Ikalabingwalong Kabanata
Panunumbalikin ni Jehova ang Espiritu ng mga Maralita
1. Anong katiyakan ang ibinigay ni Jehova, at anong mga tanong ang ibinabangon ng kaniyang mga salita?
“ITO ang sinabi ng Isa na Mataas at Matayog, na tumatahan magpakailanman at may pangalang banal: ‘Tumatahan ako sa kaitaasan at sa dakong banal, kasama rin ng isa na nasisiil at may mapagpakumbabang espiritu, upang ipanumbalik ang espiritu ng mga maralita at upang ipanumbalik ang puso ng mga sinisiil.’ ” (Isaias 57:15) Iyan ang isinulat ni propeta Isaias noong ikawalong siglo B.C.E. Ano ba ang nangyari sa Juda kung kaya ang mensaheng ito ay naging totoong nakapagpapatibay-loob? Paano natutulungan ng kinasihang mga salitang ito ang mga Kristiyano sa ngayon? Ang pagsasaalang-alang ng Isaias kabanata 57 ay tutulong sa atin na masagot ang mga tanong na iyan.
“Lumapit Kayo Rito”
2. (a) Kailan waring kumakapit ang mga salita ng Isaias kabanata 57? (b) Ano ang kalagayan ng mga matuwid noong kapanahunan ni Isaias?
2 Ang bahaging ito ng hula ni Isaias ay waring kumakapit sa mismong kapanahunan ni Isaias. Tingnan natin kung gaano na kalubha ang kabalakyutan: “Ang matuwid ay namatay, ngunit walang sinumang nagsasapuso nito. At ang mga taong may maibiging-kabaitan ay napipisan sa mga patay, at walang sinumang nakauunawa na dahil nga sa kapahamakan kung kaya nahihiwalay ang matuwid. Pumapasok siya sa kapayapaan; nagpapahinga sila sa kanilang mga higaan, ang bawat isa na lumalakad nang matuwid.” (Isaias 57:1, 2) Kapag nabuwal ang isang taong matuwid, walang nababahala. Ang kaniyang wala-sa-panahong kamatayan ay di-pinapansin. Ang pagtulog sa kamatayan ay nagdudulot sa kaniya ng kapayapaan, kalayaan mula sa pagdurusang dulot ng masasama, at kaligtasan mula sa kalamidad. Ang piniling bansa ng Diyos ay napasadlak sa isang kaaba-abang kalagayan. Subalit malamang na napatibay ang loob niyaong mga nananatiling tapat dahil nabatid nilang hindi lamang nakikita ni Jehova ang nangyayari kundi susuportahan pa sila!
3. Paano kinausap ni Jehova ang balakyot na salinlahi ng Juda, at bakit?
3 Tinawag ni Jehova ang balakyot na salinlahi ng Juda, na sinasabi: “Kung tungkol sa inyo, lumapit kayo rito, kayong mga anak ng babaing nanghuhula, na binhi ng isang taong mapangalunya at ng isang babaing nagpapatutot.” (Isaias 57:3) Angkop na angkop sa kanila ang gayong nakahihiyang paglalarawan bilang mga anak ng manghuhula at supling ng isang mangangalunya at ng patutot. Bahagi ng huwad na pagsambang binalingan nila ang kasuklam-suklam na mga gawang idolatriya at espiritismo gayundin ang imoral na mga gawain sa sekso. Dahil dito, tinanong ni Jehova ang mga makasalanang ito: “Dahil kanino kung kaya kayo lubhang nagkakatuwaan? Laban kanino ninyo laging ibinubukang mabuti ang bibig, na laging inilalawit ang dila? Hindi ba kayo ang mga anak ng pagsalansang, ang binhi ng kabulaanan, yaong mga nagpapaalab ng pita sa gitna ng malalaking punungkahoy, sa ilalim ng bawat mayabong na punungkahoy, na pumapatay ng mga anak sa mga agusang libis sa ilalim ng mga awang ng malalaking bato?”—Isaias 57:4, 5.
