KABANATA 11
Pagdadalisay sa Moral—Ipinaaaninag ang Kabanalan ng Diyos
1. Ano ang kamangha-manghang pangitain ni Ezekiel?
ANO kaya ang mararamdaman mo kung makikita mo ang nakita ni propeta Ezekiel mga 2,500 taon na ang nakalilipas? Ilarawan ito: Nasa harapan ka ng pagkalaki-laki at napakaringal na templo. Isang makapangyarihang anghel ang nakaabang para ilibot ka sa kamangha-manghang lugar na ito! Pag-akyat mo nang pitong baytang, narating mo ang isa sa tatlong pintuang-daan. Talagang kahanga-hanga ang mga pasukang ito. Nasa 30 metro ang taas nito. At sa mga pasukang-daan, may nakikita kang mga silid ng bantay. Ang mga haligi ay may eleganteng disenyo ng puno ng palma.—Ezek. 40:1-4, 10, 14, 16, 22; 41:20.
2. (a) Ano ang inilalarawan ng templo? (Tingnan din ang talababa.) (b) Ano ang matututuhan natin sa mga detalye sa mga pasukan ng templo?
2 Ito ang espirituwal na templo sa pangitain ni Ezekiel. Napakadetalyado ng pagkakalarawan dito ng propeta kaya sinaklaw nito ang kabanata 40 hanggang 48 ng kaniyang makahulang aklat. Ang templo ay lumalarawan sa kaayusan ni Jehova para sa dalisay na pagsamba. Ang bawat detalye nito ay may kahulugan sa ating pagsamba sa mga huling araw na ito.a Ano ang kahulugan ng matataas na pintuang-daan? Ipinaaalala nito sa atin na ang mga gustong pumasok sa kaayusan ni Jehova para sa dalisay na pagsamba ay dapat mamuhay kaayon ng mataas at matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Ganiyan din ang ibig sabihin ng mga inukit na puno ng palma, dahil ginagamit minsan ng Bibliya ang palma para lumarawan sa katuwiran. (Awit 92:12) At ang mga silid ng bantay? Maliwanag, ang mga walang paggalang sa mga pamantayan ng Diyos ay hindi papayagang makapasok, o maging bahagi, ng nagbibigay-buhay na dalisay na pagsamba.—Ezek. 44:9.
3. Bakit kailangang patuloy na dalisayin ang mga tagasunod ni Kristo?
3 Paano natutupad ang pangitain ni Ezekiel? Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 2, ginamit ni Jehova si Kristo para dalisayin ang kaniyang bayan mula 1914 hanggang pasimula ng 1919. Tapos na ba noon ang pagdadalisay? Hindi! Sa nakalipas na siglo, patuloy na itinaguyod ni Kristo ang banal na mga pamantayan ni Jehova sa paggawi. Kaya kailangang patuloy na dalisayin ang kaniyang mga tagasunod. Bakit? Dahil tinitipon ni Kristo ang mga tagasunod niya mula sa sanlibutang ito na napakababa ng moralidad at dahil hindi tumitigil si Satanas sa paghatak sa kanila pabalik sa lusak ng imoralidad. (Basahin ang 2 Pedro 2:20-22.) Suriin natin ang tatlong aspekto kung saan patuloy na dinadalisay ang mga tunay na Kristiyano. Tatalakayin natin ang ilang pagdadalisay sa mga pamantayang moral, ang isang napakahalagang paglalaan para mapanatiling malinis ang kongregasyon, at ang kaayusan sa pamilya.
Pagdadalisay sa Moral sa Paglipas ng mga Taon
4, 5. Anong taktika ang matagal nang ginagamit ni Satanas? Gaano siya katagumpay?
4 Noon pa man, napakahalaga na para sa bayan ni Jehova ang moralidad at matuwid na paggawi. Kaya tinatanggap nila ang mas malilinaw na tagubilin hinggil dito. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
5 Seksuwal na imoralidad. Nilayon ni Jehova na ang pagsisiping ng mag-asawa ay maging malinis at kasiya-siya. Tuwang-tuwa si Satanas na baluktutin at parumihin ang pangmalas ng tao sa napakagandang regalong ito at ginagamit niya ito para tuksuhin ang bayan ni Jehova at maiwala nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagtagumpay si Satanas sa paggamit sa taktikang iyan noong panahon ni Balaam. At lalo pa siyang pursigidong gamitin ito ngayong mga huling araw.—Bil. 25:1-3, 9; Apoc. 2:14.
