” “Sino ang babaing ito na dumurungaw na gaya ng bukang-liwayway, magandang gaya ng kabilugan ng buwan, dalisay na gaya ng sumisinag na araw?” (Awit ni Solomon 2:2, 3; 6:10) Napakaganda nga ng mga talatang ito mula sa aklat ng Bibliya na Awit ni Solomon! Ang buong aklat ay isang tula na punung-puno ng kahulugan at magagandang kapahayagan kung kaya tinawag itong pinakamagandang awit.—Awit ni Solomon 1:1.
Kinatha ito ni Haring Solomon ng sinaunang Israel, malamang noong mga 1020 B.C.E., sa unang bahagi ng kaniyang 40-taóng paghahari. Ang awit na ito ay kuwento ng pag-ibig ng isang binatang pastol at isang probinsiyana, isang Shulamita. Binanggit din sa tula ang ina at mga kapatid na lalaki ng Shulamita, “mga anak na babae ng Jerusalem [mga babae sa korte],” at “mga anak na babae ng Sion [mga babae sa Jerusalem].” (Awit ni Solomon 1:5; 3:11) Mahihirapan ang mambabasa ng Bibliya na tukuyin kung sino ang nagsasalita sa Awit ni Solomon, subalit posible ito kung isasaalang-alang kung ano ang sinasabi nila o kung ano ang sinasabi sa kanila.
Bilang bahagi ng Salita ng Diyos, may dalawang dahilan kung bakit napakahalaga ng mensahe ng Awit ni Solomon. (Hebreo 4:12) Una, tinuturuan tayo nito kung ano ang tunay na pag-ibig na namamagitan sa lalaki at babae. Ikalawa, inilalarawan ng awit kung anong uri ng pag-ibig ang namamagitan kay Jesu-Kristo at sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano.—2 Corinto 11:2; Efeso 5:25-31.
HUWAG TANGKAING “PUKAWIN SA AKIN ANG PAG-IBIG”
“Halikan niya nawa ako ng mga halik ng kaniyang bibig, sapagkat ang iyong mga kapahayagan ng pagmamahal ay mas mabuti kaysa sa alak.” (Awit ni Solomon 1:2) Nagsisimula ang usapan sa Awit ni Solomon sa pananalitang ito ng isang simpleng probinsiyana na dinala sa maharlikang tolda ni Solomon. Paano siya nakarating doon?
“Ang mga anak na lalaki ng aking ina ay nagalit sa akin,” ang sabi niya. “Inatasan nila ako bilang tagapag-alaga ng mga ubasan.” Galít sa kaniya ang mga kapatid niyang lalaki sapagkat niyayaya siya ng binatang pastol na kaniyang minamahal na maglakad-lakad sa magandang araw ng tagsibol. Para mahadlangan siyang sumama, inatasan nila siya na magbantay upang ipagsanggalang ang mga ubasan laban sa “maliliit na sorra na naninira [sa mga ito].” Napalapit siya sa kampo ni Solomon dahil sa atas na ito. Napansin ang kaniyang kagandahan nang lumusong siya “sa hardin ng mga puno ng nogales,” at dinala siya sa kampo.—Awit ni Solomon 1:6; 2:10-15; 6:11.
Yamang sinasabi ng dalaga na nananabik siya sa kaniyang minamahal na pastol, sinabihan siya ng mga babae sa korte na ‘lumabas at sundan ang mga bakas ng mga paa ng kawan’ at hanapin siya. Subalit hindi siya pinayagan ni Solomon na umalis. Bilang kapahayagan ng kaniyang paghanga sa kagandahan nito, pinangakuan niya ito ng “pabilog na mga hiyas na ginto . . . na may kasamang pilak na mga buton.” Gayunman, hindi humanga ang babae. Nakapasok ang binatang pastol sa kampo ni Solomon, natagpuan niya ang babae, at saka sinabi: “Narito! Maganda ka, O kaibigan kong babae. Narito! Maganda ka.” Pinanumpa ng kabataang dalaga ang mga babae sa korte: “[Huwag ninyong] tatangkaing gisingin o pukawin sa akin ang pag-ibig hanggang sa naisin nito.”—Awit ni Solomon 1:8-11, 15; 2:7; 3:5.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:2, 3—Bakit ang alaala ng kapahayagan ng pagmamahal ng binatang pastol ay tulad ng alak at ang kaniyang pangalan ay tulad ng langis? Kung paanong ang alak ay nagpapasaya ng puso ng tao at ang pagbubuhos ng langis sa ulo ay nakagiginhawa, ang alaala ng pag-ibig ng binata at ng kaniyang pangalan ay nakapagpatibay at nakaaliw sa dalaga. (Awit 23:5; 104:15) Sa katulad na paraan, ang mga tunay na Kristiyano, partikular na ang mga pinahiran, ay nakasusumpong din ng lakas at pampatibay-loob sa pagbubulay-bulay sa pag-ibig na ipinakita ni Jesu-Kristo sa kanila.