4. Ano ang naging pagkakasala ng mga balakyot ng Juda?
4 Ang mga balakyot ng Juda ay hayagang nagsasagawa ng kanilang nakapangingilabot na paganong pagsamba, anupat “lubhang nagkakatuwaan.” Buong paghamak na nililibak nila ang mga propeta ng Diyos na isinugo upang ituwid sila, anupat inilalawit ang kanilang dila sa isang walang-kahihiyan at walang-galang na senyas. Bagaman sila’y mga anak ni Abraham, ang kanilang mapaghimagsik na mga lakad ang naging dahilan upang sila’y maging mga anak ng pagsalansang at binhi ng kabulaanan. (Isaias 1:4; 30:9; Juan 8:39, 44) Sa kinaroroonan ng malalaking punungkahoy sa karatig na lupain, pinag-iinit nila ang relihiyosong damdamin sa kanilang idolatrosong pagsamba. At isa nga itong napakalupit na pagsamba! Aba, pinapatay pa nga nila ang kanilang sariling mga anak, gaya ng mga bansa na pinalayas ni Jehova mula sa lupain dahil sa kanilang karima-rimarim na mga gawain!—1 Hari 14:23; 2 Hari 16:3, 4; Isaias 1:29.
Pagbubuhos ng Handog na Inumin sa mga Bato
5, 6. (a) Ano ang piniling gawin ng mga naninirahan sa Juda sa halip na sambahin si Jehova? (b) Gaano kalantaran at kalaganap ang pagsamba ng Juda sa idolo?
5 Tingnan kung gaano na kalubha ang pagkakalubog sa idolatriya ng mga naninirahan sa Juda: “Ang iyong takdang bahagi ay naroon sa makikinis na bato ng agusang libis. Sila—sila ang iyong bahagi. Bukod diyan, sa kanila ay nagbuhos ka ng handog na inumin, naghandog ka ng kaloob. Maaaliw ko ba ang aking sarili sa mga bagay na ito?” (Isaias 57:6) Ang mga Judio ay tipang bayan ng Diyos, subalit sa halip na sambahin siya, pumulot sila ng mga bato mula sa pinakasahig ng ilog at gumawa ng mga diyos mula sa mga ito. Ipinahayag ni David na si Jehova ang kaniyang takdang bahagi, subalit ang pinili ng mga makasalanang ito ay ang walang-buhay na mga batong idolo bilang ang kanilang bahagi at nagbuhos ng mga handog na inumin sa mga ito. (Awit 16:5; Habakuk 2:19) Anong kaaliwan ang masusumpungan ni Jehova sa gayong pilipit na pagsamba ng kaniyang bayang ukol sa kaniyang pangalan?
6 Sa lahat ng dako—sa ilalim ng malalaking punungkahoy, sa mga agusang libis, sa mga burol, sa kanilang mga lunsod—ang Juda ay nagsasagawa ng idolatriya. Subalit nakikita ni Jehova ang lahat ng ito, at sa pamamagitan ni Isaias, inilantad Niya ang kabuktutan nito: “Sa ibabaw ng bundok na mataas at matayog ay inilagay mo ang iyong higaan. Doon din ay umahon ka upang maghandog ng hain. At sa likuran ng pinto at ng poste ng pinto ay inilagay mo ang iyong pang-alaala.” (Isaias 57:7-8a) Sa matataas na dako, inilagay ng Juda ang kaniyang higaan ng espirituwal na karumihan, at doon ay naghandog siya ng mga hain sa mga banyagang diyos.a Maging ang mga pribadong bahay ay may mga idolo sa likuran ng mga pinto at ng mga poste ng pinto.
