Pinahahalagahan ba Ninyo ang Organisasyon ni Jehova?
“Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang aking tuntungan.’”—ISAIAS 66:1.
1, 2. (a) Anong nakikitang katunayan ng organisasyon ni Jehova ang maaari ninyong tukuyin? (b) Saan ba nananahan si Jehova?
NANINIWALA ba kayo na si Jehova ay may isang organisasyon? Kung gayon, bakit ninyo pinaniniwalaan iyon? Baka isagot ninyo: ‘Buweno, mayroon kaming isang Kingdom Hall. Mayroon kaming isang napakaayos na kongregasyon na may isang lupon ng matatanda. Mayroon kaming isang angkop na hinirang na tagapangasiwa ng sirkito na dumadalaw sa amin nang regular. Dumadalo kami sa mga organisadong asamblea at kombensiyon. Mayroon kaming isang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa aming bansa. Tiyak, ang lahat ng ito at marami pang iba ay nagpapatunay na si Jehova ay may isang umiiral na organisasyon.’
2 Ang gayong mga bagay ay katunayan ng isang organisasyon. Ngunit kung ang nakikita at kinikilala lamang natin ay ang nasa lupa, hindi pa rin lubos ang kaunawaan natin tungkol sa organisasyon ni Jehova. Sinabi ni Jehova kay Isaias na ang lupa ay tuntungan lamang Niya, ngunit ang langit ang Kaniyang trono. (Isaias 66:1) Aling “langit” ang tinutukoy ni Jehova? Ang atin bang atmospera? Ang kalawakan? O ibang antas ng buhay? Bumanggit si Isaias ng tungkol sa “matayog na tirahan ng kabanalan at kagandahan” ni Jehova, at inilarawan ng salmista ang langit na ito bilang “ang itinatag na dako kung saan siya nananahan.” Kaya, ang “langit” sa Isaias 66:1 ay tumutukoy sa di-nakikitang dako ng mga espiritu na doo’y taglay ni Jehova ang kataas-taasan, o sukdulan, na posisyon.—Isaias 63:15; Awit 33:13, 14.
3. Paano natin madaraig ang mga pag-aalinlangan?
3 Samakatuwid, kung talagang ibig nating maunawaan at mapahalagahan ang organisasyon ni Jehova, dapat nating tingnan ang langit. At ang bagay na ito ay isang suliranin para sa ilan. Yamang hindi nakikita ang makalangit na organisasyon ni Jehova, paano natin malalaman na talagang umiiral ito? Baka magkaroon pa nga ang ilan ng pag-aalinlangan, anupat magtanong, ‘Paano tayo makatitiyak?’ Buweno, paano madaraig ng pananampalataya ang pag-aalinlangan? Ang dalawang pangunahing paraan ay ang masusing personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos at ang regular na pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano. Kung magkagayo’y papawiin ng liwanag ng katotohanan ang ating mga pag-aalinlangan. May iba pang lingkod ng Diyos na nag-alinlangan. Isaalang-alang natin ang kalagayan ng tagapaglingkod ni Eliseo nang sinasalakay ng hari ng Sirya ang Israel.—Ihambing ang Juan 20:24-29; Santiago 1:5-8.
Ang Isa na Nakakita sa Makalangit na mga Pulutong
4, 5. (a) Ano ang naging suliranin ng tagapaglingkod ni Eliseo? (b) Paano tumugon si Jehova sa panalangin ni Eliseo?
