SAMARIA
[Pag-aari ng Liping Semer].
1. Ang lunsod na sinimulang itayo ni Haring Omri noong mga kalagitnaan ng ikasampung siglo B.C.E.; nagsilbi itong kabisera ng hilagang kaharian ng Israel sa loob ng mahigit 200 taon. Binili ni Omri kay Semer ang bundok na pinagtayuan ng lunsod na ito sa halagang dalawang talentong pilak, na katumbas ng $13,212. (1Ha 16:23, 24) Ang bundok at ang lunsod ay patuloy na tinawag sa pangalan ng dating may-ari nito.—Am 4:1; 6:1.
Lokasyon. Ipinapalagay na ang Samaria ay ang mga guho na tinatawag na Shomeron na karatig ng Arabeng nayon ng Sabastiya, mga 55 km (34 na mi) sa H ng Jerusalem, at 11 km (7 mi) sa HK ng Sikem. Ito’y nasa teritoryo ng Manases. Nang ilarawan ang Samaria bilang “ulo” ng Efraim, tumutukoy ito sa posisyon nito bilang kabisera ng sampung-tribong kaharian, anupat ang Efraim ang pangunahing tribo ng kahariang iyon. (Isa 7:9) Ang Samaria ay malapit sa, kung hindi man kapareho ng lokasyon ng, “Samir sa bulubunduking pook ng Efraim,” ang bayan ni Hukom Tola, na naglingkod noong panahon ng mga Hukom.—Huk 10:1, 2.
Ang halos patag na taluktok ng burol ng Samaria, mga 2 km (1 mi) mula sa S hanggang sa K, ay tamang-tama para sa isang lunsod. Dahil matarik at mga 90 m (300 piye) ang taas nito mula sa kapatagan sa ibaba, madaling depensahan ang lokasyong ito. Kahanga-hanga rin ang tanawin mula rito, sapagkat sa dakong H, S, at T ay may mas matataas na taluktok, samantalang sa dakong K ay unti-unting lumulusong ang lupain mula sa altitud na 463 m (1,519 na piye) patungo sa asul na Mediteraneo, na 34 na km (21 mi) ang layo.
Ang kalakhang bahagi ng kasaysayan ng Samaria ay maiuugnay sa masamang rekord ng 14 na hari ng Israel mula kay Omri hanggang kay Hosea.—1Ha 16:28, 29; 22:51, 52; 2Ha 3:1, 2; 10:35, 36; 13:1, 10; 14:23; 15:8, 13, 14, 17, 23, 25, 27; 17:1.
Noong Panahon ni Ahab. Pagkamatay ni Omri, ipinagpatuloy ng kaniyang anak na si Ahab ang programa ng pagtatayo sa lunsod noong panahon ng 22-taóng paghahari nito. Kabilang dito ang pagtatayo ng templo at altar ni Baal, at ang pagtitindig ng “sagradong poste” para sa pagsamba. Lahat ng ito’y katibayan na umiral, sa bagong-likhang lunsod na ito, ang relihiyong Canaanita na itinaguyod ng taga-Feniciang asawa ni Ahab na si Jezebel. (1Ha 16:28-33; 18:18, 19; 2Ha 13:6) Pinaganda rin ni Ahab ang Samaria nang magtayo siya ng isang “bahay na garing” na posibleng pinalamutian ng “mga higaang garing” na katulad niyaong mga tinukoy ng propetang si Amos pagkaraan ng isang daang taon. (1Ha 22:39; Am 3:12, 15; 6:1, 4) Natagpuan ng mga arkeologo sa mga guho ng Samaria ang mahigit sa 500 piraso ng garing, at marami sa mga ito’y artistiko ang pagkakaukit.
Noong huling bahagi ng paghahari ni Ahab, kinubkob ng Siryanong hari na si Ben-hadad II ang Samaria at nanata siya na lubusan niya itong sasamsaman anupat walang sapat na alabok na maiiwan doon para mapuno ang mga kamay ng kaniyang hukbo. Gayunman, ibinigay sa mga Israelita ang tagumpay upang malaman ni Ahab na si Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (1Ha 20:1-21) Noong ikalawang sagupaan pagkaraan ng wala pang isang taon, nang mapilitang sumuko si Ben-hadad, pinalaya siya ni Ahab nang mangako siyang ibabalik niya sa Israel ang mga lunsod nito at ‘magtatalaga siya ng mga lansangan sa Damasco’ para kay Ahab kung paanong ang ama ni Ben-hadad ay nagtalaga para sa kaniyang sarili ng mga lansangan sa Samaria. (1Ha 20:26-34) Maliwanag na ang “mga lansangan” na iyon ay pagtatayuan ng mga tiangge, o mga pamilihan, upang makapagnegosyo roon ang ama ni Ben-hadad. Gayunpaman, bumalik si Ahab sa Samaria nang malungkot at lulugu-lugo, sapagkat sinabihan siya ni Jehova na siya’y mamamatay dahil hinayaan niyang mabuhay si Ben-hadad.—1Ha 20:35-43.
