Ikalimang Kabanata
Hinihiya ni Jehova ang mga Mapagmataas
1, 2. Bakit ang makahulang mensahe ni Isaias sa mga Judio nang kaniyang kaarawan ay pumupukaw ng ating interes?
PALIBHASA’Y nasusuklam sa kalagayan ng Jerusalem at ng Juda, si propeta Isaias ay tumawag ngayon sa Diyos na Jehova at nagsabi: “Pinabayaan mo ang iyong bayan, ang sambahayan ni Jacob.” (Isaias 2:6a) Ano ang nag-udyok sa Diyos upang itakwil ang kaniyang bayan na kaniya mismong pinili bilang kaniyang “pantanging pag-aari”?—Deuteronomio 14:2.
2 Ang pagbatikos ni Isaias sa mga Judio noong kaniyang kapanahunan ay dapat na lubhang makapukaw ng ating interes. Bakit? Sapagkat ang kalagayan ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon ay katulad na katulad ng bayan ni Isaias, at gayundin ang kahatulan na iginagawad ni Jehova. Ang pagbibigay-pansin sa kapahayagan ni Isaias ay magbibigay sa atin ng malinaw na pagkaunawa sa kung ano ang hinahatulan ng Diyos at makatutulong sa atin upang iwasan ang mga gawain na hindi niya sinasang-ayunan. Kung gayon, taglay ang matinding pananabik, ating isaalang-alang ang makahulang salita ni Jehova gaya ng iniulat sa Isaias 2:6–4:1.
Sa Kapalaluan ay Yumuyukod Sila
3. Anong kamalian ng kaniyang bayan ang ipinagtapat ni Isaias?
3 Sa pagtatapat sa kamalian ng kaniyang bayan, si Isaias ay nagsabi: “Sila ay napunô ng bagay na mula sa Silangan, at sila ay mga mahikong gaya ng mga Filisteo, at marami silang mga anak ng mga banyaga.” (Isaias 2:6b) Mga 800 taon ang kaagahan, inutusan ni Jehova ang kaniyang piniling bayan: “Huwag kayong magpapakarumi sa pamamagitan ng alinman sa mga bagay na ito, sapagkat sa pamamagitan ng lahat ng bagay na ito ay nagpakarumi ang mga bansa na itataboy ko mula sa harap ninyo.” (Levitico 18:24) May kinalaman sa kaniyang pinili bilang kaniyang pantanging pag-aari, pinilit ni Jehova si Balaam na magsabi: “Mula sa taluktok ng mga bato ay nakikita ko sila, at mula sa mga burol ay natatanaw ko sila. Doon bilang isang bayan ay nagtatabernakulo silang nakabukod, at sa gitna ng mga bansa ay hindi nila ibinibilang ang kanilang sarili.” (Bilang 23:9, 12) Subalit, noong kaarawan ni Isaias ay ginaya na rin ng mga pinili ni Jehova ang karumal-dumal na mga gawain ng mga bansang nakapalibot sa kanila at sila’y “napunô ng bagay na mula sa Silangan.” Sa halip na maglagak ng pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang salita, sila’y nagsasagawa ng “mahikong gaya ng mga Filisteo.” Sa halip na maging hiwalay sa mga bansa, ‘dumami’ pa sa lupain ang mga “anak ng mga banyaga”—malamang na mga banyaga na nagpasok ng di-makadiyos na mga gawain sa bayan ng Diyos.
