Liham sa mga Taga-Galacia
5 Pinalaya tayo ni Kristo para matamo ang kalayaang iyon. Kaya maging matatag kayo,+ at huwag ninyong hayaang mapasailalim kayong muli sa pamatok ng pagkaalipin.+
2 Tingnan ninyo, akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo na kung magiging tuli kayo, hindi kayo makikinabang sa ginawa ni Kristo.+ 3 At sinasabi kong muli sa bawat isang magpapatuli na may pananagutan siyang sundin ang buong Kautusan.+ 4 Hiwalay kayo kay Kristo, kayong mga nagsisikap na maipahayag na matuwid sa pamamagitan ng kautusan;+ hindi na kayo sakop ng walang-kapantay na kabaitan niya. 5 Pero tayo ay sabik na naghihintay na maging ganap na matuwid sa harap ng Diyos, na posible lang sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng ating pananampalataya. 6 Dahil para sa mga kaisa ni Kristo Jesus, walang halaga ang pagiging tuli o di-tuli;+ ang mahalaga ay ang pananampalatayang naipapakita sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Mahusay na ang takbo ninyo noon.+ Sino ang humadlang sa inyo sa patuloy na pagsunod sa katotohanan? 8 Ang pangangatuwiran ng mga humahadlang sa inyo ay hindi mula sa Isa na tumatawag sa inyo. 9 Ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa.+ 10 Nagtitiwala ako na kayong mga kaisa ng Panginoon+ ay sasang-ayon sa akin; pero ang nanggugulo sa inyo,+ kung sinuman siya, ay tatanggap ng hatol na karapat-dapat sa kaniya. 11 Mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa rin ang pagtutuli, bakit pa ako pinag-uusig? Kung totoo iyon, hindi na makakatisod ang pahirapang tulos.+ 12 Magpakapon na lang sana ang mga lalaking nanggugulo sa inyo.
13 Mga kapatid, pinili kayo para maging malaya; pero huwag sana ninyong gamitin ang kalayaang ito para sundin ang makalamang mga pagnanasa,+ kundi maudyukan sana kayo ng pag-ibig na magpaalipin sa isa’t isa.+ 14 Dahil ang buong Kautusan ay mabubuod sa isang utos: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”+ 15 Pero kung patuloy kayong nagkakagatan at nagsasakmalan,+ mag-ingat kayo dahil baka malipol ninyo ang isa’t isa.+
16 Kundi sinasabi ko, patuloy na lumakad ayon sa espiritu+ at hindi ninyo kailanman maisasagawa ang inyong makalamang mga pagnanasa.+ 17 Dahil ang makalamang mga pagnanasa ay laban sa espiritu, at ang espiritu ay laban sa laman; magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo ginagawa ang mga bagay na gusto ninyong gawin.+ 18 Bukod diyan, kung inaakay kayo ng espiritu, wala kayo sa ilalim ng kautusan.
19 Madaling makita ang mga gawa ng laman. Ang mga ito ay seksuwal na imoralidad,+ karumihan, paggawi nang may kapangahasan,+ 20 idolatriya, espiritismo,+ alitan, pag-aaway,+ selos,+ pagsiklab ng galit, pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, sekta,+ 21 inggit, paglalasingan,+ walang-patumanggang pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.+ Gaya ng nasabi ko na sa inyo noon, binababalaan ko ulit kayo na ang nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.+
22 Pero ang mga katangian na bunga+ ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan,+ kapayapaan,+ pagtitiis, kabaitan, kabutihan,+ pananampalataya, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.+ Walang kautusan laban sa ganitong mga bagay. 24 Bukod diyan, ang laman kasama ang makalamang mga pagnanasa at damdamin ay ipinako sa tulos ng mga tagasunod ni Kristo Jesus.+
25 Kung nabubuhay tayo ayon sa espiritu, patuloy rin tayong lumakad* ayon sa espiritu.+ 26 Huwag tayong maging mapagmataas,+ huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa,+ at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.