Ikalimang Kabanata
Inihula ng Tunay na Diyos ang Kaligtasan
1, 2. (a) Anong mga tanong ang ibinangon ni Jehova? (b) Paano patutunayan ni Jehova na siya lamang ang tanging tunay na Diyos?
‘SINO ang tunay na Diyos?’ Ang tanong na ito ay naibangon na sa loob ng maraming siglo. Kaya naman, nakapagtataka nga na sa aklat ng Isaias, si Jehova mismo ang nagbangon ng tanong na iyan! Inaanyayahan niya ang mga tao na isaalang-alang: ‘Si Jehova ba ang tanging tunay na Diyos? O mayroong iba pa na maaaring humamon sa kaniyang posisyon?’ Matapos simulan ang pagtalakay, naglaan si Jehova ng makatuwirang mga pamantayan sa paglutas sa isyu ng pagka-Diyos. Ang iniharap na pangangatuwiran ay umaakay sa tapat-pusong mga tao sa isang di-matatanggihang konklusyon.
2 Noong kapanahunan ni Isaias, laganap ang pagsamba sa mga imahen. Sa tahasan at maliwanag na pagtalakay na nakaulat sa kabanata 44 ng makahulang aklat ni Isaias, ipinakikita roon kung gaano nga kawalang-halaga ang pagsamba sa imahen! Magkagayunman, ang sariling bayan ng Diyos ay nahulog pa rin sa silo ng pagsamba sa mga idolo. Kaya naman, gaya ng makikita sa nakaraang mga kabanata ng Isaias, ang mga Israelita ay nakatakdang tumanggap ng matinding disiplina. Gayunman, sa maibiging paraan, tiniyak ni Jehova sa bansa na bagaman pahihintulutan niyang mabihag ng mga taga-Babilonya ang kaniyang bayan, ililigtas naman niya sila sa kaniyang itinakdang panahon. Ang katuparan ng mga hula ng pagliligtas mula sa pagkabihag at ng pagsasauli ng dalisay na pagsamba ay magpapatunay nang walang pag-aalinlangan na si Jehova lamang ang tanging tunay na Diyos, na magdudulot ng kahihiyan sa lahat ng sumasamba sa walang-buhay na mga diyos ng mga bansa.
3. Paano tumutulong ang mga makahulang salita ni Isaias sa mga Kristiyano sa ngayon?
3 Ang mga hula sa bahaging ito ng Isaias at ang katuparan ng mga ito noong sinaunang panahon ay nagpapatibay sa pananampalataya ng mga Kristiyano sa ngayon. Bukod diyan, ang mga makahulang salita ni Isaias ay may katuparan sa ating panahon at maging sa hinaharap. At ang mga pangyayaring iyon ay magsasangkot sa isang tagapagligtas at isang kaligtasang mas dakila pa kaysa sa mga inihula para sa sinaunang bayan ng Diyos.
Pag-asa Niyaong mga Para kay Jehova
4. Paano pinasigla ni Jehova ang Israel?
4 Ang kabanata 44 ay nagsisimula sa isang positibong paraan sa pamamagitan ng isang paalaala na ang Israel ay pinili ng Diyos, anupat inihiwalay sa nakapalibot na mga bansa upang maging kaniyang lingkod. Ang hula ay nagsasabi: “Ngayon ay makinig ka, O Jacob na aking lingkod, at ikaw, O Israel, na aking pinili. Ito ang sinabi ni Jehova, na iyong Maylikha at iyong Tagapag-anyo, na tumutulong sa iyo mula pa sa tiyan, ‘Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, at ikaw, Jesurun, na aking pinili.’ ” (Isaias 44:1, 2) Pinangalagaan ni Jehova ang Israel mula pa sa sinapupunan ng kaniyang ina, wika nga, mula nang maging isang bansa ang Israel matapos lumabas sa Ehipto. Tinawag niya sa kabuuan ang kaniyang bayan na “Jesurun,” na nangangahulugang “Matuwid,” isang titulong nagpapahayag ng pagmamahal at paggiliw. Ang pangalan ay paalaala rin na ang mga Israelita ay dapat na manatiling matuwid, na kadalasa’y hindi nila nagagawa.
