Ang Pag-aalay at ang Kalayaang Pumili
“Ukol sa gayong kalayaan ay pinalaya tayo ni Kristo.”—GALACIA 5:1.
1. Sa ano pangunahing kumakapit ang Hebreo at Griegong mga salitang isinaling “pag-aalay,” “pagpapasinaya,” o “pagtatalaga”?
ANG mga manunulat ng Bibliya ay gumamit ng ilang Hebreo at Griegong salita upang itawid ang ideya ng pagiging hiwalay, o ibinukod, para sa isang sagradong layunin. Ang mga salitang ito sa mga Bibliyang Ingles ay isinalin sa mga salitang tulad ng “dedication (pag-aalay),” “inauguration (pagpapasinaya),” o “consecration (pagtatalaga).” Kung minsa’y ginagamit ang mga salitang ito kaugnay ng mga gusali—karaniwan nang sa templo ng Diyos sa sinaunang Jerusalem at sa pagsambang isinagawa roon. Bihirang gamitin ang mga salitang ito na tinutukoy ang sekular na mga bagay.
Pag-aalay sa “Diyos ng Israel”
2. Bakit matuwid lamang na tawagin si Jehova bilang ang “Diyos ng Israel”?
2 Noong 1513 B.C.E., iniligtas ng Diyos ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Di-nagtagal pagkatapos, ibinukod niya sila bilang kaniyang pantanging bayan, anupat nakipagtipan siya sa kanila. Sinabihan sila: “Ngayon kung maingat na susundin ninyo ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kung gayo’y magiging aking pantanging pag-aari nga kayo higit sa lahat ng bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin.” (Exodo 19:5; Awit 135:4) Palibhasa’y ginawang kaniyang pantanging pag-aari ang mga Israelita, matuwid lamang na tawagin si Jehova bilang ang “Diyos ng Israel.”—Josue 24:23.
3. Bakit hindi nagpapakita ng pagtatangi si Jehova sa pagpili sa Israel bilang kaniyang bayan?
3 Sa paggawa sa mga Israelita bilang kaniyang nakaalay na bayan, si Jehova ay hindi nagtatangi, sapagkat kaniya ring maibiging isinaalang-alang ang mga di-Israelita. Tinagubilinan niya ang kaniyang bayan: “Sakaling manirahan kasama mo ang isang naninirahang dayuhan bilang isang dayuhan sa inyong lupain, huwag ninyo siyang tratuhin nang masama. Ang naninirahang dayuhan na naninirahan bilang isang dayuhan na kasama ninyo ay dapat na maging gaya ng isang katutubo sa inyo; at iibigin mo siya kagaya ng iyong sarili, sapagkat kayo ay naging naninirahang dayuhan sa lupain ng Ehipto. Ako si Jehova na inyong Diyos.” (Levitico 19:33, 34) Pagkalipas ng ilang siglo, ang pangmalas ng Diyos ay mariing nakintal kay apostol Pedro, na kumilala: “May katiyakang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
4. Ano ang mga kondisyon sa kaugnayan sa pagitan ng Diyos at ng Israel, at natupad ba ng mga Israelita ang mga ito?
4 Pansinin din na ang pagiging nakaalay na bayan ng Diyos ay may mga kondisyon. Tanging kung maingat nilang susundin ang tinig ng Diyos at iingatan ang kaniyang tipan ay saka lamang sila magiging kaniyang “pantanging pag-aari.” Nakalulungkot, hindi naabot ng mga Israelita ang mga kahilingang ito. Matapos itakwil ang Mesiyas na sinugo ng Diyos noong unang siglo C.E., naiwala nila ang kanilang pantanging katayuan. Si Jehova ay hindi na ang “Diyos ng Israel.” At ang likas na mga Israelita ay hindi na ang nakaalay na bayan ng Diyos.—Ihambing ang Mateo 23:23.
Pag-aalay ng “Israel ng Diyos”
5, 6. (a) Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa kaniyang makahulang mga salita na nakaulat sa Mateo 21:42, 43? (b) Kailan at paano umiral ang “Israel ng Diyos”?
5 Nangahulugan ba ito na si Jehova ay wala na ngayong isang nakaalay na bayan? Hindi. Sa pag-ulit sa sinabi ng salmista, inihula ni Jesu-Kristo: “Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa Kasulatan, ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang isa na naging pangulong batong-panulok. Mula kay Jehova ito ay nangyari, at ito ay kamangha-mangha sa ating mga mata’? Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ko sa inyo, Ang kaharian ng Diyos ay kukunin mula sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.”—Mateo 21:42, 43.
