Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula, Bahagi 2
Tumakas Mula sa Babilonya!
Sa seryeng ito na may walong bahagi, tatalakayin ng “Gumising!” ang isang kahanga-hangang katangian ng Bibliya—ang mga hula nito, o prediksiyon. Tutulungan ka ng mga artikulong ito na masagot ang sumusunod na mga tanong: Ang mga hula ba ng Bibliya ay inimbento lang ng matatalinong tao? O ang mga ito ba ay nagmula sa Diyos? Inaanyayahan ka naming suriin ang katibayan.
SA NAUNANG bahagi ng seryeng ito, tinalakay natin ang tatlong hula ng Bibliya tungkol sa mga inapo ni Abraham. Ipinakikita ng katibayan na tinupad ng Diyos ang mga pangakong iyon sa pamamagitan ng sinaunang bansang Israel, na binubuo ng mga inapo ni Abraham.
Ang sinaunang Babilonya ay isa pang bansa na nagkaroon ng mahalagang papel sa ulat ng Bibliya, partikular na noong ikapitong siglo B.C.E. Talakayin natin ang tatlong hula ng Bibliya tungkol sa kahariang ito at tingnan kung ang mga ito ay galing sa Diyos.
Nagbabala ang propetang si Moises sa sinaunang Israel: “Kung sa paanuman ay makalimutan mo si Jehova na iyong Diyos at sumunod ka nga sa ibang mga diyos at paglingkuran mo at yukuran ang mga iyon, . . . lubos kayong malilipol.” (Deuteronomio 8:19; 11:8, 9) Gayunman, paulit-ulit pa ring nagrebelde sa Diyos ang mga Israelita sa pamamagitan ng pagsamba sa idolo.—1 Hari 14:22-24.
Nang maglaon, naubos ang pasensiya ng Diyos, kaya hinayaan niyang mahulog sa kamay ng mga Babilonyo ang kaniyang suwail na bayan. Sa pangunguna ni Haring Nabucodonosor, o “Nabucodorosor,” sinalakay ng mga hukbo ng Babilonya ang Israel at kinubkob ang Jerusalem. Bakit dapat bigyang-pansin ang pagkubkob na ito? Talakayin natin ang isinulat ni propeta Jeremias mga 20 taon bago ito nangyari.—Jeremias 25:1.
Hula 1: “Sa dahilang hindi ninyo [mga Israelita] sinunod ang aking mga salita [salita ng Diyos], narito, magsusugo ako . . . kay Nabucodorosor na hari ng Babilonya, . . . at dadalhin ko sila [mga Babilonyo] laban sa lupaing ito at laban sa mga tumatahan dito at laban sa lahat ng mga bansang ito sa palibot . . . At ang buong lupaing ito ay magiging isang wasak na dako, isang bagay na panggigilalasan, at ang mga bansang ito ay kailangang maglingkod sa hari ng Babilonya nang pitumpung taon.”—Jeremias 25:8-11.
Katuparan: Matapos ang matagal-tagal na pagkubkob, winasak ni Nabucodonosor ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Nilupig din niya ang iba pang mga lunsod sa Juda, kasama na ang Lakis at Azeka. (Jeremias 34:6, 7) Ang karamihan sa mga nakaligtas ay itinapon niya sa Babilonya, kung saan sila naging bihag sa loob ng 70 taon.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Ipinakikita ng Bibliya na si Nabucodonosor ang hari ng Babilonya noong panahong wasakin ang Jerusalem. Pinatutunayan ito ng mga tuklas sa arkeolohiya. Halimbawa, isang kameo na gawa sa batong onix ang nakadispley sa Florence, Italy. Ang isang bahagi ng inskripsiyon nito ay nagsasabi: “Bilang parangal kay Merodac, na kaniyang panginoon, ipinagawa ito ni Nabucodonosor, hari ng Babilonya, noong nabubuhay siya.” Namahala si Nabucodonosor mula 624 hanggang 582 B.C.E.
● Ayon sa aklat na The Bible and Archaeology, pinatutunayan ng ginawang mga paghuhukay at pagsusuri sa Lakis ang sumusunod: “Ang panghuling pagwasak ay marahas, at napakatindi ng apoy na tumupok sa lunsod [ng Lakis] kaya ang batong-apog sa mga gusali ay naging pulbos na apog.”
Hula 2: “Ayon sa pagtatapos ng pitumpung taon sa Babilonya ay ibabaling ko [Jehova] sa inyo [mga tapong Judio] ang aking pansin, at pagtitibayin ko sa inyo ang aking mabuting salita sa pagpapabalik sa inyo sa dakong ito [lupain ng Juda].”—Jeremias 29:10.
Katuparan: Pagkatapos ng 70-taóng pagkatapon, mula 607 hanggang 537 B.C.E., pinalaya ni Haring Ciro ng Persia ang mga bihag na Judio at pinayagan silang bumalik sa kanilang sariling lupain para muling itayo ang templo sa Jerusalem.—Ezra 1:2-4.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Naging bihag ba ang mga Israelita sa Babilonya sa loob ng 70 taon gaya ng inihula ng Bibliya? Pansinin ang komento ni Ephraim Stern, isang kilaláng arkeologong Israeli. “Mula 604 B.C.E. hanggang 538 B.C.E.—talagang walang ebidensiyang nagpapahiwatig ng pananahanan. Sa buong panahong iyon, walang isa mang bayan na winasak ng mga Babilonyo ang muling pinamayanan.” Ang sinasabing panahon na walang nanirahan o bumalik sa nalupig na teritoryo ay tumutugma sa pagkakatapon ng Israel sa Babilonya mula 607 hanggang 537 B.C.E.—2 Cronica 36:20, 21.