5, 6. Anong nakagiginhawang paglalaan ang ibinigay ni Jehova sa Israel, at may anong resulta?
5 Napakasarap pakinggan at nakagiginhawa ang sumunod na mga salita ni Jehova! Sinabi niya: “Bubuhusan ko ng tubig ang nauuhaw, at ng mga umaagos na batis ang tuyong dako. Ibubuhos ko sa iyong binhi ang aking espiritu, at sa iyong mga inapo ang aking pagpapala. At sisibol nga sila na waring nasa gitna ng luntiang damo, tulad ng mga alamo sa tabi ng mga estero ng tubig.” (Isaias 44:3, 4) Maging sa mainit at tuyong lupain, ang hilera ng mga punungkahoy ay maaaring yumabong sa tabi ng mga bukal ng tubig. Kapag inilalaan ni Jehova ang kaniyang nagbibigay-buhay na tubig ng katotohanan at ibinubuhos ang kaniyang banal na espiritu, ang Israel ay yayabong nang gayon na lamang, gaya ng mga punungkahoy sa tabi ng mga agusan ng tubig. (Awit 1:3; Jeremias 17:7, 8) Ibibigay ni Jehova sa kaniyang bayan ang lakas upang magampanan ang kanilang papel bilang mga saksi sa kaniyang pagka-Diyos.
6 Ang isang resulta ng pagbubuhos na ito ng banal na espiritu ay ang panibagong pagpapahalaga ng ilang indibiduwal sa kaugnayan ng Israel kay Jehova. Kaya, mababasa natin: “Ang isang ito ay magsasabi: ‘Ako ay kay Jehova.’ At tatawagin ng isang iyon ang kaniyang sarili ayon sa pangalan ni Jacob, at ang isa pa ay susulat sa kaniyang kamay: ‘Kay Jehova.’ At pamamagatan ng isa ang kaniyang sarili ayon sa pangalan ni Israel.” (Isaias 44:5) Oo, magkakaroon ng karangalan sa pagdadala ng pangalan ni Jehova, sapagkat makikitang siya lamang ang tanging tunay na Diyos.
Isang Hamon sa mga Diyos
7, 8. Paano hinamon ni Jehova ang mga diyos ng mga bansa?
7 Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, maaaring tubusin ng isang manunubos—karaniwan nang isang lalaking pinakamalapit na kamag-anak—ang isang tao mula sa pagkaalipin. (Levitico 25:47-54; Ruth 2:20) Ipinakikilala ngayon ni Jehova ang kaniyang sarili bilang Manunubos ng Israel—ang isa na tutubos sa bansa, na magdudulot ng kahihiyan sa Babilonya at sa lahat ng mga diyos nito. (Jeremias 50:34) Hinarap niya ang huwad na mga diyos at ang kanilang mga mananamba, na nagsasabi: “Ito ang sinabi ni Jehova, na Hari ng Israel at kaniyang Manunubos, si Jehova ng mga hukbo, ‘Ako ang una at ako ang huli, at bukod pa sa akin ay walang Diyos. At sino ang tulad ko? Tumawag siya, upang masabi niya iyon at maiharap iyon sa akin. Mula nang itatag ko ang bayan noong sinaunang panahon, kapuwa ang mga bagay na dumarating at ang mga bagay na mangyayari ay sabihin nila sa ganang kanila. Huwag kayong manghilakbot at huwag kayong matulala. Hindi ba mula nang panahong iyon ay ipinarinig ko iyon sa iyo nang isahan at ipinahayag ko? At kayo ang aking mga saksi. May umiiral bang Diyos bukod pa sa akin? Wala, walang Bato. Wala akong nakikilalang sinuman.’ ”—Isaias 44:6-8.