4 Nagpadala ang hari ng Sirya ng isang malaking puwersang militar sa Dotan sa bandang gabi upang dakpin si Eliseo. Nang ang tagapaglingkod ni Eliseo ay bumangon nang maaga kinabukasan at lumabas, marahil upang sumagap ng sariwang hangin sa patag na bubong ng kanilang tirahan sa gawing Gitnang Silangan, aba, gulat na gulat siya! Isang buong hukbo ng mga taga-Sirya na may mga kabayo at karong pandigma ang pumalibot sa bayan, anupat naghihintay upang dakpin ang propeta ng Diyos. Ang lingkod ay tumawag kay Elias: “Ay, panginoon ko! Ano ang gagawin natin?” Maliwanag, taglay ang hinahon at pananalig, si Eliseo ay tumugon: “Huwag kang matakot, sapagkat mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila.” Tiyak na nagtanong ang tagapaglingkod, ‘Nasaan sila? Hindi ko sila makita!’ Baka ganiyan din kung minsan ang ating suliranin—hindi nakikita sa pamamagitan ng ating mata ng pang-unawa, o nahihiwatigan, ang makalangit na mga hukbo.—2 Hari 6:8-16; Efeso 1:18.
5 Nanalangin si Eliseo na mabuksan sana ang mga mata ng kaniyang tagapaglingkod. Ano ang sumunod na nangyari? “Kaagad na idinilat ni Jehova ang mga mata ng tagapaglingkod, anupat siya ay nakakita; at, narito! ang bulubunduking pook ay punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy sa buong palibot ni Eliseo.” (2 Hari 6:17) Oo, nakita niya ang makalangit na mga pulutong, ang hukbo ng mga anghel na naghihintay upang ipagsanggalang ang lingkod ng Diyos. Ngayon ay nauunawaan na niya ang pagtitiwala ni Eliseo.
6. Paano tayo magkakaroon ng malalim na unawa sa makalangit na organisasyon ni Jehova?
6 Kung minsan ba ay mayroon tayong suliranin sa pang-unawa na katulad sa tagapaglingkod ni Eliseo? Ang nakikita ba lamang natin ay yaong pisikal na bahagi ng mga situwasyon na nagbabanta sa atin o sa gawaing Kristiyano sa ilang lupain? Kung gayon, makaaasa ba tayo ng isang pantanging pangitain upang maliwanagan tayo? Hindi, sapagkat taglay natin ang isang bagay na hindi taglay ng tagapaglingkod ni Eliseo—ang isang buong aklat na naglalaman ng maraming pangitain, ang Bibliya, na makapagbibigay sa atin ng malalim na unawa tungkol sa makalangit na organisasyon. Nagbibigay rin ang kinasihang Salitang iyan ng gumagabay na mga simulain upang ituwid ang ating pag-iisip at paraan ng pamumuhay. Gayunman, dapat nating sikaping saliksikin ang kaunawaan at linangin ang pagpapahalaga sa kaayusan ni Jehova. At magagawa natin iyan sa pamamagitan ng personal na pag-aaral, lakip na ang panalangin at pagbubulay-bulay.—Roma 12:12; Filipos 4:6; 2 Timoteo 3:15-17.
Pag-aaral Upang Makaunawa
7. (a) Ano ang maaaring nagiging suliranin ng ilan kung tungkol sa personal na pag-aaral ng Bibliya? (b) Bakit sulit ang pagsisikap sa personal na pag-aaral?
7 Ang personal na pag-aaral ay hindi laging isang kanais-nais na gawain para sa maraming tao, gaya niyaong mga hindi kailanman nasiyahan sa pag-aaral sa paaralan o hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong magawa iyon. Gayunman, kung ibig nating maunawaan at mapahalagahan ang organisasyon ni Jehova sa pamamagitan ng ating mata ng pang-unawa, dapat nating linangin ang hangarin na mag-aral. Maaari ba kayong masiyahan sa isang masarap na pagkain nang walang paghahanda? Gaya ng sasabihin sa inyo ng sinumang kusinero o tagapagluto, malaking trabaho ang paghahanda ng isang masarap na pagkain. Gayunman, baka maubos iyon sa loob ng kalahating oras o wala pa. Sa kabilang banda, makatatagal nang habang-buhay ang mga kapakinabangan sa personal na pag-aaral. Unti-unti nating magugustuhan ang personal na pag-aaral kapag nakikita natin ang ating pagsulong. Tama lamang na sabihin ni apostol Pablo na dapat tayong magbigay ng palagiang pansin sa ating sarili at sa ating turo at patuloy na ituon ang ating sarili sa pangmadlang pagbabasa. Kailangan ang patuluyang pagsisikap, ngunit walang-hanggan naman ang mga pakinabang.—1 Timoteo 4:13-16.