1:5—Bakit inihalintulad ng probinsiyana ang kaniyang maitim na hitsura sa “mga tolda ng Kedar”? Ang balahibo ng kambing, na ginagawang tela, ay maraming pinaggagamitan. (Bilang 31:20) Halimbawa, ang “mga telang yari sa balahibo ng kambing” ay ginamit sa paggawa ng “tolda sa ibabaw ng tabernakulo.” (Exodo 26:7) Malamang na yari sa maitim na balahibo ng kambing ang mga tolda ng Kedar, gaya ng ginagamit sa mga tolda ng mga Bedouin maging hanggang sa ngayon.
1:15—Ano ang ibig sabihin ng binatang pastol nang sabihin niya: “Ang iyong mga mata ay gaya niyaong sa mga kalapati”? Sinasabi ng binatang pastol na ang mga mata ng kaniyang kaibigang babae ay maamong tingnan, gaya ng mga mata ng mga kalapati.
2:7; 3:5—Bakit ang mga babae sa korte ay pinanumpa “sa harap ng mga babaing gasela o sa harap ng mga babaing usa sa parang”? Ang mga gasela at mga usa ay kilala sa kanilang kagandahan at pagiging kahali-halina. Sa diwa, ang mga babae sa korte ay pinanunumpa ng dalagang Shulamita sa harap ng lahat ng bagay na kahali-halina at maganda na huwag nilang sikaping pukawin sa kaniya ang pag-ibig.
Mga Aral Para sa Atin:
1:2; 2:6. Ang malinis na kapahayagan ng pagmamahal ay maaaring angkop sa panahon ng pagliligawan. Gayunman, dapat mag-ingat ang magkatipan na ang mga ito ay mga kapahayagan ng tunay na pagmamahal at hindi ng maruming pagnanasa, na maaaring humantong sa seksuwal na imoralidad.—Galacia 5:19.
1:6; 2:10-15. Ang Shulamita ay hindi pinahintulutan ng kaniyang mga kapatid na lalaki na sumama sa kaniyang minamahal sa pagpunta sa liblib na lugar sa kabundukan hindi dahil sa imoral ang Shulamita o kaya’y masama ang motibo niya. Ito ay dahil sa nag-iingat sila upang hindi siya masuong sa situwasyon na maaaring umakay sa tukso. Ang aral para sa mga nagliligawan ay na dapat silang umiwas sa liblib na mga lugar.
2:1-3, 8, 9. Bagaman maganda, may-kapakumbabaang itinuring ng dalagang Shulamita ang kaniyang sarili na isang “hamak na safron [isang ordinaryong bulaklak] sa baybaying kapatagan.” Dahil sa kaniyang kagandahan at katapatan kay Jehova, tinukoy siya ng binatang pastol bilang “isang liryo sa gitna ng matitinik na panirang-damo.” At paano naman mailalarawan ang pastol? Dahil makisig siya, para sa Shulamita, katulad siya ng “isang gasela.” Malamang na isa rin siyang taong may takot sa Diyos at tapat kay Jehova. “Tulad ng puno ng mansanas [na naglalaan ng lilim at bunga] sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan,” ang sabi ng Shulamita, “gayon ang mahal ko sa gitna ng mga anak na lalaki.” Hindi ba’t ang pananampalataya at debosyon sa Diyos ay mahusay na mga katangian na dapat hanapin sa isang posibleng maging kabiyak?
2:7; 3:5. Hindi naakit ang probinsiyana kay Solomon. Ang mga babae sa korte ay pinanumpa rin niya na huwag nilang tangkaing pukawin sa kaniya ang pag-ibig para sa iba maliban sa binatang pastol. Hindi puwede ni angkop man na maakit sa basta kanino na lamang. Ang isang Kristiyanong binata o dalaga na nagnanais mag-asawa ay dapat na maghanap lamang ng isang tapat na lingkod ni Jehova.—1 Corinto 7:39.