4. Sa halip na maudyukang magpasalamat kay Jehova, paano nakaapekto sa mga Judio ang kayamanan at kalakasang militar?
4 Sa pagsasaalang-alang noon sa masaganang kabuhayan at kalakasang militar ng Juda sa ilalim ni Haring Uzias, sinabi ni Isaias: “Ang kanilang lupain ay punô ng pilak at ginto, at walang takda ang dami ng kanilang mga kayamanan. At ang kanilang lupain ay punô ng mga kabayo, at walang takda ang dami ng kanilang mga karo.” (Isaias 2:7) Nagpasalamat ba ang bayan kay Jehova dahilan sa gayong kayamanan at kalakasang militar? (2 Cronica 26:1, 6-15) Hinding-hindi! Bagkus, sila’y naglagak ng tiwala sa kayamanan mismo at tumalikod sa Bukal nito, ang Diyos na Jehova. Ang naging resulta? “Ang kanilang lupain ay punô ng mga walang-silbing diyos. Ang gawa ng mga kamay ng isa ay niyuyukuran nila, yaong ginawa ng kaniyang mga daliri. At ang makalupang tao ay yumuyukod, at ang tao ay nabababa, at talagang hindi mo sila mapagpapaumanhinan.” (Isaias 2:8, 9) Inilayo nila ang kanilang mukha sa buháy na Diyos at yumukod sa walang buhay na mga idolo.
5. Bakit ang pagyukod sa mga idolo ay hindi isang gawang pagpapakumbaba?
5 Ang pagyukod ay maaaring maging tanda ng pagpapakumbaba. Subalit ang pagyukod sa walang buhay na mga bagay ay walang saysay, anupat ang mananamba sa idolo ay “nabababa,” napapasamâ. Paano mapagpapaumanhinan ni Jehova ang gayong kasalanan? Ano ang gagawin ng mga mananambang ito sa idolo kapag pinagsulit sila ni Jehova?
‘Mábababâ ang Palalong mga Mata’
6, 7. (a) Ano ang nangyayari sa mga mapagmataas sa araw ng paghatol ni Jehova? (b) Sa ano at kanino ipinahahayag ni Jehova ang kaniyang galit, at bakit?
6 Si Isaias ay nagpatuloy: “Pumasok ka sa malaking bato at magtago ka sa alabok dahil sa panghihilakbot kay Jehova, at mula sa kaniyang marilag na kadakilaan.” (Isaias 2:10) Subalit walang bato gaano mang kalaki ang makapagsasanggalang sa kanila, walang panganlong gaano mang kakapal ang makapagkukubli sa kanila mula kay Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Kapag siya’y dumating upang igawad ang kaniyang paghatol, “ang palalong mga mata ng makalupang tao ay mábababâ, at ang pagmamataas ng mga tao ay yuyukod; at si Jehova lamang ang matatanyag sa araw na iyon.”—Isaias 2:11.
7 “Ang araw na nauukol kay Jehova ng mga hukbo” ay dumarating. Iyon ay panahon upang ipahayag ng Diyos ang kaniyang galit sa “lahat ng sedro ng Lebanon na matatayog at nakataas at nasa lahat ng dambuhalang punungkahoy ng Basan; at nasa lahat ng matatayog na bundok at nasa lahat ng mga burol na nakataas; at nasa bawat mataas na tore at nasa bawat nakukutaang pader; at nasa lahat ng mga barko ng Tarsis at nasa lahat ng mga kanais-nais na bangka.” (Isaias 2:12-16) Oo, ang bawat organisasyon na itinayo ng tao bilang sagisag ng kaniyang kapalaluan at ang bawat di-makadiyos na indibiduwal ay bibigyang-pansin sa araw ng galit ni Jehova. Kaya, “ang kapalaluan ng makalupang tao ay yuyukod, at ang pagmamataas ng mga tao ay mábababâ; at si Jehova lamang ang matatanyag sa araw na iyon.”—Isaias 2:17.
8. Paanong ang inihulang araw ng paghatol ay sumapit sa Jerusalem noong 607 B.C.E.?
8 Ang inihulang araw ng paghatol ay sumapit sa mga Judio noong 607 B.C.E. nang wasakin ang Jerusalem ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya. Nakita ng mga mamamayan na nagliliyab ang kanilang minamahal na lunsod, nawasak ang matatayog na gusali nito at nagiba ang malaking pader nito. Ang templo ni Jehova ay nagkadurug-durog. Walang nagawa ang kanilang mga kayamanan ni ang kanilang mga karo sa “araw na nauukol kay Jehova ng mga hukbo.” At ang kanilang mga idolo? Nangyari ang gaya ng inihula ni Isaias: “Ang mga walang-silbing diyos ay lilipas nang lubusan.” (Isaias 2:18) Ang mga Judio— kasali na ang mga prinsipe at makapangyarihang mga lalaki—ay dinalang bihag sa Babilonya. Ang Jerusalem ay mananatiling iláng sa loob ng 70 taon.