8. Anong saloobin ang inirerekomenda ng Kawikaan?
8 Sinabi ng isang pantas na tao noon: “Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking pananalita at pakaiingatan sa iyong sarili ang aking mga utos, upang bigyang-pansin ng iyong tainga ang karunungan, upang iyong maikiling ang iyong puso sa kaunawaan; kung, bukod diyan, ay tumatawag ka ukol sa pagkaunawa mismo at naglalabas ka ng iyong tinig sa kaunawaan, kung iyong patuloy na hahanapin iyon na gaya ng pilak, at patuloy mong sasaliksikin iyon na gaya ng nakatagong kayamanan, sa kalagayang iyan ay mauunawaan mo ang takot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos.”—Kawikaan 2:1-5.
9. (a) Paano maihahambing ang halaga ng ginto sa “mismong kaalaman ng Diyos”? (b) Anong mga kasangkapan ang kailangan natin upang makakuha ng tumpak na kaalaman?
9 Natatanto mo ba kung kanino nakasalalay ang pananagutan? Ang pariralang ‘kung iyong’ ay inulit. At pansinin ang pananalitang, ‘Kung iyong patuloy na sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan.’ Isip-isipin ang mga minero na sa loob ng maraming siglo ay naghukay ng pilak at ginto sa Bolivia, Mexico, Timog Aprika, at iba pang bansa. Sila’y nagpagal nang husto, na gumagamit ng mga piko at pala, upang hukayin ang mga bato na mula roo’y makakakuha sila ng mahahalagang metal. Gayon na lamang ang pagpapahalaga nila sa ginto anupat sa isang minahan sa California, E.U.A., humukay sila ng 591 kilometro ng mga tunel, na umabot sa lalim na mga isa’t kalahating kilometro—upang humanap lamang ng ginto. Subalit, makakain ba ninyo ang ginto? Maiinom ang ginto? Matutustusan kaya kayo nito sa isang disyerto kung namamatay na kayo sa gutom at uhaw? Hindi, ang halaga nito ay artipisyal at ayon sa kapritso lamang, anupat nagbabago sa araw-araw gaya ng makikita sa pandaigdig na mga pamilihan. Gayunpaman, namatay ang mga tao alang-alang dito. Ngayon, gaano kalaking pagsisikap ang nararapat upang makakuha ng espirituwal na ginto, “ang mismong kaalaman ng Diyos”? Isipin ito, ang mismong kaalaman ng Soberanong Panginoon ng sansinukob, ang kaniyang organisasyon, at ang kaniyang mga layunin! Hinggil dito, magagamit natin ang espirituwal na mga piko at pala. Iyon ay ang salig-sa-Bibliya na mga publikasyong tumutulong sa atin na maghukay sa Salita ni Jehova at maunawaan ang kahulugan nito.—Job 28:12-19.
