Ayon kay Lucas
21 Nang tumingin si Jesus, nakita niya ang mayayaman na naghuhulog ng abuloy nila sa mga kabang-yaman.+ 2 Pagkatapos, nakita niya ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang maliliit na barya na napakaliit ng halaga.+ 3 Sinabi niya: “Sinasabi ko sa inyo, mas malaki ang inihulog ng mahirap na biyudang ito kaysa sa lahat ng iba pa.+ 4 Dahil nag-abuloy silang lahat mula sa kanilang sobra, pero siya, kahit na kapos,* ay naghulog ng buong ikabubuhay niya.”+
5 Pagkatapos nito, habang may ilang tao na nag-uusap tungkol sa templo, kung gaano kagaganda ang ginamit na mga bato at ang inihandog na mga bagay na naroon,+ 6 sinabi ni Jesus: “Kung tungkol sa mga nakikita ninyo ngayon, darating ang panahon na walang matitirang magkapatong na bato rito. Lahat ay ibabagsak.”+ 7 Kaya tinanong nila siya: “Guro, kailan ba talaga mangyayari ang mga ito, at ano ang magiging tanda kapag magaganap na ang mga ito?”+ 8 Sinabi niya: “Mag-ingat kayo para hindi kayo mailigaw,+ dahil marami ang gagamit sa pangalan ko at magsasabi, ‘Ako siya,’ at, ‘Malapit na ang takdang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila.+ 9 Bukod diyan, kapag nakarinig kayo ng mga ulat ng digmaan at kaguluhan, huwag kayong matakot. Dahil kailangan munang mangyari ang mga ito, pero hindi pa darating agad ang wakas.”+
10 Sinabi pa niya sa kanila: “Maglalabanan ang mga bansa+ at mga kaharian.+ 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, gayundin ng mga epidemya+ at taggutom sa iba’t ibang lugar. Makakakita ang mga tao ng nakakatakot na mga bagay, at magkakaroon ng mga tanda na kitang-kita sa langit.
12 “Pero bago mangyari ang lahat ng ito, aarestuhin kayo ng mga tao at pag-uusigin kayo;+ dadalhin nila kayo sa mga sinagoga at bilangguan. Dadalhin nila kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador dahil sa pangalan ko.+ 13 Sa ganitong paraan, makapagpapatotoo kayo sa mga tao. 14 Kaya huwag ninyong pag-isipan* nang patiuna kung paano kayo sasagot,+ 15 dahil bibigyan ko kayo ng karunungan at ipaaalam ko sa inyo ang sasabihin ninyo, na hindi malalabanan o matututulan ng lahat ng kumokontra sa inyo.+ 16 Isa pa, ipaaaresto* kayo maging ng inyong mga magulang, kapatid, kamag-anak, at mga kaibigan, at papatayin ang ilan sa inyo,+ 17 at kapopootan kayo ng lahat ng tao dahil sa pangalan ko.+ 18 Pero walang isa mang buhok ang malalagas sa inyong ulo.+ 19 Dahil sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.+
20 “Kapag nakita ninyong napaliligiran ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo,+ kung gayon, makakatiyak kayong malapit na ang pagtitiwangwang sa kaniya.+ 21 Kaya ang mga nasa Judea ay tumakas na papunta sa mga kabundukan,+ ang mga nasa loob ng Jerusalem ay lumabas na, at ang mga nasa kalapít na mga lugar ay huwag nang pumasok sa kaniya, 22 dahil ito ay mga araw para sa paglalapat ng katarungan, para matupad ang lahat ng nakasulat. 23 Kaawa-awa ang mga nagdadalang-tao at nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon!+ Dahil magkakaroon ng matinding paghihirap sa lupain,* at paparusahan ang bayang ito. 24 At papatayin sila sa pamamagitan ng espada at dadalhing bihag sa lahat ng bansa;+ at ang Jerusalem ay tatapak-tapakan ng mga bansa* hanggang sa matapos* ang mga takdang panahon ng mga bansa.+
25 “Gayundin, magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan, at mga bituin.+ At sa lupa, magdurusa ang mga bansa, na hindi malaman ang gagawin dahil sa pag-ugong at pagngangalit ng dagat. 26 Ang mga tao ay mahihimatay sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na mangyayari sa lupa, dahil ang mga kapangyarihan ng langit ay mayayanig.+ 27 Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng tao+ na dumarating na nasa ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.+ 28 Pero kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo,* dahil nalalapit na ang kaligtasan ninyo.”
29 Kaya sinabi niya sa kanila ang ilustrasyong ito: “Pansinin ninyo ang puno ng igos at lahat ng iba pang puno.+ 30 Kapag nakita ninyong may usbong na ang mga ito, alam ninyo na malapit na ang tag-araw. 31 Sa katulad na paraan, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, makakatiyak kayong malapit na ang Kaharian ng Diyos. 32 Sinasabi ko sa inyo na ang henerasyong ito ay hindi lilipas hanggang sa mangyari ang lahat ng ito.+ 33 Ang langit at lupa ay maglalaho, pero ang mga salita ko ay hindi maglalaho.+
34 “Pero bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili para hindi mapabigatan ang inyong puso ng sobrang pagkain, sobrang pag-inom,+ at mga álalahanín sa buhay,*+ at bigla na lang dumating ang araw na iyon na gaya ng bitag at ikagulat ninyo.+ 35 Dahil darating ito sa lahat ng naninirahan sa buong lupa. 36 Kaya manatili kayong gisíng,+ na nagsusumamo sa lahat ng panahon+ para makaligtas kayo* mula sa lahat ng ito na kailangang maganap at makatayo kayo sa harap ng Anak ng tao.”+
37 Kaya sa araw ay nagtuturo siya sa templo, pero sa gabi ay umaalis siya sa lunsod at nananatili sa Bundok ng mga Olibo. 38 At lahat ng tao ay maagang pumupunta sa templo para makinig sa kaniya.