8 Hinamon ni Jehova ang mga diyos na iharap ang kanilang habla. Masasabi ba nila ang kinabukasan, anupat tumpak na mahuhulaan ang mangyayari sa hinaharap na para bang nagaganap na ang mga iyon? Tanging ‘ang una at ang huli,’ na umiral na bago pa man lumitaw ang lahat ng huwad na diyos at patuloy pa ring mananatili sa panahong ang mga ito ay matagal nang nakalimutan, ang makagagawa ng gayong bagay. Hindi dapat matakot ang kaniyang bayan na sumaksi sa katotohanang ito, yamang nasa kanila ang suporta ni Jehova, na kasintibay at kasintatag ng isang napakalaking bato!—Deuteronomio 32:4; 2 Samuel 22:31, 32.
Ang Pagkawalang-Kabuluhan ng Pagsamba sa Imahen
9. Mali ba para sa mga Israelita na gumawa ng anumang larawan ng nabubuhay na bagay? Ipaliwanag.
9 Ang hamon ni Jehova sa huwad na mga diyos ay nagpaalaala sa ikalawa sa Sampung Utos. Ang utos na iyan ay maliwanag na nagsasabi: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ang mga iyon ni maganyak ka man na paglingkuran ang mga iyon.” (Exodo 20:4, 5) Mangyari pa, ang pagbabawal na ito’y hindi nangangahulugan na ang mga Israelita ay hindi dapat gumawa ng mga pampalamuting larawan ng mga bagay-bagay. Iniutos mismo ni Jehova na maglagay sa tabernakulo ng mga larawan ng mga halaman, hayop, at mga kerubin. (Exodo 25:18; 26:31) Subalit, ang mga ito’y hindi dapat pintuhuin, o sambahin. Walang sinumang dapat manalangin o maghandog ng mga hain sa mga larawang iyon. Ang kinasihang utos ng Diyos ay nagbabawal sa paggawa ng anumang uri ng imahen na gagamitin bilang isang bagay na sinasamba. Ang pagsamba sa mga imahen o pagyukod sa mga ito bilang pagpapakundangan ay bahagi ng idolatriya.—1 Juan 5:21.
10, 11. Bakit minamalas ni Jehova na kahiya-hiya ang mga imahen?
10 Ngayon ay inilalarawan ni Isaias ang kawalang-silbi ng walang-buhay na mga imahen at ang kahihiyang naghihintay sa mga gumagawa ng mga ito: “Silang lahat na mga tagapag-anyo ng inukit na imahen ay kabulaanan, at ang kanilang mga irog ay hindi mapakikinabangan; at bilang kanilang mga saksi ay wala silang nakikita at wala silang nalalaman, upang sila ay mapahiya. Sino ang nakapag-anyo ng isang diyos o nakapaghulma ng isang hamak na binubong imahen? Hindi iyon napakinabangan sa anumang paraan. Narito! Ang lahat ng kaniyang mga kasamahan ay mapapahiya, at ang mga bihasang manggagawa ay mula sa mga makalupang tao. Silang lahat ay magtitipon. Sila ay titigil. Sila ay manghihilakbot. Sila ay mapapahiyang magkakasama.”—Isaias 44:9-11.
11 Bakit kaya itinuring ng Diyos na lubhang kahiya-hiya ang mga imaheng ito? Una, imposibleng tumpak na mailarawan ang Makapangyarihan-sa-lahat sa pamamagitan ng materyal na mga bagay. (Gawa 17:29) Isa pa, ang pagsamba sa isang bagay na nilalang sa halip na sa Maylalang ay isang lantarang paghamak sa pagka-Diyos ni Jehova. At hindi nga ba talagang alangan ito sa dangal ng tao, na nilalang “sa larawan ng Diyos”?—Genesis 1:27; Roma 1:23, 25.
12, 13. Bakit hindi makagagawa ang tao ng anumang imahen na karapat-dapat sambahin?