Paghuhukay ng Malalim na Unawa
10. Ano ang nakita ni Daniel sa isang pangitain?
10 Gumawa tayo ng isang espirituwal na paghuhukay upang magsimulang makuha ang mismong kaalaman tungkol sa makalangit na organisasyon ni Jehova. Para sa pangunahing malalim na unawa, bumaling tayo sa pangitain ni Daniel tungkol sa Matanda sa mga Araw na nasa kaniyang trono. Sumulat si Daniel: “Ako’y patuloy na nagmasid hanggang sa may nangalagay na mga trono at ang Matanda sa mga Araw ay nakaupo. Ang kaniyang suot ay sadyang maputing parang niyebe, at ang buhok ng kaniyang ulo ay parang malinis na lana. Ang kaniyang trono ay mga liyab ng apoy; ang mga gulong niyaon ay nagniningas na apoy. Isang mabangis na sigalbo ang lumalabas at nagmumula sa harap niya. May sanlibong libu-libo na patuluyang nagmiministro sa kaniya, at makasampung libo na sampung libo ang patuluyang nakatayo sa mismong harap niya. Ang Hukuman ay lumuklok, at may mga aklat na nangabuksan.” (Daniel 7:9, 10) Sino ang libu-libong ito na naglilingkod kay Jehova? Ang panggilid na mga reperensiya sa New World Translation, na ginagamit bilang “mga piko” at “mga pala,” ay aakay sa atin sa mga reperensiyang tulad ng Awit 68:17 at Hebreo 1:14. Oo, ang mga naglilingkod ay makalangit na mga anghel!
11. Paano makatutulong sa atin ang pangitain ni Daniel upang maunawaan ang mga salita ni Eliseo?
11 Hindi sinasabi sa ulat ni Daniel na nakita niya ang lahat ng tapat na mga anghel ng Diyos na nasa ilalim ng kaniyang pag-uutos. Baka mayroon pang milyun-milyon. Ngunit tiyak na nauunawaan na natin ngayon kung bakit nasabi ni Eliseo: “Mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila.” Ang hukbo ng hari ng Sirya, bagaman sinuportahan ng di-tapat na mga anghel, ang mga demonyo, ay kakaunti kung ihahambing sa makalangit na mga hukbo ni Jehova!—Awit 34:7; 91:11.
12. Paano kayo makaaalam ng higit pa tungkol sa mga anghel?
12 Marahil ay ibig ninyong makaalam ng higit pa tungkol sa mga anghel na ito, gaya ng papel na ginagampanan nila sa paglilingkod kay Jehova. Mula sa Griegong salita para sa anghel, mauunawaan natin na sila’y mga mensahero dahil nangangahulugan din iyon ng “mensahero.” Gayunman, marami pa silang tungkulin. Upang malaman kung ano iyon, kailangan ninyong maghukay. Kung mayroon kayong Insight on the Scriptures, maaari ninyong pag-aralan ang artikulong “Angels,” o maaari kayong kumonsulta sa nakaraang mga artikulo sa Ang Bantayan tungkol sa mga anghel. Magugulat kayo sa dami ng maaari ninyong matutuhan tungkol sa makalangit na mga lingkod na ito ng Diyos at pahahalagahan ninyo ang kanilang tulong. (Apocalipsis 14:6, 7) Gayunman, sa makalangit na organisasyon ng Diyos, tumutupad ng pantanging mga layunin ang ilang espiritung nilalang.
Kung Ano ang Nakita ni Isaias
13, 14. Ano ang nakita ni Isaias sa isang pangitain, at paano ito nakaapekto sa kaniya?
13 Ngayon ay maghukay tayo sa pangitain ni Isaias. Kapag binasa ninyo ang Isa kabanatang 6, talatang 1 hanggang 7, dapat kayong humanga. Sinabi ni Isaias na kaniyang “nakita si Jehova, na nakaupo sa isang trono,” at “sa itaas niya ay nakatayo ang mga serapin.” Sila’y naghahayag tungkol sa kaluwalhatian ni Jehova, anupat pinupuri ang kaniyang kabanalan. Dapat kayong maantig kahit sa pagbabasa man lamang ng salaysay na ito. Ano ba ang tugon ni Isaias? “Aking sinabi: ‘Sa aba ko! Sapagkat ako’y mistulang patay [sa Sheol], dahil sa ako’y isang lalaking may maruruming labi, at ako’y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruruming labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, si Jehova ng mga hukbo, siya mismo!’ ” Totoong humanga siya sa pangitaing iyon! Kayo?
