IMBAKANG-TUBIG
[sa Ingles, cistern].
Isang artipisyal na hukay sa ilalim ng lupa na kadalasang ginagamit noon para sa pag-iipon ng tubig. Di-tulad ng mga balon na hinuhukay upang makuha ang tubig na likas na lumalabas sa ilalim ng lupa, ang mga imbakang-tubig ay kadalasang dinisenyo bilang sahuran at tipunan ng tubig-ulan o ng tubig na dumadaloy mula sa mga bukal. Di-gaya ng mga tipunang-tubig [sa Ingles, pool] na walang takip, kadalasang tinatakpan ang mga ito sa ibabaw. Ang salitang Hebreo na bohr, isinalin bilang “imbakang-tubig,” ay isinasalin din bilang “balon” (sa Ingles, waterpit), lalo na kung lumilitaw na wala itong tubig (Gen 37:20-29; 2Sa 23:20), bilang “bilangguang lungaw” kung ginagamit ito sa gayong layunin (Gen 40:15), at bilang “hukay” kapag ito ay tumutukoy sa o katumbas ng “Sheol” (Aw 30:3; Kaw 1:12; Eze 31:14, 16).
Napakahalaga ng mga imbakang-tubig sa Lupang Pangako. Kalimitan nang ang mga ito lamang ang mapagkukunan ng sapat na suplay ng tubig, sapagkat kakaunti ang mga balon at mga bukal sa bulubunduking lupain at, kung may makita man, madalas ay natutuyuan naman ang mga ito sa pagtatapos ng tag-araw. Dahil sa gawang-taong mga imbakang-tubig, naging posible pa nga na magkaroon ng mga nayon sa mga lugar na kakaunti ang suplay ng tubig, halimbawa ay sa Negeb. Bilang pagbibigay-katiyakan, ipinangako ni Jehova sa kaniyang bayan na makasusumpong sila ng mga imbakang-tubig na hukáy na pagpasok nila sa Lupang Pangako. (Deu 6:10, 11; Ne 9:25) Binabanggit na si Haring Uzias ay humukay ng “maraming imbakang-tubig” sa buong Juda. (2Cr 26:1, 10) Mula sa mataas na Galilea pababa hanggang sa Negeb, literal na libu-libo ang imbakang-tubig, at marami sa mga ito ang natuklasan, anupat mistulang bahay-pukyutan sa dami sa ilang bahagi ng kalupaang iyon. Waring minamabuti noon ng bawat sambahayan na magkaroon ng sarili nitong imbakang-tubig, kahit ng mga Moabita. Ayon sa Batong Moabita, na inukit noong ikasiyam na siglo B.C.E., sinabi ni Haring Mesa: “Walang imbakang-tubig sa loob ng bayan ng Qarhoh, kaya sinabi ko sa lahat ng taong-bayan, ‘Gumawa ang bawat isa sa inyo ng sarili niyang imbakang-tubig sa kani-kaniyang bahay!’” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 320) Sinikap naman ni Senakerib na hikayating sumuko ang mga tumatahan sa Jerusalem anupat nangako siya na kung gagawin nila iyon, ‘iinumin ng bawat isa ang tubig ng kaniyang sariling imbakang-tubig.’—2Ha 18:31; Isa 36:16.
Noon, karaniwan nang hinuhukay sa bato ang mga imbakang-tubig. Kung ang bato ay taganas at walang mga bitak, hindi gaanong problema ang pagtagas ng tubig, ngunit kung ito’y di-siksik na batong-apog na siyang bumabalot sa kalakhang bahagi ng Palestina, kailangang palitadahan ang loob ng imbakang-tubig upang hindi ito tumagas. Ang mga imbakang-tubig na hinukay sa lupa ay nilalatagan naman ng laryo o ng bato at pagkatapos ay pinapalitadahan upang maging solido ang mga dingding nito. Karaniwan nang hugis-peras ang mga imbakang-tubig na ito, anupat mas maluwang sa ilalim at papakipot sa bandang itaas; kung minsan, ang pinakabibig ng mga ito ay isa o dalawang piye lamang ang diyametro. Kapag inayos o pinalaki ang likas na mga yungib upang magsilbing mga imbakang-tubig, mga katutubong bato ang hinahayaang magsilbing mga haligi na susuhay sa pinakabubong ng mga ito, o gaya sa ilang imbakang-tubig na natuklasan sa Negeb, nagtatayo ng mga arko sa loob ng mga ito bilang suhay. Sa mga lagusan na nasa dalisdis ng burol dumaraan ang tubig-ulan patungo sa imbakan ng tubig sa ilalim ng lupa.
