KABANATA 13
“Ilarawan Mo ang Templo”
POKUS: Ang ibig sabihin ng maluwalhating pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo
1-3. (a) Bakit posibleng nakadama si Ezekiel ng kaaliwan dahil sa pangitain tungkol sa templo? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.) (b) Ano ang tatalakayin sa kabanatang ito?
ISIPIN mo si Ezekiel na 50 anyos na at 25 taon nang tapon. Matagal nang wasak ang templo sa Jerusalem. Kung pangarap man ni Ezekiel na maging saserdote roon, gumuho na ang pangarap na iyon. Mga 56 na taon pa ang kailangang lumipas bago matapos ang pagkabihag, kaya alam ni Ezekiel na imposibleng maabutan pa niya ang pagbalik ng bayan ni Jehova sa lupain nila, lalo na ang muling pagtatayo ng templo. (Jer. 25:11) Nalungkot ba si Ezekiel dahil dito?
2 Napakabait ni Jehova dahil pinili niya ang pagkakataong ito para bigyan ang tapat na si Ezekiel ng isang napakadetalyadong pangitain. Talagang magbibigay ito ng kaaliwan at pag-asa sa propeta. Sa pangitain, ibinalik siya sa lupain niya at ibinaba sa isang napakataas na bundok. May nakita siya rito na “isang lalaki na kumikinang na gaya ng tanso.” Inilibot siya ng anghel na ito sa isang templo at sa lahat ng nakapalibot doon. (Basahin ang Ezekiel 40:1-4.) Parang totoong-totoo ang pangitain! Siguradong napatibay at namangha si Ezekiel dahil dito, pero baka nagtaka rin siya. May pagkakatulad ang templong ito sa templong alam niya, pero magkaibang-magkaiba ang dalawang ito.
3 Ang huling siyam na kabanata ng aklat ng Ezekiel ay tungkol sa pangitaing ito. Tingnan natin ngayon kung paano ito dapat unawain. Alamin din natin kung ang nakita ba ni Ezekiel ay ang dakilang espirituwal na templo na tinalakay ni apostol Pablo pagkaraan ng ilang siglo. Pagkatapos, suriin natin kung ano ang ibig sabihin ng pangitain para kay Ezekiel at sa mga kasama niyang tapon.
Kung Bakit Kailangang Baguhin ang Pag-unawa
4. Paano natin ipinapaliwanag noon ang pangitain tungkol sa templo, pero anong pagbabago ang kailangang gawin?
4 Noon, sinasabi sa ating mga publikasyon na nakita ni Ezekiel ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova, ang templo na binanggit ni apostol Pablo sa liham niya sa mga Hebreo.a Batay sa unawang iyan, makatuwirang isipin na puwede nating bigyan ng makasagisag, o antitipikong, kahulugan ang mga detalye ng templong nakita ni Ezekiel gamit ang paliwanag ni Pablo tungkol sa tabernakulo. Pero matapos ang higit pang panalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay, lumilitaw na kailangan ng mas simpleng paraan ng pagpapaliwanag sa templong nakita ni Ezekiel.
5, 6. (a) Paano nagpakita ng kapakumbabaan si apostol Pablo sa pagtalakay niya sa tabernakulo? (b) Anong mga detalye tungkol sa tabernakulo ang sinabi ni Pablo, at paano natin matutularan ang kaisipan niya habang pinag-aaralan ang templong nakita ni Ezekiel sa pangitain?
5 Makakabuting huwag nating hanapan ng makahula o makasagisag na kahulugan ang bawat detalye ng pangitain ni Ezekiel. Bakit? Tingnan ang isang halimbawa. Nang talakayin ni Pablo ang tabernakulo at ang espirituwal na templo, may sinabi siyang mga detalye tungkol sa tabernakulo, gaya ng gintong insensaryo, panakip para sa kaban, at gintong lalagyan na may manna. Binigyan ba niya ng kahulugan ang mga iyon? Maliwanag na hindi siya pinakilos ng banal na espiritu na gawin iyan. Sa halip, isinulat ni Pablo: “Hindi ngayon ang panahon para pag-usapan nang detalyado ang mga bagay na ito.” (Heb. 9:4, 5) Nagpaakay si Pablo sa banal na espiritu at mapagpakumbaba siyang naghintay kay Jehova.—Heb. 9:8.
