Matuto ng Pagsunod sa Pamamagitan ng Pagtanggap ng Disiplina
GUNIGUNIHIN na ikaw ay nakatayo sa taluktok ng dalisdis ng isang matayog na bundok taglay ang pagkadama na ikaw ay literal na nasa taluktok ng daigdig. Anong nakagagalak na pagkadama ng kalayaan!
Subalit ang iyong kalayaan ay talaga namang medyo limitado. Ang batas ng gravity ang talagang pumipigil ng bawat kilos mo; ang isang maling hakbang ay magbubunga ng kapahamakan. Sa kabilang panig, lubhang kasiya-siyang maalaman na ang mismong batas na iyan ng gravity ang sanhi upang huwag kang lumutang-lutang sa malayong kalawakan. Samakatuwid ang batas ay maliwanag na para sa iyong sariling ikabubuti. Ang pagtanggap sa ginagawa nitong paglalagay ng limitasyon sa iyong kilos doon sa taluktok ng bundok ay kapaki-pakinabang, nagliligtas-buhay pa nga.
Oo, kung minsan ang mga batas at ang pagsunod sa mga iyan ay maaaring maglagay ng limitasyon sa ating kalayaan, subalit dahilan ba lamang dito ay hindi na kanais-nais ang maging masunurin?
Ang Pananaw ng Diyos Tungkol sa Pagsunod
Bilang ang “Dakilang Maylikha,” si Jehova “ang bukal ng buhay.” Kaya naman lahat ng kaniyang mga nilalang ay may katuwirang sumunod sa kaniya. Sa pagpapakita ng tamang saloobin, ang salmista ay sumulat: “Tayo’y magsisamba at magsiyukod; tayo’y magsiluhod sa harap ni Jehova na Maylalang sa atin. Sapagkat siya’y ating Diyos, at tayo’y bayan ng kaniyang pastulan, at mga tupa ng kaniyang kamay.”—Eclesiastes 12:1; Awit 36:9; 95:6, 7.
Sa mula’t sapol ang kaniyang mga nilalang ay hinilingan na ni Jehova ng pagsunod. Ang patuloy na pagiging buháy ni Adan at ni Eva sa Paraiso ay depende sa pagsunod. (Genesis 2:16, 17) Ang pagsunod ay inaasahan din naman sa mga anghel, kahit na sila ay isang nakatataas na anyo ng buhay kaysa mga tao. Dahilan sa ang ilan sa mga espiritung nilalang na ito ay “masuwayin nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe,” sila’y pinarusahan sa pamamagitan ng pagtatapon sa kanila sa “mga bangin ng masalimuot na kadiliman upang ilaan sa paghuhukom.”—1 Pedro 3:19, 20; 2 Pedro 2:4.
Sa malinaw na pananalita, ang pangmalas ng Diyos sa pagsunod ay isa itong kahilingan para kamtin ang kaniyang pagsang-ayon. Ating mababasa: “Natutuwa kaya si Jehova sa mga handog na susunugin at sa mga hain na gaya sa pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay maigi kaysa hain, at ang pakikinig kaysa taba ng mga tupang lalaki.”—1 Samuel 15:22.
Iyon ay Kailangang Matutuhan—Bakit at Papaano
Ang pagsunod ay humahantong sa isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos, kaya anong pagkahala-halaga nga na ating matutuhan iyon! Tulad ng pagkatuto ng isang wikang banyaga, ang ugaling pagkamasunurin ay maaaring matutuhan pagka tayo ay bata pa. Kaya naman idiniriin ng Bibliya ang pagsasanay ng mga anak mula sa kanilang pagkasanggol.—Josue 8:35.
Ang ilang mga makabago ay sumasalungat sa pananaw ng Bibliya, sinasabing ang paghiling na ang mga bata’y maging masunurin ay nakakatulad ng paghalay sa kaisipan. Kanilang ikinakatuwiran na ang mga bata ay kailangang payagang magpaunlad ng kanilang sariling personal na mga idea at mga pamantayan na susundin nila sa buhay nang hindi sila pinanghihimasukan ng mga nakatatanda.