“ANO ANG NAMAMASDAN NINYO SA SHULAMITA?”
May “umaahon mula sa ilang na gaya ng mga haliging usok.” (Awit ni Solomon 3:6) Ano ang nakita ng mga babae ng Jerusalem nang lumabas sila upang tingnan ito? Aba, pabalik ng lunsod si Solomon kasama ang kaniyang mga tagapaglingkod! At isinama ng hari ang dalagang Shulamita.
Sinundan ng binatang pastol ang dalaga at di-nagtagal ay natagpuan din niya ito. Samantalang binibigyang-katiyakan ng pastol ang dalaga ng kaniyang pag-ibig, ipinahiwatig ng dalaga na nais niyang iwan ang lunsod, sa pagsasabi: “Hanggang sa humihip ang araw at tumakas ang mga anino, ako ay paroroon sa bundok ng mira at sa burol ng olibano.” Inanyayahan niya ang pastol na ‘pumasok sa hardin nito at kumain ng pinakapiling mga bunga ng hardin.’ Sumagot ang pastol: “Pumasok na ako sa aking hardin, O kapatid ko, kasintahan kong babae.” Sinabi sa kanila ng mga babae sa Jerusalem: “Kumain kayo, O mga kaibigan! Uminom kayo at malasing sa mga kapahayagan ng pagmamahal!”—Awit ni Solomon 4:6, 16; 5:1.
Matapos ikuwento ang kaniyang panaginip sa mga babae sa korte, sinabi sa kanila ng dalagang Shulamita: “Ako ay may sakit sa pag-ibig.” Nagtanong sila: “Paano nakahihigit ang iyong mahal kaysa sa iba pang mahal?” Sumagot siya: “Ang mahal ko ay maningning at may mapulang kutis, ang namumukod-tangi sa sampung libo.” (Awit ni Solomon 5:2-10) Nang labis-labis na papurihan ni Solomon ang dalaga, may-kapakumbabaang sumagot ang Shulamita: “Ano ang namamasdan ninyo sa Shulamita?” (Awit ni Solomon 6:4-13) Palibhasa’y inisip ng hari na pagkakataon na niya ito upang mabihag ang puso ng dalaga, lalo pa niyang pinapurihan ang dalaga. Gayunman, nanatiling matatag ang pag-ibig ng babae sa binatang pastol. Sa dakong huli, pinayagan na siya ni Solomon na umuwi.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
4:1; 6:5—Bakit inihalintulad ang buhok ng dalaga sa “kawan ng mga kambing”? Ipinahihiwatig ng paghahambing na ang kaniyang buhok ay makintab at malago gaya ng maitim na balahibo ng mga kambing.
4:11—Ano ang kahulugan ng pananalitang ‘pulot ng bahay-pukyutan ang tumutulo mula sa mga labi’ ng Shulamita at ‘pulot-pukyutan at gatas ang nasa ilalim ng kaniyang dila’? Ang pulot ng bahay-pukyutan ay mas malasa at mas matamis kaysa sa pukyutan na nahantad na sa hangin. Ang paghahambing na ito, at ang ideya na nasa ilalim ng dila ng dalaga ang pulot-pukyutan at gatas, ay nagdiriin ng kabutihan at kaigayahan ng mga pananalita ng Shulamita.
5:12—Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “ang kaniyang mga mata ay gaya ng mga kalapati sa tabi ng mga lagusan ng tubig, na naliligo sa gatas”? Ang tinutukoy ng dalaga ay ang magandang mga mata ng kaniyang minamahal. Marahil ay patula niyang inihahalintulad ang maitim na iris ng mga mata nito na napalilibutan ng puti sa kulay-abong mga kalapati na naliligo sa gatas.
5:14, 15—Bakit ganito ang pagkakalarawan sa mga kamay at binti ng pastol? Maliwanag na inihahalintulad ng dalaga ang mga daliri ng pastol sa mga silindrong ginto at ang mga kuko nito sa mga crisolito. Inihahalintulad din niya ang mga binti ng pastol sa “mga haliging marmol” sapagkat malakas ang mga ito at maganda.