6. Anong panata ang inilathala sa Watch Tower? Paano ito ginamit, at bakit itinigil ang paggamit nito? (Tingnan din ang talababa.)
6 Para malabanan ang pakana ni Satanas, naglathala ang Watch Tower, isyu ng Hunyo 15, 1908, ng isang panata na nagsasabi sa isang bahagi nito: “Sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar, ang magiging pakikitungo ko sa di-kasekso kapag dalawa lang kami ay katulad ng pakikitungo ko sa kaniya kapag may ibang tao.”b Bagaman hindi ito kahilingan sa mga Kristiyano, sineryoso ito ng marami at ipinadala ang kanilang pangalan para mailathala sa Zion’s Watch Tower. Makalipas ang ilang taon, napansin na ang panatang ito, bagaman kapaki-pakinabang sa marami, ay naging ritwal na lamang; kaya hindi na ito ginamit. Pero ang matataas na pamantayang moral na saligan nito ay patuloy na itinaguyod.
7. Noong 1935, anong problema ang itinawag-pansin ng The Watchtower, at anong pamantayan ang idiniin nito?
7 Lalong pinatindi ni Satanas ang kaniyang pagsalakay. Itinawag-pansin sa Marso 1, 1935, ng The Watchtower ang isang lumalalang problema sa gitna ng bayan ng Diyos. Iniisip ng ilan na kung makikibahagi sila sa ministeryo, puwede na nilang bale-walain sa kanilang pribadong buhay ang mga pamantayang moral ni Jehova. Pero tuwirang sinabi ng The Watchtower: “Dapat tandaan ng isa na hindi lang pakikibahagi sa gawaing pagpapatotoo ang hinihiling sa atin. Ang mga saksi ni Jehova ay mga kinatawan niya, at pananagutan nilang maging karapat-dapat na kinatawan ni Jehova at ng kaniyang kaharian.” Pagkatapos, nagbigay ang artikulo ng malinaw na mga payo hinggil sa pag-aasawa at sekso, kaya naman natulungan ang bayan ng Diyos na “tumakas . . . mula sa pakikiapid.”—1 Cor. 6:18.
8. Bakit paulit-ulit na idiniin ng Ang Bantayan ang wastong kahulugan ng salitang Griego para sa seksuwal na imoralidad?
8 Nitong nakalipas na mga dekada, paulit-ulit na idiniin ng Ang Bantayan ang wastong kahulugan ng por·neiʹa—ang salitang ginamit sa Griegong Kasulatan para sa seksuwal na imoralidad. Hindi lang ito tumutukoy sa aktuwal na pagtatalik. Sa halip, ang por·neiʹa ay sumasaklaw sa iba’t ibang imoral na paggawi, kasama na ang lahat ng kahalayang ginagawa sa mga bahay ng prostitusyon. Ang mga tagasunod ni Kristo ay naprotektahan mula sa salot ng kahalayan sa sekso na bumibiktima sa marami sa sanlibutang ito.—Basahin ang Efeso 4:17-19.
9, 10. (a) Anong usapin sa moral ang ibinangon ng The Watchtower noong 1935? (b) Ano ang timbang na pananaw ng Bibliya hinggil sa pag-inom ng alak?
9 Pag-abuso sa alak. Isa pang usapin sa moral ang ibinangon sa Marso 1, 1935, ng The Watchtower: “Napapansin din na may mga naglilingkod sa larangan at gumaganap ng iba pang atas sa organisasyon habang nasa ilalim ng impluwensiya ng [alak]. Ano ang sinasabi ng Kasulatan hinggil sa pag-inom ng alak? Angkop bang uminom ng alak kahit naaapektuhan nito ang paglilingkod ng isa sa organisasyon ng Panginoon?”