9. Sa anong paraan ang kalagayan ng Sangkakristiyanuhan ay nakakatulad ng Jerusalem at Juda noong kaarawan ni Isaias?
9 Magkatulad na magkatulad ang kalagayan ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon at ang Jerusalem at Juda noong kaarawan ni Isaias! Tunay na pinag-ibayo ng Sangkakristiyanuhan ang matalik na kaugnayan sa mga bansa ng sanlibutang ito. Siya’y isang masigasig na tagapagtaguyod ng Nagkakaisang mga Bansa at pinunô ang kaniyang bahay ng mga idolo at ng mga gawaing hindi makakasulatan. Ang kaniyang mga tagasunod ay materyalistiko at naglalagak ng kanilang pagtitiwala sa lakas ng militar. At hindi ba’t itinuturing nilang karapat-dapat sa pantanging karangalan ang kanilang mga klero, anupat pinagkalooban sila ng mga titulo at mga parangal? Ang pagmamataas sa sarili ng Sangkakristiyanuhan ay tiyak na mauuwi sa wala. Subalit kailan?
Ang Nalalapit na “Araw ni Jehova”
10. Anong “araw ni Jehova” ang tinutukoy nina apostol Pablo at Pedro?
10 Ipinakikita ng mga Kasulatan na ang “araw ni Jehova” ay magiging higit na makahulugan kaysa sa araw ng paghatol sa sinaunang Jerusalem at Juda. Iniugnay ni apostol Pablo, sa ilalim ng pagkasi, ang dumarating na “araw ni Jehova” sa pagkanaririto ng iniluklok na haring si Jesu-Kristo. (2 Tesalonica 2:1, 2) Binanggit ni Pedro ang araw na iyon may kaugnayan sa pagtatatag ng ‘mga bagong langit at isang bagong lupa na doo’y tatahan ang katuwiran.’ (2 Pedro 3:10-13) Iyon ang araw ng paggagawad ni Jehova ng kaniyang hatol sa buong balakyot na sistema ng mga bagay, lakip na sa Sangkakristiyanuhan.
11. (a) Sino ang “makatatagal” sa dumarating na “araw ni Jehova”? (b) Paano natin magagawa si Jehova na ating kanlungan?
11 “Sa aba ng araw na iyon,” sabi ni propeta Joel, “sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na, at iyon ay darating na gaya ng pananamsam mula sa Makapangyarihan-sa-lahat!” Dahil sa kalapitan ng “araw” na iyon, hindi ba dapat na ikabahala ng bawat isa ang kaniyang kasiguruhan sa panahon ng kakila-kilabot na araw na iyon? “Sino ang makatatagal dito?” ang tanong ni Joel. Siya’y sumagot: “Si Jehova ay magiging kanlungan para sa kaniyang bayan.” (Joel 1:15; 2:11; 3:16) Ang Diyos na Jehova ba ang magiging kanlungan ng mga may palalong espiritu at naglalagak ng kanilang pagtitiwala sa mga kayamanan, kapangyarihang militar, at sa gawang-taong mga diyos? Imposible! Pinabayaan ng Diyos maging ang kaniyang piniling bayan nang sila’y kumilos sa ganitong paraan. Anong pagkahala-halaga na ‘hanapin ang katuwiran, at hanapin ang kaamuan’ ng lahat ng mga lingkod ng Diyos, at taimtim na suriin ang dako ng pagsamba kay Jehova sa kanilang buhay!—Zefanias 2:2, 3.
“Sa Musaranya at sa mga Paniki”
12, 13. Bakit angkop para sa mga mananamba sa idolo na itapon ang kanilang mga diyos “sa musaranya at sa mga paniki” sa araw ni Jehova?