Natupad ito noong ikatlong taon nang anyayahan ni Ahab si Haring Jehosapat ng Juda na tulungan siyang bawiin sa Sirya ang Ramot-gilead. Pormal na nagdaos ng pagdinig ang dalawang hari sa pasukan ng Samaria at, matapos nilang bale-walain ang propeta ni Jehova at pakinggan ang mapanlinlang na payo ng mga bulaang propeta, humayo sila para makipagbaka. (1Ha 22:1-28; 2Cr 18:2, 9) Nagbalatkayo si Ahab, ngunit napana siya ng kaaway, bagaman hindi nito nakilala na siya ang hari. Namatay si Ahab sa kaniyang karo dahil sa matinding pagdurugo. Ibinalik siya sa kaniyang kabisera upang doon ilibing, at ang karo ay hinugasan sa tabi ng tipunang-tubig ng Samaria. (1Ha 22:29-38) Maaaring ito ang mababaw ngunit malaki at parihabang tipunang-tubig na natuklasan doon ng mga arkeologo.
Ang huling pakikipagsulit sa sambahayan ni Ahab ay sa pamamagitan ni Jehu, na pinahiran ni Jehova para ilapat ang hatol na ito. (2Ha 9:6-10) Matapos niyang patayin ang anak ni Ahab na si Jehoram, ang apo ni Ahab na si Ahazias, at ang balo ni Ahab na si Jezebel (2Ha 9:22-37), isinaayos naman ni Jehu, sa pamamagitan ng pagliham sa mga prinsipe at matatandang lalaki sa Samaria, na mapugutan ng ulo ang 70 natitirang anak ni Ahab. “Alamin ninyo, kung gayon,” ang pahayag ni Jehu, “na walang isa man sa salita ni Jehova ang mahuhulog sa lupa nang di-natutupad na sinalita ni Jehova laban sa sambahayan ni Ahab; at ginawa ni Jehova ang sinalita niya sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias.”—2Ha 10:1-12, 17.
Ang ibang mga kapahayagan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga propetang sina Elias at Eliseo, at ang mga pangyayaring kinasangkutan nila, ay naganap sa Samaria at sa kapaligiran nito. Halimbawa, ang anak ni Ahab na si Ahazias ay nahulog at lumusot sa sala-sala sa silid-bubungan ng kaniyang palasyo sa Samaria (2Ha 1:2-17), ang Siryanong ketongin na si Naaman ay pumunta sa Samaria para mapagaling (2Ha 5:1-14), at ang hukbong militar ng Sirya, na isinugo upang dakpin si Eliseo, ay pinasapitan ng mental na pagkabulag at inakay patungo sa Samaria, kung saan sila’y pinakain at pinauwi (2Ha 6:13-23). Noong panahon ng paghahari ng anak ni Ahab na si Jehoram, kinubkob ng mga Siryano ang Samaria, na naging dahilan ng matinding taggutom anupat kinain ng ilang tao ang kanilang sariling mga anak. Ngunit, bilang katuparan ng hula ni Eliseo, nahinto nang isang gabi ang taggutom nang pangyarihin ni Jehova na tumakas ang mga Siryano dahil sa takot at iwan nila ang kanilang mga suplay ng pagkain.—2Ha 6:24-29; 7:1-20.
Karibal ng Jerusalem. Sa ilang pagkakataon, ang pagiging magkaribal at matinding pagkapoot sa pagitan ng Samaria, kabisera ng hilagang kaharian, at ng Jerusalem, kabisera naman ng timugang kaharian, ay humantong sa tahasang pagdidigmaan. Noong isang pagkakataon, nang sasalakayin na lamang ng hari ng Juda ang Edom, sa utos ni Jehova ay pinauwi niya ang 100,000 mersenaryo ng Israel. At bagaman binayaran sila ng 100 talentong pilak ($660,600), gayon na lamang ang galit ng mga Israelitang ito anupat nilusob nila at dinambungan ang mga bayan ng Juda “mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon.” (2Cr 25:5-13) Nang magkagayon, kinalaban ng hari ng Juda, na noo’y nagmamalaki dahil sa tagumpay niya laban sa Edom, ang hari ng Samaria. Ngunit natalo ang Juda kung kaya ang lahat ng ginto at pilak mula sa bahay ni Jehova at sa ingatang-yaman ng hari sa Jerusalem ay tinangay patungong Samaria. (2Ha 14:8-14; 2Cr 25:17-24) Gayunman, pagkaraan ng ilang taon, pagkatapos nilang talunin si Haring Ahaz ng Juda, ibinalik ng mga lalaki ng Israel ang ibang bihag at samsam na dinala sa Samaria upang maiwasan nila ang galit ni Jehova.—2Cr 28:5-15.
