ARALING ARTIKULO 1
“Huwag Kang Mag-alala, Dahil Ako ang Diyos Mo”
“Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako. Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo. Papatibayin kita, oo, tutulungan kita.”—ISA. 41:10.a
AWIT 7 Jehova, Aming Lakas
NILALAMANb
1-2. (a) Paano natulungan ng Isaias 41:10 ang sister na si Yoshiko? (b) Para kanino iningatan ni Jehova ang mensaheng iyan?
SI Yoshiko, isang tapat na sister, ay nakatanggap ng masamang balita. Sinabi ng doktor na ilang buwan na lang siyang mabubuhay. Ano ang reaksiyon niya? Naalaala ni Yoshiko ang kaniyang paboritong teksto—Isaias 41:10. (Basahin.) Pagkatapos, kalmado niyang sinabi sa doktor na hindi siya natatakot, dahil hawak ni Jehova ang kamay niya.c Ang nakaaaliw na tekstong iyan ang tumulong sa ating mahal na sister na lubos na magtiwala kay Jehova. Matutulungan din tayo ng tekstong iyan na manatiling panatag kapag napapaharap sa mahihirap na pagsubok. Para maunawaan kung paano, suriin muna natin kung bakit ibinigay ng Diyos kay Isaias ang mensaheng iyon.
2 Ipinasulat ni Jehova kay Isaias ang pananalitang iyon para aliwin ang mga Judio na magiging tapon sa Babilonya. Pero iningatan ni Jehova ang mensaheng iyon hindi lang para sa mga tapong Judio kundi para din sa lahat ng lingkod niya sa ngayon. (Isa. 40:8; Roma 15:4) Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” kaya mas kailangan natin ang pampatibay-loob mula sa aklat ng Isaias.—2 Tim. 3:1.
3. (a) Anong mga pangako ang nakaulat sa Isaias 41:10, na taunang teksto natin para sa 2019? (b) Bakit natin kailangan ang mga katiyakang ibinibigay ng mga pangakong ito?
3 Sa artikulong ito, magpopokus tayo sa tatlong pangako ni Jehova na magpapatibay ng ating pananampalataya. Nakaulat ito sa Isaias 41:10: (1) Kasama natin si Jehova, (2) siya ang ating Diyos, at (3) tutulungan niya tayo. Kailangan natin ang mga katiyakangd ito dahil, gaya ni Yoshiko, napapaharap din tayo sa mga pagsubok sa buhay at sa mga problemang dulot ng masasamang nangyayari sa mundo. Baka ang ilan sa atin ay inuusig pa nga ng gobyerno. Isa-isahin natin ang tatlong katiyakang ito.
“KASAMA MO AKO”
4. (a) Ano ang unang katiyakan na tatalakayin natin? (Tingnan din ang talababa.) (b) Paano ipinahahayag ni Jehova ang kaniyang damdamin para sa atin? (c) Ano ang epekto nito sa iyo?
4 Una, tiniyak sa atin ni Jehova: “Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako.”e Para ipakitang kasama natin siya, ibinibigay ni Jehova sa atin ang kaniyang buong atensiyon at magiliw na pagmamahal. Pansinin kung paano ipinahahayag ni Jehova ang kaniyang masidhing damdamin para sa atin. “Naging mahalaga ka sa aking paningin,” ang sabi ni Jehova. “Itinuring kang marangal, at aking inibig ka.” (Isa. 43:4) Walang anumang makapipigil kay Jehova na ibigin ang kaniyang mga lingkod; ang kaniyang katapatan sa atin ay hinding-hindi magbabago. (Isa. 54:10) Ang kaniyang pag-ibig at pakikipagkaibigan ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob. Poprotektahan niya tayo ngayon, gaya ng pagprotekta niya sa kaibigan niyang si Abram (Abraham). Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Huwag kang matakot, Abram. Ako ay kalasag para sa iyo.”—Gen. 15:1.
5-6. (a) Paano natin nalaman na gusto ni Jehova na tulungan tayong maharap ang mga pagsubok na nararanasan natin? (b) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Yoshiko?
5 Alam nating gusto ni Jehova na tulungan tayong maharap ang mga pagsubok na nararanasan natin dahil nangako siya sa kaniyang bayan: “Sakaling dumaan ka sa tubig, ako ay sasaiyo; at sa mga ilog, hindi ka aapawan ng mga iyon. Sakaling lumakad ka sa apoy, hindi ka mapapaso, ni bahagya ka mang susunugin ng liyab.” (Isa. 43:2) Ano ang kahulugan ng pananalitang iyan?
