Salansangin si Satanas, at Tatakas Siya!
“Magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—SANTIAGO 4:7.
1, 2. (a) Anong ugali ng Diyablo ang ipinakikita sa kapahayagang nakaulat sa Isaias kabanata 14? (b) Anu-anong tanong ang tatalakayin natin?
ANG Diyablo ang sukdulan ng kahambugan. Nakikita ang kaniyang pagmamapuri sa mga salitang iniulat ng propeta ng Diyos na si Isaias. Mahigit isang siglo bago naging pangunahing kapangyarihang pandaigdig ang Babilonia, ang bayan ni Jehova ay inilarawan na nagsasabi nang ganito laban sa “hari ng Babilonya”: “Sinabi mo sa iyong puso, ‘Sa langit ay sasampa ako. Sa itaas ng mga bituin ng Diyos [mga hari sa maharlikang angkan ni David] ay itataas ko ang aking trono . . . gagawin kong kawangis ng Kataas-taasan ang aking sarili.’” (Isaias 14:3, 4, 12-15; Bilang 24:17) Ang pagmamapuri ng “hari ng Babilonya” ay katulad ng saloobin ni Satanas, ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Ngunit ang kahambugan ni Satanas ay hahantong sa kapaha-pahamak na wakas, kung paanong sumapit sa kahiya-hiyang wakas ang dinastiya ng Babilonya.
2 Gayunman, hangga’t umiiral ang Diyablo, baka naiisip natin ang mga tanong na gaya nito: Dapat ba tayong matakot kay Satanas? Bakit niya sinusulsulan ang mga tao na usigin ang mga Kristiyano? Paano natin maiiwasang malamangan ng Diyablo?
Dapat ba Tayong Matakot sa Diyablo?
3, 4. Bakit hindi natatakot sa Diyablo ang mga pinahirang Kristiyano at ang kanilang mga kasamahan?
3 Lubhang nakapagpapalakas sa mga pinahirang Kristiyano ang mga salitang ito ni Jesu-Kristo: “Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan. Narito! Patuloy na itatapon ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang lubos kayong mailagay sa pagsubok, at upang magkaroon kayo ng kapighatiang sampung araw. Patunayan mong tapat ka maging hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.” (Apocalipsis 2:10) Ang mga pinahiran at ang kanilang mga kasamahan na may makalupang pag-asa ay hindi natatakot sa Diyablo. Hindi ito dahil sa likas silang matapang. Ito ay dahil sa mayroon silang mapitagang pagkatakot sa Diyos at ‘nanganganlong sila sa lilim ng kaniyang mga pakpak.’—Awit 34:9; 36:7.
4 Ang walang-takot na mga alagad ni Jesu-Kristo noong sinaunang panahon ay napatunayang tapat hanggang kamatayan sa kabila ng mga dinanas nila. Hindi sila natakot sa kayang gawin ni Satanas na Diyablo, sapagkat alam nila na hinding-hindi iiwan ni Jehova ang mga nananatiling tapat sa Kaniya. Sa katulad na paraan, ang mga pinahirang Kristiyano at ang kanilang masisigasig na kasamahan ay determinadong manatiling tapat sa Diyos sa harap man ng matinding pag-uusig sa ngayon. Ngunit ipinahiwatig ni apostol Pablo na kaya ng Diyablo na pumatay. Hindi ba tayo dapat matakot dahil dito?
5. Ano ang matututuhan natin mula sa Hebreo 2:14, 15?
5 Sinabi ni Pablo na si Jesus ay ‘nakibahagi sa dugo at laman’ upang “sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ay mapawi niya ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo; at upang mapalaya niya ang lahat niyaong mga dahil sa takot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.” (Hebreo 2:14, 15) Bilang “ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan,” nakontrol ni Satanas si Hudas Iscariote at pagkatapos ay ginamit ang mga lider na Judio at mga Romano upang patayin si Jesus. (Lucas 22:3; Juan 13:26, 27) Gayunman, sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus bilang hain, pinalaya niya ang makasalanang sangkatauhan mula sa kontrol ni Satanas at binigyan niya tayo ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan.—Juan 3:16.