7. Sa anong saloobin nagsagawa ang Juda ng imoral na pagsamba?
7 Marahil ay itatanong ng ilan kung bakit gayon na lamang ang pagkakasangkot ng Juda sa maruming pagsamba. Mayroon bang isang mas malakas na kapangyarihan na pumilit sa kaniya upang iwan si Jehova? Ang sagot ay wala. Ginawa niya ito nang may pagkukusa at pananabik. Sinabi ni Jehova: “Nang mahiwalay sa akin ay naghubad ka at umahon; pinaluwang mo ang iyong higaan. At sa ganang iyo ay nakipagtipan ka sa kanila. Inibig mo ang higaan kasama nila. Ang sangkap ng lalaki ay nakita mo.” (Isaias 57:8b) Ang Juda ay nakipagtipan sa kaniyang huwad na mga diyos, at gustung-gusto niya ang kaniyang bawal na pakikipag-ugnayan sa mga ito. Ang lalo nang gustung-gusto niya ay ang imoral na mga seksuwal na gawain—malamang na isa sa mga ito ang paggamit ng mga sagisag ng ari ng lalaki—na pagkakakilanlan ng pagsamba sa mga diyos na ito!
8. Sa ilalim ng paghahari nino lalo nang lumago ang idolatriya sa Juda?
8 Ang paglalarawan sa napakaimoral at napakalupit na pagsamba sa idolo ay kasuwato ng alam natin tungkol sa ilang balakyot na hari ng Juda. Halimbawa, nagpagawa si Manases ng matataas na dako, nagtayo ng mga altar para kay Baal, at naglagay ng mga altar ng huwad na relihiyon sa dalawang looban ng templo. Nagparaan siya ng kaniyang mga anak sa apoy, nagsagawa ng mahika, gumamit ng panghuhula, at nagtaguyod ng mga espiritistikong gawain. Ipinasok din ni Haring Manases sa loob ng templo ni Jehova ang nililok na imahen ng sagradong poste na kaniyang ipinagawa.b Sinulsulan niya ang Juda sa paggawa ng “masama nang higit pa kaysa sa mga bansa na nilipol ni Jehova.” (2 Hari 21:2-9) Naniniwala ang ilan na ipinapatay ni Manases si Isaias, bagaman ang pangalan ni Manases ay wala sa Isaias 1:1.
‘Patuloy Mong Ipinadala ang Iyong mga Sugo’
9. Bakit ipinadala ng Juda “sa malayo” ang mga sugo?
9 Ang pagsalansang ng Juda ay humigit pa sa basta paglilingkod lamang sa mga huwad na diyos. Sa paggamit kay Isaias bilang tagapagsalita niya, sinabi ni Jehova: “Bumaba kang patungo sa Melec taglay ang langis, at patuloy mong pinarami ang iyong mga ungguento. At patuloy mong ipinadala sa malayo ang iyong mga sugo, anupat ibinaba mo sa Sheol ang mga bagay-bagay.” (Isaias 57:9) Ang di-tapat na kaharian ng Juda ay bumaba kay “Melec,” “ang hari” sa Hebreo—malamang na ang hari ng isang banyagang kapangyarihan—anupat naghahandog sa kaniya ng mamahalin at kaakit-akit na mga kaloob, na isinasagisag ng langis at mababangong ungguento. Nagpadala ang Juda ng mga kinatawan sa malalayong lugar. Bakit? Upang hikayatin ang mga bansang Gentil na umanib sa kaniya sa pulitika. Sa pagtalikod niya kay Jehova, umasa siya sa mga banyagang hari.
10. (a) Paano sinikap ni Haring Ahaz na makianib sa hari ng Asirya? (b) Sa anong paraan ‘ibinaba [ng Juda] sa Sheol ang mga bagay-bagay’?