10 Bilang sagot, tinalakay sa artikulo ang timbang na pananaw ng Salita ng Diyos hinggil sa mga inuming de-alkohol. Hindi hinahatulan ng Bibliya ang katamtamang pag-inom ng mga inuming de-alkohol, pero hinahatulan nito ang paglalasing. (Awit 104:14, 15; 1 Cor. 6:9, 10) May kinalaman sa sagradong paglilingkod habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak, matagal nang nagsisilbing babala sa mga lingkod ng Diyos ang ulat tungkol sa mga anak ni Aaron, na pinuksa ng Diyos dahil sa paghahandog ng kakaibang apoy sa altar ng Diyos. Ipinakita sa ulat ang posibleng dahilan kung bakit kumilos nang gayon ang mga anak ni Aaron. Pagkatapos kasi ng pangyayaring iyon, ang lahat ng saserdote ay inutusan ng Diyos na huwag uminom ng alak kapag gumaganap ng sagradong mga atas. (Lev. 10:1, 2, 8-11) Bilang pagsunod sa simulaing iyan, ang mga tagasunod ni Kristo sa ngayon ay umiiwas sa impluwensiya ng alak kapag nakikibahagi sa sagradong paglilingkod.
11. Bakit isang pagpapala sa bayan ng Diyos ang mas malinaw na kaunawaan hinggil sa alkoholismo?
11 Nitong nakalipas na mga dekada, ang mga tagasunod ni Kristo ay higit na pinagpala ng mas malinaw na kaunawaan hinggil sa alkoholismo, o pagkasugapa sa alak. Dahil sa napapanahong espirituwal na pagkain, marami ang natulungang mapagtagumpayan ang alkoholismo. Marami rin ang natulungang makaiwas sa problemang ito. Hindi natin dapat hayaang masira ng pag-abuso sa alak ang ating dignidad, pamilya at, higit sa lahat, ang pribilehiyo nating makibahagi sa dalisay na pagsamba kay Jehova.
“Mahirap isipin na ang Panginoon ay nangangamoy usok ng tabako o nagpapasok sa kaniyang bibig ng anumang bagay na nakapagpaparumi.”—C. T. Russell
12. Bago pa man ang mga huling araw, ano na ang pananaw ng mga lingkod ni Kristo sa paggamit ng tabako?
12 Paggamit ng tabako. Bago pa man ang mga huling araw, hindi na pabor ang mga lingkod ni Kristo sa paggamit ng tabako. Naalala ng may-edad nang kapatid na si Charles Capen nang una niyang makita si Charles Taze Russell noong huling bahagi ng ika-19 na siglo. Nakaupo si Capen, 13 anyos noon, at ang tatlo niyang kapatid na lalaki sa hagdan ng Bible House sa Allegheny, Pennsylvania. Napadaan si Russell at nagtanong: “Naninigarilyo ba kayo? May naaamoy akong usok ng tabako.” Tiniyak nila sa kaniya na hindi sila naninigarilyo. Tumatak sa isip nila ang pananaw ni Russell hinggil sa paninigarilyo. Sa Agosto 1, 1895, ng Watch Tower, nagkomento si Brother Russell batay sa 2 Corinto 7:1: “Hindi ko maintindihan kung paano maluluwalhati ang Diyos o makikinabang ang isang Kristiyano kung gagamit siya ng tabako sa anumang paraan. . . . Mahirap isipin na ang Panginoon ay nangangamoy usok ng tabako o nagpapasok sa kaniyang bibig ng anumang bagay na nakapagpaparumi.”
13. Anong pagdadalisay sa moral ang ginawa noong 1973?
13 Noong 1935, tinukoy ng The Watchtower ang tabako bilang “ang napakaruming damo” at sinabi na ang ngumangata o humihithit nito ay hindi puwedeng maglingkod sa Bethel o maging kinatawan ng organisasyon ng Diyos sa gawaing pagpapayunir o paglalakbay. Noong 1973, nagkaroon ng higit pang pagdadalisay sa moral. Ipinaliwanag sa Hunyo 1 ng The Watchtower na kung ipagpapatuloy ng isang Saksi ni Jehova ang nakamamatay, nakapagpaparumi, at salat-sa-pag-ibig na bisyong ito, maiwawala niya ang kaniyang malinis na katayuan sa kongregasyon. Dapat itiwalag ang hindi titigil sa maling paggamit ng tabako.c Isa na naman itong mahalagang hakbang ni Kristo para dalisayin ang mga tagasunod niya.