6 Hindi ipinangako ni Jehova na aalisin niya ang mga hamong nagpapahirap sa buhay, pero hindi niya hahayaang malunod tayo sa “mga ilog” ng problema, o matupok “ng liyab” ng mga pagsubok. Tinitiyak niyang sasaatin siya at tutulungan tayong malampasan ang mga hamon. Ano ang gagawin ni Jehova? Tutulungan niya tayong daigin ang takot at makapanatiling tapat sa kaniya, kahit manganib pa ang ating buhay. (Isa. 41:13) Napatunayan iyan ni Yoshiko, na nabanggit kanina. Sinabi ng kaniyang anak na babae: “Humanga kami dahil napakakalmado ni Inay. Kitang-kita naming pinayapa ni Jehova ang kaniyang kalooban. Hanggang sa araw na mamatay siya, ipinapakipag-usap pa rin ni Inay sa mga nars at mga pasyente ang tungkol kay Jehova at ang Kaniyang mga pangako.” Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Yoshiko? Kapag nagtitiwala tayo sa pangako ng Diyos na “ako ay sasaiyo,” magkakaroon tayo ng lakas ng loob habang nagbabata ng mga pagsubok.
“AKO ANG DIYOS MO”
7-8. (a) Ano ang ikalawang katiyakang tatalakayin natin, at ano ang ibig sabihin nito? (b) Bakit sinabi ni Jehova sa mga tapong Judio: “Huwag kang mag-alala”? (c) Anong pananalita sa Isaias 46:3, 4 ang naging dahilan para mapanatag ang bayan ng Diyos?
7 Ikalawang katiyakan: “Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo.” Ano ang ibig sabihin ng pananalitang ito tungkol sa pag-aalala? Sa talatang ito, ang orihinal na salita para sa “mag-alala” ay nagpapahiwatig ng “paulit-ulit na paglingon dahil sa banta ng panganib” o “paglinga-linga gaya ng ginagawa ng isa kapag nanganganib.”
8 Bakit sinabi ni Jehova sa mga Judiong magiging tapon sa Babilonya na huwag “mag-alala”? Dahil alam niyang matatakot ang mga naninirahan sa lupaing iyon. Bakit? Sa pagtatapos ng 70-taóng pagkatapon ng mga Judio, ang Babilonya ay sasalakayin ng makapangyarihang hukbo ng Medo-Persia. Gagamitin ni Jehova ang hukbong ito para palayain ang kaniyang bayan mula sa pagkabihag sa Babilonya. (Isa. 41:2-4) Nang malaman ng mga Babilonyo at ng mga tagaibang bansang naroon na papalapít na ang kanilang kaaway, pinalakas nila ang loob ng isa’t isa sa pagsasabi: “Magpakalakas ka.” Gumawa rin sila ng marami pang diyos-diyusan, sa pag-aakalang mapoprotektahan sila ng mga ito. (Isa. 41:5-7) Samantala, napanatag ang mga tapong Judio dahil sinabi ni Jehova sa kanila: “Ikaw, O Israel, [di-gaya ng ibang bayan] ay lingkod ko . . . Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo.” (Isa. 41:8-10, nwt-E) Pansinin na sinabi ni Jehova: “Ako ang Diyos mo.” Sa mga salitang iyon, muling tiniyak ni Jehova sa kaniyang tapat na mga mananamba na hindi niya sila nalimutan—siya pa rin ang kanilang Diyos, at sila pa rin ang kaniyang bayan. Sinabi niya: ‘Dadalhin kita at paglalaanan ng pagtakas.’ Siguradong napatibay ng katiyakang iyan ang mga tapong Judio.—Basahin ang Isaias 46:3, 4.
9-10. Bakit wala tayong dahilan para matakot? Ilarawan.
9 Sa ngayon, mas nag-aalala ang mga tao dahil sa lumalalang kalagayan ng mundo. Siyempre, apektado rin tayo ng ganoong mga problema. Pero walang dahilan para matakot! Sinasabi sa atin ni Jehova: “Ako ang Diyos mo.” Bakit matibay na dahilan iyan para manatili tayong panatag?
10 Bilang paglalarawan: Sina Jim at Ben ay nakasakay sa eroplano. Dahil malakas ang hangin, umuuga ang eroplano. Narinig nila ang isang boses mula sa loudspeaker: “Panatilihing nakasuot ang inyong seat belt. Makakaranas tayo ng ilang sandaling turbulence.” Alalang-alala si Jim. Pero sinabi ng piloto: “Huwag kayong mag-alala. Ito ang inyong piloto.” Napailing si Jim, at sinabi niya: “Paano niya nasabing huwag tayong mag-alala?” Pero napansin niyang hindi man lang nag-aalala si Ben. Tinanong niya ito: “Bakit hindi ka natatakot?” Ngumiti si Ben at sinabi: “Kilalang-kilala ko kasi ang piloto. Tatay ko siya!” Sinabi pa niya: “Ikukuwento ko sa iyo ang tatay ko. Siguradong mapapanatag ka rin kapag nakilala mo siya at nalaman mo kung gaano siya kagaling.”
