Naninirahang Magkakasama sa Isang Naisauling “Lupain”
“Para sa inyo, kayo ay tatawaging mga saserdote ni Jehova; kayo ay tatawaging mga ministro ng ating Diyos.”—ISAIAS 61:6.
1, 2. (a) Ano ang kalagayan ng mga proselita sa Israel? (b) Anong espiritu ang ipinakikita ng mga miyembro ng “malaking pulutong” sa modernong panahon?
NOONG sinaunang panahon, ang Israel, kapag nagtatapat, ay nagsisilbing patotoo sa sanlibutan tungkol sa kaluwalhatian ni Jehova. (Isaias 41:8, 9; 43:10) Maraming banyaga ang tumugon at naparoon upang sumamba kay Jehova kasama ng Kaniyang piniling bayan. Sa katunayan, sinabi nila sa Israel ang gaya ng sinabi ni Ruth kay Naomi: “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:16) Sinunod nila ang mga kahilingan ng tipang Batas, anupat ang kalalakihan ay nagpatuli. (Exodo 12:43-48) Ang ilang kababaihan ay nag-asawa ng mga Israelita. Sina Rahab ng Jerico at Ruth na Moabita ay naging mga ninuno ni Jesu-Kristo. (Mateo 1:5) Bahagi ng kongregasyon ng Israel ang gayong mga proselita.—Deuteronomio 23:7, 8.
2 Katulad ng mga proselita sa Israel, ganito ang sabi ng “malaking pulutong” ngayon sa mga pinahirang nalabi: “Kami ay sasama sa inyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay kasama ninyo.” (Apocalipsis 7:9; Zacarias 8:23) Kinikilala nila na ang mga pinahirang Kristiyanong ito ay ang “tapat at maingat na alipin” ni Jehova, at sila’y totoong nakikipagtulungan sa kanila kung kaya ang mga pinahiran at ang “ibang mga tupa” ay “isang kawan, isang pastol.” (Mateo 24:45-47; Juan 10:16) Ano kaya ang mangyayari sa malaking pulutong kapag natanggap na ng lahat ng kanilang pinahirang mga kapatid ang kanilang makalangit na gantimpala? Hindi sila dapat na matakot. Sa buong panahong ito ng “mga huling araw,” pinaghandaan ni Jehova ang panahong iyan.—2 Timoteo 3:1.
Isang Espirituwal na “Lupain”
3. Ano ang “mga bagong langit” na inihula ni Pedro, at kailan naitatag ang mga ito?
3 Inihula ni apostol Pedro ang kaayusan ng makalangit na pamamahala na doo’y makakabahagi ang 144,000 pinahirang mga Kristiyano. Ganito ang sabi niya: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang “mga bagong langit” na ito ay itinatag noong 1914, nang iluklok si Kristo bilang Hari sa makalangit na Kaharian. Ngunit kumusta naman ang “bagong lupa”?
4. (a) Anong di-inaasahang pangyayari ang naganap noong 1919? (b) Ano ang ‘bansang isinilang nang paminsan,’ at ano ang ‘lupaing ipinanganak kasabay ng kirot ng pagdaramdam’?
4 Noong 1919, inilabas ni Jehova ang mga pinahirang nalabi buhat sa pagkabihag sa Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 18:4) Para sa mga lider ng Sangkakristiyanuhan, talagang di-inaasahan ang madulang pangyayaring ito. Hinggil dito, ganito ang sabi ng Bibliya: “Sinong nakarinig ng isang bagay na katulad nito? Sinong nakakita ng mga bagay na katulad nito? Ang isa bang lupain ay ipanganganak kasabay ng kirot ng pagdaramdam sa isang araw? O ang isang bansa ba ay isisilang nang paminsan?” (Isaias 66:8) Nang biglang lumitaw ang pinahirang kongregasyon sa harap ng mga bansa bilang isang malayang bayan, ito nga’y tunay na isang bansang ‘isinilang nang paminsan.’ Subalit, ano naman ang “lupain”? Sa diwa, iyon ay isang espirituwal na katumbas ng lupain ng sinaunang Israel. Iyon ang saklaw ng gawain na ipinagkaloob sa bagong-silang na “bansa,” isang lugar kung saan nagkakaroon ng moderno at espirituwal na katuparan ang mga hula tungkol sa Paraiso sa aklat ng Isaias. (Isaias 32:16-20; 35:1-7; ihambing ang Hebreo 12:12-14.) Saanman literal na naroroon ang isang Kristiyano, naroroon siya sa “lupain” na iyon.