Dahil sa kaniyang idolatriya, katiwalian sa moral, at patuloy na pagwawalang-bahala sa mga kautusan at mga simulain ng Diyos, nang bandang huli ay winasak ang lunsod ng Samaria. (2Ha 17:7-18) Paulit-ulit na binabalaan ni Jehova ang mga tagapamahala nito at ang kanilang mga sakop sa pamamagitan ng mga propetang gaya nina Isaias (8:4; 9:9), Oseas (7:1; 8:5, 6; 10:5, 7; 13:16), Amos (3:9; 8:14), Mikas (1:1, 5, 6), at iba pa (1Ha 20:13, 28, 35-42; 22:8) gayundin nina Elias at Eliseo. Pagkatapos mawasak ang Samaria, tinukoy ito ng iba pang mga propeta bilang babalang halimbawa sa mga magtatakwil sa mga tagubilin ni Jehova.—2Ha 21:10-13; Jer 23:13; Eze 16:46, 51, 53, 55; 23:4, 33.
Kasaysayan Nang Dakong Huli. Noong 742 B.C.E., kinubkob ni Salmaneser V, hari ng Asirya, ang Samaria, ngunit nakatagal pa ang lunsod nang halos tatlong taon. Nang tuluyan itong bumagsak noong 740 B.C.E., marami sa mga pangunahing naninirahan doon ang ipinatapon at namayan sa Mesopotamia at Media. Hindi pa rin matiyak kung si Salmaneser V o ang kahalili niyang si Sargon II ang nakabihag sa lunsod.—2Ha 17:1-6, 22, 23; 18:9-12; tingnan ang SARGON.
Ang detalyadong kasaysayan ng Samaria sa Bibliya ay nagwakas nang bumagsak ang lunsod na ito sa mga Asiryano. Pagkatapos nito, ang Samaria ay kadalasan nang binabanggit, bagaman hindi palagi (2Ha 23:18; Gaw 8:5), bilang paalaala ng mangyayari sa mga naghihimagsik kay Jehova. (2Ha 18:34; 21:13; Isa 10:9-11; 36:19) Inilalahad ng Bibliya na pagkatapos mawasak ang Jerusalem at noong patayin si Gedalias, 80 lalaki mula sa Sikem, Shilo, at Samaria ang bumaba patungong Mizpa at nakasalubong nila ang mamamatay-taong si Ismael. Pinatay ni Ismael ang marami sa mga lalaking ito, ngunit pinaligtas niya ang ilan na nangakong ipakikita nila sa kaniya kung saan sila may nakatagong kayamanan na trigo, sebada, langis, at pulot-pukyutan.—Jer 41:1-9.
Inilalahad ng sekular na mga rekord ang ilang bahagi ng kasaysayan ng Samaria mula noong panahon ni Alejandrong Dakila at pagkatapos nito. Noong mga panahong Romano, ang karilagan ng Samaria ay resulta ng programa ng pagtatayo ni Herodes na Dakila. Binago niya ang pangalan ng lunsod at ginawang Sebaste (pambabaing anyong Griego ng pangalang Latin na Augusto) bilang parangal sa unang emperador na si Augusto. Sa ngayon, napanatili sa pangalang Arabe na Sabastiya ang pangalang ibinigay ni Herodes. Hindi nga kataka-taka na mahukay sa lugar na ito ang mga labí ng iba’t ibang yugto ng panahon sa kasaysayan ng Samaria. Ang ilan sa mga labíng ito ay mula pa noong panahon ng mga hari ng Israel.