6, 7. Hanggang sa anong antas makapagdudulot ng kamatayan ang Diyablo?
6 Hanggang sa anong antas makapagdudulot ng kamatayan ang Diyablo? Buweno, buhat nang magsimula ang balakyot na mga gawa ni Satanas, nagdulot na ng kamatayan sa mga tao ang kaniyang mga kasinungalingan at mga pag-akay. Ito ay dahil sa nagkasala si Adan at sa gayon ay ipinasa niya ang kasalanan at kamatayan sa pamilya ng tao. (Roma 5:12) Bukod diyan, pinag-usig ng mga lingkod ni Satanas sa lupa ang mga mananamba ni Jehova, pinapatay pa nga sila kung minsan, gaya ng ginawa nila kay Jesu-Kristo.
7 Gayunpaman, hindi natin dapat isipin na kayang patayin ng Diyablo ang sinumang gusto niyang patayin. Ipinagsasanggalang ng Diyos ang mga kabilang sa Kaniya at hindi niya kailanman papayagan na lipulin ni Satanas ang lahat ng tunay na mananamba sa lupa. (Roma 14:8) Totoo, pinahihintulutan ni Jehova na dumanas ng pag-uusig ang kaniyang bayan, at pinahihintulutan din niyang mamatay ang ilan sa atin bilang resulta ng mga pagsalakay ng Diyablo. Pero, inilalaan ng Kasulatan ang kahanga-hangang pag-asa na pagkabuhay-muli para sa mga nasa “aklat ng alaala” ng Diyos—at wala talagang magagawa ang Diyablo upang pigilan ang gayong pagbuhay-muli!—Malakias 3:16; Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
Bakit Tayo Pinag-uusig ni Satanas?
8. Bakit pinag-uusig ng Diyablo ang mga lingkod ng Diyos?
8 Kung tayo ay matapat na mga lingkod ng Diyos, may pangunahing dahilan kung bakit pinag-uusig tayo ni Satanas. Gusto niyang ikompromiso natin ang ating pananampalataya. Mayroon tayong mahalagang kaugnayan sa ating makalangit na Ama, at hangad ni Satanas na sirain ito. Hindi natin ito dapat ipagtaka. Sa Eden, inihula ni Jehova na magkakaroon ng alitan sa pagitan ng simbolikong “babae” at ng “serpiyente” at sa pagitan ng kani-kanilang “binhi.” (Genesis 3:14, 15) Tinutukoy ng Kasulatan ang Diyablo bilang “ang orihinal na serpiyente” at isinisiwalat nito na maikli na ngayon ang kaniyang panahon at malaki ang kaniyang galit. (Apocalipsis 12:9, 12) Habang nagpapatuloy ang alitan sa pagitan ng dalawang “binhi,” aasahan ng mga tapat na naglilingkod kay Jehova na sila ay pag-uusigin. (2 Timoteo 3:12) Alam mo ba ang tunay na dahilan ng pag-uusig na ito ni Satanas?
9, 10. Anong isyu ang ibinangon ng Diyablo, at ano ang kaugnayan nito sa paggawi ng mga tao?
9 Ibinangon ng Diyablo ang isyu hinggil sa pansansinukob na soberanya. Kaugnay nito, kinuwestiyon niya ang katapatan ng mga tao sa kanilang Maylalang. Pinag-usig ni Satanas ang matuwid na taong si Job. Bakit? Upang sirain ang katapatan ni Job kay Jehova. Nang panahong iyon, ginamit ng Diyablo ang asawa ni Job at ang tatlong “mapanligalig na mga mang-aaliw” nito upang isakatuparan ang kaniyang layunin. Gaya ng ipinakikita sa aklat ng Job, hinamon ng Diyablo ang Diyos, anupat inangkin na walang taong mananatiling tapat sa Kaniya kung pahihintulutan si Satanas na subukin ang taong iyon. Ngunit nanatiling tapat si Job, sa gayon ay pinatunayang sinungaling si Satanas. (Job 1:8–2:9; 16:2; 27:5; 31:6) Pinag-uusig ng Diyablo ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon sa pagtatangkang sirain ang kanilang katapatan at patunayang totoo ang kaniyang hamon.