5. Anong saligan ang umiral noong 1919? Ipaliwanag.
5 Ano ang kinalaman nito sa “bagong lupa” na inihula ni Pedro? Buweno, ang bagong “bansa” na iyan, na isinilang noong 1919 sa isang naisauling “lupain,” ay magiging isang pambuong-daigdig na organisasyon na binubuo ng pinahiran at di-pinahirang mga tagapuri kay Jehova. Makaliligtas ang organisasyong ito sa Armagedon tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa ganitong paraan mamamalas ang bansang ito bilang siyang saligan ng matuwid na lipunan ng tao, ang bagong lupa, na iiral pagkatapos mapuksa ang sanlibutan ni Satanas.a Pagsapit ng kalagitnaang mga taon ng 1930, ang mga pinahiran, bilang isang grupo, ay natipon na sa naisauling lupain. Sapol noon, binigyang-diin ang pagtitipon sa malaking pulutong ng mga ibang tupa, na ngayon ay may bilang na halos limang milyon. (Apocalipsis 14:15, 16) Labis na ba ang populasyon ng “lupain”? Hindi, ang mga hangganan nito ay mapalalawak pa hangga’t kinakailangan. (Isaias 26:15) Oo, kapana-panabik makita ang paglago ng populasyon nito habang ang “lupain” ay pinupuno ng pinahirang nalabi ng “ani”—nakapagpapalusog at nagpapalakas na pagkaing espirituwal. (Isaias 27:6) Subalit ano ang kalagayan nitong mga ibang tupa sa naisauling “lupain” ng bayan ng Diyos?
Aktibo ang mga Banyaga sa “Lupain”
6. Papaano naging aktibo ang mga banyaga sa “lupain” ng bayan ng Diyos?
6 Kung papaanong sinunod ng mga proselita sa lupain ng Israel ang Batas Mosaiko, sinusunod ng malaking pulutong ngayon sa naisauling “lupain” ang mga utos ni Jehova. Palibhasa’y naturuan ng kanilang pinahirang mga kapatid, umiiwas sila sa lahat ng anyo ng huwad na pagsamba at iginagalang nila ang kabanalan ng dugo. (Gawa 15:19, 20; Galacia 5:19, 20; Colosas 3:5) Iniibig nila si Jehova nang kanilang buong puso, isip, kaluluwa, at lakas at iniibig ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang sarili. (Mateo 22:37; Santiago 2:8) Sa sinaunang Israel tumulong ang mga proselita sa pagtatayo ng templo ni Solomon at tinangkilik ang pagsasauli ng tunay na pagsamba. (1 Cronica 22:2; 2 Cronica 15:8-14; 30:25) Sa ngayon, nakikibahagi rin ang malaking pulutong sa mga proyekto ng pagtatayo. Halimbawa, tumutulong sila sa pagbuo ng mga kongregasyon at mga sirkito, bukod pa sa pagsasagawa ng materyal na mga proyekto sa konstruksiyon, tulad ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at mga pasilidad ng sangay.
7. Ano ang nangyari sa Jerusalem pagkatapos ng pagkatapon nang hindi sapat ang mga Levita upang maglingkuran sa templo?
7 Noong 537 B.C.E., nang bumalik ang Israel mula sa pagkatapon sa Babilonya, pinasimulan nila ang mga kaayusan sa paglilingkuran sa kinaroroonan ng templo. Subalit, iilan lamang ang mga Levita na bumalik. Kaya naman, ang mga Netineo—tuling mga naninirahang dayuhan na dating mga katulong ng mga Levita—ay binigyan ng mas malaking mga pribilehiyo sa paglilingkuran sa templo. Gayunman, sila’y hindi katumbas ng pinahirang mga saserdoteng Aaroniko.b—Ezra 7:24; 8:15-20; Nehemias 3:22-26.