14 Kaya paano natagalan ni Isaias ang ganitong maluwalhating tanawin? Ipinaliwanag niya na isang serapin ang tumulong sa kaniya at nagsabi: “Ang iyong kasamaan ay naalis at ang iyong kasalanan mismo ay pinagbayaran.” (Isaias 6:7) Si Isaias ay nagtiwala sa awa ng Diyos at nagbigay-pansin sa mga salita ni Jehova. Ngayon, hindi ba ninyo ibig na makaalam ng higit pa tungkol sa mga espiritung nilikhang ito na may mataas na ranggo? Kung gayo’y ano ang dapat ninyong gawin? Maghukay ng higit pang impormasyon. Ang isang kasangkapang dapat gamitin ay ang Watch Tower Publications Index, na sinusubaybayan ang mga reperensiya nito sa maraming mapagkukunan ng makapagpapaliwanag na impormasyon.
Ano ang Nakita ni Ezekiel?
15. Ano ang nagpapakita na mapaniniwalaan ang pangitain ni Ezekiel?
15 Pagkatapos ay bumaling tayo sa isa pang uri ng espiritung nilalang. Nagkapribilehiyo si Ezekiel na makakita ng isang kinasihang pangitain samantalang bihag pa siya sa Babilonya. Buksan ang inyong Bibliya sa Ezekiel kabanatang 1, sa unang tatlong talata. Paano nagsimula ang salaysay? Sinasabi ba nito, ‘Noong unang panahon, sa isang malayong lupain . . .’? Hindi, hindi ito isang kuwento ng mga engkantada noong panahon ng mga alamat. Sinasabi ng Eze 1 talatang 1: “Nangyari na noong ikatatlumpung taon, sa ikaapat na buwan, sa ikalimang araw ng buwan, samantalang ako ay nasa gitna ng ipinatapong bayan sa may pampang ng ilog Chebar, na ang langit ay nabuksan at nagsimula akong makakita ng mga pangitain mula sa Diyos.” Ano ang napapansin ninyo tungkol sa talatang ito? Nagbibigay ito ng eksaktong petsa at isang tiyak na lugar. Itinuturo ng mga detalyeng ito ang ikalimang taon ng pagkakatapon ni Haring Jehoiakin, ang taóng 613 B.C.E.
16. Ano ang nakita ni Ezekiel?
16 Ang kamay ni Jehova ay pumatnubay kay Ezekiel, at siya’y nakakita ng isang nakaaantig na pangitain tungkol kay Jehova na nasa trono sa isang napakalaking makalangit na karo na may malalaking gulong na may mga mata sa palibot ng mga gilid. Ang detalye na tumatawag ng ating pansin dito ay na may apat na nilalang, na bawat isa ay nakatayo sa bawat gulong. “Ito ang kanilang anyo: sila’y kawangis ng tao sa lupa. At ang bawat isa ay may apat na mukha, at bawat isa sa kanila ay may apat na pakpak. . . . At kung tungkol sa wangis ng kanilang mukha, silang apat ay may mukha ng tao na may mukha ng leon sa gawing kanan, at silang apat ay may mukha ng toro sa gawing kaliwa; at silang apat ay mayroon ding mukha ng isang agila.”—Ezekiel 1:5, 6, 10.