6 Ganiyan din pagdating sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo. Napakadetalyado nito. At mas makakabuti kung maghihintay tayo kay Jehova sakali mang kailangan pa ng karagdagang paglilinaw. (Basahin ang Mikas 7:7.) Pero dapat ba nating isipin na walang paglilinaw ang espiritu ni Jehova tungkol sa pangitaing ito? Hindi!
Nakita Ba ni Ezekiel ang Dakilang Espirituwal na Templo?
7, 8. (a) Anong unawa ang binago na natin ngayon? (b) Ano ang pagkakaiba ng templo sa pangitain at ng espirituwal na templong inilarawan ni Pablo?
7 Gaya ng binanggit kanina, maraming taon nang sinasabi sa ating mga publikasyon na nakita ni Ezekiel ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova, ang templong tinalakay ni Pablo sa liham niya sa mga Hebreo. Pero matapos ang higit pang pag-aaral, lumilitaw na hindi nakita ni Ezekiel ang dakilang espirituwal na templo. Bakit hindi?
8 Una, ang templong nakita ni Ezekiel ay hindi tugma sa paliwanag ni Pablo. Isipin ito: Nilinaw ni apostol Pablo na ang tabernakulo noong panahon ni Moises ay anino at paglalarawan ng isang bagay na mas dakila. Ang tabernakulo, gaya ng mga templo nina Solomon at Zerubabel na pareho ang pagkakadisenyo, ay may silid na “Kabanal-banalan.” Tinawag ni Pablo ang silid na iyon na “isang banal na lugar na gawa ng mga kamay” at sinabing ito ay “isang kopya ng tunay na banal na lugar,” hindi ang tunay mismo. Ano ang tinutukoy ni Pablo na tunay? Sinabi niya na iyon ang “langit mismo.” (Heb. 9:3, 24) Ang langit ba ang nakita ni Ezekiel? Hindi. Walang pahiwatig sa pangitain ni Ezekiel na ang nakikita niya ay mga bagay sa langit.—Ihambing ang Daniel 7:9, 10, 13, 14.
9, 10. Tungkol sa mga handog, ano ang pagkakaiba ng templo sa pangitain ni Ezekiel at ng dakilang espirituwal na templong inilarawan ni Pablo?
9 Ang isa pang malinaw na pagkakaiba ay tungkol sa mga handog. Narinig ni Ezekiel nang bigyan ang bayan, mga pinuno, at mga saserdote ng detalyadong mga tagubilin tungkol sa paghahandog. Maghahandog sila para sa sarili nilang mga kasalanan. Maghahandog din sila ng haing pansalo-salo, na puwede nilang pagsaluhan sa mga silid-kainan ng templo. (Ezek. 43:18, 19; 44:11, 15, 27; 45:15-20, 22-25) May ganito bang paulit-ulit na paghahandog sa dakilang espirituwal na templo?
Ang templong nakita ni Ezekiel sa pangitain ay hindi ang dakilang espirituwal na templo
10 Malinaw ang sagot. Ipinaliwanag ni Pablo: “Nang dumating si Kristo bilang mataas na saserdote ng mabubuting bagay na naganap na, pumasok siya sa mas dakila at mas perpektong tolda na hindi gawa ng mga kamay, hindi makikita sa lupa. Pumasok siya sa banal na lugar para iharap, hindi ang dugo ng mga kambing at ng mga batang toro, kundi ang sarili niyang dugo, at ginawa niya ito nang minsanan; at dahil sa kaniya, nagkaroon tayo ng walang-hanggang kaligtasan.” (Heb. 9:11, 12) Kaya sa dakilang espirituwal na templo, isa lang ang inihandog—wala na itong kasunod. Ito ang haing pantubos na inihandog ng Lalong Dakilang Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo. Kaya malinaw na ang templong nakita ni Ezekiel kung saan naghahandog ng mga kambing at toro ay hindi ang dakilang espirituwal na templo.