14. Ano ang pamantayan ng Diyos hinggil sa dugo? Bakit naging pangkaraniwan na lang ang pagsasalin ng dugo?
14 Maling paggamit ng dugo. Nang panahon ni Noe, sinabi ng Diyos na maling kumain ng dugo. Inulit niya ito sa Kautusan na ibinigay sa bansang Israel, at inutusan din niya ang kongregasyong Kristiyano na “umiwas . . . sa dugo.” (Gawa 15:20, 29; Gen. 9:4; Lev. 7:26) Sa modernong panahon, hindi kataka-takang nakahanap si Satanas ng paraan para akayin ang marami na sumuway sa Diyos. Noong ika-19 na siglo, sinusubukan na ng mga doktor ang pagsasalin ng dugo bilang paraan ng paggamot. Pero nang madiskubre ang iba’t ibang blood type, naging mas laganap ang paraang ito. Noong 1937, nagsimula ang pag-iimbak ng dugo sa mga blood bank, at lalo pang lumaganap ang pagsasalin ng dugo dahil sa Digmaang Pandaigdig II. Di-nagtagal, naging pangkaraniwan na lang ito sa buong mundo.
15, 16. (a) Ano ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova sa pagsasalin ng dugo? (b) Anong tulong ang inilaan sa mga tagasunod ni Kristo may kinalaman sa pagsasalin ng dugo at paraan ng paggamot nang walang dugo? Ano ang resulta?
15 Noon pa mang 1944, binanggit na ng The Watchtower na ang pagpapasalin ng dugo ay katumbas ng pagkain ng dugo. Nang sumunod na taon, lalo pang pinagtibay at nilinaw ang makakasulatang paninindigang ito. Noong 1951, isang listahan ng mga tanong at sagot ang inilathala para tulungan ang bayan ng Diyos na makipag-usap sa mga propesyonal sa medisina. Sa buong mundo, nanindigan ang tapat na mga tagasunod ni Kristo sa kabila ng panlilibak, pagsalansang, at maging ng tahasang pag-uusig. Pero patuloy na ginamit ni Kristo ang kaniyang organisasyon para maglaan ng kinakailangang tulong. Naglathala ito ng mga brosyur at artikulong detalyado at sinaliksik na mabuti.
16 Noong 1979, sinimulan ng ilang elder na bumisita sa mga ospital para tulungan ang mga doktor na maintindihang mabuti ang ating paninindigan, ang ating makakasulatang mga batayan, at ang mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo. Noong 1980, ang mga elder sa 39 na lunsod sa Estados Unidos ay tumanggap ng espesyal na pagsasanay para sa atas na ito. Nang maglaon, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagbuo ng mga Hospital Liaison Committee sa iba’t ibang panig ng mundo. Ano ang resulta ng mga pagsisikap na ito? Sa ngayon, sampu-sampung libong propesyonal sa medisina—kasama na ang mga doktor, siruhano, at anesthesiologist—ang nakikipagtulungan sa mga pasyenteng Saksi at gumagalang sa pinipili nating paraan ng paggamot nang walang dugo. Parami nang paraming ospital ang nag-aalok ng paggamot nang walang dugo, at itinuturing pa nga ito ng ilan na pinakamataas na pamantayan sa medikal na pangangalaga. Talagang nakatutuwang isipin ang mga ginawa ni Jesus para protektahan ang mga tagasunod niya mula sa pagsisikap ni Satanas na parumihin sila.—Basahin ang Efeso 5:25-27.
17. Paano natin maipakikita na pinahahalagahan natin ang paraan ng pagdadalisay ni Kristo sa mga tagasunod niya?
17 Makabubuting itanong, ‘Pinahahalagahan ba natin ang paraan ng pagdadalisay at pagsasanay ni Kristo sa mga tagasunod niya na manghawakan sa matataas na pamantayang moral ni Jehova?’ Kung oo, laging tandaan na patuloy si Satanas sa pagsisikap na sirain ang paggalang natin sa mga pamantayang ito para mailayo tayo kay Jehova at kay Jesus. Para malabanan iyan, patuloy ring naglalaan ang organisasyon ni Jehova ng maibiging mga paalaala at babala laban sa imoral na mga gawain ng sanlibutang ito. Lagi nawa tayong maging alerto, makinig, at sumunod sa kapaki-pakinabang na mga payong iyon.—Kaw. 19:20.