8, 9. Papaano isinasabalikat ng mga ibang tupa ang lumalaking bahagi sa gawain ng pag-uukol ng sagradong paglilingkuran sa templo sa mga huling araw?
8 Sinunod ng pinahirang mga Kristiyano sa ngayon ang huwarang ito. Habang papalapit na “ang panahon ng kawakasan,” ang nalalabi sa mga pinahiran ay pakaunti nang pakaunti sa “lupain” ng bayan ng Diyos. (Daniel 12:9; Apocalipsis 12:17) Dahil dito, ginaganap ngayon ng malaking pulutong ang karamihan sa gawain ng pag-uukol ng “sagradong paglilingkod.” (Apocalipsis 7:15) Samantalang sumusunod sa pangunguna ng kanilang pinahirang mga kapatid, sila’y ‘naghahandog sa Diyos ng hain ng papuri, alalaong baga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan.’ ‘Hindi nila kinalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba,’ sa pagkaalam na “sa gayong mga hain ay nalulugod na mainam ang Diyos.”—Hebreo 13:15, 16.
9 Bukod sa rito, dahil sa ang malaking pulutong ay nadaragdagan ng daan-daang libo taun-taon, may lumalaking pangangailangan para sa pangangasiwa. May panahon na ito ay inaasikaso tangi lamang ng pinahirang mga Kristiyano. Ngayon, ang pangangasiwa sa karamihan ng mga kongregasyon, gayundin sa mga sirkito, distrito, at mga sangay, ay kinailangang ipagkatiwala sa mga ibang tupa. Noong 1992 ang ilan sa mga ito ay binigyan ng pribilehiyo na dumalo sa mga pulong ng mga komite ng Lupong Tagapamahala at maglingkod bilang di-bumobotong mga katulong. Gayunpaman, ang mga ibang tupa ay nananatiling tapat sa kanilang pinahirang kapuwa Kristiyano at itinuturing na isang pribilehiyo na suportahan sila bilang ang tapat at maingat na alipin ni Jehova.—Mateo 25:34-40.
“Gaya ng Isang Shik”
10, 11. Bilang pagsunod sa halimbawa ng ilang Filisteo, papaano nagbago ang ilang dating kaaway ng bayan ng Diyos? Taglay ang anong resulta?
10 Inihula sa Zacarias 9:6, 7 kung papaano ginamit ng tapat at maingat na alipin ang mga ibang tupa sa paghawak ng mga pananagutan. Ganito ang mababasa natin: “Tiyak na puputulin ko ang kapalaluan ng mga Filisteo. At aalisin ko mula sa kaniyang bibig ang mga bagay na nabahiran ng dugo at ang kasuklamsuklam na mga bagay sa pagitan ng kaniyang mga ngipin, at siya rin mismo ay tiyak na maiiwan para sa ating Diyos; at siya’y magiging gaya ng isang shik sa Juda, at ang Ekron gaya ng Jebuseo.”c Ang mga Filisteo ay mahigpit na kaaway ng bayan ni Jehova, gaya ng sanlibutan ni Satanas ngayon. (1 Juan 5:19) Kung papaanong sa wakas ay nilipol ang mga Filisteo bilang isang bayan, gayundin ang sanlibutang ito, kasali na ang relihiyoso, pulitikal, at komersiyal na mga elemento nito, ay malapit nang dumanas ng mapamuksang poot ni Jehova.—Apocalipsis 18:21; 19:19-21.
