BABILONYA
[Kaguluhan].
1. Ang pangalang ibinigay sa Babel nang maglaon. Ang bantog na lunsod na ito ay nasa kahabaan ng Ilog Eufrates sa Kapatagan ng Sinar humigit-kumulang 870 km (540 mi) sa S ng Jerusalem at mga 80 km (50 mi) sa T ng Baghdad. Ang mga guho ng Babilonya ay sumasaklaw sa isang malawak na dako na hugis-tatsulok. Ilang gulod ang nakapangalat sa dakong ito. Taglay pa rin ng Tell Babil (Mujelibe), sa hilagaang bahagi ng tatsulok, ang sinaunang pangalan at ito ay mga 10 km (6 na mi) sa H ng Hilla, Iraq.—Tingnan ang BABILONYA Blg. 2; SINAR.
Ang lunsod ay nasa magkabilang panig ng Ilog Eufrates. Napalilibutan ito ng doblihang pader, anupat dahil dito ay waring hindi ito maigugupo.
Ang panloob na muralya, na yari sa magagaspang na laryo, ay binubuo ng dalawang pader. Ang panloob na pader ay 6.5 m (21.5 piye) ang kapal. Ang panlabas na pader naman, na nasa layong 7 m (23 piye), ay mga 3.5 m (11.5 piye) ang kapal. Ang mga pader na ito ay sinuhayan ng pandepensang mga tore, na nagsilbi ring pampatibay sa istraktura ng mga pader. Isang pantalan na gawa sa nilutong laryo na inilatag sa bitumen ang nasa labas, mga 20 m (66 na piye) mula sa panlabas na pader. Sa labas ng pader na ito ay may isang bambang na konektado sa Eufrates sa dakong H at T ng lunsod. Naglaan ito ng suplay ng tubig at gayundin ng proteksiyon laban sa mga hukbo ng kaaway. Ipinahihiwatig ng mga dokumentong Babilonyo na walong pintuang-daan ang nagsilbing pasukan patungo sa loob ng lunsod. Sa ngayon, apat na sa mga pintuang-daan ng Babilonya ang natuklasan at nahukay.
Ang panlabas na muralya sa S ng Eufrates ay idinagdag ni Nabucodonosor II (na nagwasak sa templo ni Solomon), anupat binakuran niya ang isang malaking bahagi ng kapatagan sa dakong H, S, at T upang mapagkanlungan ng mga taong tumatakas mula sa karatig na mga lugar kung panahon ng digmaan. Ang panlabas na muralyang ito ay binubuo rin ng dalawang pader. Ang panloob na pader, na gawa sa mga laryong di-hinurno, ay mga 7 m (23 piye) ang kapal at sinusuhayan ng pandepensang mga tore. Sa kabilang panig nito, sa layong mga 12 m (40 piye), naroroon ang panlabas na pader na yari sa mga laryong hinurno at na binubuo ng dalawang bahagi na may mga toreng magkakaugnay: ang isang bahagi ay halos 8 m (26 na piye) ang kapal, at ang karatig na bahagi naman ay mga 3.5 m (11.5 piye) ang kapal.
Pinagdugtong ni Nabonido ang mga dulo ng panlabas na muralya sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang pader sa kahabaan ng silanganing pampang ng ilog. Ang pader na ito ay mga 8.5 m (28 piye) ang lapad at mayroon ding mga tore at isang pantalan na 3.5 m (11.5 piye) ang lapad.
Sinasabi ni Herodotus, Griegong istoryador ng ikalimang siglo B.C.E., na sa magkabilang panig ng Ilog Eufrates ay may tuluy-tuloy na pantalan, na nakahiwalay mula sa mismong lunsod sa pamamagitan ng mga pader na may mga pintuang-daanan. Ayon sa kaniya, ang mga pader ng lunsod ay mga 90 m (295 piye) ang taas, 26.5 m (87 piye) ang kapal, at mga 95 km (59 na mi) ang haba. Gayunman, waring pinalabis ni Herodotus ang mga impormasyong ito may kinalaman sa Babilonya. Ipinakikita ng arkeolohikal na katibayan na ang Babilonya ay mas maliit, anupat ang panlabas na muralya ay mas maikli at mas mababa. Wala pang natuklasang katibayan na nagpapatunay na may isang pantalan sa kahabaan ng kanluraning pampang ng ilog.
May mga lansangang papasók sa lunsod mula sa mga pintuang-daan ng pagkalaki-laking mga pader. Ang Processional Way, na pangunahing kalsada, ay may latag na bato at ang mga pader sa gilid nito ay napapalamutian ng mga leon. (LARAWAN, Tomo 2, p. 323) Kinumpuni at pinalaki ni Nabucodonosor II ang lumang palasyo at itinayo niya ang isang palasyong pantag-araw na nasa layong mga 2 km (1.5 mi) sa hilaga. Nagtayo rin siya ng isang malaking istraktura na baytang-baytang at may mga arko ang mga pasukan, na kilala bilang ang Hanging Gardens ng Babilonya at napabantog bilang isang “kamangha-manghang gawa ng sinaunang daigdig.”