10 Ang totoo, ang pagkaalam na pinag-uusig tayo ng Diyablo dahil gustung-gusto niyang sirain ang ating katapatan sa Diyos ay makatutulong sa atin na magpakalakas-loob at magpakatibay. (Deuteronomio 31:6) Ang ating Diyos ang Soberano ng Sansinukob, at tutulungan niya tayong makapanatiling tapat. Lagi sana nating sikaping pasayahin ang puso ni Jehova sa pamamagitan ng pananatiling tapat, upang masagot niya ang pangunahing manunuya, si Satanas na Diyablo.—Kawikaan 27:11.
“Iligtas Mo Kami Mula sa Isa na Balakyot”
11. Ano ang ibig sabihin ng kahilingang, “Huwag mo kaming dalhin sa tukso”?
11 Hindi madali ang manatiling tapat; kailangan ng marubdob na pananalangin. Partikular nang nakatutulong ang mga salita sa modelong panalangin. Bahagi ng panalanging ito, sinabi ni Jesus: “Huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.” (Mateo 6:13) Hindi tayo tinutukso ni Jehova para magkasala. (Santiago 1:13) Gayunman, kung minsan ay sinasabi ng Kasulatan na siya ang gumawa o nagpangyari ng mga bagay-bagay, gayong ang totoo, pinahintulutan lamang niya ang mga ito. (Ruth 1:20, 21) Kung gayon, kapag nanalangin tayo gaya ng itinuro ni Jesus, hinihiling natin kay Jehova na huwag tayong hayaang madaig ng tukso. At talagang diringgin niya tayo, sapagkat tinitiyak sa atin ng Kasulatan: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”—1 Corinto 10:13.
12. Bakit natin idinadalangin: “Iligtas mo kami mula sa isa na balakyot”?
12 Matapos banggitin sa modelong panalangin ang hinggil sa tukso, angkop lamang na sabihin ni Jesus: “Iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.” Ang ilang salin ng Bibliya ay kababasahan ng ganito: “Iligtas mo kami mula sa masama” (King James Version; Revised Standard Version) o “Ilayo mo kami mula sa masama.” (Contemporary English Version) Subalit sa Kasulatan, ang pananalitang ‘iligtas mula sa’ ay pangunahin nang ginagamit may kaugnayan sa mga tao, at tinutukoy ng Ebanghelyo ni Mateo ang Diyablo bilang “ang Manunukso,” isang persona. (Mateo 4:3, 11) Kaya mahalagang manalangin para maligtas mula sa “isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. Sinisikap niya tayong maniobrahin para magkasala tayo sa Diyos. (1 Tesalonica 3:5) Kapag humihiling tayo na, “Iligtas mo kami mula sa isa na balakyot,” nakikiusap tayo sa ating makalangit na Ama na patnubayan at tulungan tayo upang hindi tayo malamangan ng Diyablo.
Huwag Hayaang Malamangan ng Diyablo
13, 14. Bakit kinailangang baguhin ng mga taga-Corinto ang kanilang pakikitungo sa isang lalaki sa kongregasyon na dating imoral?
13 Nang himukin ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na maging mapagpatawad, isinulat niya: “Ang anumang bagay na may-kabaitan ninyong ipinatatawad sa kaninuman ay ipinatatawad ko rin. Sa katunayan, sa ganang akin, anuman ang may-kabaitan kong ipinatawad, kung may-kabaitan man akong nagpatawad ng anumang bagay, ito ay alang-alang sa inyo sa paningin ni Kristo; upang huwag tayong malamangan ni Satanas, sapagkat hindi naman tayo walang-alam sa kaniyang mga pakana.” (2 Corinto 2:10, 11) Maaari tayong malamangan ng Diyablo sa iba’t ibang paraan, ngunit bakit kaya sinabi ni Pablo ang pananalitang kasisipi pa lamang?