12 Paano mamalasin ng mga mananamba sa idolo ang kanilang mga idolo sa dakilang araw ni Jehova? Si Isaias ay sumasagot: “Ang bayan ay papasok sa mga yungib ng malalaking bato at sa mga butas sa alabok dahil sa panghihilakbot kay Jehova at mula sa kaniyang marilag na kadakilaan, kapag tumindig siya upang ang lupa ay mayanig. Sa araw na iyon ay itatapon ng makalupang tao ang kaniyang mga walang-kabuluhang diyos na pilak at ang kaniyang mga walang-silbing diyos na ginto . . . sa musaranya at sa mga paniki, upang pumasok sa mga butas ng mga bato at sa mga awang ng malalaking bato, dahil sa panghihilakbot kay Jehova at mula sa kaniyang marilag na kadakilaan, kapag tumindig siya upang ang lupa ay mayanig. Para sa inyong sariling kapakanan, layuan ninyo ang makalupang tao, na ang hininga ay nasa mga butas ng kaniyang ilong, sapagkat ano ang saligan upang siya ay pahalagahan?”—Isaias 2:19-22.
13 Ang musaranya ay nakatira sa mga butas ng lupa, at ang mga paniki ay namumugad sa madilim at liblib na mga kuweba. Karagdagan pa, kung saan namumugad ang maraming paniki, may mabahong amoy at makapal na suson ng dumi. Ang pagtatapon sa mga idolo sa gayong mga lugar ay angkop. Isang dako ng kadiliman at karumihan ang nararapat lamang sa kanila. Para naman sa mga tao, sila ay hahanap ng kublihan sa mga kuweba at mga awang ng malalaking bato sa araw ng paghatol ni Jehova. Kaya magkatulad ang magiging kahihinatnan ng mga idolo at ng mga sumasamba sa mga ito. Kasuwato ng hula ni Isaias, ang walang-buhay na mga idolo ay hindi nakapagligtas maging sa mga sumasamba sa mga ito ni sa Jerusalem mula sa mga kamay ni Nabucodonosor noong 607 B.C.E.
14. Sa dumarating na araw ng paghatol ni Jehova sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ano ang gagawin ng mga taong may makasanlibutang kaisipan?
14 Sa dumarating na araw ng paghatol ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan at sa iba pang bahagi ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ano ang gagawin ng mga tao? Dahilan sa napapaharap sa lumalalang mga kalagayan sa buong lupa, matatanto ng karamihan na walang kahala-halaga ang kanilang mga idolo. Kahalili nito, sila’y hahanap ng kanlungan at sanggalang sa di-espirituwal na makalupang mga organisasyon, marahil pati na sa Nagkakaisang mga Bansa, ang “kulay matingkad-pulang mabangis na hayop” ng Apocalipsis kabanata 17. “Ang sampung sungay” ng makasagisag na mabangis na hayop na iyon ang siyang pupuksa sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na ang prominenteng bahagi nito ay ang Sangkakristiyanuhan.—Apocalipsis 17:3, 8-12, 16, 17.
15. Paanong si Jehova lamang ang “matatanyag” sa araw ng kaniyang paghatol?
15 Bagaman ang pagwasak at pagsunog sa Babilonyang Dakila ay gagawin mismo ng makasagisag na sampung sungay na iyon, ito sa katunayan ay siyang paggagawad ng hatol ni Jehova. Hinggil sa Babilonyang Dakila, ang Apocalipsis 18:8 ay nagsasabi: “Iyan ang dahilan kung bakit sa isang araw ang kaniyang mga salot ay darating, kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at siya ay lubusang susunugin sa apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.” Kaya ang papuri ay nauukol sa Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, dahil sa pagpapalaya sa sangkatauhan mula sa pangingibabaw ng huwad na relihiyon. Gaya ng binabanggit ni Isaias, “Si Jehova lamang ang matatanyag sa araw na iyon. Sapagkat iyon ang araw na nauukol kay Jehova ng mga hukbo.”—Isaias 2:11b, 12a.
‘Inililigaw Ka ng mga Umaakay sa Iyo’
16. (a) Ano ang nagsisilbing ‘panustos at tukod’ ng isang lipunan ng tao? (b) Paano magdurusa ang bayan ni Isaias dahil sa pag-aalis ng ‘panustos at tukod’ sa kanilang lipunan?