Sa Eclesiastes 12:6, binabanggit ang “gulong ng panalok para sa imbakang-tubig,” ngunit kadalasang sinasalok noon ang tubig sa pamamagitan ng mga bangang nakabitin sa mga lubid. Kung minsan ay nababasag ang mga bangang ito at ito ang dahilan kung bakit may natatagpuang mga bibinga ng mga kagamitang luwad sa ilalim ng karamihan sa mga imbakang-tubig. Walang alinlangan na isang dahilan kung bakit marami sa mga ito ang bahagyang punô ng lupa ay ang sinaunang kaugalian na maghagis ng lupa sa imbakang-tubig na may di-sariwa o maruming tubig upang patiningin ang linab. Sa paanuman ay nakatulong ang mga takip sa ibabaw ng mga bukasan ng mga ito upang huwag marumhan ang tubig at upang huwag mahulog doon ang mga tao o mga hayop, bagaman hindi nagiging marumi sa seremonyal na paraan ang tubig sakaling di-sinasadyang mahulog doon ang isang bangkay; gayunman, ang isang tao na hahango sa bangkay ay magiging marumi. (Exo 21:33; Lev 11:35, 36) Karagdagan pa, ang takip ng imbakang-tubig ay nakatulong upang manatiling malamig ang tubig at mabawasan ang ebaporasyon nito. (Jer 6:7) Ang ilang malalaking imbakang-tubig ay may higit sa isang bukasan kung saan maaaring sumalok ng tubig. Sa mga imbakang-tubig na pagkalaki-laki at pagkalalim-lalim, may mga hagdang pababa sa mga ito na hanggang 30 m (100 piye) o mahigit pa.
Iba Pang Pagkagamit. Sa ilang pagkakataon, ginamit ang mga imbakang-tubig sa ibang layunin at hindi bilang tipunan ng tubig. Sa mga tuyong lokasyon, at kapag hindi mapapasok ang mga ito ng halumigmig, mga daga, at mga insekto, ang mga ito ay nagsilbing maiinam na imbakan para sa mga butil, anupat hindi rin madaling mahalata ng mga magnanakaw ang mga ito; lumilitaw na ang ilang imbakang-tubig na natagpuan sa kalupaang walang likas na pinagmumulan ng tubig ay pantanging ginawa bilang mga imbakan ng butil. Kung minsan, ginagamit na bilangguan ang mga imbakang-tubig na walang laman. (Zac 9:11) Sa gayong uri ng balon inihulog si Jose ng kaniyang mga kapatid (Gen 37:20-24), at nang maglaon ay inilagay siya sa isang bilangguang lungaw (sa literal, “imbakang-tubig”) sa Ehipto. (Gen 40:15, tlb sa Rbi8; 41:14) Ang ikasampung salot sa Ehipto ay umabot “hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguang lungaw [sa literal, “bahay ng imbakang-tubig”].” (Exo 12:29) Ibinilanggo si Jeremias sa “bahay ng imbakang-tubig” at nang maglaon ay inihagis siya sa isang malusak na hukay. (Jer 37:16; 38:6-13) Minsan, noong tumatakas ang mga Israelita mula sa mga Filisteo, ang ilan ay nagtago sa mga imbakang-tubig (mga balon), at noong isang pagkakataon naman, naging libingan ng 70 bangkay ang malaking imbakang-tubig ni Asa. (1Sa 13:6; Jer 41:4-9) Dahil sa pagkapermanente ng mga ito, ang ilang imbakang-tubig ay nagsilbing heograpikong mga palatandaan.—1Sa 19:22; 2Sa 3:26; 2Ha 10:14.
Makasagisag na Paggamit. Ang “imbakang-tubig” ay ginamit sa makasagisag na paraan sa dalawang natatanging talata. Sinabi ni Jehova na ang mga taong nagtakwil sa kaniya anupat umasa sa iba ukol sa proteksiyon at tulong ay, sa katunayan, umiwan sa “bukal ng tubig na buháy, upang humukay para sa kanilang sarili ng mga imbakang-tubig, mga imbakang-tubig na sira, na hindi makapaglalaman ng tubig.” (Jer 2:13, 18) Bilang payo na maging matapat sa sariling asawa, sinabi ni Solomon: “Uminom ka ng tubig mula sa iyong sariling imbakang-tubig.”—Kaw 5:15.