10 Ang isang halimbawa nito ay noong kapanahunan ni Haring Ahaz. Palibhasa’y natatakot sa magkaanib na Israel at Sirya, ang di-tapat na haring iyan ng Juda ay nagsugo ng mga mensahero kay Tiglat-pileser III ng Asirya, na nagsasabi: “Ako ay iyong lingkod at iyong anak. Umahon ka at iligtas mo ako mula sa palad ng hari ng Sirya at mula sa palad ng hari ng Israel, na tumitindig laban sa akin.” Nagpadala si Ahaz ng pilak at ginto bilang suhol sa hari ng Asirya, at tumugon ang hari, anupat nagsagawa ng isang mapangwasak na pagsalakay sa Sirya. (2 Hari 16:7-9) Sa mga pakikitungo niya sa mga bansang Gentil, ang Juda ay nagpakababa hanggang sa “kailaliman ng Sheol.” (An American Translation) Dahil sa mga pakikitungong iyon, siya’y mamamatay, o hindi na iiral bilang isang malayang bansa na may hari.
11. Anong mapandayang katiwasayan ang nadama ng Juda?
11 Nagpatuloy si Jehova sa pakikipag-usap sa Juda: “Sa karamihan ng iyong mga lakad ay nagpagal ka. Hindi mo sinabi, ‘Wala nang pag-asa!’ Nakasumpong ka ng pagpapanumbalik ng iyong lakas. Kaya naman hindi ka nagkasakit.” (Isaias 57:10) Oo, ang bansa ay lubhang nagpagal sa kaniyang apostatang mga lakad, at hindi niya nakita ang kawalang-pag-asa ng kaniyang mga pagsisikap. Sa kabaligtaran, pinapaniwala niya ang kaniyang sarili na siya’y nagtatagumpay dahil sa kaniyang sariling lakas. Nadama niyang siya’y masigla at malusog. Kay laking kamangmangan!
12. Anong mga kalagayan sa Sangkakristiyanuhan ang nakakatulad niyaong mga kalagayan sa Juda?
12 May isang organisasyon sa ngayon na ang paggawi ay nagpapaalaala sa iginawi ng Juda noong kapanahunan ni Isaias. Ginagamit ng Sangkakristiyanuhan ang pangalan ni Jesus, subalit itinataguyod naman niya ang pakikianib sa mga bansa at pinunô niya ng mga idolo ang kaniyang mga dako ng pagsamba. Ang kaniyang mga tagatangkilik ay naglalagay pa nga ng mga idolatrosong imahen sa kanilang mga pribadong tahanan. Inihain ng Sangkakristiyanuhan ang kaniyang mga kabataan sa mga digmaan ng mga bansa. Tiyak na ang lahat ng ito’y ikinagalit ng tunay na Diyos, na nag-utos sa mga Kristiyano: “Tumakas kayo mula sa idolatriya”! (1 Corinto 10:14) Sa pamamagitan ng pagsangkot nito sa pulitika, ang Sangkakristiyanuhan ay ‘nakiapid sa mga hari sa lupa.’ (Apocalipsis 17:1, 2) Sa katunayan, siya ay isang pangunahing tagasuporta ng Nagkakaisang mga Bansa. Ano kaya ang naghihintay sa relihiyosong patutot na ito? Buweno, ano ba ang sinabi ni Jehova sa pamarisan nito, ang di-tapat na Juda, na inilalarawan lalo na ng kabiserang lunsod nito, ang Jerusalem?
‘Hindi Ka Ililigtas ng Iyong Natipon’
13. Anong ‘pagsisinungaling’ ang ginawa ng Juda, at ano ang reaksiyon nito sa pagtitiis ni Jehova?
13 “Kanino ka nangilabot at nagsimulang matakot, anupat nagsinungaling ka?” tanong ni Jehova. Mahusay na katanungan! Tiyak na ang Juda ay hindi nagpakita ng isang mabuti at makadiyos na pagkatakot kay Jehova. Kung nagpakita sila nito, hindi sana sila naging isang bansa ng mga sinungaling, na mga mananamba sa mga huwad na diyos. Nagpatuloy pa si Jehova sa pagsasabi: “Hindi ako ang inalaala mo. Wala kang isinapusong anuman. Hindi ba ako nananahimik at nagtatago ng mga bagay-bagay? Kaya hindi ka natakot sa akin.” (Isaias 57:11) Si Jehova ay nanahimik, anupat hindi niya agad pinarusahan ang Juda. Ipinagpasalamat ba ito ng Juda? Hindi, sa halip ay minalas nito ang pagtitimpi ng Diyos bilang pagwawalang-bahala. Nawala nang lahat ang takot nito sa kaniya.
