ang salita ng Diyos: Makikita sa konteksto na ang “salita ng Diyos” dito ay tumutukoy sa layunin, o pangako, ng Diyos. Sa naunang mga talata (Heb 3:7–4:11), tinalakay ni Pablo ang layunin ng Diyos para sa mga Israelita—ang maging espesyal na pag-aari niya at makapasok sa Lupang Pangako, kung saan maitataguyod nila ang dalisay na pagsamba na magbibigay sa kanila ng mga pagpapala. (Exo 3:8; 19:5, 6; Deu 12:9, 10) Ipinasulat ng Diyos ang mga pangako at layunin niya sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Kaya puwedeng sabihin na ang pananalitang “salita ng Diyos” sa Heb 4:12 ay tumutukoy din sa Bibliya.—Ihambing ang 2Ti 3:16 at study note.
ang salita ng Diyos ay buháy: Ang salita ng Diyos, o ang layuning ipinahayag niya, ay masasabing “buháy” sa maraming paraan. Sa naunang ulat, gumamit si Esteban ng katulad na pananalita para tukuyin ang Kautusang ibinigay sa mga Israelita sa Bundok Sinai. Ginamit ni Esteban ang ekspresyong “buháy na sagradong kapahayagan [lit., “buháy na mga salita”].” (Gaw 7:38, tlb.; tingnan din ang Ro 3:2 at study note.) Ang “salita,” o mensaheng iyon, ay nagbigay sa mga sumunod dito ng pag-asang patuloy na mabuhay. (Deu 32:47) Isa pa, dapat manatiling buháy ang salita ng Diyos sa puso ng mga tumanggap dito. (Deu 30:14) Higit sa lahat, laging buháy ang Diyos na Jehova at kumikilos para tuparin ang salita niya; kaya sinasabing ang salita niya ay matatag, mananatili magpakailanman, at may bisa.—Isa 55:10, 11.
malakas: O “makapangyarihan (aktibo).” Sa kaso ng mga Israelitang hindi nakipagtulungan sa layunin ng Diyos, nakita ang kapangyarihan ng “salita ng Diyos” nang mailantad nito ang kawalan ng pananampalataya ng puso nila. (Heb 3:8, 16-19) Dito, pinayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na matuto sa ulat na iyon. Alam niyang malakas ang “salita ng Diyos” at may magagawa rin ito sa buhay nila; kaya nitong maisiwalat ang laman ng puso nila, patibayin ang pananampalataya nila, at tulungan silang magbago.—Ihambing ang study note sa Fil 2:13 at 1Te 2:13, kung saan gumamit si Pablo ng isang terminong kaugnay ng salitang ginamit dito na isinaling “malakas.”
espada na magkabila ang talim: Ang salitang Griego para sa “espada” (maʹkhai·ra) na ginamit sa tekstong ito ay malamang na tumutukoy sa isang maikling espada. (Para sa halimbawa, tingnan sa Media Gallery, “Espada ng mga Romano”; ihambing ang Apo 1:16; 2:12; 6:8, kung saan ibang salitang Griego ang ginamit, rhom·phaiʹa, na isinaling “mahabang espada.”) May mga espadang “magkabila ang talim” kaya puwedeng gamiting panghiwa ang magkabilang bahagi nito. Idiniin ng paglalarawang ito na talagang tumatagos ang salita ng Diyos. Mas malakas ito at mabisa kaysa sa anumang kagamitang gawa ng tao, gaya ng ipinaliwanag pa ni Pablo.
kaya nitong paghiwalayin ang panlabas at panloob na pagkatao: Idiniin dito ni Pablo na ang salita, o mensahe, ng Diyos ay gaya ng isang matalim na espada na kayang tumagos hanggang sa kaloob-loobang pagkatao. Sa orihinal na wika, ginamit dito ang salitang Griego na psy·kheʹ, na karaniwan nang tumutukoy sa isang buháy na nilalang na pisikal, nahahawakan, at nakikita. (Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe”; tingnan din ang study note sa 1Co 15:44.) Kaya dito, isinalin itong ‘panlabas na pagkatao.’ Ang salitang Griego naman na pneuʹma, na karaniwang isinasaling “espiritu,” ay isinalin ditong “panloob na pagkatao” dahil tumutukoy ito sa tunay na pagkatao ng isa at sa takbo ng isip niya. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) ‘Napaghihiwalay’ ng salita ng Diyos ang “panlabas at panloob na pagkatao” ng isa dahil napapalabas nito kung sino talaga siya. Makikita sa pagtanggap ng isang tao sa mensahe ng Diyos ang totoong saloobin at motibo niya.
ang mga kasukasuan at mga utak sa buto: Idinidiin pa ng pananalitang ito kung gaano kalalim tumatagos ang salita ng Diyos. Nakatago ang mga kasukasuan (na nagdurugtong sa mga buto) at mga utak sa buto, pero may ginagampanan itong papel sa loob ng katawan. Sa katunayan, dahil nasa kaloob-looban ng buto ang mga utak sa buto, ginagamit ang salitang Griego nito para tumukoy sa kaloob-loobang bahagi ng isang bagay. Dito, pinagsama ni Pablo ang mga terminong ito para ipakitang kayang abutin at impluwensiyahan ng salita ng Diyos kahit ang kaibuturan ng damdamin at kaloob-looban ng isip.
kaya nitong unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso: Ang terminong Griego para sa “kaya nitong unawain” (lit., “kaya nitong hatulan”) ay tumutukoy sa pagsisiyasat, pagsusuri, at paghahanap ng kaibahan. Napakahusay ng kakayahang umunawa ng salita ng Diyos dahil kaya nitong makita ang pagkakaiba ng “kaisipan” at “intensiyon,” dalawang bagay na napakalapit ng kaugnayan sa isa’t isa. Makikita sa pagtanggap ng isang tao sa mensahe ng Diyos ang kaisipan niya—kung ano ang laman ng isip niya. Pero kaya ring isiwalat ng salita ng Diyos ang intensiyon niya—ang mga dahilan kung bakit ganoon ang naiisip niya. Ipinapakita ng dulong bahagi ng Heb 4:12 na kayang tumagos ng salita ng Diyos sa makasagisag na puso ng isang tao at mapalabas ang buong pagkatao niya—ang mga kaisipan, saloobin, kagustuhan, motibo, at layunin niya.—Tingnan ang study note sa Mat 22:37; Efe 5:19.