Genesis
37 Si Jacob ay patuloy na nanirahan sa lupain ng Canaan, kung saan tumira ang kaniyang ama bilang dayuhan.+
2 Ito ang kasaysayan ni Jacob.
Nang si Jose+ ay 17 taóng gulang, kasama niyang nag-aalaga ng mga tupa+ ang mga anak nina Bilha+ at Zilpa,+ na mga asawa ng kaniyang ama. At isinumbong ni Jose sa kanilang ama ang ginagawa ng mga ito. 3 Mas mahal ni Israel si Jose kaysa sa lahat ng iba pa niyang anak+ dahil naging anak niya ito noong matanda na siya, at pinagawan niya ito ng espesyal na damit.* 4 Nang makita ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama kaysa sa kanila, napoot sila sa kaniya, at hindi nila siya kayang kausapin nang payapa.
5 Nang maglaon, nanaginip si Jose at sinabi ito sa mga kapatid niya,+ kaya lalo pa silang napoot sa kaniya. 6 Sinabi niya sa kanila: “Pakisuyo, pakinggan ninyo ang panaginip ko. 7 Nagtatali raw tayo ng mga tungkos sa gitna ng bukid nang tumayo nang tuwid ang tungkos ko at pumalibot ang mga tungkos ninyo at yumukod sa tungkos ko.”+ 8 Sinabi ng mga kapatid niya: “Sinasabi mo bang maghahari ka sa amin at magpupuno ka sa amin?”+ Kaya may dahilan na naman sila para mapoot sa kaniya dahil sa panaginip niya at sa sinabi niya.
9 Pagkatapos, nanaginip ulit siya at sinabi sa mga kapatid niya: “Nanaginip ulit ako. Yumuyukod daw sa akin ang araw, buwan, at 11 bituin.”+ 10 Ikinuwento niya iyon sa kaniyang ama at mga kapatid, at sinaway siya ng kaniyang ama: “Ano ang ibig sabihin ng panaginip mong iyan? Ako ba, pati ang iyong ina at mga kapatid, ay talagang yuyukod sa lupa sa harap mo?” 11 At nainggit ang mga kapatid niya sa kaniya,+ pero tinandaan ng kaniyang ama ang sinabi niya.
12 At dinala ng mga kapatid niya ang kawan ng kanilang ama para manginain malapit sa Sikem.+ 13 Pagkatapos, sinabi ni Israel kay Jose: “Hindi ba pinapastulan ng mga kapatid mo ang mga kawan malapit sa Sikem? Puntahan mo sila.” Sumagot ito: “Opo, Ama!” 14 Sinabi pa niya: “Pakisuyo, tingnan mo kung maayos ang kalagayan ng mga kapatid mo, pati ng kawan, at bumalik ka at balitaan mo ako.” Kaya mula sa lambak* ng Hebron,+ pinapunta niya ito sa Sikem. 15 At habang naglalakad si Jose sa parang, nakita siya ng isang lalaki. Tinanong siya nito: “Ano ang hinahanap mo?” 16 Sumagot siya: “Hinahanap ko ang mga kapatid ko. Alam po ba ninyo kung saan nila pinapastulan ang mga kawan?” 17 Sinabi ng lalaki: “Wala na sila rito. Narinig kong sinabi nila, ‘Pumunta tayo sa Dotan.’” Kaya sinundan ni Jose ang mga kapatid niya at nakita sila sa Dotan.
18 Nakita nila siya mula sa malayo, at bago pa siya makalapit sa kanila, nagplano na silang patayin siya. 19 Sinabi nila sa isa’t isa: “Nandiyan na ang mahilig managinip.+ 20 Patayin natin siya at itapon sa isa sa mga balon, at sabihin natin na nilapa siya ng mabangis na hayop. Tingnan natin ngayon kung ano ang mangyayari sa mga panaginip niya.” 21 Nang marinig ito ni Ruben,+ sinikap niyang iligtas siya. Kaya sinabi niya: “Huwag natin siyang patayin.”+ 22 Sinabi pa ni Ruben: “Huwag kayong papatay.+ Itapon ninyo siya sa balon sa ilang pero huwag ninyo siyang sasaktan.”*+ Dahil gusto niya siyang iligtas para maiuwi sa ama niya.
23 Nang makarating si Jose sa mga kapatid niya, hinubad nila ang damit ni Jose, ang suot niyang espesyal na damit,+ 24 at dinala nila siya at itinapon sa balon. Walang tubig noon ang balon.
25 At umupo sila para kumain. Pagkatapos, nakita nilang may paparating na isang grupo ng mga Ismaelita+ mula sa Gilead. Ang mga kamelyo ng mga ito ay may kargang ladano,* balsamo, at madagtang balat ng puno,+ at papunta ang mga ito sa Ehipto. 26 Kaya sinabi ni Juda sa mga kapatid niya: “Ano ang mapapala natin kung papatayin natin ang ating kapatid at pagtatakpan ang ginawa natin?+ 27 Ibenta na lang natin siya+ sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang saktan. Tutal, kapatid natin siya, kadugo natin.”* Kaya nakinig sila sa kapatid nila. 28 At pagdaan ng mga negosyanteng Midianita,+ iniahon nila si Jose mula sa balon at ipinagbili siya sa mga Ismaelita sa halagang 20 pirasong pilak.+ Dinala ng mga ito si Jose sa Ehipto.
29 Nang bumalik si Ruben sa balon at makitang wala na roon si Jose, pinunit niya ang kaniyang mga damit. 30 Nang bumalik siya sa mga kapatid niya, sinabi niya: “Wala na ang bata! At ako—ano na ang gagawin ko?”
31 Kaya kinuha nila ang damit ni Jose, pumatay sila ng lalaking kambing, at isinawsaw nila ang damit sa dugo. 32 Pagkatapos, ipinadala nila ang espesyal na damit sa kanilang ama at ipinasabi: “Nakita namin ito. Pakisuyo, tingnan ninyo kung sa anak ninyo ang damit na ito o hindi.”+ 33 At tiningnan niya itong mabuti at sinabi: “Sa anak ko ang damit na ito! Malamang na nilapa siya ng mabangis na hayop! Tiyak na nagkaluray-luray si Jose!” 34 At pinunit ni Jacob ang mga damit niya, naglagay ng telang-sako sa baywang, at nagdalamhati nang maraming araw para sa kaniyang anak. 35 Sinusubukan siyang aliwin ng lahat ng kaniyang anak na lalaki at babae, pero tumatanggi siya at sinasabi niya: “Mamamatay ako*+ na nagdadalamhati para sa anak ko!” At patuloy na umiyak ang kaniyang ama dahil sa kaniya.
36 Pero ipinagbili siya ng mga Midianita kay Potipar na taga-Ehipto, isang opisyal sa palasyo ng Paraon+ at pinuno ng mga bantay.+