11. Noong panahon ni Ezekiel, bakit hindi pa panahon para isiwalat ng Diyos ang katotohanan tungkol sa dakilang espirituwal na templo?
11 Ito naman ang ikalawang dahilan kung bakit hindi ang dakilang espirituwal na templo ang nakita ni Ezekiel: Hindi pa panahon para isiwalat ng Diyos ang katotohanang iyon. Tandaan na ang pangitain ni Ezekiel ay unang ibinigay sa mga Judiong tapon sa Babilonya. Nasa ilalim sila ng Kautusang Mosaiko. Kapag nakalaya na sila, babalik sila sa Jerusalem at susundin ang Kautusang iyan tungkol sa dalisay na pagsamba sa pamamagitan ng muling pagtatayo ng templo at ng altar nito. Pagkatapos, muli silang maghahandog sa altar—at ginawa nila ito nang halos anim na siglo. Isipin na lang ang madarama ng mga Judio kung ang ipinakita sa pangitain ni Ezekiel ay ang espirituwal na templo—isang templo kung saan inihandog ng mataas na saserdote ang buhay niya, at pagkatapos ay itinigil na ang lahat ng iba pang paghahandog. Ano kaya ang maiisip nila? Hindi kaya manghina ang determinasyon nilang sundin ang Kautusang Mosaiko? Gaya ng laging ginagawa ni Jehova, isinisiwalat lang niya ang katotohanan sa tamang panahon at kapag handa na ang bayan niya.
12-14. Ano ang kaugnayan ng templong nakita ni Ezekiel at ng espirituwal na templong tinalakay ni Pablo? (Tingnan ang kahong “Magkaibang Templo, Magkaibang Aral.”)
12 Pero ano ang kaugnayan ng templo sa pangitain ni Ezekiel at ng espirituwal na templong tinalakay ni Pablo? Tandaan na ang pagtalakay ni Pablo ay hindi batay sa templong nakita ni Ezekiel kundi sa tabernakulo noong panahon ni Moises. Totoo na may mga detalyeng binanggit si Pablo na makikita rin sa mga templo nina Solomon at Zerubabel, pati na sa templo sa pangitain ni Ezekiel. Pero sa kabuoan, magkaiba ang pokus ng mga isinulat ni Ezekiel at ni Pablo.b Hindi magkapareho ang mga ulat nila, pero magkaugnay ang mga ito. Sa anong paraan?
13 Masasabi natin na mula kay Pablo, natutuhan natin ang kaayusan ni Jehova sa pagsamba, at kay Ezekiel naman, ang pamantayan ni Jehova sa pagsamba. Para ituro sa atin ang tungkol sa kaayusan ni Jehova sa pagsamba, isiniwalat ni Pablo ang kahulugan ng ilang detalyeng may kaugnayan sa espirituwal na templo gaya ng mataas na saserdote, mga handog, altar, at Kabanal-banalan. Matututuhan naman natin ang tungkol sa mataas na pamantayan ni Jehova sa pagsamba mula sa maraming detalye ng templo sa pangitain ni Ezekiel.
14 Ano ang epekto sa atin ng binagong unawa na ito? Hindi ito nangangahulugan na nabawasan na ang halaga sa ngayon ng pangitain ni Ezekiel. Para makita natin ang kahalagahan nito, suriin natin kung paano posibleng nakinabang dito ang tapat na mga Judio noon.
Ano ang Ibig Sabihin ng Pangitaing Ito Para sa mga Judiong Tapon?
15. (a) Ano ang pinakamensahe ng pangitain ni Ezekiel? (b) Anong pagkakaiba ang makikita sa Ezekiel kabanata 8 at sa Ezekiel kabanata 40 hanggang 48?