12 Ang isa bang pisikal na bagay sa paano man ay magtatamo ng kabanalan dahil sa ito’y ginawa upang maging isang bagay na dapat sambahin? Ipinaaalaala sa atin ni Isaias na ang paggawa ng imahen ay isa lamang pagsisikap ng tao. Ang mga kagamitan at pamamaraan ng isang manggagawa ng imahen ay gaya rin niyaong mga ginagamit ng sinumang bihasang manggagawa: “Kung tungkol sa mang-uukit ng bakal sa pamamagitan ng daras, abala siya roon sa mga baga; at sa pamamagitan ng mga martilyo ay inaanyuan niya iyon, at patuloy siyang nagpapakaabala roon sa pamamagitan ng kaniyang malakas na bisig. Gayundin, siya ay nagutom, anupat nawalan ng lakas. Hindi siya umiinom ng tubig; kaya napagod siya. Kung tungkol sa mang-uukit ng kahoy, iniunat niya ang pising panukat; tinatandaan niya iyon ng pulang yeso; inaanyuan niya iyon sa pamamagitan ng pait; at sa pamamagitan ng kompas ay patuloy niyang tinatandaan iyon, at iyon ay unti-unti niyang ginagawang tulad ng wangis ng tao, tulad ng kagandahan ng mga tao, upang tumahan sa isang bahay.”—Isaias 44:12, 13.
13 Ang tunay na Diyos ang gumawa sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa lupang ito, kasali na ang tao. Ang matalinong nilalang ay isang napakagandang patotoo sa pagka-Diyos ni Jehova, subalit mangyari pa, lahat ng nilalang ni Jehova ay mas mababa sa kaniya. Posible kaya na ang tao ay makahigit pa kaysa sa kaniya? Makagagawa ba siya ng isang bagay na mas nakatataas sa kaniyang sarili—lubhang nakatataas anupat karapat-dapat itong pag-ukulan ng kaniyang debosyon? Kapag gumagawa ng imahen ang isang tao, siya’y napapagod, nagugutom, at nauuhaw. Ito’y mga limitasyon ng tao, subalit sa paano man, ang mga ito ay nagpapakita na ang tao ay buháy. Ang imahen na ginawa niya ay maaaring mukhang tao. Baka maganda pa nga ito. Subalit ito’y walang buhay. Ang mga imahen ay talagang hindi Diyos. Isa pa, walang inukit na imahen ang kailanman ay “nahulog mula sa langit,” na parang ito’y hindi galing sa mortal na tao.—Gawa 19:35.
14. Paano lubusang nakadepende kay Jehova ang mga manggagawa ng imahen?
14 Patuloy na ipinakikita ni Isaias na ang mga manggagawa ng imahen ay lubusang nakadepende sa likas na mga proseso at materyales na nilalang ni Jehova: “May isa na ang kaniyang gawain ay ang pumutol ng mga sedro; at kumukuha siya ng isang uri ng punungkahoy, isa ngang dambuhalang punungkahoy, at pinatitibay niya iyon sa ganang kaniya sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan. Itinanim niya ang puno ng laurel, at patuloy na pinalalaki iyon ng bumubuhos na ulan. At iyon ay naging pampaningas ng apoy para sa tao. Kaya kukunin niya ang isang bahagi niyaon upang makapagpainit siya. Sa katunayan ay nagpapaliyab siya ng apoy at nagluluto nga ng tinapay. Gumagawa rin siya ng isang diyos na mayuyukuran niya. Iyon ay ginawa niyang isang inukit na imahen, at nagpapatirapa siya roon. Ang kalahati niyaon ay sinusunog nga niya sa apoy. Sa ibabaw ng kalahati niyaon ay iniihaw niyang mabuti ang karne na kakainin niya, at nabubusog siya. Siya rin ay nagpapainit at nagsasabi: ‘Aha! Ako ay nakapagpainit na. Nakita ko na ang liwanag ng apoy.’ Ngunit ang nalalabi roon ay ginagawa nga niyang isang diyos, ang kaniyang inukit na imahen. Siya ay nagpapatirapa roon at yumuyukod at nananalangin doon at nagsasabi: ‘Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ang aking diyos.’ ”—Isaias 44:14-17.