17. Ano ang isinasagisag ng apat na mukha ng mga kerubin?
17 Ano ba ang apat na buháy na nilalang na ito? Sinasabi sa atin ni Ezekiel mismo na sila ay mga kerubin. (Ezekiel 10:1-3, 14) Bakit mayroon silang apat na mukha? Upang kumatawan sa apat na namumukod-tanging katangian ng Soberanong Panginoong Jehova. Ang mukha ng agila ay sagisag ng malawak na karunungan. (Job 39:27-29) Ano ang isinasagisag ng mukha ng toro? Dahil sa matinding lakas ng leeg at balikat nito, sinasabing ang isang nakikipaglabang toro ay nakapaghahagis ng isang kabayo at ng sakay nito. Tiyak, ang toro ay isang sagisag ng walang-limitasyong kapangyarihan ni Jehova. Ginagamit naman ang leon bilang sagisag ng may tibay-loob na katarungan. Bilang panghuli, ang mukha ng isang tao ay angkop na lumalarawan sa pag-ibig ng Diyos, yamang ang tao ang tanging nilalang sa lupa na may katalinuhang nakapagpapamalas ng katangiang ito.—Mateo 22:37, 39; 1 Juan 4:8.
18. Paano dinaragdagan ni apostol Juan ang ating kaunawaan tungkol sa makalangit na organisasyon?
18 May iba pang pangitain na makatutulong sa atin upang mabuo ang larawan. Kasali rito ang mga pangitain ni Juan may kaugnayan sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis. Siya, gaya ni Ezekiel, ay nakakita kay Jehova sa isang maluwalhating trono na may kasamang mga kerubin. Ano ang ginagawa ng mga kerubin? Inuulit nila ang paghahayag ng mga serapin sa Isaias kabanatang 6, na nagsasabi: “Banal, banal, banal ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang Isa nang nakaraan at ang ngayon at ang darating.” (Apocalipsis 4:6-8) Nakakita rin si Juan ng isang kordero sa tabi ng trono. Sino kaya ang inilalarawan nito? Ang mismong Kordero ng Diyos, si Jesu-Kristo.—Apocalipsis 5:13, 14.
19. Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, ano ang naunawaan ninyo tungkol sa organisasyon ni Jehova?
19 Kaya sa pamamagitan ng mga pangitaing ito, ano ang naunawaan natin? Na sa rurok ng makalangit na organisasyon ay naroroon ang Diyos na Jehova sa kaniyang trono na kasama ang Kordero, si Jesu-Kristo, na siyang Salita, o Logos. Pagkatapos ay nakita natin ang isang makalangit na pulutong ng mga anghel, kasali ang mga serapin at mga kerubin. Sila ay bahagi ng isang napakalaki at nagkakaisang organisasyon na tumutupad sa mga layunin ni Jehova. At isa sa mga layuning ito ang pangangaral ng mabuting balita sa buong daigdig sa panahong ito ng kawakasan.—Marcos 13:10; Juan 1:1-3; Apocalipsis 14:6, 7.
20. Anong tanong ang sasagutin sa susunod na artikulo?
20 Sa katapus-tapusan, nariyan ang mga Saksi ni Jehova sa lupa na nagpupulong sa kanilang mga Kingdom Hall upang matutuhan kung paano gagawin ang kalooban ng Soberanong Panginoon. Tiyak, nauunawaan na natin ngayon na mas marami tayong kasama kaysa sa mga kasama ni Satanas at ng mga kaaway ng katotohanan. Nariyan pa rin ang tanong, Ano ang kinalaman ng makalangit na organisasyon sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian? Iyan at ang iba pang bagay ang siyang susuriin sa susunod na artikulo.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Upang mapahalagahan ang organisasyon ni Jehova, ano ang dapat nating maunawaan?
◻ Ano ang naging karanasan ng tagapaglingkod ni Eliseo, at paano siya pinatibay-loob ng propeta?
◻ Paano natin dapat malasin ang personal na pag-aaral?
◻ Paano nagbigay sina Daniel, Isaias, at Ezekiel ng mga detalye tungkol sa makalangit na organisasyon?
[Larawan sa pahina 13]
Makapupong higit ang mga pakinabang sa personal na pag-aaral kaysa sa pagkain na inihandang mabuti
[Larawan sa pahina 15]
Isang pangitain ng makalangit na mga pulutong ang sagot ni Jehova sa panalangin ni Eliseo