Iniingatan ang Kongregasyon Mula sa Moral na Kadustaan
18. May kinalaman sa mga tahasang lumalabag sa mga pamantayan ng Diyos, anong malinaw na paalaala ang makikita natin sa pangitain ni Ezekiel?
18 Ang ikalawang aspekto ng pagdadalisay sa moral ay tungkol sa mga hakbang na ginagawa para mapanatiling malinis ang kongregasyon. Nakalulungkot, hindi lahat ng tumatanggap sa mga pamantayan ni Jehova sa paggawi at nag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos ay naninindigan sa kanilang pasiya. May ilan na nagbabago ang kalagayan ng puso at tahasan pa ngang lumalabag sa mga pamantayang iyon. Ano ang dapat gawin sa kanila? Para masagot iyan, makatutulong ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa espirituwal na templo. Alalahanin ang matataas na pintuang-daan. Sa bawat pasukang-daan ay may mga silid ng bantay. Pinoprotektahan ng mga bantay ang templo para hindi makapasok ang mga “di-tuli ang puso.” (Ezek. 44:9) Malinaw na paalaala ito na ang mga nagsisikap lang na mamuhay kaayon ng dalisay na pamantayan ni Jehova sa paggawi ang may pribilehiyong maging bahagi ng dalisay na pagsamba. Sa katulad na paraan, ang pribilehiyo sa ngayon na sumamba kasama ang mga kapuwa Kristiyano ay hindi bukás para sa lahat.
19, 20. (a) Paano unti-unting tinulungan ni Kristo ang mga tagasunod niya na dalisayin ang paghawak nila ng mga kaso ng malubhang pagkakasala? (b) Ano ang tatlong dahilan kung bakit dapat itiwalag ang di-nagsisising nagkasala?
19 Noong 1892, sinabi ng Watch Tower na “pananagutan nating itiwalag (sa pagiging Kristiyano) ang mga nagkakaila, tuwiran man o di-tuwiran, na ibinigay ni Kristo ang kaniyang sarili bilang pantubos [katumbas na halaga] para sa lahat.” (Basahin ang 2 Juan 10.) Noong 1904, binanggit ng aklat na The New Creation na ang mga nagpapatuloy sa maling paggawi ay makapipinsala sa kongregasyon. Noon, ang buong kongregasyon ay nakikibahagi sa paglilitis sa mga kaso ng malubhang pagkakasala. Pero bihirang mangyari ang gayong mga paglilitis. Noong 1944, ipinakita ng The Watchtower na ang mga may-pananagutang brother lang ang dapat humawak sa mga kaso ng malubhang pagkakasala. Noong 1952, inilathala sa The Watchtower ang makakasulatang paraan ng paghawak ng mga hudisyal na kaso at idiniin ang isang mahalagang dahilan kung bakit dapat itiwalag ang mga di-nagsisisi—para manatiling malinis ang kongregasyon.
20 Sa sumunod na mga dekada, patuloy na tinulungan ni Kristo ang mga tagasunod niya para linawin at dalisayin ang paraan ng paghawak nila ng mga kaso ng malubhang pagkakasala. Sinasanay na mabuti ang mga elder sa pag-aasikaso ng hudisyal na mga usapin para matularan nila ang paraan ni Jehova—timbang sa pagpapakita ng awa at katarungan. Sa ngayon, malinaw na may tatlong dahilan kung bakit dapat itiwalag ang di-nagsisising nagkasala: (1) para hindi maupasala ang pangalan ni Jehova, (2) para maingatan ang kongregasyon mula sa masasamang epekto ng malubhang pagkakasala, at (3) para maudyukan ang nagkasala na magsisi, kung posible.