11 Gayunman, ayon sa mga salita ni Zacarias, ang ilang Filisteo ay nagbago, at inilalarawan nito na ang ilang tagasanlibutan sa ngayon ay hindi mananatiling may pakikipag-alitan kay Jehova. Ihihinto nila ang relihiyosong idolatriya kasama ang nakaririmarim na mga seremonya at kasuklam-suklam na mga hain nito at sa gayo’y magiging malinis sa paningin ni Jehova. Sa ating kaarawan ang gayong nagbagong mga “Filisteo” ay masusumpungan sa malaking pulutong.
12. Sa modernong panahon, papaanong ang “Ekron” ay naging “gaya ng Jebuseo”?
12 Ayon sa hula, ang pangunahing Filisteong lunsod ng Ekron ay magiging “gaya ng Jebuseo.” Ang mga Jebuseo rin naman ay dating mga kaaway ng Israel. Hawak nila noon ang Jerusalem hanggang sa ito ay masakop ni David. Gayunpaman, ang ilan sa mga nakaligtas sa mga pakikipagdigma sa Israel ay maliwanag na naging mga proselita. Sila’y naglingkod sa lupain ng Israel bilang mga alipin at nagkaroon pa man din ng pribilehiyo na magtrabaho sa pagtatayo ng templo. (2 Samuel 5:4-9; 2 Cronica 8:1-18) Sa ngayon, ang mga “Ekronita” na bumaling sa pagsamba kay Jehova ay mayroon ding mga pribilehiyo ng paglilingkod sa “lupain” sa ilalim ng pangangasiwa ng tapat at maingat na alipin.
13. Ano ang mga shik noong sinaunang sanlibutan?
13 Sinasabi ni Zacarias na ang Filisteo ay magiging gaya ng isang shik sa Juda. Ang Hebreong salita na ʼal·luphʹ, kapag isinaling “shik,” ay nangangahulugang “lider ng isang libo” (o, “chiliarch”). Iyon ay isang napakataas na posisyon. Ang sinaunang bansa ng Edom ay maliwanag na mayroon lamang 13 shik. (Genesis 36:15-19) Ang salitang “shik” ay hindi malimit gamitin kapag binabanggit ang Israel, ngunit ang katawagang “pinuno (o, hepe) ng isang libo” ay malimit lumitaw. Nang ipatawag ni Moises ang mga kinatawan ng bansang Israel, tinawag niya “ang mga pinuno ng libu-libo sa Israel.”d May 12 ng mga ito, maliwanag na nakabababa lamang kay Moises. (Bilang 1:4-16) Gayundin naman, sa organisasyon ng hukbo, ang mga hepe ng libu-libo ay pangalawa lamang sa heneral o sa hari.—2 Samuel 18:1, 2; 2 Cronica 25:5.
14. Papaano ngayon naging gaya ng isang shik ang “Filisteo”?
14 Hindi inihula ni Zacarias na ang nagsising Filisteo ay magiging aktuwal na isang shik sa Israel. Hindi ito angkop, yamang hindi siya isang likas na Israelita. Ngunit siya ay magiging gaya ng isang shik, na humahawak ng isang posisyon ng awtoridad na katumbas ng isang shik. At gayon nga ang nangyari. Habang umuunti sa bilang ang nalabi ng pinahirang mga Kristiyano at marami sa mga nabubuhay pa ay nahahadlangan ng katandaan, ang mahusay-ang-pagkasanay na mga ibang tupa ang siyang pumupuno sa kakulangan, wika nga. Hindi nila ibig na halinhan ang kanilang pinahirang mga kapatid. Subalit ang tapat at maingat na alipin ang nagbibigay sa kanila ng awtoridad ayon sa kinakailangan sa “lupain” upang ang organisasyon ng Diyos ay magpatuloy na sumulong sa organisadong paraan. Ang gayong pasulong na paraan ay nakikita sa isa pang hula.
Mga Saserdote at Magsasaka
15. (a) Bilang katuparan ng Isaias 61:5, 6, sino ang “mga saserdote ni Jehova,” at kailan sila naglilingkod sa tungkuling ito sa isang ganap na diwa? (b) Sino ang “mga estranghero” na bumabalikat ng pagsasaka sa Israel, at—sa diwang espirituwal—ano ang nasasangkot sa gawaing ito?