15. Anong lubos na kawalan ng unawa ang ipinakikita ng isang manggagawa ng mga imahen?
15 Makapagliligtas kaya ng sinuman ang di-sinunog na piraso ng panggatong? Siyempre hindi. Tanging ang tunay na Diyos lamang ang makapagliligtas. Bakit kaya iniidolo ng mga tao ang walang-buhay na mga bagay? Ipinakita ni Isaias na ang tunay na problema ay nakasalalay sa puso ng isang tao: “Hindi sila nakaaalam, ni nakauunawa man sila, sapagkat ang kanilang mga mata ay pinahiran upang hindi makakita, ang kanilang puso upang hindi magkaroon ng kaunawaan. At walang sinuman ang nakaaalaala sa kaniyang puso o may kaalaman o unawa, na nagsasabi: ‘Ang kalahati niyaon ay sinunog ko sa apoy, at sa ibabaw ng mga baga niyaon ay nagluto rin ako ng tinapay; ako ay nag-ihaw ng karne at kumain. Ngunit ang natira roon ay gagawin ko bang isang hamak na karima-rimarim na bagay? Sa tuyong kahoy ba ng isang punungkahoy ay magpapatirapa ako?’ Kumakain siya ng abo. Iniligaw siya ng kaniyang sariling puso na nadaya. At hindi niya inililigtas ang kaniyang kaluluwa, ni sinasabi man niya: ‘Hindi ba kabulaanan ang nasa aking kanang kamay?’ ” (Isaias 44:18-20) Oo, ang pag-aakalang makapaglalaan ang idolatriya ng anumang ikabubuti sa espirituwal ay para na ring pagkain ng abo sa halip na masustansiyang pagkain.
16. Paano nagsimula ang idolatriya, at ano ang nagpapangyari na ito’y maging posible?
16 Ang idolatriya ay nagsimula nga sa langit nang imbutin ng makapangyarihang espiritung nilalang na naging si Satanas ang pagsambang nauukol lamang kay Jehova. Gayon na lamang ang paghahangad ni Satanas anupat inihiwalay siya nito sa Diyos. Iyan talaga ang naging pasimula ng idolatriya, yamang sinabi ni apostol Pablo na ang kaimbutan ay katulad din ng idolatriya. (Isaias 14:12-14; Ezekiel 28:13-15, 17; Colosas 3:5) Sinulsulan ni Satanas ang unang mag-asawang tao na pag-isipan ang mapag-imbot na mga ideya. Pinag-imbutan ni Eva ang inialok ni Satanas sa kaniya: “Madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Sinabi ni Jesus na ang pag-iimbot ay mula sa puso. (Genesis 3:5; Marcos 7:20-23) Nagiging posible ang idolatriya kapag sumamâ ang puso. Kung gayon, napakahalaga para sa ating lahat na ‘ingatan ang ating puso,’ anupat hindi kailanman pinahihintulutan ang sinuman o anuman na kumuha ng dako roon na nararapat lamang kay Jehova!—Kawikaan 4:23; Santiago 1:14.
Nanawagan si Jehova sa mga Puso
17. Ano ang dapat isapuso ng Israel?
17 Nanawagan naman ngayon si Jehova sa mga Israelita na alalahanin na sila’y nasa natatangi at responsableng katayuan. Sila’y kaniyang mga saksi! Sinabi niya: “Alalahanin mo ang mga bagay na ito, O Jacob, at ikaw, O Israel, sapagkat ikaw ay aking lingkod. Inanyuan kita. Ikaw ay isang lingkod na aking pag-aari. O Israel, ikaw ay hindi ko kalilimutan. Papawiin ko ang iyong mga pagsalansang na gaya ng sa isang ulap, at ang iyong mga kasalanan na gaya ng sa isang kaulapan. Manumbalik ka sa akin, sapagkat tutubusin kita. Humiyaw kayo nang may kagalakan, kayong mga langit, sapagkat si Jehova ay kumilos na! Sumigaw kayo nang may pagbubunyi, kayong pinakamabababang bahagi ng lupa! Magsaya kayo, kayong mga bundok, na may hiyaw ng kagalakan, ikaw na kagubatan at lahat kayong mga punungkahoy na nariyan! Sapagkat tinubos ni Jehova ang Jacob, at sa Israel ay ipinakikita niya ang kaniyang kagandahan.”—Isaias 44:21-23.