6 Ang “bansang nagluluwal ng mga bunga nito” ay napatunayang ang Kristiyanong kongregasyon. Nang siya’y pansamantalang nasa lupa, pinili ni Jesus ang unang magiging mga miyembro nito. Ngunit noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ang Diyos na Jehova mismo ang nagtatag ng Kristiyanong kongregasyon sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kaniyang banal na espiritu sa mga unang miyembro nito, na may bilang na mga 120. (Gawa 1:15; 2:1-4) Gaya ng isinulat ni apostol Pedro nang dakong huli, ang bagong tatag na kongregasyong ito noon ay naging “isang lahing pinili, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.” Pinili sa anong dahilan? Na dapat nilang ‘maipahayag nang malawakan ang mga kamahalan ng isa na tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’ (1 Pedro 2:9) Ang mga tagasunod ni Kristo, na pinahiran ng espiritu ng Diyos, ay isa na ngayong nakaalay na bansa, ang “Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16.
7. Ano ang tatamasahin ng mga miyembro ng Israel ng Diyos, at ano kung gayon ang sinabi sa kanila na iwasan?
7 Bagaman ang mga miyembro ng banal na bansa ay “isang bayang ukol sa pantanging pag-aari,” sila’y hindi aalipinin. Sa kabaligtaran, magtatamasa sila ng mas malaking kalayaan kaysa sa tinaglay ng nakaalay na bansang likas na Israel. Ipinangako ni Jesus sa mga magiging miyembro ng bagong bansang ito: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Sinabi ni apostol Pablo na ang mga Kristiyano ay pinalaya na mula sa mga kahilingan ng tipang Batas. Dahil dito ay pinayuhan niya ang mga kapananampalataya sa Galacia: “Ukol sa gayong kalayaan ay pinalaya tayo ni Kristo. Kung gayon tumayo kayong matatag, at huwag na kayong pasakop pang muli sa pamatok ng pagkaalipin.”—Galacia 5:1.
8. Sa anong paraan ang kaayusang Kristiyano ay nagbibigay sa mga indibiduwal ng mas malaking kalayaan kaysa sa naranasan sa ilalim ng tipang Batas?
8 Di-tulad ng likas na Israel noon, hanggang sa ngayon ay maingat na sinusunod ng Israel ng Diyos ang mga kahilingan sa pag-aalay nito. Hindi ito dapat pagtakhan sapagkat ang pagsunod ay kusang pinili ng mga miyembro nito. Samantalang ang mga miyembro ng likas na Israel ay naging nakaalay dahil sa ipinanganak na gayon, ang mga miyembro ng Israel ng Diyos naman ay naging gayon dahil sa iyon ang pinili nila. Kaya ang kaayusang Kristiyano ay ibang-iba sa Judiong tipang Batas, na sapilitang nagpangyari sa pag-aalay ng mga indibiduwal nang hindi sila nabigyan ng kalayaang pumili.
9, 10. (a) Paano ipinakita ni Jeremias na magkakaroon ng pagbabago may kinalaman sa pag-aalay? (b) Bakit mo masasabi na hindi lahat ng nakaalay na mga Kristiyano sa ngayon ay miyembro ng Israel ng Diyos?
9 Inihula ni propeta Jeremias ang isang pagbabago hinggil sa pag-aalay nang sumulat siya: “ ‘Narito! Ang mga araw ay dumarating,’ sabi ni Jehova, ‘na ako ay makikipagtipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda ng isang bagong tipan; hindi gaya ng tipan na ipinakipagtipan ko sa kanilang mga ninuno nang araw na aking akayin sila sa kamay upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto, “na ang aking tipang iyon ay kanilang sinira, bagaman ako’y pinaka-asawa nila,” sabi ni Jehova.’ ‘Sapagkat ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sambahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon,’ sabi ni Jehova. ‘Aking ilalagay ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso. At ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan.’ ”—Jeremias 31:31-33.