16 Upang maging matatag ang lipunan ng tao, dapat na mayroon itong ‘panustos at tukod’—ang gayong mga pangangailangan gaya ng pagkain at tubig at, higit sa lahat, ang mapagkakatiwalaang mga tagaakay na papatnubay sa mga tao at magpapanatili sa panlipunang kaayusan. Gayunman, hinggil sa sinaunang Israel, si Isaias ay humuhula: “Narito! ang tunay na Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ay nag-aalis sa Jerusalem at sa Juda ng panustos at ng tukod, ng buong panustos na tinapay at ng buong panustos na tubig, ng makapangyarihang lalaki at mandirigma, ng hukom at propeta, at ng manghuhula at matandang lalaki, ng pinuno ng limampu at taong lubhang iginagalang at tagapayo at dalubhasa sa mga sining ng mahika, at ng dalubhasang engkantador.” (Isaias 3:1-3) Walang-muwang na mga batang lalaki ang magiging mga prinsipe at mamamahala ayon sa kanilang kapritso. Hindi lamang aapihin ng mga tagapamahala ang bayan kundi “sisiilin nga ng mga tao ang isa’t isa . . . Sila ay sasalakay, ang batang lalaki laban sa matandang lalaki, at ang itinuturing na mababa laban sa isang dapat parangalan.” (Isaiah 3:4, 5) ‘Sasalakayin’ ng mga bata ang matatanda sa kanila, anupat magiging walang-galang sa kanila. Napakababa ng kalagayan ng buhay anupat masasabi ng isa sa walang kakayahang mamahala: “Mayroon kang balabal. Dapat kang maging diktador sa amin, at ang ibinagsak na karamihang ito ay dapat na mapasailalim ng iyong kamay.” (Isaias 3:6) Subalit yaong mga inanyayahan nang ganito ay tatanggi, na iginigiit na wala silang kakayahang magpagaling ng nasugatang lupain ni ng kayamanan upang humawak ng pananagutan. Sasabihin nila: “Hindi ako magiging manggagamot ng sugat; at sa aking bahay ay walang tinapay ni balabal. Huwag ninyo akong gawing diktador ng bayan.”—Isaias 3:7.
17. (a) Sa anong diwa “gaya ng sa Sodoma” ang kasalanan ng Jerusalem at Juda? (b) Sino ang sinisisi ni Isaias sa kalagayan ng kaniyang bayan?
17 Si Isaias ay nagpapatuloy: “Ang Jerusalem ay nabuwal, at ang Juda ay bumagsak, sapagkat ang kanilang dila at ang kanilang mga pakikitungo ay laban kay Jehova, sa paggawi nang mapaghimagsik sa paningin ng kaniyang kaluwalhatian. Ang mismong anyo ng kanilang mga mukha ay nagpapatotoo nga laban sa kanila, at ang kanilang kasalanang gaya ng sa Sodoma ay inihahayag ng mga iyon. Hindi nila iyon itinatago. Sa aba ng kanilang kaluluwa! Sapagkat nagdulot sila ng kapahamakan sa kanilang sarili.” (Isaias 3:8, 9) Ang bayan ng Diyos ay naghimagsik laban sa tunay na Diyos sa salita at sa gawa. Maging ang bakas ng kawalang-kahihiyan at kawalang-pagsisisi sa kanilang mga mukha ay naglalantad sa kanilang mga kasalanan, na naging kasuklam-suklam gaya niyaong sa Sodoma. Sila’y nasa pakikipagtipan sa Diyos na Jehova, subalit hindi niya babaguhin ang kaniyang mga pamantayan dahil sa kanila. “Mapapabuti ang matuwid, sapagkat kakainin nila ang mismong bunga ng kanilang mga pakikitungo. Sa aba ng balakyot!—Kapahamakan; sapagkat ang pakikitungo na ginawa ng kaniyang sariling mga kamay ay gagawin sa kaniya! Kung tungkol sa aking bayan, ang mga tagapagbigay-atas nito ay nakikitungo nang may kabagsikan, at mga babae lamang ang namamahala rito. O bayan ko, inililigaw ka niyaong mga umaakay sa iyo, at ang daan ng iyong mga landas ay kanilang ginulo.”—Isaias 3:10-12.
18. (a) Anong paghatol ang iginawad ni Jehova sa matatanda at sa mga prinsipe noong kaarawan ni Isaias? (b) Anong leksiyon ang ating natututuhan mula sa paghatol ni Jehova sa matatanda at sa mga prinsipe?