Subalit noong dekada ng 1960 nang maraming magulang ang may ganitong pananaw, si Wilhelm Hansen, lektyurer, editor, at propesor ng sikolohiya, ay hindi sumang-ayon. Siya’y sumulat: “Para sa isang bata na nasa maagang yugto ng paglaki, sa panahon na ang kaugnayan nito sa mga magulang ay hindi pa matatag, ang ‘masama’ ang ibinabawal ng mga magulang at ang ‘mabuti’ ang kanilang inirerekomenda o ipinupuri. Ang pagsunod lamang, samakatuwid, ang umaakay sa bata sa daan ng moralidad at ng pangunahing mga katangian na sa pag-iral niyaon dumidepende ang kaniyang kaugnayan sa kaayusang moral.”—Ihambing ang Kawikaan 22:15.
Idiniriin ng Salita ng Diyos ang pangangailangan na matuto ng pagsunod. Ating mababasa: “Batid ko, OH PANGINOON, na ang mga lakad ng tao ay hindi sa kaniyang sariling pagpapasiya; ni para sa isang tao na magpasiya ng kaniyang landasin sa buhay.” (Jeremias 10:23, The New English Bible) Ang kasaysayan ay punô ng mga halimbawa na kung saan mga tao ang bumalangkas ng kanilang sariling landasin sa buhay ayon sa personal na pamantayan at sila’y napasadlak sa malulubhang mga suliranin dahilan sa paggawa ng gayon. Bakit ito napakadalas na mangyari? Sapagkat ang mga tao ay kulang ng kaalaman, karunungan, at kaunawaan sa pagbalangkas ng kanilang landasin sa buhay nang walang tutulong sa kanila. Ang lalong malubha ay, sila’y may namanang hilig na gumawa ng maling mga desisyon. Karaka-raka pagkatapos ng Baha, sinabi ni Jehova tungkol sa tao: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama mula pa sa kaniyang pagkabata.”—Genesis 8:21.
Samakatuwid, walang sinuman na nagmamana ng hilig na sumunod kay Jehova. Kailangang ituro natin ito sa ating mga anak at patuloy na matuto nito sa buong buhay natin. Bawat isa sa atin ay kailangang paunlarin ang kalagayan ng puso na kagaya ng kay Haring David, na sumulat: “Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan, at ituro mo sa akin, sapagkat ikaw ay Diyos ng aking kaligtasan. Sa iyo’y naghihintay ako buong araw.”—Awit 25:4, 5.
Ituro ang Pagsunod sa Pamamagitan ng Pagiging Masunurin
Ang ina at ama-amahan ni Jesus ay may malaking kabatiran tungkol sa mga kalagayang sinilangan ni Jesus. Kaya kanilang natalos na siya’y gaganap ng isang mahalagang bahagi sa katuparan ng mga layunin ni Jehova. (Ihambing ang Lucas 1:35, 46, 47.) Sa kaso nila ang mga salitang “Narito! Isang mana kay Jehova ang mga anak” ay may natatanging kahulugan. (Awit 127:3) Lubusang kinilala nila ang kanilang kaylaki-laking pananagutan at sa gayo’y agad nilang sinunod ang banal na mga tagubilin, tulad halimbawa nang sila ay pagsabihang tumakas tungo sa Ehipto o nang bandang huli pumaroon sa Galilea.—Mateo 2:1-23.
Kinilala rin ng mga magulang ni Jesus ang kanilang pananagutan kung tungkol sa disiplina. Totoo, sa panahon ng kaniyang pag-iral bago naging tao, si Jesus sa tuwina ay masunurin. Subalit samantalang narito sa lupa, siya’y natutong maging masunurin sa ilalim ng lubusang bagong mga kalagayan. Unang-una, siya’y kinailangang tumalima sa di-sakdal na mga magulang sapagkat kahit na ang isang sakdal na bata ay nangangailangan ng disiplina sa anyo ng turo at edukasyon. Ito’y naibigay ng kaniyang mga magulang. Ang disiplina sa anyo ng pagpaparusa, sa kabilang panig, ay hindi kinailangan. Laging sumusunod si Jesus; hindi na kailangang sabihin sa kaniya ang isang bagay nang makalawa. Mababasa natin: “Nang magkagayo’y umuwi siya kasama nila [ng kaniyang mga magulang] sa Nasaret at naging masunurin sa kanila.”—Lucas 2:51, Phillips.