11. Anong mga aral ang matututuhan natin sa ilustrasyon tungkol sa dalawang pasahero?
11 Anong mga aral ang matututuhan natin sa ilustrasyong ito? Gaya ni Ben, panatag din tayo dahil kilalang-kilala natin ang ating makalangit na Ama, si Jehova. Alam nating gagabayan niya tayo at ililigtas mula sa tulad-bagyong mga problema sa ating buhay sa mga huling araw ng sistemang ito. (Isa. 35:4) Nagtitiwala tayo kay Jehova, kaya makapananatili tayong panatag habang ang sanlibutan ay nababalot ng takot. (Isa. 30:15) Natutularan din natin si Ben kapag sinasabi natin sa ating kapuwa kung bakit tayo nagtitiwala sa Diyos. Sa paggawa nito, makatitiyak din sila na anumang hamon ang mapaharap sa kanila, tutulungan sila ni Jehova.
“PAPATIBAYIN KITA . . . TUTULUNGAN KITA”
12. (a) Ano ang ikatlong katiyakang tatalakayin natin? (b) Anong katotohanan ang ipinaaalaala sa atin ng “bisig” ni Jehova?
12 Ikatlong katiyakan: “Papatibayin kita, oo, tutulungan kita.” Inilarawan ni Isaias kung paano papatibayin, o palalakasin, ni Jehova ang kaniyang bayan sa pagsasabi: “[Si] Jehova ay darating na gaya nga ng isa na malakas, at ang kaniyang bisig ay mamamahala sa ganang kaniya.” (Isa. 40:10) Madalas gamitin ng Bibliya ang salitang “bisig” para lumarawan sa kapangyarihan. Kaya kapag sinabing ang “bisig [ni Jehova] ay mamamahala,” ipinaaalaala nito na si Jehova ay isang makapangyarihang Hari. Ginamit niya ang kaniyang di-madaraig na lakas para tulungan at ipagtanggol ang kaniyang mga lingkod noon, at patuloy niyang pinalalakas at pinoprotektahan ang mga nagtitiwala sa kaniya sa ngayon.—Deut. 1:30, 31; Isa. 43:10.
13. (a) Kailan lalo nang tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangakong papatibayin niya tayo? (b) Anong katiyakan ang nagbibigay sa atin ng lakas at tibay ng loob?
13 Tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangakong “papatibayin kita,” lalo na kapag pinag-uusig tayo. Sa ilang bahagi ng mundo sa ngayon, sinisikap ng ating mga kaaway na pahintuin ang pangangaral o ipagbawal ang ating organisasyon. Pero hindi tayo labis na nag-aalala sa gayong mga pag-atake. Tinitiyak ni Jehova sa atin na bibigyan niya tayo ng lakas at tibay ng loob. Nangangako siya: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.” (Isa. 54:17) Ipinaaalaala niyan sa atin ang tatlong mahahalagang katotohanan.
14. Bakit hindi tayo nagtatakang sinasalakay tayo ng mga kaaway ng Diyos?
14 Una, bilang mga tagasunod ni Kristo, inaasahan nating kapopootan tayo. (Mat. 10:22) Inihula ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay makakaranas ng matinding pag-uusig sa mga huling araw. (Mat. 24:9; Juan 15:20) Ikalawa, nagbabala ang hula ni Isaias na hindi lang basta mapopoot ang mga kaaway; gagamit din sila ng iba’t ibang sandata laban sa atin. Kabilang sa mga sandatang iyan ang tusong panlilinlang, lantarang kasinungalingan, at walang-awang pag-uusig. (Mat. 5:11) Hindi pipigilan ni Jehova ang mga kaaway na gamitin ang mga sandatang ito. (Efe. 6:12; Apoc. 12:17) Pero walang dahilan para matakot tayo. Bakit?
15-16. (a) Ano ang ikatlong katotohanan na dapat nating tandaan, at paano ito sinusuportahan ng Isaias 25:4, 5? (b) Paano inilarawan ng Isaias 41:11, 12 ang kahihinatnan ng mga kumakalaban sa atin?