14, 15. Ano ang sinabi ni Jehova tungkol sa mga gawa ng Juda at sa kaniyang “natipong mga bagay”?
14 Gayunman, matatapos na ang panahon ng mahabang pagtitiis ng Diyos. Habang nakatanaw sa panahong iyon, nagpahayag si Jehova: “Ihahayag ko ang iyong katuwiran at ang iyong mga gawa, na hindi ka makikinabang sa mga iyon. Kapag humingi ka ng saklolo ay hindi ka ililigtas ng iyong natipong mga bagay, kundi isang hangin ang tatangay sa lahat ng mga iyon. Isang singaw ang kukuha ng mga iyon.” (Isaias 57:12, 13a) Ilalantad ni Jehova ang pagbabanal-banalan ng Juda. Ang kaniyang paimbabaw na mga gawa ay walang kahihinatnan. Ang kaniyang “natipong mga bagay,” ang buong talaan ng kaniyang mga idolo, ay hindi makapagliligtas sa kaniya. Kapag humampas ang kalamidad, ang mga diyos na kaniyang pinagtitiwalaan ay tatangayin ng isang hihip lamang ng hangin.
15 Natupad ang mga salita ni Jehova noong 607 B.C.E. Iyon ay noong wasakin ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang Jerusalem, sunugin ang templo, at bihagin ang karamihan ng mga tao. “Sa gayon ay yumaon ang Juda sa pagkatapon mula sa lupa nito.”—2 Hari 25:1-21.
16. Ano ang naghihintay sa Sangkakristiyanuhan at sa iba pang bahagi ng “Babilonyang Dakila”?
16 Sa katulad na paraan, ang napakahabang talaan ng mga idolo ng Sangkakristiyanuhan ay hindi makapagliligtas sa kaniya sa araw ng galit ni Jehova. (Isaias 2:19-22; 2 Tesalonica 1:6-10) Kasama ang iba pang bahagi ng “Babilonyang Dakila”—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon—ang Sangkakristiyanuhan ay pupuksain. Ang Babilonyang Dakila ay ‘gagawing wasak at hubad [ng makasagisag na kulay-iskarlatang mabangis na hayop at ng sampung sungay nito], at uubusin [nito] ang kaniyang mga kalamnan at lubusan siyang susunugin sa apoy.’ (Apocalipsis 17:3, 16, 17) Anong laking kagalakan ang dulot sa atin ng pagsunod sa utos na: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot”! (Apocalipsis 18:4, 5) Huwag na sana tayong bumalik kailanman sa kaniya o sa kaniyang mga lakad.
“Yaong Nanganganlong sa Akin ay Magmamana ng Lupain”
17. Ano ang ipinangako sa isa na ‘nanganganlong kay Jehova,’ at kailan ito matutupad?
17 Kumusta naman ang sumunod na mga salita ng hula ni Isaias? “Yaong nanganganlong sa akin ay magmamana ng lupain at magmamay-ari ng aking banal na bundok.” (Isaias 57:13b) Kanino naman ngayon nakikipag-usap si Jehova? Nakatanaw siya sa panahong lampas pa sa malaking kapahamakan at inihuhula ang pagpapalaya sa kaniyang bayan mula sa Babilonya at ang pagsasauli ng dalisay na pagsamba sa kaniyang banal na bundok, ang Jerusalem. (Isaias 66:20; Daniel 9:16) Tiyak na ito’y magdudulot ng pampatibay-loob sa sinumang Judio na nananatiling tapat! Sinabi pa ni Jehova: “Tiyak na may magsasabi, ‘Tambakan ninyo, tambakan ninyo! Hawanin ninyo ang daan. Alisin ninyo ang anumang halang sa daan ng aking bayan.’ ” (Isaias 57:14) Kapag panahon na upang iligtas ng Diyos ang kaniyang bayan, ang daan ay magiging handa na, anupat wala na ang lahat ng halang.—2 Cronica 36:22, 23.