2. Teritoryo ng sampung-tribong hilagang kaharian ng Israel. Noon, ang pangalang “Samaria” ng kabiserang lunsod nito ay ikinakapit kung minsan sa buong lugar na ito. Halimbawa, nang si Ahab ay tawaging “hari ng Samaria,” hindi ito nangangahulugan na siya’y hari ng lunsod ng Samaria lamang, kundi hari siya ng sampung tribo. (1Ha 21:1) Gayundin, ang pananalitang “mga lunsod ng Samaria” ay tumukoy sa mga lunsod na nakapangalat sa sampung tribo, hindi sa mga bayang nakapalibot sa kabisera. (2Ha 23:19; ang pananalitang ito na nakaulat din sa 1Ha 13:32 at para bang ginamit bago itinayo ang lunsod ng Samaria, kung hindi man makahula, ay maaaring unang ginamit ng tagapagtipon ng ulat ng Mga Hari.) Ang taggutom “sa Samaria” noong panahon ni Ahab ay nangyari sa buong kaharian ng Samaria at nakarating pa nga sa Fenicia, anupat umabot mula sa agusang libis ng Kerit, sa S ng Jordan, hanggang sa Zarepat sa Mediteraneo. (1Ha 17:1-12; 18:2, 5, 6) Sa katulad na paraan, malamang na ang pangako ng pagsasauli sa “mga bundok ng Samaria” ay tumutukoy sa buong nasasakupan ng Samaria.—Jer 31:5.
Waring si Tiglat-pileser III ang unang nag-alis sa mga Israelita sa teritoryo ng Samaria, anupat kabilang sa mga inilipat sa Asirya ang ilang prominenteng mga Rubenita, mga Gadita, at mga Manasita na mula sa S ng Jordan. (1Cr 5:6, 26) Nang tuluyang bumagsak ang hilagang kaharian, marami pang Israelita ang dinala sa pagkatapon. (2Ha 17:6) Ngunit sa pagkakataong ito, pinalitan sila ng hari ng Asirya ng mga mamamayang mula sa kaniyang nasasakupan. Ang ganitong patakaran ng paglilipat ay ipinagpatuloy nina Esar-hadon at Asenapar (Ashurbanipal).—2Ha 17:24; Ezr 4:2, 10.
Nang maglao’y dumami ang mga leon sa lupain, malamang na dahil natiwangwang sa loob ng ilang panahon ang lupain, o ang malaking bahagi nito. (Ihambing ang Exo 23:29.) Tiyak na dahil sa pagkamapamahiin ay inakala ng mga nanirahan doon na ito’y dahil hindi nila alam kung paano sasambahin ang diyos ng lupaing iyon. Kaya isang saserdoteng Israelita na sumasamba sa guya ang pinabalik ng hari ng Asirya mula sa pagkatapon. Tinuruan niya ang mga residente tungkol kay Jehova, ngunit sa paraang katulad ng ginawa ni Jeroboam. Kaya, bagaman may natutuhan sila tungkol kay Jehova, sa kani-kanilang huwad na mga diyos pa rin sila sumamba.—2Ha 17:24-41.
3. Ang distrito kung saan sa pana-panahon ay naglakbay si Jesus. Dinala rin dito ng mga apostol ang mensahe ng Kristiyanismo. Hindi matiyak sa ngayon ang mga hangganan nito, ngunit sa kabuuan, ito’y nasa pagitan ng Galilea sa H at ng Judea sa T, at bumabagtas patungong K mula sa Jordan hanggang sa mga baybaying kapatagan ng Mediteraneo. Sa kalakhang bahagi, saklaw ng distrito ang mga teritoryo na dating pag-aari ng tribo ni Efraim at ng kalahati ng tribo ni Manases (sa K ng Jordan).
Yamang ang Samaria ay nasa pagitan ng mga distrito ng Judea at Galilea, paminsan-minsa’y dumaraan dito si Jesus kapag siya’y papunta o galing sa Jerusalem. (Luc 17:11; Ju 4:3-6) Ngunit kadalasa’y iniwasan niyang mangaral sa teritoryong ito, sinabihan pa nga niya ang 12 na isinugo niya na iwasan ang mga Samaritanong lunsod at sa halip ay ‘patuluyang pumaroon sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel,’ samakatuwid nga, sa mga Judio.—Mat 10:5, 6.
Gayunman, ang pagbabawal na ito ay hindi panghabang-panahon, sapagkat bago siya umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na dapat nilang dalhin ang mabuting balita hindi lamang sa Samaria kundi hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa. (Gaw 1:8, 9) Kaya nang sumiklab ang pag-uusig sa Jerusalem, ang mga alagad, partikular na si Felipe, ay nagministeryo sa Samaria. Nang maglaon ay isinugo roon sina Pedro at Juan, anupat nagbunga ito ng higit pang paglawak ng Kristiyanismo.—Gaw 8:1-17, 25; 9:31; 15:3.
[Larawan sa pahina 1064]
Mga guhong Romano sa sinaunang Samaria