10 Yamang ang batas ng Diyos ay nasa “kanilang kalooban,” anupat nasusulat, wika nga, “sa kanilang puso,” ang mga miyembro ng Israel ng Diyos ay napakikilos na tuparin ang kanilang pag-aalay. Ang kanilang hangarin ay mas matibay kaysa sa mga likas na Israelita, na nakaalay dahil sa ipinanganak na gayon, hindi dahil sa iyon ang pinili nila. Sa ngayon, ang matibay na hangaring gawin ang kalooban ng Diyos, gaya ng ipinakita ng Israel ng Diyos, ay taglay ng mahigit sa limang milyong kapuwa mananamba sa buong daigdig. Sila rin naman ay nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos na Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban. Bagaman hindi taglay ng mga indibiduwal na ito ang pag-asang mabuhay sa langit gaya niyaong taglay ng mga bumubuo sa Israel ng Diyos, nagagalak sila sa pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Ipinakikita nila ang pagpapahalaga sa espirituwal na Israel sa pamamagitan ng aktibong pagsuporta sa iilan na lamang na nalalabing miyembro nito sa pagtupad ng kanilang atas na ‘maipahayag nang malawakan ang mga kamahalan ng isa na tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’
Paggamit Nang May Katalinuhan sa Bigay-Diyos na Kalayaan
11. Ang tao ay nilalang taglay ang anong kakayahan, at paano ito dapat gamitin?
11 Nilalang ng Diyos ang mga tao upang pahalagahan ang kalayaan. Pinagkalooban niya sila ng malayang kalooban. Ginamit ng unang mag-asawang tao ang kanilang kalayaang pumili. Subalit sila’y di-matalino at di-maibiging gumawa ng isang pasiya na humantong sa kapahamakan nilang dalawa at ng kanilang supling. Gayunman, maliwanag na ipinakikita nito na hindi kailanman pinipilit ni Jehova ang matatalinong nilalang upang tahakin ang isang landasing salungat sa kanilang kalooban o hangarin. At yamang “iniibig ng Diyos ang isang masayahing nagbibigay,” ang tanging pag-aalay na kaayaaya sa kaniya ay yaong salig sa pag-ibig, isa na kusang ginawa nang may kasiyahan, isa na nakasalig sa kalayaang pumili. (2 Corinto 9:7) Anumang iba pang uri ay hindi kaayaaya.
12, 13. Paano nagsisilbing isang parisan si Timoteo para sa wastong pagsasanay sa anak, at sa ano inakay ng kaniyang halimbawa ang maraming kabataan?
12 Palibhasa’y lubusang kinikilala ang kahilingang ito, inirerekomenda ng mga Saksi ni Jehova ang pag-aalay ng sarili sa Diyos, ngunit hindi nila kailanman pinipilit ang sinuman na gumawa ng gayong pag-aalay, maging ang kanilang sariling mga anak. Ibang-iba sa maraming simbahan, hindi binabautismuhan ng mga Saksi ang kanilang supling na mga sanggol, na para bang maaari silang piliting mag-alay nang hindi personal na nagpapasiya. Ang maka-Kasulatang parisan ay yaong sinunod ng binatang si Timoteo. Bilang isang nasa hustong gulang, sinabihan siya ni apostol Pablo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan, yamang nakikilala mo kung kaninong mga tao natutuhan mo ang mga ito at na mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.”—2 Timoteo 3:14, 15.
13 Kapansin-pansin na batid ni Timoteo ang banal na mga kasulatan sapagkat itinuro sa kaniya ang mga ito mula sa pagkasanggol. Siya’y nahikayat—hindi pinilit—ng kaniyang ina at lola na maniwala sa mga turong Kristiyano. (2 Timoteo 1:5) Bunga nito, nakita ni Timoteo ang karunungan sa pagiging isang tagasunod ni Kristo at sa gayo’y personal na pinili ang Kristiyanong pag-aalay. Sa modernong panahon, sampu-sampung libong kabataang lalaki at babae na may mga magulang na Saksi ni Jehova ang sumunod sa halimbawang ito. (Awit 110:3) Ang iba naman ay hindi. Ito ay isang personal na pagpapasiya.
Piliing Maging Alipin Nino?
14. Ano ang sinasabi sa atin ng Roma 6:16 tungkol sa lubos na kalayaan?
14 Walang sinumang tao ang lubusang malaya. Ang bawat isa ay nalilimitahan sa kaniyang kalayaan sa pamamagitan ng pisikal na mga batas, tulad ng batas ng grabidad, na hindi maaaring ipagwalang-bahala nang hindi mapipinsala. Gayundin sa espirituwal na diwa, walang sinuman ang lubusang malaya. Nangatuwiran si Pablo: “Hindi ba ninyo alam na kung patuloy ninyong inihaharap ang inyong mga sarili sa kaninuman bilang mga alipin upang sumunod sa kaniya, kayo ay mga alipin niya sapagkat sumusunod kayo sa kaniya, alinman sa kasalanan na ukol sa kamatayan o sa pagkamasunurin na ukol sa katuwiran?”—Roma 6:16.