18. Paano inilarawan ang katayugan ni Jehova, gayunma’y anong maibiging pagmamalasakit ang kaniyang ipinamalas?
18 Sa pagkakataong ito sinabi ni propeta Isaias ang mga salitang sinipi sa pasimula: “Ito ang sinabi ng Isa na Mataas at Matayog, na tumatahan magpakailanman at may pangalang banal: ‘Tumatahan ako sa kaitaasan at sa dakong banal, kasama rin ng isa na nasisiil at may mapagpakumbabang espiritu, upang ipanumbalik ang espiritu ng mga maralita at upang ipanumbalik ang puso ng mga sinisiil.’ ” (Isaias 57:15) Ang trono ni Jehova ay nasa pinakamataas na kalangitan. Wala nang tataas o tatayog pa kaysa rito. Nakaaaliw ngang malaman na mula roon ay nakikita niya ang lahat—hindi lamang ang mga kasalanan ng balakyot kundi pati ang matuwid na mga gawa niyaong mga nagsisikap na maglingkod sa kaniya! (Awit 102:19; 103:6) Bukod diyan, naririnig niya ang daing ng mga inaapi at pinanunumbalik ang puso ng mga sinisiil. Malamang na naantig ng mga salitang ito ang puso ng nagsisising mga Judio noong sinaunang panahon. Tiyak na naaantig din nito ang ating mga puso sa ngayon.
19. Kailan mapapawi ang galit ni Jehova?
19 Nakaaaliw rin ang mga sinabi pa ni Jehova: “Hindi ako makikipaglaban hanggang sa panahong walang takda, ni magagalit man ako nang walang hanggan; sapagkat dahil sa akin ay manghihina ang espiritu, maging ang mga nilalang na humihinga na ako mismo ang gumawa.” (Isaias 57:16) Wala ni isang nilalang ng Diyos ang makaliligtas kung ang galit ni Jehova ay panghabang panahon, walang katapusan. Subalit nakatutuwa, ang galit ng Diyos ay may limitadong panahon lamang. Kapag natupad na ang layunin nito, ito’y napapawi na. Ang kinasihang kaunawaang ito ay tumutulong sa atin na magkaroon ng matinding pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jehova sa kaniyang mga nilalang.
20. (a) Paano nakikitungo si Jehova sa isang di-nagsisising nagkasala? (b) Sa anong paraan inaaliw ni Jehova ang isang nagsisisi?
20 Higit pang kaunawaan ang matatamo natin habang nagpapatuloy si Jehova. Sinabi muna niya: “Dahil sa kamalian ng kaniyang di-tapat na pakinabang ay nagalit ako, at sinaktan ko siya, na ikinukubli ang aking mukha, habang ako ay nagagalit. Ngunit patuloy siyang lumakad na isang suwail ayon sa lakad ng kaniyang puso.” (Isaias 57:17) Ang mga pagkakamaling nagawa dahil sa kasakiman ay tiyak na ikagagalit ng Diyos. Hangga’t ang puso ng isa’y nananatiling suwail, hindi mawawala ang galit ni Jehova. Subalit paano kung tumugon sa disiplina ang suwail? Ipakikita naman ni Jehova kung paano siya kikilos dahil sa kaniyang pag-ibig at habag: “Nakita ko ang kaniya mismong mga lakad; at pinasimulan kong pagalingin siya at patnubayan siya at gumanti ng kaaliwan sa kaniya at sa kaniyang mga nagdadalamhati.” (Isaias 57:18) Pagkatapos na maglapat ng disiplina, pagagalingin ni Jehova yaong nagsisisi at aaliwin ito at yaong mga nakikidalamhati rito. Kaya naman noong 537 B.C.E., nakauwi ang mga Judio. Totoo, hindi na muling naging malayang kaharian ang Juda. Gayunman, ang templo sa Jerusalem ay muling naitayo, at naisauli ang tunay na pagsamba.