18 Sa matatanda at sa mga prinsipe sa Juda, si Jehova ay ‘naglapat ng hatol’ at ‘pumasok sa paghatol’: “Kayo ang sumunog sa ubasan. Ang ninakaw sa napipighati ay nasa inyong mga bahay. Ano ang ibig ninyong sabihin na dinudurog ninyo ang aking bayan, at na ginigiling ninyo ang mismong mga mukha ng mga napipighati?” (Isaias 3:13-15) Sa halip na gumawa ukol sa kapakanan ng bayan, ang mga pinuno ay abala sa mapandayang mga gawain. Inaabuso nila ang kanilang awtoridad sa pamamagitan ng pagpapayaman sa kanilang sarili at sa pagkakait sa dukha at naghihikahos. Subalit ang mga pinunong ito ay mananagot kay Jehova ng mga hukbo sa kanilang pang-aapi sa mga naghihirap. Kay tinding babala para sa mga nasa katungkulan sa ngayon! Sila nawa’y laging mag-ingat na huwag abusuhin ang kanilang awtoridad.
19. Sa anong pang-aapi at pag-uusig nagkasala ang Sangkakristiyanuhan?
19 Ang Sangkakristiyanuhan—lalo na ang kaniyang mga klero at mga nangunguna rito—ay mapanlinlang na nagkamal nang husto na dapat sana’y pag-aari ng karaniwang mga tao, na kaniyang inapi at patuloy na inaapi. Kaniya ring binugbog, pinag-usig, at pinagmalupitan ang bayan ng Diyos at nagdulot ng malaking upasala sa pangalan ni Jehova. Sa kaniyang takdang panahon, tiyak na papasok si Jehova sa paghatol laban sa kaniya.
“Isang Herong Tanda sa Halip na Kariktan”
20. Bakit binatikos ni Jehova “ang mga anak na babae ng Sion”?
20 Pagkatapos na batikusin ang mga kamalian ng mga pinuno, si Jehova ay bumaling sa mga babae ng Sion, o Jerusalem. Maliwanag na dahilan sa moda, “ang mga anak na babae ng Sion” ay nagsusuot ng “mga kadenilya sa paa”—mga kadenilya na nakakabit sa kanilang mga bukung-bukong—na lumilikha ng malambing na kalansing. Sinasadya ng mga babae na humakbang nang maikli at lumakad “nang patiyad,” upang palitawin ang maituturing na mahinhing pagkilos ng isang babae. Ano, kung mayroon man, ang mali dito? Ito ang saloobin ng mga babaing ito. Sinasabi ni Jehova: “Ang mga anak na babae ng Sion ay nagpalalo at sila ay lumalakad na unat ang kanilang mga leeg at itinitingin nang mapang-akit ang kanilang mga mata.” (Isaias 3:16) Ang ganitong kapalaluan ay hindi makaiiwas sa kaparusahan.
21. Paanong ang hatol ni Jehova sa Jerusalem ay nakaapekto sa mga babaing Judio?
21 Kaya, kapag sumapit ang paghatol ni Jehova sa lupain, ang mga palalong “mga anak na babae ng Sion” ay mawawalan ng lahat—maging ng kagandahan na kanilang labis na ipinagmamalaki. Si Jehova ay humuhula: “Paglalangibin nga ni Jehova ang tuktok ng ulo ng mga anak na babae ng Sion, at ihahantad ni Jehova ang kanila mismong noo. Sa araw na iyon ay aalisin ni Jehova ang kagandahan ng mga pulseras sa paa at ng mga pamigkis sa ulo at ng mga palamuting hugis-buwan, ang mga palawit sa tainga at ang mga pulseras at ang mga talukbong, ang mga putong at ang mga kadenilya sa paa at ang mga pamigkis sa dibdib at ang ‘mga bahay ng kaluluwa’ [marahil ay mga sisidlan ng pabango] at ang mga palamuting kabibi na humihiging [o, anting-anting], ang mga singsing sa daliri at ang mga singsing sa ilong, ang mariringal na kasuutan at ang mga pang-ibabaw na tunika at ang mga balabal at ang mga supot.” (Isaias 3:17-22; tingnan ang mga talababa.) Anong kalunus-lunos na pagbaligtad ng mga pangyayari!