18. (a) Bakit may dahilang magsaya ang Israel? (b) Paano matutularan ng mga lingkod ni Jehova ang kaniyang halimbawa ng awa sa ngayon?
18 Hindi inanyuan ng Israel si Jehova. Hindi siya isang diyos na gawa ng tao. Sa halip, si Jehova ang nag-anyo sa Israel upang maging kaniyang piniling lingkod. At muli niyang patutunayan ang kaniyang pagka-Diyos kapag iniligtas na niya ang bansa. Buong-giliw na kinausap niya ang kaniyang bayan, na tinitiyak sa kanila na kung sila’y magsisisi, lubusan niyang tatakpan ang kanilang mga kasalanan, anupat itatago ang kanilang mga pagsalansang na parang nasa likod ng di-matatagos na mga ulap. Kay laking dahilan para magsaya ang Israel! Ang halimbawa ni Jehova ay gumaganyak sa kaniyang makabagong-panahong mga lingkod na tularan ang kaniyang awa. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pagsisikap na tulungan ang mga nagkakasala—na sinisikap na muli silang patatagin sa espirituwal hangga’t maaari.—Galacia 6:1, 2.
Ang Kasukdulan ng Pagsubok sa Pagka-Diyos
19, 20. (a) Sa anong paraan pinasasapit ni Jehova sa kasukdulan ang kaniyang kaso? (b) Anong nakaaantig na mga bagay ang inihula ni Jehova para sa kaniyang bayan, at sino ang kaniyang magiging ahente upang pangyarihin ang mga bagay na ito?
19 Pinasapit na ngayon ni Jehova ang pinakamapuwersang kasukdulan ng kaniyang legal na pangangatuwiran. Ihaharap na niya ngayon ang kaniyang sariling sagot sa pinakamatinding pagsubok sa pagka-Diyos—ang kakayahan na eksaktong mahulaan ang kinabukasan. Tinawag ng isang iskolar ng Bibliya ang sumunod na limang talata ng Isaias kabanata 44 na isang “tula ng kahigitan ng Diyos ng Israel,” ang nag-iisa at tanging Maylalang, ang kaisa-isang Tagapagsiwalat ng kinabukasan at pag-asa sa kaligtasan ng Israel. Unti-unting sumasapit sa dramatikong kasukdulan ang talata hanggang sa paghahayag sa pangalan ng lalaking magpapalaya sa bansa mula sa Babilonya.
20 “Ito ang sinabi ni Jehova, na iyong Manunubos at Tagapag-anyo sa iyo mula sa tiyan: ‘Ako, si Jehova, ang gumagawa ng lahat ng bagay, na mag-isang nag-uunat ng langit, na naglalatag ng lupa. Sino ang kasama ko noon? Binibigo ko ang mga tanda ng mga nagsasalita nang walang katuturan, at ako ang Isa na nagpapakilos sa mga manghuhula na parang baliw; ang Isa na nagpapaurong sa mga taong marurunong, at ang Isa na nagpapangyaring maging kamangmangan ang kanilang kaalaman; ang Isa na nagpapangyaring magkatotoo ang salita ng kaniyang lingkod, at ang Isa na lubusang tumutupad sa panukala ng kaniyang mga mensahero; ang Isa na nagsasabi tungkol sa Jerusalem, “Siya ay tatahanan,” at tungkol sa mga lunsod ng Juda, “Sila ay muling itatayo, at ang kaniyang mga tiwangwang na dako ay ibabangon ko”; ang Isa na nagsasabi sa matubig na kalaliman, “Maging singaw ka; at ang lahat ng iyong mga ilog ay tutuyuin ko”; ang Isa na nagsasabi tungkol kay Ciro, “Siya ay aking pastol, at ang lahat ng kinalulugdan ko ay lubusan niyang tutuparin”; maging sa sinabi ko tungkol sa Jerusalem, “Siya ay muling itatayo,” at tungkol sa templo, “Ilalatag ang iyong pundasyon.” ’ ”—Isaias 44:24-28.