21. (a) Paano pinanumbalik ni Jehova ang espiritu ng mga pinahirang Kristiyano noong 1919? (b) Anong katangian ang makabubuting linangin natin bilang mga indibiduwal?
21 Ang “Isa na Mataas at Matayog,” si Jehova, ay nagpakita rin ng pagmamalasakit sa kapakanan ng pinahirang nalabi noong 1919. Dahil sa kanilang espiritu ng pagsisisi at pagpapakumbaba, buong-kabaitang binigyang-pansin ng dakilang Diyos, si Jehova, ang kanilang kapighatian at iniligtas sila mula sa Babilonikong pagkabihag. Inalis niya ang lahat ng hadlang at inakay sila tungo sa kalayaan upang sila’y makapag-ukol sa kaniya ng dalisay na pagsamba. Sa gayon, ang mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias ay natupad noon. At sa likod ng mga salitang iyon ay naroroon ang panghabang-panahong mga simulain na kapit sa bawat isa sa atin. Tinatanggap lamang ni Jehova ang pagsamba kung galing sa mga may mapagpakumbabang pag-iisip. At kapag nagkasala ang isa sa mga lingkod ng Diyos, dapat na kilalanin niya agad ang kaniyang pagkakamali, tanggapin ang pagsaway, at ituwid ang kaniyang mga lakad. Huwag sana nating kalilimutan kailanman na si Jehova ay nagpapagaling at umaaliw sa mga mapagpakumbaba ngunit ‘sumasalansang sa mga palalo.’—Santiago 4:6.
‘Kapayapaan sa mga Nasa Malayo at Nasa Malapit’
22. Anong kinabukasan ang inihula ni Jehova para sa (a) mga nagsisisi? (b) mga balakyot?
22 Bilang paghahambing sa kinabukasan niyaong mga nagsisisi at niyaong mga nagmamatigas sa kanilang balakyot na mga lakad, nagpahayag si Jehova: “Nilalalang ko ang bunga ng mga labi. Namamalaging kapayapaan ang tataglayin niyaong nasa malayo at niyaong nasa malapit, . . . at pagagalingin ko siya. Ngunit ang mga balakyot ay gaya ng dagat na umaalimbukay, kapag hindi ito humuhupa, na ang tubig nito ay patuloy na nag-aalimbukay ng damong-dagat at lusak. Walang kapayapaan . . . para sa mga balakyot.”—Isaias 57:19-21.
23. Ano ang bunga ng mga labi, at sa anong paraan “nilalalang” ni Jehova ang bungang ito?
23 Ang bunga ng mga labi ay ang hain ng papuri na inihahandog sa Diyos—ang pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan. (Hebreo 13:15) Paano “nilalalang” ni Jehova ang pangmadlang pagpapahayag na iyan? Upang makapaghandog ng isang hain ng papuri, ang isang indibiduwal ay dapat munang matuto tungkol sa Diyos at pagkatapos ay sumampalataya sa kaniya. Ang pananampalataya—isang bunga ng espiritu ng Diyos—ay nag-uudyok sa taong iyon na sabihin sa iba ang kaniyang narinig. Sa ibang pananalita, gumagawa siya ng pangmadlang pagpapahayag. (Roma 10:13-15; Galacia 5:22) Dapat ding tandaan na sa katapus-tapusan, si Jehova ang nag-aatas sa kaniyang mga lingkod na ipahayag ang kaniyang kapurihan. At si Jehova ang nagpapalaya sa kaniyang bayan, anupat pinangyayaring makapaghandog sila ng gayong mga hain ng papuri. (1 Pedro 2:9) Kaya naman, talagang masasabi na si Jehova ang lumalang sa bungang ito ng mga labi.