14 Sinaway ni Pablo ang mga taga-Corinto dahil hinayaan nilang manatili sa kongregasyon ang isang imoral na lalaki. Tiyak na ikinatuwa ito ni Satanas, sapagkat naupasala ang kongregasyon dahil sa pagkunsinti sa “gayong pakikiapid [na] wala kahit sa gitna man ng mga bansa.” Nang bandang huli, natiwalag ang nagkasala. (1 Corinto 5:1-5, 11-13) Nang maglaon, nagsisi ang lalaki. Kung ang mga taga-Corinto ay hindi nagpatawad at hindi nila ibinalik sa kongregasyon ang lalaking iyon, malalamangan sila ng Diyablo sa iba namang paraan. Paano? Magiging mabagsik sila at walang-awa, gaya mismo ni Satanas. Kung ang nagsisising lalaki ay “madaig ng kaniyang labis-labis na kalungkutan” at tuluyan nang sumuko, partikular nang mananagot dito ang matatanda sa harap ng maawaing Diyos, si Jehova. (2 Corinto 2:7; Santiago 2:13; 3:1) Siyempre pa, walang tunay na Kristiyano ang magnanais tumulad kay Satanas sa pagiging malupit, mabagsik, at walang-awa.
Ipinagsasanggalang ng Kagayakang Pandigma Mula sa Diyos
15. Anong impluwensiya ang dapat nating labanan, at sa ano nakasalalay ang ating tagumpay?
15 Upang mailigtas tayo mula sa Diyablo, dapat nating labanan ang impluwensiya ng balakyot na mga puwersang espiritu. Ang tagumpay laban sa gayong mga kaaway ay nakasalalay sa pagsusuot natin ng “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.” (Efeso 6:11-18) Kabilang sa kagayakang pandigmang ito “ang baluti ng katuwiran.” (Efeso 6:14) Sumuway sa Diyos si Haring Saul ng sinaunang Israel at nawala sa kaniya ang banal na espiritu. (1 Samuel 15:22, 23) Ngunit kung nagsasagawa tayo ng katuwiran at suot natin ang buong espirituwal na kagayakang pandigma, matatamo natin ang banal na espiritu ng Diyos at ang kinakailangang proteksiyon laban kay Satanas at sa kaniyang balakyot na mga anghel, ang mga demonyo.—Kawikaan 18:10.
16. Paano natin patuloy na maipagsasanggalang ang ating sarili laban sa balakyot na mga puwersang espiritu?
16 Upang patuloy nating maipagsanggalang ang ating sarili laban sa balakyot na mga puwersang espiritu, kailangan din nating regular na basahin at pag-aralan ang Salita ng Diyos, at lubusang gamitin ang mga publikasyong inilalaan ng “tapat na katiwala.” (Lucas 12:42) Sa gayon, pinupunô natin ang ating isip ng kapaki-pakinabang na espirituwal na mga bagay, kasuwato ng payo ni Pablo: “Mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
17. Ano ang tutulong sa atin na maging mabisang mga tagapaghayag ng mabuting balita?
17 Tinutulungan tayo ni Jehova upang ang ating ‘mga paa ay magkaroon ng suot na panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan.’ (Efeso 6:15) Sinasangkapan tayo ng regular na pakikibahagi sa mga Kristiyanong pagpupulong na ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kaylaking kagalakan ang natatamo natin sa pagtulong sa iba na matutuhan ang katotohanan ng Diyos at maranasan ang espirituwal na kalayaan! (Juan 8:32) Kailangang-kailangan “ang tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos,” para maipagsanggalang tayo sa huwad na mga turo at ‘maitiwarik ang mga bagay na matibay ang pagkakatatag.’ (Efeso 6:17; 2 Corinto 10:4, 5) Tinutulungan tayo ng mabisang paggamit sa nasusulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya, na maituro ang katotohanan at iniingatan tayo nito na huwag madaig ng mga pandaraya ng Diyablo.