6:4—Tumutukoy ba sa Jerusalem ang “Kaiga-igayang Lunsod”? Hindi. Ang “Kaiga-igayang Lunsod” ay ang “Tirza.” Ang Canaanitang lunsod na ito ay nabihag ni Josue, at naging unang kabisera ito ng hilagang sampung-tribong kaharian ng Israel pagkatapos ng panahon ni Solomon. (Josue 12:7, 24; 1 Hari 16:5, 6, 8, 15) “Malamang na napakaganda ng lunsod na ito,” ang sabi ng isang reperensiya, “kaya ito binanggit dito.”
6:13—Ano ang “sayaw ng dalawang kampo”? Ang pananalitang ito ay maaari ding isaling “sayaw ng Mahanaim.” Ang lunsod na tinatawag sa gayong pangalan ay nasa dakong silangan ng Ilog Jordan malapit sa agusang libis ng Jabok. (Genesis 32:2, 22; 2 Samuel 2:29) Ang “sayaw ng dalawang kampo” ay maaaring tumukoy sa isang uri ng sayaw na sinasayaw sa lunsod na iyon kapag may kapistahan.
7:4—Bakit inihalintulad ni Solomon ang leeg ng dalagang Shulamita sa isang “toreng garing”? Bago nito, pinuri ang dalaga: “Ang iyong leeg ay gaya ng tore ni David.” (Awit ni Solomon 4:4) Ang tore ay pahaba, at ang garing ay makinis. Hinangaan ni Solomon ang mahaba at makinis na leeg ng dalaga.
Mga Aral Para sa Atin:
4:7. Sa pagtanggi sa pang-aakit ni Solomon, pinatunayan ng Shulamita, bagaman di-sakdal, na mayroon siyang integridad. Lalo pa siyang gumanda dahil dito. Dapat na ganiyan din ang mga Kristiyanong babae.
4:12. Tulad ng magandang hardin na nababakuran ng halamang-bakod o pader, na mapapasok lamang sa pamamagitan ng isang nakatrangkang pintuang-daan, ang magiliw na pagmamahal ng dalagang Shulamita ay iniuukol lamang niya sa kaniyang mapapangasawa. Napakagandang halimbawa para sa mga Kristiyanong babae at lalaki na wala pang asawa!
“ANG LIYAB NI JAH”
“Sino ang babaing ito na umaahon mula sa ilang, na nakahilig sa kaniyang mahal?” ang tanong ng mga kapatid na lalaki ng Shulamita nang makita nilang pauwi ito. Bago nito, isa sa kanila ang nagsabi: “Kung siya ay magiging isang pader, magtatayo tayo sa ibabaw niya ng moog na pilak; ngunit kung siya ay magiging isang pinto, haharangan natin siya ng tablang sedro.” Ngayong subók na at napatunayan ang pag-ibig ng Shulamita, sinabi niya: “Ako ay isang pader, at ang aking mga suso ay gaya ng mga tore. Kaya nga sa kaniyang paningin ay naging katulad ako niyaong nakasusumpong ng kapayapaan.”—Awit ni Solomon 8:5, 9, 10.
Ang tunay na pag-ibig ay “ang liyab ni Jah.” Bakit? Sapagkat ang gayong pag-ibig ay nagmumula kay Jehova. Siya ang Isa na nagbigay sa atin ng kakayahang umibig. Ito ay isang liyab na ang ningas ay hindi namamatay. Maganda ang paglalarawan ng Awit ni Solomon sa pag-ibig na namamagitan sa lalaki at babae—ito ay maaaring maging “sinlakas [di-nabibigo gaya] ng kamatayan.”—Awit ni Solomon 8:6.
Ang napakagandang awit ni Solomon ay nagbibigay-liwanag din sa buklod na namamagitan kay Jesu-Kristo at sa mga miyembro ng kaniyang makalangit na “kasintahang babae.” (Apocalipsis 21:2, 9) Ang pag-ibig ni Jesus sa mga pinahirang Kristiyano ay nakahihigit sa anupamang pag-ibig na namamagitan sa isang lalaki at babae. Ang debosyon ng mga miyembro ng uring kasintahang babae ay hindi natitinag. Buong-pagmamahal ding ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay para sa “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Kung gayon, maaaring tularan ng lahat ng tunay na mananamba ang halimbawa ng di-nagmamaliw na pag-ibig at debosyon ng Shulamita.
[Larawan sa pahina 18, 19]
Ano ang itinuturo sa atin ng Awit ni Solomon na dapat hanapin sa isang mapapangasawa?