Alam din nina Jose at Maria kung papaano tuturuan si Jesus sa pamamagitan ng halimbawa. Mababasa natin, bilang halimbawa, na “ang kaniyang mga magulang ay nahirating pumaroon taun-taon sa Jerusalem para sa kapistahan ng Paskwa.” (Lucas 2:41) Sa pagsasaayos na isama ang kaniyang pamilya, ipinakita ni Jose na siya’y interesado sa kanilang espirituwal na kapakanan at siya’y taimtim sa pagsamba kay Jehova. Sa katulad na mga paraan, ang mga magulang sa pamamagitan ng kanilang sariling pagkamasunurin kung tungkol sa pagsamba ay makapagtuturo ng pagiging masunurin sa kanilang mga anak ngayon.
Dahilan sa mainam na pagkadisiplina na ginawa ni Jose at ni Maria, “si Jesus ay nagpatuloy ng paglaki sa karunungan at sa pangangatawan at sa pagbibigay-lugod sa Diyos at sa mga tao.” Anong inam na halimbawa para sa mga magulang na Kristiyano na sundin sa ngayon!—Lucas 2:52.
“Masunurin . . . sa Lahat ng Bagay”
“Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay lubhang nakalulugod sa Panginoon.” (Colosas 3:20) Si Jesus ay maaaring maging masunurin sa kaniyang mga magulang sa lahat ng bagay sapagkat ang kanilang pagsunod kay Jehova ay pumigil sa kanilang paghiling kay Jesus—o sa kaniyang mga kapatid sa ina—ng anumang labag sa kalooban ni Jehova.
Maraming magulang sa ngayon ang matagumpay rin sa pagtuturo sa kanilang mga anak upang maging masunurin sa lahat ng bagay. Pakinggan ang tatlong ama, na, ngayong tapos na ang mga araw ng pagpapalaki nila sa kanila, ay kasalukuyang naglilingkod sa isang sangay ng Samahang Watch Tower.
Si Theo ay nagbibida tungkol sa kung papaano nila pinalaking mag-asawa ang limang anak na lalaki. Ang sabi niya: “Mahalaga na ipaalam sa mga bata sa mula’t sapol na tayong malalaki na ay nagkakamali rin. Nakalulungkot nga, ating nauulit pa man din ang mga ito at palaging kailangang humingi tayo ng kapatawaran at tulong buhat sa ating makalangit na Ama. Sadyang hinayaan nating makita ng ating mga anak kung papaano sila nakikipagpunyagi sa mga kabalisahan ng kabataan, tayo naman ay nakikipagpunyagi sa mga kabalisahan ng mga maygulang na.”
Kung nais matuto ang isang bata ng pagsunod, kailangan ang isang maibiging relasyon sa pagitan niya at ng kaniyang mga magulang. Ganito ang sabi ni Hermann tungkol sa kaniyang maybahay: “Hindi lamang siya ina ng mga batang lalaki kundi kaibigan din nila. Ito’y kanilang pinahalagahan, kaya hindi mahirap para sa kanila na maging masunurin.” Pagkatapos na isusog ang isang mapakikinabangang payo sa kung papaano mapahuhusay pa ang relasyon ng magulang sa anak, ganito ang sabi niya: “Sinadya namin na sa loob ng maraming taon ay huwag gumamit ng isang makina sa paghuhugas ng pinggan, kaya ang mga pinggan ay kinailangang hugasan at punasan ng kamay. Ang aming mga anak na lalaki ang inatasan na magpunas, na may kani-kaniyang turno. Wala nang pinakamainam na panahon kundi ito para sa impormal na pag-uusap-usap.”
Ang isang may-pagmamahalang relasyon ng magulang at anak ay nagsisilbing isang modelo para sa relasyon ng isang Kristiyano kay Jehova. Ipinaliliwanag ni Rudolf kung papaano sila ng kaniyang maybahay ay nakatulong sa kanilang dalawang anak na lalaki na magtatag ng gayong relasyon: “Ang naging batayan namin ay isang regular na pag-aaral ng pamilya. Aming inatasan ang mga bata na gumawa ng pananaliksik sa ilang mga naaangkop na paksa. Kami’y sama-sama rin na nagbabasa ng Bibliya at pagkatapos ay tatalakayin ang materyal. Nakita ng aming mga anak na inaasahan ni Jehova na magiging masunurin ang mga magulang, hindi lamang ang mga anak.”