15 Para malaman ang sagot ng Bibliya sa tanong na iyan, talakayin natin ang ilang magkakaugnay na tanong na tutulong sa atin na maunawaan nang lubos ang pangitain. Una, ano ang pinakamensahe ng pangitain? Ibabalik ang dalisay na pagsamba! Malinaw iyan kay Ezekiel. Naisulat na niya ang tinatawag ngayon na kabanata 8 ng Ezekiel. Inilarawan ni Jehova sa kabanatang iyan ang napakasamang kalagayan ng templo sa Jerusalem. Pero sa tinatawag ngayon na kabanata 40 hanggang 48 ng Ezekiel, sabik na sabik naman niyang isinulat nang detalyado ang isang naiibang paglalarawan. Makikita natin dito hindi ang nadungisang dalisay na pagsamba, kundi kung paano talaga dapat isagawa ang dalisay na pagsamba—isang perpektong parisan ng pagsamba kay Jehova ayon sa Kautusang Mosaiko.
16. Paano pinatunayan ng pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo ang inihula ni Isaias isang siglo patiuna?
16 Para muling maging dalisay ang pagsamba kay Jehova, kailangan itong itaas. Mahigit isang siglo patiuna, ginabayan si propeta Isaias na isulat: “Sa huling bahagi ng mga araw, ang bundok ng bahay ni Jehova ay itatatag nang matibay at mas mataas pa sa tuktok ng mga bundok, at iyon ay gagawing mas mataas pa sa mga burol.” (Isa. 2:2) Malinaw na nakita ni Isaias na ibabalik ang dalisay na pagsamba kay Jehova at itataas ito, na para bang inilagay sa pinakamataas na bundok. Sa pangitaing ibinigay ng Diyos kay Ezekiel, nasaan ang propeta? Nasa “isang napakataas na bundok,” at nakatingin siya sa bahay ni Jehova! (Ezek. 40:2) Kaya pinatutunayan ng pangitain ni Ezekiel na ibabalik ang dalisay na pagsamba.
17. Ano ang sumaryo ng Ezekiel kabanata 40 hanggang 48?
17 Tingnan natin ang sumaryo ng nakita at narinig ni Ezekiel, na nakaulat sa Ezekiel kabanata 40 hanggang 48. Nakita niyang sinusukat ng anghel ang mga pintuang-daan, pader, mga looban, at santuwaryo ng templo. (Ezek. 40-42) Pagkatapos, nasaksihan niya ang isang kapana-panabik na pangyayari: ang maluwalhating pagdating ni Jehova sa templo! Pinayuhan ni Jehova ang di-tapat na bayan niya, ang mga saserdote, at ang mga pinuno. (Ezek. 43:1-12; 44:10-31; 45:9-12) Nakita ni Ezekiel ang isang ilog na umaagos mula sa santuwaryo papunta sa Dagat na Patay, at nagbibigay ito ng buhay at pagpapala roon. (Ezek. 47:1-12) At nakita niya na eksakto ang pagkakahati sa lupain at isinasagawa ang dalisay na pagsamba malapit sa sentro nito. (Ezek. 45:1-8; 47:13–48:35) Ano ang pinakamensahe ng pangitain? Tinitiyak ni Jehova sa bayan niya na ibabalik at itataas ang dalisay na pagsamba. Ang presensiya ni Jehova ay mananatili sa kaniyang bahay ng pagsamba, at gagamitin ni Jehova ang templong ito para magdulot ng pagpapagaling, buhay, at kapanatagan sa lupain.