15. (a) Ano ang nadarama ng mga tao tungkol sa pagiging alipin, ngunit ano sa dakong huli ang nagagawa ng karamihan? (b) Anong angkop na mga tanong ang maaari nating iharap sa ating sarili?
15 Ang ideya ng pagiging alipin ng iba ay hindi kanais-nais sa karamihan ng tao. Subalit ang totoo sa sanlibutan ngayon ay ang bagay na madalas na hinahayaan ng mga tao na sila’y madiktahan o maimpluwensiyahan sa napakaraming tusong paraan anupat di-sinasadyang nagagawa nila ang ibig ng iba na gawin nila. Halimbawa, ang industriya ng pag-aanunsiyo at ang daigdig ng libangan ay nagsisikap na hubugin ang mga tao, anupat nagtatakda ng mga pamantayan para sundin nila. Nauudyukan ng mga pulitikal at relihiyosong organisasyon ang mga tao na suportahan ang kanilang mga ideya at mga layunin, hindi laging sa pamamagitan ng kapani-paniwalang argumento, kundi malimit na sa pamamagitan ng panghihikayat sa damdamin ng pagkakaisa o pagkamatapat. Yamang sinabi ni Pablo na ‘tayo’y mga alipin niyaong ating sinusunod,’ makabubuti na itanong ng bawat isa sa atin sa kaniyang sarili, ‘Ako ba’y alipin nino? Sino ang may pinakamalaking impluwensiya sa aking mga pasiya at paraan ng pamumuhay? Iyon kaya’y ang mga relihiyosong klerigo, mga lider sa pulitika, mayayamang negosyante, o mga artista? Sino ba ang sinusunod ko—ang Diyos o ang mga tao?’
16. Sa anong diwa alipin ng Diyos ang mga Kristiyano, at ano ang wastong pangmalas sa gayong pagkaalipin?
16 Hindi minamalas ng mga Kristiyano ang pagsunod sa Diyos bilang isang di-makatuwirang paglabag sa personal na kalayaan. Kusa nilang ginagamit ang kanilang kalayaan ayon sa paraan ng kanilang Uliran, si Jesu-Kristo, anupat ang personal na mga hangarin at mga priyoridad ay ginagawang kasuwato ng kalooban ng Diyos. (Juan 5:30; 6:38) Taglay nila “ang pag-iisip ni Kristo,” anupat ipinasasakop ang kanilang sarili sa kaniya bilang Ulo ng kongregasyon. (1 Corinto 2:14-16; Colosas 1:15-18) Ito ay katulad na katulad ng isang babae na nagpapakasal at kusang nakikipagtulungan sa lalaking kaniyang iniibig. Sa katunayan, ang kalipunan ng mga pinahirang Kristiyano ay binabanggit bilang isang malinis na birhen na ipinangakong ipakakasal sa Kristo.—2 Corinto 11:2; Efeso 5:23, 24; Apocalipsis 19:7, 8.
17. Pinili ng lahat ng Saksi ni Jehova na maging ano?
17 Bawat Saksi ni Jehova, sa langit man o sa lupa ang kaniyang pag-asa, ay gumawa ng personal na pag-aalay sa Diyos upang gawin ang kaniyang kalooban at sundin siya bilang Tagapamahala. Para sa bawat Saksi, ang pag-aalay ay isang personal na pagpili na maging alipin ng Diyos sa halip na manatiling alipin ng mga tao. Ito ay kasuwato ng payo ni apostol Pablo: “Binili kayo sa isang halaga; tigilan na ninyo ang pagiging mga alipin ng mga tao.”—1 Corinto 7:23.
Kaalamang Pakikinabangan Natin
18. Kailan nagiging kuwalipikado sa bautismo ang isang potensiyal na Saksi?
18 Bago maging kuwalipikado ang isang tao na maging isa sa mga Saksi ni Jehova, kailangan niyang maabot ang maka-Kasulatang mga kuwalipikasyon. Maingat na tinitiyak ng matatanda kung talagang nauunawaan ng isang potensiyal na Saksi ang nasasangkot sa Kristiyanong pag-aalay. Talaga bang ibig niyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova? Handa ba niyang tuparin ang mga nasasangkot dito? Kung hindi, hindi siya kuwalipikadong mabautismuhan.