15 Ganito ang mababasa sa Isaias 61:5, 6: “Ang mga estranghero ang aktuwal na tatayo at magpapastol sa inyong mga kawan, at ang mga banyaga ang inyong magiging mga magsasaka at mga tagapag-alaga ng ubasan. At para sa inyo, kayo ay tatawaging mga saserdote ni Jehova; kayo ay tatawaging mga ministro ng ating Diyos. Kakanin ninyo ang pinagkukunang-yaman ng mga bansa, at sa kanilang kaluwalhatian ay magmamapuri kayo sa inyong sarili.” Sa ngayon, ang “mga saserdote ni Jehova” ay ang pinahirang mga Kristiyano. Sa pinakahuli at ganap na diwa, sila’y maglilingkod bilang “mga saserdote ni Jehova . . . , mga ministro ng ating Diyos,” sa makalangit na Kaharian. (Apocalipsis 4:9-11) Sino ang “mga estranghero” na may pananagutan sa pagsasaka? Ito ang mga ibang tupa, na naninirahan sa “lupain” ng Israel ng Diyos. Ano naman ang pagpapastol, pagsasaka, at pag-aalaga ng ubasan na ipinagkakatiwala sa kanila? Sa mahalagang diwang espirituwal, ang mga atas na ito ay may kaugnayan sa pagtulong, pag-aalaga, at pag-aani sa mga tao.—Isaias 5:7; Mateo 9:37, 38; 1 Corinto 3:9; 1 Pedro 5:2.
16. Sino sa bandang huli ang mangangasiwa sa lahat ng gawain sa “lupain” ng bayan ng Diyos?
16 Sa kasalukuyan, isang maliit na bilang ng espirituwal na mga Israelita ang nalalabi sa lupa na nakikibahagi sa espirituwal na pagpapastol, pagsasaka, at pag-aalaga ng ubasan. Kapag ang pinahirang kongregasyon sa kabuuan nito ay sa wakas nakasama na ni Kristo, iiwan ang lahat ng gawaing ito sa mga ibang tupa. Maging ang pangangasiwa ng mga tao sa “lupain” sa panahong iyon ay mapapasakamay ng kuwalipikadong ibang tupa, na sa aklat ng Ezekiel ay ipinakilala bilang uring pinuno.—Ezekiel, kabanata 45, 46.e
Ang “Lupain” ay Namamalagi
17. Anong mga paghahanda ang ginagawa ni Jehova sa buong panahong ito ng mga huling araw?
17 Oo, hindi dapat matakot ang malaking pulutong! Saganang naghahanda si Jehova para sa kanila. Isang napakahalagang pangyayari sa lupa sa mga huling araw na ito ay ang pagtitipon at pagtatatak ng mga pinahiran. (Apocalipsis 7:3) Gayunman, habang nasasaksihan ang kaganapan nito, dinadala ni Jehova ang mga ibang tupa upang makasama nila sa naisauling espirituwal na lupain. Doon ay pinakakain sila sa espirituwal na paraan at sinasanay sa Kristiyanong pamumuhay. Isa pa, sila’y naturuang mainam sa sagradong paglilingkuran, lakip na ang pangangasiwa. Dahil dito sila ay labis na nagpapasalamat kay Jehova at sa kanilang pinahirang mga kapatid.
18. Sa anong mga pangyayari mananatiling tapat ang mga ibang tupa sa “lupain” ng espirituwal na Israel?
18 Kapag ginawa na ni Gog ng Magog ang kaniyang huling pagsalakay sa bayan ng Diyos, tatayong matatag ang mga ibang tupa kasama ng pinahirang nalabi sa “lupain ng mga nayong walang kuta.” Naroroon pa rin sa “lupain” na iyan ang mga ibang tupa kapag sila ay nakaligtas sa pagkapuksa ng mga bansa at pumasok sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Ezekiel 38:11; 39:12, 13; Daniel 12:1; Apocalipsis 7:9, 14) Sa pananatiling tapat, hindi na sila kailanman kailangang umalis pa sa kalugud-lugod na lugar na iyan.—Isaias 11:9.