15 Pansinin ang ikatlong katotohanan na dapat nating tandaan. Sinabi ni Jehova na “anumang sandata” ang gamitin laban sa atin ay “hindi magtatagumpay.” Gaya ng pader na proteksiyon sa isang malakas na bagyo, pinoprotektahan tayo ni Jehova mula sa “bugso ng mga mapaniil.” (Basahin ang Isaias 25:4, 5.) Hinding-hindi magtatagumpay ang ating mga kaaway na gawan tayo ng permanenteng pinsala.—Isa. 65:17.
16 Lalo pang pinapatibay ni Jehova ang ating pagtitiwala sa kaniya nang detalyado niyang sabihin ang kahihinatnan ng mga “nag-iinit laban” sa atin. (Basahin ang Isaias 41:11, 12.) Gaano man katindi ang pakikipaglaban o pakikipagdigma sa atin ng mga kaaway, isa lang ang resulta nito: Ang lahat ng kaaway ng bayan ng Diyos ay “mauuwi sa wala at malilipol.”
KUNG PAANO MAPAPATIBAY ANG PAGTITIWALA KAY JEHOVA
17-18. (a) Paano mapapatibay ng pagbabasa ng Bibliya ang pagtitiwala natin sa Diyos? Magbigay ng halimbawa. (b) Paano tayo matutulungan ng pagbubulay-bulay sa napiling taunang teksto para sa 2019?
17 Mapapatibay natin ang ating pagtitiwala kay Jehova kung higit natin siyang makikilala. At ang tanging paraan para lubos siyang makilala ay kung babasahin nating mabuti ang Bibliya at bubulay-bulayin ito. Mababasa sa Bibliya ang mga ulat kung paano pinrotektahan ni Jehova ang kaniyang bayan noon. Ang mga ulat na iyan ang tutulong sa atin na magtiwalang poprotektahan niya tayo sa ngayon.
18 Pansinin ang isang magandang paglalarawan ni Isaias kung paano tayo pinoprotektahan ni Jehova. Tinukoy niya si Jehova bilang isang pastol, at ang mga lingkod naman ng Diyos bilang mga tupa. Sinabi ni Isaias tungkol kay Jehova: “Sa pamamagitan ng kaniyang bisig ay titipunin niya ang mga kordero; at sa kaniyang dibdib ay bubuhatin niya sila.” (Isa. 40:11) Kapag nadarama nating nakayakap sa atin ang malakas na bisig ni Jehova, nadarama nating ligtas tayo at panatag. Para makapanatiling panatag sa kabila ng mga problema, pinili ng tapat at maingat na alipin ang Isaias 41:10 bilang taunang teksto para sa 2019, “Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo.” Bulay-bulayin ang katiyakang iyan. Palalakasin ka nito na harapin ang mga hamong darating.
AWIT 38 Tutulungan Ka Niya
a Batay sa nirebisang English na Bagong Sanlibutang Salin.
b Ang napiling taunang teksto para sa 2019 ay nagbibigay sa atin ng tatlong dahilan kung bakit tayo makapananatiling panatag sa kabila ng masasamang nangyayari sa mundo o sa ating buhay. Susuriin ng artikulong ito ang mga dahilang iyon at tutulong ito sa atin na lalong magtiwala kay Jehova at di-gaanong mag-alala. Bulay-bulayin ang taunang teksto. Kabisaduhin ito hangga’t maaari. Palalakasin ka nito na harapin ang mga hamong darating.
c Tingnan ang Bantayan, Hulyo 2016, p. 18.
d KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang katiyakan ay isang totoong kapahayagan o pangako na siguradong mangyayari ang isang bagay. Ang mga katiyakan na ibinibigay ni Jehova ay tutulong sa atin na di-gaanong mabahala sa mga problema na puwedeng dumating sa ating buhay.
e Ang pananalitang “Huwag kang matakot” ay tatlong beses binanggit—sa Isaias 41:10, 13, at 14. Sa mga tekstong ito, madalas banggitin ang salitang “ako” (tumutukoy kay Jehova). Bakit ganoon kadalas ipinagamit ni Jehova kay Isaias ang salitang “ako”? Para idiin ang isang mahalagang katotohanan—madaraig lang natin ang takot kung magtitiwala tayo kay Jehova.
f LARAWAN: Mga miyembro ng pamilya na napapaharap sa mga pagsubok sa trabaho, sa kalusugan, sa ministeryo, at sa paaralan.
g LARAWAN: Pinasok ng mga pulis ang isang pribadong tahanan habang nagpupulong dito ang mga Saksi, pero hindi nataranta ang mga kapatid.
h LARAWAN: Ang regular na Pampamilyang Pagsamba ay tumutulong sa atin na makapagbata.