18. Dapat bang unawain nang literal ang pangitain tungkol sa templo? Ipaliwanag.
18 Ikalawa, dapat bang unawain nang literal ang pangitain? Hindi. Malamang na naisip agad ni Ezekiel at ng mga tapon na nakaalam ng pangitain na hindi ito dapat unawain nang literal. Bakit hindi? Tandaan na ang templong nakita ni Ezekiel ay nasa “isang napakataas na bundok.” Tumutugma iyan sa hula ni Isaias, pero hindi iyan tugma sa lokasyon ng literal na templo. Ang templo noong panahon ni Solomon ay nasa Bundok Moria sa Jerusalem, at doon ito muling itatayo balang-araw. Pero ang Bundok Moria ba ay “isang napakataas na bundok”? Hindi. Ang totoo, napapaligiran ito ng mga bundok na kasintaas nito o mas mataas pa rito. Isa pa, napakalaki ng lupang sinasaklaw ng templo sa pangitain ni Ezekiel. Ang malawak na lupang ito, na napapalibutan ng pader, ay hindi magkakasya sa tuktok ng Bundok Moria, kahit pa nga sa lunsod ng Jerusalem noong panahon ni Solomon! Hindi rin iniisip ng mga tapon na dadaloy ang isang literal na ilog mula sa santuwaryo ng templo hanggang sa Dagat na Patay at magiging sariwa ang tubig nito. Isa pa, ang tuwid na pagkakahati-hati ng minanang lupain, gaya ng inilarawan sa pangitain, ay hindi posibleng magawa sa mabundok na Lupang Pangako.c Kaya naman ang pangitaing ito ay hindi dapat unawain nang literal.
19-21. Ano ang gusto ni Jehova na maging epekto ng pangitain ni Ezekiel sa bayan, at bakit posibleng gayon ang madama nila?
19 Ikatlo, ano ang dapat na maging epekto ng pangitain sa mga kababayan ni Ezekiel? Kapag binulay-bulay ng bayan ang mataas na pamantayan ni Jehova sa dalisay na pagsamba, dapat silang makadama ng kahihiyan. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Ilarawan mo ang templo sa sambahayan ng Israel.” Napakadetalyado ng paglalarawan ni Ezekiel sa templo kaya para bang puwede nilang “pag-aralan ang plano nito.” Bakit dapat pag-isipan ng bayan ang templo? Gaya ng nakita natin, hindi para itayo ito, kundi “para makadama sila ng kahihiyan dahil sa mga kasalanan nila,” ang sabi ni Jehova.—Basahin ang Ezekiel 43:10-12.
20 Bakit makokonsensiya at mahihiya ang mga matuwid ang puso dahil sa pangitaing ito? Pansinin ang sinabi ni Ezekiel: “Anak ng tao, magbigay-pansin ka, tumingin, at makinig na mabuti sa lahat ng sasabihin ko sa iyo tungkol sa mga batas at kautusan ng templo ni Jehova.” (Ezek. 44:5) Paulit-ulit na narinig ni Ezekiel ang tungkol sa mga batas at kautusan. (Ezek. 43:11, 12; 44:24; 46:14) Paulit-ulit ding ipinaalaala kay Ezekiel ang mga pamantayan ni Jehova—kahit pa nga ang dapat na haba ng isang siko at ang paggamit ng wastong timbangan. (Ezek. 40:5; 45:10-12; ihambing ang Kawikaan 16:11.) Ang totoo, sa pangitaing ito, mahigit 50 beses ginamit ni Ezekiel ang mga salita sa orihinal na wika para sa “sukat” at sa iba pang anyo ng salitang ito.
21 Sukat, timbang, kautusan, at batas—ano ang gustong sabihin ni Jehova sa bayan niya? Lumilitaw na gusto niyang idiin sa kanila ang napakahalagang katotohanang ito: Si Jehova lang ang dapat magtakda ng pamantayan sa dalisay na pagsamba. Ang mga hindi sumusunod dito ay dapat mahiya! Pero paano iyan naituro ng pangitaing ito sa mga Judio? Tatalakayin sa susunod na kabanata ang ilang halimbawa. Tutulong iyan para mas makita natin ang kahalagahan ng pangitaing ito sa ngayon.
a Ang espirituwal na templo ay ang kaayusan ni Jehova sa dalisay na pagsamba salig sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Alam nating nagsimula itong umiral noong 29 C.E.
b Halimbawa, nagpokus si Pablo sa mataas na saserdote at sa papel nito sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. (Heb. 2:17; 3:1; 4:14-16; 5:1-10; 7:1-17, 26-28; 8:1-6; 9:6-28) Pero sa pangitain ni Ezekiel, walang binanggit tungkol sa mataas na saserdote o sa Araw ng Pagbabayad-Sala.
c Tingnan ang mapa sa pahina 212.