19. Bakit walang dahilan upang punahin ang sinuman na nagpasiyang maging isang nakaalay na lingkod ng Diyos?
19 Subalit kung natutugunan ng isang tao ang lahat ng kahilingan, bakit siya pupunahin sa kusang paggawa ng personal na pasiya na maimpluwensiyahan ng Diyos at ng Kaniyang kinasihang Salita? Magiging di-katanggap-tanggap ba kung hahayaan ng isa ang kaniyang sarili na maimpluwensiyahan ng Diyos sa halip ng mga tao? O ito kaya ay hindi gaanong kapaki-pakinabang? Hindi gayon ang iniisip ng mga Saksi ni Jehova. Buong-puso silang sumasang-ayon sa mga salita ng Diyos na isinulat ni Isaias: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan mo, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”—Isaias 48:17.
20. Sa anu-anong paraan napalalaya ng katotohanan sa Bibliya ang mga tao?
20 Pinalalaya ng katotohanan sa Bibliya ang mga tao mula sa huwad na mga relihiyosong doktrina, gaya ng walang-hanggang pagpapahirap sa isang maapoy na impiyerno. (Eclesiastes 9:5, 10) Sa halip, ito’y nag-uudyok sa kanila na magpasalamat nang husto dahil sa tunay na pag-asa ng mga patay—ang pagkabuhay-muli na naging posible dahil sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Mateo 20:28; Gawa 24:15; Roma 6:23) Pinalalaya ng katotohanan sa Bibliya ang mga tao mula sa pagkasiphayo bunga ng pananalig sa mga pangako ng mga pulitiko na laging napapako. Sa halip, pinangyayari nito na mag-umapaw ang kanilang puso sa kagalakan sa pagkaalam na ang Kaharian ni Jehova ay namamahala na sa langit at malapit nang mamahala sa buong lupa. Pinalalaya ng katotohanan sa Bibliya ang mga tao mula sa mga gawain na, bagaman nakaaakit sa makasalanang laman, lumalapastangan naman sa Diyos at nagdudulot ng masamang epekto tulad ng nasirang mga ugnayan, pagkakasakit, at maagang kamatayan. Sa madaling sabi, ang pagiging alipin ng Diyos ay makapupong higit na kapaki-pakinabang kaysa sa pagiging alipin ng mga tao. Sa katunayan, ang pag-aalay sa Diyos ay nangangako ng mga kapakinabangan “sa yugtong ito ng panahon . . . at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang-hanggan.”—Marcos 10:29, 30.
21. Paano minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang pag-aalay sa Diyos, at ano ang kanilang naisin?
21 Di-tulad ng mga Israelita noon, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay hindi naging bahagi ng isang nakaalay na bansa na ipinanganak na gayon. Ang mga Saksi ay bahagi ng isang kongregasyon ng nakaalay na mga Kristiyano. Nagiging gayon ang bawat bautisadong Saksi sa pamamagitan ng indibiduwal na paggamit sa kalayaang pumili upang mag-alay. Ang totoo, para sa mga Saksi ni Jehova, ang pag-aalay ay nagbubunga ng isang magiliw na personal na kaugnayan sa Diyos na kakikitaan ng pagkukusang maglingkod sa kaniya. Ang maligayang ugnayang ito ay buong-puso nilang ninanais na ingatan, anupat nanghahawakang mahigpit magpakailanman sa kalayaang ukol dito ay pinalaya sila ni Jesu-Kristo.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit hindi nagtangi ang Diyos sa pagpili sa Israel na maging kaniyang “pantanging pag-aari”?
◻ Bakit masasabi mo na ang Kristiyanong pag-aalay ay hindi nagsasangkot ng kawalan ng kalayaan?
◻ Ano ang mga kapakinabangan ng pag-aalay sa Diyos na Jehova?
◻ Bakit mas mainam na maging lingkod ni Jehova kaysa maging alipin ng mga tao?
[Larawan sa pahina 15]
Sa sinaunang Israel, nakasalalay sa kapanganakan ang pag-aalay sa Diyos
[Larawan sa pahina 16]
Nakasalalay sa pagpili ang Kristiyanong pag-aalay