● Ang mga sinaunang bansa sa Mesopotamia ay nagsusulat sa mga tapyas na gawa sa malambot na luwad. Ang isang silinder na luwad, na tinatawag na Cyrus Cylinder, ay mula pa noong mga 539 B.C.E., ang mismong taon kung kailan pinabagsak ni Haring Ciro ng Persia ang Imperyo ng Babilonya. Mababasa sa isang inskripsiyon doon: “Ako si Ciro, . . . hari ng Babilonya.” Iniulat din ng inskripsiyong iyon: “Isinauli ko sa [ilang patiunang binanggit na] sagradong mga lunsod sa kabilang ibayo ng Tigris, na ang mga santuwaryo ay mga guho sa loob ng mahabang panahon, ang mga imahen na (dating) tumatahan doon . . . Pinisan ko (rin) ang lahat ng (dating) tumatahan sa mga ito at ibinalik (sa kanila) ang mga tinitirahan nila.”
Ang sekular na ulat na ito ay kaayon ng inihula sa Bibliya na pababalikin sa kanilang sariling lupain ang mga tapong Judio—isang hula na isinulat mga 200 taon patiuna.
Hula 3: “Ang Babilonya, ang kagayakan ng mga kaharian, ang kagandahan ng pagmamapuri ng mga Caldeo, ay magiging gaya noong gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomorra. Hindi siya kailanman tatahanan.”—Isaias 13:19, 20.
Katuparan: Sa di-inaasahan, ang Babilonya, na noo’y isang makapangyarihang imperyo, ay bumagsak sa kamay ng mga Medo at Persiano noong 539 B.C.E.a Hindi na muling nakabangon ang lunsod. Sa halip, unti-unti itong humina hanggang sa maging tiwangwang na kaguhuan na “walang tumatahan.”—Jeremias 51:37.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Lubusang naglaho ang Babilonya kung kaya ayon sa iskolar na si Tom Boiy, “ang mga istoryador at manlalakbay na taga-Kanluran noong ika-16 hanggang ika-18 siglo” na pamilyar sa kahalagahan ng lunsod ay nahirapan na tukuyin ang “eksaktong lokasyon” nito.
● Noong 1919, ang Babilonya ay inilarawan ni H. R. Hall, tagapag-ingat ng Egyptian and Assyrian Antiquities sa British Museum, sa ganitong pananalita: “Ito ay puro bunton ng bumagsak na mga pader . . . na natabunan na ng buhangin.”
Ano ang magiging konklusyon natin matapos suriin ang katuparan ng mga hulang ito? Na ang Bibliya ay talagang isang aklat ng mapananaligang mga hula. Ang mga makahulang mensahe tungkol sa Juda at Babilonya ay natupad nang eksakto gaya ng inihula!
Nawasak ang Jerusalem dahil hindi nakinig ang bayan sa babala ng Diyos na talikuran ang masasamang gawain. Matapos ang inihulang 70 taon ng pagkabihag sa Babilonya, ang mga Israelita ay pinayagang makauwi sa Jerusalem. Ang sinaunang lunsod ng Babilonya ay nawasak ayon sa paraang inihula, at hindi pa rin ito tinitirhan hanggang ngayon. Pero ilan lang ito sa maraming hula na mababasa sa Bibliya.
Tatalakayin naman sa susunod na isyu kung paano patiunang inihula ang mga pangyayari noong unang siglo C.E. Ang natupad na mga hulang iyon ay magpapatibay rin ng ating pagtitiwala na tumpak ang nilalaman ng Bibliya.
[Talababa]
a Ang mahalagang papel na gagampanan ng Media sa paglupig sa Babilonya ay inihula rin ni Isaias mga 200 taon patiuna.—Tingnan ang Isaias 13:17-19; 21:2.
[Chart sa pahina 12, 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MAHAHALAGANG PANGYAYARI HINGGIL SA BABILONYA
mga 732 B.C.E.: Inihula ni Isaias ang pagbagsak ng Babilonya
(B.C.E.)
647 Inatasan si Jeremias na maging propeta
632 Pinabagsak ng Babilonya ang Asirya
625 Nagsimulang mamahala si Nabucodonosor
617 Dinala sina Daniel at Ezekiel sa Babilonya
607 Winasak ni Nabucodonosor ang Jerusalem
582 Nagwakas ang pamamahala ni Nabucodonosor
539 Bumagsak ang Babilonya sa mga Medo at Persiano
537 Pinayagang bumalik sa Jerusalem ang mga bihag na Judio
Bihag sa Babilonya ang mga Judio sa loob ng 70 taon
[Larawan sa pahina 12]
Pinatutunayan ng Lachish Letters ang isinulat ni Jeremias tungkol sa paglupig ng Babilonya sa Juda
[Larawan sa pahina 13]
Mababasa sa Cyrus Cylinder ang tungkol sa patakaran ni Ciro na pauwiin ang mga bihag sa kanilang sariling lupain
[Picture Credit Lines sa pahina 13]
Page 12, Lachish Letter: Photograph taken by courtesy of the British Museum; page 13, Cyrus Cylinder: © The Trustees of the British Museum