CALDEA, CALDEO
Noong una, ang lupaing sumasaklaw at mga taong naninirahan sa timugang bahagi ng mabanlik na kapatagan ng Babilonya, ang matabang lugar ng delta ng mga ilog ng Tigris at ng Eufrates. Noong una, maaaring magkahiwalay na bumubuhos ang mga ilog na ito sa Gulpo ng Persia, anupat ang mga lunsod ng Eridu at Ur ay mga daungang-dagat. Ngunit sa paglipas ng mga taon, maaaring unti-unting naipon sa look ang mga banlik ng ilog, anupat umusod ang dalampasigan tungo sa TS at nagsanib ang Tigris at Eufrates bago bumuhos sa dagat. Noong unang mga panahon, ang pinakamahalagang lunsod sa pook na iyon ay ang Ur, ang sariling bayan ni Abraham, na nilisan niya at ng kaniyang pamilya ayon sa utos ng Diyos bago ang 1943 B.C.E. (Gen 11:28, 31; 15:7; Ne 9:7; Gaw 7:2-4) Pagkaraan ng mga 300 taon, pinangyari ni Satanas na Diyablo na magdulot ng malaking kapinsalaan sa tapat na si Job ang mga manlulusob na Caldeo.—Job 1:17.
Habang lumalaganap ang impluwensiya ng mga Caldeo patungong hilaga, ang buong teritoryo ng Babilonia ay nakilala bilang “ang lupain ng mga Caldeo.” Sa kaniyang mga hula ay patiunang tinalakay ni Isaias ang pagbangong ito ng mga Caldeo sa kapangyarihan at ang kasunod na pagbagsak nila. (Isa 13:19; 23:13; 47:1, 5; 48:14, 20) Lalo pang nakita ang pamumunong ito noong ikapito at ikaanim na siglo B.C.E. nang mamahala si Nabopolassar, isang katutubo ng Caldea, at ang kaniyang mga kahalili, sina Nabucodonosor II, Evil-merodac (Awil-Marduk), Neriglissar, Labashi-Marduk, Nabonido, at Belsasar, sa Ikatlong Kapangyarihang Pandaigdig, ang Babilonya. (2Ha 24:1, 2; 2Cr 36:17; Ezr 5:12; Jer 21:4, 9; 25:12; 32:4; 43:3; 50:1; Eze 1:3; Hab 1:6) Nagwakas ang dinastiyang iyon nang ‘mapatay si Belsasar na haring Caldeo.’ (Dan 5:30) Si Dario na Medo ay “ginawang hari sa kaharian ng mga Caldeo.”—Dan 9:1; tingnan ang BABILONYA Blg. 2.
Mula pa noong unang mga panahon ay kilala na ang mga Caldeo sa kanilang kaalaman sa matematika at astronomiya. Noong mga araw ni Daniel, isang pantanging kulto ng mga manghuhula na nag-aangking mga dalubhasa sa tinaguriang siyensiya ng panghuhula ang tinatawag na mga Caldeo.—Dan 2:2, 5, 10; 4:7; 5:7, 11.