24. (a) Sino ang nakaranas ng kapayapaan ng Diyos, at ano ang ibinunga nito? (b) Sino ang hindi nakaranas ng kapayapaan, at ano ang ibinunga nito para sa kanila?
24 Tunay ngang kapana-panabik na bunga ng mga labi ang inihahandog ng mga Judio habang sila’y papauwi sa kanilang lupang-tinubuan at umaawit ng mga papuri kay Jehova! Malamang na nagagalak silang maranasan ang kapayapaan ng Diyos, sila man ay “nasa malayo”—malayo sa Juda, na naghihintay pa ring makabalik—o “nasa malapit”—naroon na sa kanilang lupang tinubuan. Ibang-iba naman ang mga kalagayan para sa mga balakyot! Sinumang hindi tumutugon sa disiplina ni Jehova, ang mga balakyot sinuman sila o saanman sila naroroon, ay walang anumang kapayapaan. Habang umaalimbukay na parang maalong dagat, sila’y patuloy na nagluluwal, hindi ng bunga ng mga labi, kundi ng “damong-dagat at lusak,” lahat ng maruruming bagay.
25. Paano nararanasan ng marami sa malayo at sa malapit ang kapayapaan?
25 Sa ngayon, ang mga mananamba ni Jehova sa lahat ng dako ay naghahayag din ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang mga Kristiyano sa malayo at sa malapit sa mahigit na 230 lupain ay naghahandog ng bunga ng kanilang mga labi, na ipinaririnig ang kapurihan ng tanging tunay na Diyos. Ang inaawit nilang mga papuri ay naririnig “mula sa dulo ng lupa.” (Isaias 42:10-12) Yaong mga nakaririnig sa kanilang pagpapahayag at tumutugon dito ay yumayakap sa katotohanan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Nararanasan ng mga taong ito ang kapayapaan, na dulot ng paglilingkod sa “Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.”—Roma 16:20.
26. (a) Ano ang naghihintay sa mga balakyot? (b) Ano ang napakagandang pangako na ibinigay sa maaamo, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?
26 Totoo, ang mga balakyot ay hindi nakikinig sa mensahe ng Kaharian. Subalit di-magtatagal, hindi na sila pahihintulutang gambalain ang kapayapaan ng mga matuwid. “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na,” ang pangako ni Jehova. Yaong mga nanganganlong kay Jehova ay magmamana ng lupain sa kamangha-manghang paraan. “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:10, 11, 29) Magiging isang napakagandang lugar ang ating lupa sa panahong iyon! Harinawang maging determinado tayong lahat na hindi kailanman maiwala ang kapayapaan ng Diyos, upang tayo’y makaawit ng papuri sa Diyos nang walang hanggan.
[Mga talababa]
a Malamang na ang terminong “higaan” ay tumutukoy sa altar o kaya’y sa dako ng paganong pagsamba. Ang pagtawag dito na higaan ay isang paalaala na ang gayong pagsamba ay espirituwal na pagpapatutot.
b Ang mga sagradong poste ay maaaring kumakatawan sa sangkap ng babae, at ang mga sagradong haligi naman ay maaaring mga sagisag ng ari ng lalaki. Kapuwa ito ginamit ng di-tapat na mga naninirahan sa Juda.—2 Hari 18:4; 23:14.
[Larawan sa pahina 263]
Ang Juda ay nagsagawa ng imoral na pagsamba sa ilalim ng bawat mayabong na punungkahoy
[Larawan sa pahina 267]
Ang Juda ay nagtayo ng mga altar sa buong lupain
[Larawan sa pahina 275]
“Nilalalang ko ang bunga ng mga labi”