JESSE
[pinaikling anyo ng Isia, nangangahulugang “Ipinalilimot ni Jehova”; o, posible, isang pinaikling anyo ng Abisai].
Ama ni Haring David na mula sa tribo ni Juda; apo nina Ruth at Boaz at isang kawing sa linya ng angkan mula kay Abraham hanggang kay Jesus. (Ru 4:17, 22; Mat 1:5, 6; Luc 3:31, 32) Si Jesse ay nagkaanak ng walong lalaki, anupat ang isa ay lumilitaw na namatay bago magkaroon ng sariling anak, na maaaring dahilan kung bakit inalis ang pangalan nito mula sa mga talaangkanan ng Mga Cronica. (1Sa 16:10, 11; 17:12; 1Cr 2:12-15) Ang dalawang kapatid na babae ni David, sina Abigail at Zeruias, ay hindi kailanman tinawag na mga anak ni Jesse, ngunit ang isa ay tinawag na “anak ni Nahas.” (1Cr 2:16, 17; 2Sa 17:25) Maaaring si Nahas ang dating asawa ng asawa ni Jesse, anupat ang mga anak na babae ng asawa ni Jesse ay mga kapatid sa ina ng mga anak ni Jesse, malibang ang Nahas ay isa pang pangalan ni Jesse, o maaaring pangalan pa nga ito ng asawa ni Jesse, gaya ng iminumungkahi ng ilan.
Si Jesse ay isang may-ari ng mga tupa na naninirahan sa Betlehem. Matapos talikdan ni Haring Saul ang tunay na pagsamba, isinugo ni Jehova si Samuel sa tahanan ni Jesse upang pahiran ang isa sa mga anak nito bilang hari. Iniharap ni Jesse ang pitong nakatatandang anak na lalaki, ngunit nang walang mapili si Jehova sa mga ito, kinailangang ipatawag ni Jesse ang kaniyang bunsong anak na si David mula sa pagpapastol ng mga tupa; ang anak na ito ang pinili ni Jehova.—1Sa 16:1-13.
Nang ipatawag ni Saul si David upang tugtugan siya ng nakagiginhawang alpa, ang may-edad nang si Jesse ay nagpadala ng saganang kaloob at nang maglaon ay pinahintulutan niya si David na manatili nang ilang panahon upang maglingkod sa korte ni Saul. (1Sa 16:17-23; 17:12) Pagkatapos nito, lumilitaw na muling bumalik si David sa pag-aalaga ng mga tupa, at inutusan siya ni Jesse na magdala ng ilang panustos para sa kaniyang tatlong pinakamatatandang anak na lalaki, na nasa hukbo ni Saul. (1Sa 17:13, 15, 17, 18, 20) Noong panahong nagtatago si David dahil kay Saul, si Jesse at ang kaniyang asawa ay pinahintulutang manganlong sa Moab.—1Sa 22:3, 4.
Si David ay madalas tawaging “anak ni Jesse,” bilang paghamak, gaya ng ginawa nina Saul, Doeg, Nabal, at Sheba (1Sa 20:27, 30, 31; 22:7-9, 13; 25:10; 2Sa 20:1; 1Ha 12:16; 2Cr 10:16), ngunit bilang paggalang naman sa ibang mga pagkakataon, gaya ng ginawa ni David mismo, ni Ezra, at ng Diyos na Jehova.—1Sa 16:18; 17:58; 2Sa 23:1; 1Cr 10:14; 12:18; 29:26; Aw 72:20; Luc 3:32; Gaw 13:22.
Ang makahulang pangako na ang “ugat ni Jesse” ay “tatayo bilang isang hudyat para sa mga bayan” at hahatol sa katuwiran ay natupad kay Kristo Jesus, ang isa na nagpapanatiling buháy sa linya ng angkan ni Jesse yamang imortal siya.—Isa 11:1-5, 10; Ro 15:8, 12.