21. Anong garantiya ang inilalaan ng mga salita ni Jehova?
21 Oo, hindi lamang taglay ni Jehova ang kakayahang hulaan ang mangyayari sa hinaharap kundi maging ang kapangyarihang isagawa ang kaniyang isiniwalat na layunin sa kabuuan nito. Ang kapahayagang ito ay magsisilbing isang pinagmumulan ng pag-asa para sa Israel. Ito’y isang garantiya na bagaman ititiwangwang ng mga hukbo ng Babilonya ang lupain, ang Jerusalem at ang mga sakop na lunsod nito ay muling babangon at ang tunay na pagsamba ay muling itatatag doon. Subalit paano?
22. Ipaliwanag kung paano naging singaw ang Ilog Eufrates.
22 Ang mga di-kinasihang manghuhula ay kadalasan nang walang lakas ng loob na maging lubhang espesipiko sa kanilang mga prediksiyon sa takot na baka hindi magkatotoo ang mga ito pagdating ng panahon. Sa kabaligtaran, sa pamamagitan ni Isaias, isiniwalat ni Jehova ang mismong pangalan ng lalaking gagamitin niya upang palayain ang kaniyang bayan mula sa pagkabihag nang sa gayon ay makauwi sila at maitayong-muli ang Jerusalem at ang templo. Ang pangalan niya ay Ciro, at siya ay kilala bilang si Cirong Dakila ng Persia. Dinetalye rin ni Jehova ang estratehiyang gagamitin ni Ciro upang mapasok ang napakalaki at masalimuot na sistema ng depensa ng Babilonya. Ang Babilonya ay ipagsasanggalang ng nagtataasang pader at ng mga agusan ng tubig na bumabagtas sa loob at sa palibot ng lunsod. Gagamitin ni Ciro ang isang pangunahing bahagi ng sistemang iyan—ang Ilog Eufrates—sa kaniyang kapakinabangan. Ayon sa mga sinaunang istoryador na sina Herodotus at Xenophon, sa isang dako sa itaas ng ilog mula sa Babilonya, inilihis ni Ciro ang tubig ng Eufrates hanggang sa ang ilog ay bumabaw anupat maaari nang lumusong ang kaniyang mga sundalo. Kung tungkol sa kakayahan nitong ipagsanggalang ang Babilonya, ang makapangyarihang Eufrates ay naging singaw.
23. Anong ulat ang umiiral hinggil sa katuparan ng hula na palalayain ni Ciro ang Israel?
23 Kumusta naman ang pangako na palalayain ni Ciro ang bayan ng Diyos at na titiyakin niyang muling maitayo ang Jerusalem at ang templo? Si Ciro mismo, sa isang opisyal na proklamasyon na iningatan sa Bibliya, ay nagpahayag: “Ito ang sinabi ni Ciro na hari ng Persia, ‘Ang lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ni Jehova na Diyos ng langit, at siya ang nag-atas sa akin na magtayo para sa kaniya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo na mula sa kaniyang buong bayan, sumakaniya nawa ang kaniyang Diyos. Kaya paahunin siya sa Jerusalem, na nasa Juda, at itayo niyang muli ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel—siya ang tunay na Diyos—na nasa Jerusalem.’ ” (Ezra 1:2, 3) Lubusan ngang natupad ang salita ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias!
Si Isaias, si Ciro, at ang mga Kristiyano sa Ngayon
24. Ano ang kaugnayan ng pagpapalabas ng utos ni Artajerjes na “isauli at muling itayo ang Jerusalem” at ng pagdating ng Mesiyas?