22. Bukod sa kanilang mga palamuti, ano pa ang naiwala ng mga babae ng Jerusalem?
22 Ang makahulang mensahe ay patuloy na nagsasabi: “Sa halip na langis ng balsamo ay magkakaroon lamang ng amoy-amag; at sa halip na sinturon, lubid; at sa halip na artistikong ayos ng buhok, pagkakalbo; sa halip na isang marangyang kasuutan, pagbibigkis ng telang-sako; isang herong tanda sa halip na kariktan.” (Isaias 3:24) Noong 607 B.C.E., ang mapagmataas na mga babae ng Jerusalem ay bumagsak mula sa pagiging mariwasa tungo sa pagiging maralita. Naiwala nila ang kanilang kalayaan at tumanggap ng “herong tanda” ng pagkaalipin.
“Lubusan Siyang Aalisan ng Laman”
23. Ano ang ipinahahayag ni Jehova hinggil sa Jerusalem?
23 Sa pakikipag-usap ngayon sa lunsod ng Jerusalem, si Jehova ay nagpapahayag: “Sa pamamagitan ng tabak ay mabubuwal ang iyong mga lalaki, at ang iyong kalakasan ay sa pakikipagdigma. At ang kaniyang mga pasukan ay magdadalamhati at mamimighati, at lubusan siyang aalisan ng laman. Uupo siya sa mismong lupa.” (Isaias 3:25, 26) Ang mga lalaki ng Jerusalem, maging yaong magigiting, ay mapapatay sa labanan. Ang lunsod ay lubos na magigiba. At para sa “kaniyang mga pasukan,” ito ay magiging panahon upang ‘magdalamhati at mamighati.’ Ang Jerusalem ay “aalisan ng laman” at magiging tiwangwang.
24. Ang pagkamatay ng mga lalaki dahil sa tabak ay nagdulot ng anong masamang epekto sa mga babae ng Jerusalem?
24 Ang pagkamatay ng mga lalaki dahil sa tabak ay magdudulot ng masamang epekto sa mga babae ng Jerusalem. Sa pagtatapos sa bahaging ito ng kaniyang makahulang aklat, inihuhula ni Isaias: “Pitong babae ang susunggab nga sa isang lalaki sa araw na iyon, na sinasabi: ‘Kami ay kakain ng aming sariling tinapay at magbibihis ng aming sariling mga balabal; tawagin lamang sana kami sa iyong pangalan upang maalis ang aming kadustaan.’” (Isaias 4:1) Ang kakulangan ng mapapangasawang lalaki ay magiging napakatindi anupat ilang babae ang susunggab sa isang lalaki upang matawag sa kaniyang pangalan—na ang ibig sabihin, upang hayagang makilala bilang kaniyang mga asawang babae—at sa gayo’y magiging malaya sa upasala ng pagiging walang asawa. Ang Kautusang Mosaiko ay humihiling na ang isang asawang lalaki ay maglaan ng panustos at pananamit para sa kaniyang asawang babae. (Exodo 21:10) Gayunman, sa pagsang-ayong ‘kumain ng kanilang sariling tinapay at magbihis ng kanilang sariling mga pananamit,’ ang mga babaing ito ay handang palayain ang lalaki mula sa kaniyang legal na mga obligasyon. Napakadesperadong kalagayan nga para sa dating palalong “mga anak na babae ng Sion”!
25. Ano ang napipintong mangyari sa mga mapagmataas?
25 Hinihiya ni Jehova ang mga mapagmataas. Noong 607 B.C.E., tunay na pinangyari niyang ang kapalaluan ng kaniyang piniling bayan ay ‘yumukod’ at nilayong ang kanilang “pagmamataas” ay “mábababâ.” Huwag nawang makalimutan kailanman ng mga tunay na Kristiyano na “sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.”—Santiago 4:6.
[Larawan sa pahina 50]
Ang mga idolo, kayamanan, at ang kagitingang militar ay hindi nakapagligtas sa Jerusalem sa araw ng paghatol ni Jehova
[Larawan sa pahina 55]
Sa “araw ni Jehova,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay mawawasak