18. Paano tayo ‘makatatayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo’?
18 Sinimulan ni Pablo ang kaniyang pagtalakay sa ating espirituwal na kagayakang pandigma sa pagsasabi: “Patuloy kayong magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan. Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:10, 11) Ang salitang Griego na isinaling ‘tumayong matatag’ ay may kinalaman sa pananatili ng isang kawal sa kaniyang puwesto. Nananatili tayong matatag sa espirituwal na pakikipagdigma, sa kabila ng iba’t ibang tusong pamamaraan na ginagamit ni Satanas upang guluhin ang ating pagkakaisa, pasamain ang ating mga turo, o sirain ang ating katapatan sa Diyos. Ngunit hindi pa rin nagtatagumpay ang mga pagsalakay ng Diyablo—at hindi kailanman magtatagumpay ang mga ito!a
Salansangin ang Diyablo, at Tatakas Siya
19. Ano ang isang paraan upang patatagin ang ating sarili sa pagsalansang sa Diyablo?
19 Maaari tayong magtagumpay sa ating espirituwal na pakikipagdigma laban sa Diyablo at sa balakyot na mga puwersang espiritung nasa kontrol niya. Walang dahilan para manginig tayo sa takot kay Satanas, sapagkat isinulat ng alagad na si Santiago: “Magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” (Santiago 4:7) Ang isang paraan upang patatagin ang ating sarili sa pagsalansang kay Satanas at sa balakyot na mga nilalang na espiritu na nakikipagtulungan sa kaniya ay ang hindi pakikisangkot sa okultismo o sa mga gawaing mahika at sa mga nakikibahagi rito. Maliwanag na ipinakikita ng Kasulatan na dapat tanggihan ng mga lingkod ni Jehova ang paghahanap ng mga palatandaan o ang pakikibahagi sa astrolohiya, panghuhula, at espiritismo. Kung aktibo tayo at malakas sa espirituwal, hindi tayo dapat matakot na may kukulam sa atin.—Bilang 23:23; Deuteronomio 18:10-12; Isaias 47:12-15; Gawa 19:18-20.
20. Paano natin masasalansang ang Diyablo?
20 ‘Sinasalansang natin ang Diyablo’ sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pamantayan at mga katotohanan ng Bibliya at paninindigang matatag laban sa kaniya. Ang sanlibutan ay kaisa ni Satanas dahil siya ang diyos nito. (2 Corinto 4:4) Kaya naman tinatanggihan natin ang mga ugali ng mga nasa sanlibutan, tulad ng pagmamapuri, pagkamakasarili, pagiging imoral, marahas, at materyalistiko. Alam natin na noong tuksuhin niya si Jesus sa iláng, tumakas ang Diyablo nang salansangin siya ni Jesus sa pamamagitan ng paggamit ng Kasulatan. (Mateo 4:4, 7, 10, 11) Gayundin naman, madaraig natin si Satanas at ‘tatakas siya mula sa atin’ kung lubusan tayong magpapasakop kay Jehova at may-pananalanging mananalig sa Kaniya. (Efeso 6:18) Sa tulong ng Diyos na Jehova at ng kaniyang minamahal na Anak, walang sinumang makapagdudulot sa atin ng namamalaging pinsala—wala, kahit pa ang Diyablo!—Awit 91:9-11.
[Talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa espirituwal na kagayakang pandigma mula sa Diyos, tingnan Ang Bantayan, Mayo 15, 1992, pahina 21-3.
Ano ang Iyong Tugon?
• Dapat ba tayong matakot kay Satanas na Diyablo?
• Bakit pinag-uusig ni Satanas ang mga Kristiyano?
• Bakit natin idinadalangin na mailigtas tayo mula sa “isa na balakyot”?
• Paano tayo magtatagumpay sa espirituwal na pakikipagdigma?
[Larawan sa pahina 26]
Napatunayang tapat hanggang kamatayan ang walang-takot na mga tagasunod ni Kristo noong sinaunang panahon
[Larawan sa pahina 27]
Hindi kayang pigilan ng Diyablo ang pagkabuhay-muli ng mga nasa alaala ni Jehova
[Larawan sa pahina 28]
Nananalangin ka ba na mailigtas ka mula sa “isa na balakyot”?
[Larawan sa pahina 29]
Suot mo ba “ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos”?