24 Ang ika-44 na kabanata ng Isaias ay dumadakila kay Jehova bilang ang nag-iisang tunay na Diyos at ang Tagapagligtas ng kaniyang sinaunang bayan. Isa pa, ang hula ay may malalim na kahulugan para sa ating lahat sa ngayon. Ang dekreto ni Ciro na muling itayo ang templo ng Jerusalem, na ibinigay noong 538/537 B.C.E., ay naging pasimula ng mga pangyayaring humantong sa katuparan ng isa pang pambihirang hula. Ang dekreto ni Ciro ay sinundan ng isa na mula sa sumunod na tagapamahala, si Artajerjes, na nag-utos na kailangang muling itayo ang lunsod ng Jerusalem. Isiniwalat ng aklat ng Daniel na “mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem [noong 455 B.C.E.] hanggang sa Mesiyas na Lider,” magkakaroon ng 69 na “sanlinggo” na 7 taon bawat isa. (Daniel 9:24, 25) Nagkatotoo rin ang hulang ito. Eksakto sa iskedyul noong taóng 29 C.E., 483 taon matapos magkabisa ang dekreto ni Artajerjes sa Lupang Pangako, si Jesus ay nabautismuhan at nagpasimula ng kaniyang ministeryo sa lupa.a
25. Sa ano tumutukoy sa makabagong panahon ang pagbagsak ng Babilonya sa mga kamay ni Ciro?
25 Ang paglaya ng tapat na mga Judio mula sa pagkatapon, na nangyari dahil sa pagbagsak ng Babilonya, ay lumarawan sa paglaya ng pinahirang mga Kristiyano mula sa espirituwal na pagkatapon noong 1919. Ang paglayang iyon ay katunayan na isa pang Babilonya, na inilalarawan bilang isang patutot, ang Babilonyang Dakila—na sagisag ng lahat ng huwad na relihiyon sa daigdig ayon sa kabuuang pangmalas—ang dumanas ng pagbagsak. Gaya ng nakaulat sa aklat ng Apocalipsis, patiunang nakita ni apostol Juan ang pagbagsak nito. (Apocalipsis 14:8) Patiuna rin niyang nakita ang biglang pagkapuksa nito. Ang paglalarawan ni Juan ng pagpuksa sa batbat-ng-idolong pandaigdig na imperyo ay nakakatulad sa ilang paraan ng paglalarawan ni Isaias sa matagumpay na pananakop ni Ciro sa sinaunang lunsod ng Babilonya. Kung paanong ang pananggalang na mga agusan ng tubig ng Babilonya ay hindi nakapagligtas sa kaniya mula kay Ciro, gayundin naman na ang ‘mga tubig’ ng sangkatauhan na sumusuporta at nagsasanggalang sa Babilonyang Dakila ay ‘matutuyo’ bago ito makatuwirang puksain.—Apocalipsis 16:12.b
26. Paano pinatitibay ng hula ni Isaias at ng katuparan nito ang ating pananampalataya?
26 Sa ating pananaw, mahigit sa dalawa’t kalahating milenyo matapos bigkasin ni Isaias ang kaniyang hula, makikita natin na ang Diyos ay talagang “lubusang tumutupad sa panukala ng kaniyang mga mensahero.” (Isaias 44:26) Ang katuparan ng hula ni Isaias kung gayon ay isang namumukod-tanging halimbawa ng pagkamaaasahan ng lahat ng hula sa Banal na Kasulatan.
[Mga talababa]
a Tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan ang kabanata 35 at 36 ng aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 63]
Makapagliligtas kaya ng sinuman ang di-sinunog na piraso ng panggatong?
[Larawan sa pahina 73]
Marmol na ulo ng isang hari ng Iran, malamang na si Ciro
[Larawan sa pahina 75]
Tinupad ni Ciro ang hula sa pamamagitan ng paglilihis sa tubig ng Eufrates