21. Paano naging pagpapala sa bayan ng Diyos ang kaayusan sa pagtitiwalag?
21 Nakikita mo ba kung paano naging pagpapala sa mga tagasunod ni Kristo sa ngayon ang kaayusan sa pagtitiwalag? Sa Israel noon, ang mga manggagawa ng kasamaan ay kadalasan nang nakaiimpluwensiya sa bansa, at kung minsan, mas marami pa sila kaysa sa mga umiibig kay Jehova at nagsisikap na gumawa ng tama. Kaya naman madalas maupasala ng bansa ang pangalan ni Jehova at maiwala ang kaniyang pagsang-ayon. (Jer. 7:23-28) Pero sa ngayon, ang bayan ni Jehova ay binubuo ng espirituwal na mga lalaki at babae. Dahil inaalis sa gitna natin ang mga di-nagsisising nagkasala, hindi na sila magagamit ni Satanas bilang sandata para higit pang pinsalain ang kongregasyon at bahiran ang malinis na katayuan nito. Sa gayon, nagiging limitado ang kanilang impluwensiya. Kaya bilang isang grupo, nakatitiyak tayo na napananatili natin ang pagsang-ayon ni Jehova. Tandaan ang pangako niya: “Anumang sandata na aanyuan laban sa [inyo] ay hindi magtatagumpay.” (Isa. 54:17) Buong-katapatan ba nating sinusuportahan ang mga elder, na pumapasan sa mabigat na responsibilidad ng paghawak ng mga hudisyal na kaso?
Niluluwalhati ang Isa na Pinagkakautangan ng Pangalan ng Bawat Pamilya
22, 23. Ano ang pinahahalagahan natin sa ating mga kapuwa Kristiyano noong unang bahagi ng ika-20 siglo? Pero ano ang nagpapakita na kailangan nilang maging mas timbang pagdating sa pamilya?
22 Ang ikatlong aspekto kung saan patuloy na dinadalisay ni Kristo ang mga tagasunod niya ay may kaugnayan sa pag-aasawa at buhay pampamilya. Dinalisay ba ang pananaw natin sa pamilya sa paglipas ng mga taon? Oo. Halimbawa, kapag nababasa natin ang tungkol sa mga lingkod ng Diyos noong unang bahagi ng ika-20 siglo, hangang-hanga tayo sa sakripisyo nila. Talagang pinahahalagahan natin na inuna nila ang sagradong paglilingkod. Pero malinaw na kailangan nilang maging mas timbang. Sa anong paraan?
23 Ang mga brother noon ay tumatanggap ng atas sa ministeryo o gawaing paglalakbay na nagiging dahilan para mapalayo sila sa kanilang pamilya nang maraming buwan. May panahon pa ngang higit pa sa sinasabi ng Kasulatan ang paghimok na huwag mag-asawa, samantalang kaunti lang ang mga payo sa pagpapatibay ng buklod ng Kristiyanong mag-asawa. Ganiyan pa rin ba ang kalagayan sa ngayon? Hindi!
Hindi dapat mapabayaan ang mga obligasyon sa pamilya kapag gumaganap ng teokratikong mga atas
24. Paano tinulungan ni Kristo ang kaniyang tapat na mga tagasunod para magkaroon ng mas timbang na pananaw sa pag-aasawa at pamilya?
24 Sa ngayon, hindi dapat mapabayaan ang mga obligasyon sa pamilya kapag gumaganap ng teokratikong mga atas. (Basahin ang 1 Timoteo 5:8.) Bukod diyan, tinitiyak ni Kristo na ang kaniyang tapat na mga tagasunod ay patuloy na makatatanggap ng kapaki-pakinabang at timbang na makakasulatang payo hinggil sa pag-aasawa at buhay pampamilya. (Efe. 3:14, 15) Noong 1978, inilabas ang aklat na Making Your Family Life Happy. Makalipas ang mga 18 taon, inilathala naman ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Inilalathala rin sa Ang Bantayan ang napakaraming artikulong dinisenyo para tulungan ang mga mag-asawa na ikapit ang mga simulain sa Bibliya.
25-27. Sa paglipas ng mga taon, paano higit na nabibigyang-pansin ang mga pangangailangan ng mga bata, anuman ang edad nila?
25 Kumusta naman ang mga bata? Sa paglipas ng mga taon, higit na nabibigyang-pansin ang kanilang mga pangangailangan. Noon pa man, pinaglalaanan na ng organisasyon ni Jehova ang mga bata, anuman ang edad nila. Pero kung noon ay mga patak lang, ngayon ay tuloy-tuloy ang agos nito. Halimbawa, ang “Juvenile Bible Study” ay lumabas sa The Golden Age mula 1919 hanggang 1921. Pagkatapos, inilabas naman ang brosyur na The Golden Age ABC noong 1920 at ang aklat na Children noong 1941. Noong dekada ng 1970, inilathala ang mga aklat na Pakikinig sa Dakilang Guro, Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Noong 1982, lumabas sa Gumising! ang seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong,” na sinundan naman ng paglalabas ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas noong 1989.