19, 20. (a) Sa bagong sanlibutan, anong dakilang pangangasiwa ang tatamasahin ng mga naninirahan sa “lupain”? (b) Ano ang inaasam-asam natin taglay ang matinding pananabik?
19 Ang sinaunang Israel ay pinamamahalaan ng mga taong hari at may mga saserdoteng Levita. Sa bagong sanlibutan, lalong nakahihigit ang pangangasiwa na tatamasahin ng mga Kristiyano. Sa ilalim ng Diyos na Jehova, sila’y pasasakop sa dakilang Mataas na Saserdote at Hari, si Jesu-Kristo, at sa 144,000 kasamahang mga saserdote at hari—na ang ilan sa mga ito ay dati nilang kilala bilang kanilang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae sa lupa. (Apocalipsis 21:1) Ang mga tapat na naninirahan sa espirituwal na lupain ay mabubuhay sa isang lupang naisauli tungo sa isang literal na paraiso, anupat nalulugod sa nakapagpapagaling na mga pagpapala na ipinararating sa pamamagitan ng Bagong Jerusalem.—Isaias 32:1; Apocalipsis 21:2; 22:1, 2.
20 Habang walang-tigil ang pasulong na pag-andar ng makalangit na karo ni Jehova upang tuparin ang kaniyang mga layunin, inaasam nating lahat nang may matinding pananabik ang pagtupad sa bahaging iniatas sa atin. (Ezekiel 1:1-28) Kapag sa wakas ay natupad na ang mga layuning ito, isip-isipin ang kagalakan sa pagdiriwang ng matagumpay na pagpapabanal kay Jehova! Kung magkagayon ang makapangyarihang awit na nakaulat sa Apocalipsis 5:13 ay aawitin ng lahat ng nilalang: “Sa Isa na nakaupo sa trono at sa Kordero ay ang pagpapala at ang karangalan at ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailan kailanman”! Maging ang dako natin ay sa langit man o sa lupa, hindi ba tayo nananabik na sana tayo ay naroroon, anupat sama-samang nagtataas ng ating mga tinig sa dakilang korong iyan ng papuri?
[Mga talababa]
a Tingnan ang “Bagong mga Langit at Isang Bagong Lupa,” inilathala noong 1953 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 322-3.
b Para sa buong pagtalakay, tingnan ang artikulong “Paglalaan ni Jehova, ang ‘Mga Ibinigay’ ” sa Abril 15, 1992, isyu ng Ang Bantayan.
c Tingnan ang Paradise Restored to Mankind—By Theocracy!, inilathala noong 1972 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 264-9.
d Hebreo: ra’·shehʹ ’al·phehʹ Yis·ra·elʹ, isinaling khi·liʹar·khoi Is·ra·elʹ “chiliarchs of Israel” sa Septuagint.
e Tingnan ang “The Nations Shall Know That I Am Jehovah—How?, inilathala noong 1971 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 401-7.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong “lupain” ang naisauli noong 1919, at papaano ito napuno ng mga naninirahan?
◻ Papaano binigyan ng mas malaking pananagutan ang mga ibang tupa sa “lupain” ng naisauling bayan ng Diyos?
◻ Sa anong paraan ang mga miyembro ng malaking pulutong ay “gaya ng Jebuseo”? “gaya ng isang shik sa Juda”?
◻ Hanggang kailan mananatili sa “lupain” ang tapat na mga ibang tupa?
[Larawan sa pahina 23]
Magiging “gaya ng isang shik sa Juda” ang modernong Filisteo
[Mga larawan sa pahina 24]
Naglilingkod na magkakasama ang mga pinahiran at mga ibang tupa sa espirituwal na lupain