Natatalos ng mga magulang na Kristiyano na ang kinasihang tekstong “Ang mga saway ng disiplina ang daan ng buhay” ay kumakapit sa kanila at pati na rin sa kanilang mga anak. Kaya samantalang obligado ang mga anak na maging masunurin sa kanilang mga magulang sa lahat ng bagay, ang mga magulang ay kailangang maging masunurin din sa lahat ng bagay na hinihiling sa kanila ni Jehova. Bukod sa pinatitibay ang relasyon ng magulang at anak, ang mga magulang at ang mga anak ay maghahangad na patibayin ang kanilang kaugnayan sa Diyos.—Kawikaan 6:23.
Maging Positibo ang Pananaw Tungkol sa Pagsunod
Anong laki ng ating pasasalamat na ang Salita ng Diyos ay nagbibigay ng gayong praktikal na payo tungkol sa pagpapalaki sa mga anak! (Tingnan ang kahon.) Ang mga anak na natututo ng pagsunod buhat sa mga magulang na dumidisiplina sa kanila sa katuwiran ay isang tunay na pinagmumulan ng kagalakan para sa buong kapatirang Kristiyano.
Yamang ang pagsunod sa Diyos ay nangangahulugan ng buhay, iwasan natin na isipin man lamang ang pag-aalis ng paghihigpit na iniuutos ng Diyos na gawin sa ating personal na kalayaan—kahit saglit. Gunigunihin, halimbawa, na sandaling maaalis natin ang batas ng gravity. Anong laki ng ating mararanasang katuwaan sa pagpapailanlang buhat sa taluktok ng bundok hanggang sa himpapawid na walang nakahahadlang sa ating kalayaan! Ngunit ano ang mangyayari minsang bumalik na sa normal ang mga bagay-bagay? Isip-isipin ang pinsalang daranasin natin sa pagbagsak!
Ang pagkatutong sumunod sa pamamagitan ng pagtanggap ng disiplina ay tumutulong sa pag-unlad ng isang timbang na personalidad at sa pagkakilala sa ating mga limitasyon. Ito’y tumutulong sa atin na iwasan ang pagiging mapaghanap at di-sensitibo sa mga karapatan at pangangailangan ng iba. Ito’y tumutulong sa atin na iwasan ang mapalulong sa kawalang kasiguruhan. Sa maikling pangungusap, ang bunga nito ay kaligayahan.
Kaya isa ka mang adulto o isang bata, matutong sumunod sa pamamagitan ng pagtanggap ng disiplina upang “mapabuti ka” at upang “mabuhay ka nang mahabang panahon sa lupa.” (Efeso 6:1-3) Sino ba ang magnanais na isapanganib ang kaniyang pag-asang mabuhay magpakailanman ng dahil sa hindi pagkatutong sumunod dahilan sa hindi pagtanggap sa disiplina?—Juan 11:26.
[Kahon sa pahina 29]
MGA MAGULANG, ITURO ANG PAGSUNOD SA PAMAMAGITAN NG PAGDISIPLINA AYON SA KATUWIRAN
1. Magdisiplina salig sa maka-Kasulatang mga batas at mga simulain.
2. Magdisiplina hindi lamang sa pamamagitan ng pag-uutos na maging masunurin kundi ng pagpapaliwanag kung bakit ang pagsunod ang landas ng karunungan.—Mateo 11:19b.
3. Huwag magdisiplina nang may kasamang galit at pambubulyaw.—Efeso 4:31, 32.
4. Magdisiplina taglay ang init ng isang mapagmahal at may malasakit na ugnayan.—Colosas 3:21; 1 Tesalonica 2:7, 8; Hebreo 12:5-8.
5. Magdisiplina sa mga anak mula pa sa pagkasanggol.—2 Timoteo 3:14, 15.
6. Magdisiplina nang paulit-ulit at hindi pabagu-bago.—Deuteronomio 6:6-9; 1 Tesalonica 2:11, 12.
7. Magdisiplina muna sa iyong sarili at sa gayo’y magturo sa pamamagitan ng halimbawa.—Juan 13:15; ihambing ang Mateo 23:2, 3.
8. Magdisiplina taglay ang lubos na pagtitiwala kay Jehova, sa panalangin ay hinihiling na tulungan ka.—Hukom 13:8-10.
[Larawan sa pahina 28]
“Ang mga saway ng disiplina ang daan ng buhay”