26 Sa ngayon, mayroon na tayong dalawang tomo ng Tanong ng mga Kabataan na angkop na angkop sa kalagayan nila. Patuloy namang mababasa ang serye nito sa website na jw.org/tl. Nandiyan din ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro. Napakaraming feature sa website na dinisenyo para sa mga kabataan, gaya ng Bible card, activity para sa pag-aaral ng Bibliya para sa tin-edyer at bata, palaisipan, video, isinalarawang kuwento sa Bibliya, at mga leksiyon sa Bibliya para sa mga batang edad tatlo pababa. Maliwanag, hindi nagbago ang turing ni Kristo sa mga bata mula nang tipunin niya sila sa kaniyang mga bisig noong unang siglo. (Mar. 10:13-16) Gusto niyang madama ng mga bata na minamahal sila at napapakaing mabuti sa espirituwal.
27 Gusto rin ni Jesus na maprotektahan ang mga bata mula sa panganib. Habang bumubulusok ang moralidad ng sanlibutang ito, lalong nagiging laganap ang salot ng pang-aabuso sa bata. Kaya naglathala ang organisasyon ng malinaw at deretsahang mga materyal para tulungan ang mga magulang na maingatan ang kanilang mga anak mula sa pang-aabuso.d
28. (a) Batay sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo, ano ang kailangan para maging bahagi tayo ng dalisay na pagsamba? (b) Ano ang determinado mong gawin?
28 Nakatutuwang isipin kung paano patuloy na dinalisay ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod. Sinanay niya silang igalang ang matataas na pamantayang moral ni Jehova at mamuhay ayon dito para makinabang sila. Isiping muli ang templo na nakita ni Ezekiel sa pangitain. Alalahanin ang matataas na pasukan nito. Oo, isa itong espirituwal na templo, hindi literal. Pero totoong-totoo ba ito sa atin? Para makapasok dito, hindi sapat ang basta lang pagpunta sa Kingdom Hall, pagbuklat ng Bibliya, o pagkatok sa pinto ng may-bahay. Kaya ring gawin iyan ng mga mapagpaimbabaw, pero hindi pa rin sila makapapasok sa templo ni Jehova. Gayunman, kapag ginagawa natin ang mga iyan at kasabay nito ay namumuhay tayo ayon sa matataas na pamantayang moral ni Jehova at nakikibahagi sa dalisay na pagsamba taglay ang tamang saloobin, masasabing nakapasok na tayo at naglilingkod sa pinakabanal sa lahat ng dako—ang kaayusan ng Diyos na Jehova para sa dalisay na pagsamba! Lagi nawa nating pahalagahan ang napakagandang pribilehiyong iyan. Patuloy din nating gawin ang ating buong makakaya sa pagtataguyod ng matuwid na mga pamantayan ni Jehova para maipaaninag natin ang kaniyang kabanalan!
a Noong 1932, unang ipinaliwanag ng Tomo 2 ng aklat na Vindication na ang mga hula sa Bibliya tungkol sa pagsasauli ng bayan ng Diyos sa kanilang lupain ay may modernong-panahong katuparan, hindi sa likas na Israel, kundi sa espirituwal na Israel. Ang mga hula ay tumutukoy sa pagsasauli ng dalisay na pagsamba. Ipinaliwanag sa Marso 1, 1999, ng Ang Bantayan na ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo ay isang hula ng pagsasauli kaya may mahalagang katuparan ito sa mga huling araw.
b Sa panatang ito, hindi pinahihintulutan ang isang lalaki at isang babae sa isang kuwarto nang walang kasama, maliban na lang kung nakabukas ang pinto—o kung mag-asawa sila o malapít na magkamag-anak. Sa loob ng ilang taon, araw-araw na binabasa ang panatang ito bilang bahagi ng Pang-umagang Pagsamba sa Bethel.
c Kasama sa maling paggamit ng tabako ang paghithit, pagngata, o pagtatanim nito para sa gayong layunin.
d Halimbawa, tingnan ang kabanata 32 ng Matuto Mula sa Dakilang Guro at ang pahina 3-11 ng Gumising! isyu ng Oktubre 2007.