Ang malawak na metropolis na ito na nasa magkabilang panig ng daanang-tubig ng Eufrates ay sentro ng komersiyo at industriya ng kalakalang pandaigdig. Hindi lamang ito isang mahalagang sentrong pagawaan ng mga produkto kundi isa ring pangkomersiyong depo para sa kalakalan sa pagitan ng mga tao sa Silangan at sa Kanluran, kapuwa yaong dumaraan sa lupa at sa dagat. Kaya ang plota nito ay nakararating sa Gulpo ng Persia at sa malalayong karagatan.
Kasaysayan. Si Nimrod, na nabuhay noong huling bahagi ng ikatlong milenyo B.C.E., ang nagtatag sa Babilonya bilang ang kabisera ng unang pulitikal na imperyo ng tao. Gayunman, biglang nahinto ang pagtatayo ng lunsod na ito nang guluhin ng Diyos ang kanilang wika. (Gen 11:9) Ang sumunod na mga salinlahi ay nagsikap na itayo itong muli. Pinalawak ni Hammurabi ang lunsod, pinatibay ito, at ginawa itong kabisera ng Imperyo ng Babilonya sa ilalim ng pamamahalang Semitiko.
Sa ilalim ng panunupil ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Asirya, ang Babilonya ay nasangkot sa iba’t ibang pakikipaglaban at paghihimagsik. Pagkatapos, nang humina ang ikalawang imperyong pandaigdig, nagtatag ang Caldeong si Nabopolassar ng isang bagong dinastiya sa Babilonya noong mga 645 B.C.E. Ang kaniyang anak na si Nabucodonosor II, na tumapos sa pagsasauli at nagdala sa lunsod sa tugatog ng kaluwalhatian nito, ay naghambog, “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo?” (Dan 4:30) Taglay ang gayong kaluwalhatian, nanatili itong kabisera ng ikatlong kapangyarihang pandaigdig hanggang noong gabi ng Oktubre 5, 539 B.C.E. (kalendaryong Gregorian), nang bumagsak ang Babilonya sa harap ng sumasalakay na mga hukbong Medo-Persiano sa ilalim ng pangunguna ni Cirong Dakila.
Noong kapaha-pahamak na gabing iyon sa lunsod ng Babilonya, nagdaos si Belsasar ng isang piging kasama ang isang libo sa kaniyang mga taong mahal. Wala roon si Nabonido upang makita ang nagbababalang sulat sa palitada ng pader: “MENE, MENE, TEKEL at PARSIN.” (Dan 5:5-28) Nanganlong siya sa lunsod ng Borsippa sa dakong TK nang matalo siya sa mga kamay ng mga Persiano. Ang propeta ni Jehova na si Daniel ay nasa Babilonya nang gabing iyon ng Oktubre 5, 539 B.C.E., at ipinabatid niya ang kahulugan ng sulat sa pader. Ang mga tauhan sa hukbo ni Ciro ay hindi natutulog sa kanilang kampamento sa palibot ng waring di-maigugupong mga pader ng Babilonya. Para sa kanila, napakamagawain ng gabing iyon. Isang napakahusay na estratehiya ang isinagawa ng mga inhinyerong panghukbo ni Ciro nang ilihis nila ang daloy ng malaking Ilog Eufrates mula sa lunsod ng Babilonya. Pagkatapos ay lumusong ang mga Persiano sa pinakasahig ng ilog, umahon sa mga pampang nito, at pumasok sa mga pintuang-daan sa kahabaan ng pantalan upang salakayin ang lunsod nang biglaan. Mabilis silang dumaan sa mga lansangan, pinagpapatay ang lahat ng lumalaban, binihag ang palasyo, at pinatay si Belsasar. Dito na nagwakas ang lahat. Sa isang gabi ay bumagsak ang Babilonya, sa gayo’y natapos ang maraming siglo ng Semitikong pangingibabaw; napasailalim ng kontrol ng mga Aryano ang Babilonya, at ang sinalita ni Jehova sa kaniyang hula ay natupad.—Isa 44:27; 45:1, 2; Jer 50:38; 51:30-32; tingnan ang LARAWAN, Tomo 2, p. 325; CIRO.
Mula sa di-malilimutang petsang iyon, 539 B.C.E., nagsimulang kumupas ang kaluwalhatian ng Babilonya kasabay ng paghina nito. Makalawang ulit itong naghimagsik laban sa Persianong emperador na si Dario I (Hystaspis), at noong ikalawang pagkakataon ay nalansag ito. Ang babahagya pa lamang na naisauling lunsod ay naghimagsik laban kay Jerjes I ngunit ito ay sinamsaman. Binalak ni Alejandrong Dakila na gawing kaniyang kabisera ang Babilonya, ngunit bigla siyang namatay noong 323 B.C.E. Nilupig ni Nicator ang lunsod noong 312 B.C.E. at dinala sa mga pampang ng Tigris ang karamihan sa materyales ng lunsod upang gamitin sa pagtatayo ng kaniyang bagong kabisera ng Seleucia. Gayunman, naroroon pa rin ang lunsod at ang isang pamayanan ng mga Judio hanggang noong maagang bahagi ng panahong Kristiyano. Ito ang dahilan kung bakit dumalaw ang apostol na si Pedro sa Babilonya, gaya ng binanggit sa kaniyang liham. (1Pe 5:13) Ipinakikita ng mga inskripsiyong natagpuan doon na ang templo ni Bel sa Babilonya ay umiiral pa hanggang noong 75 C.E. Pagsapit ng ikaapat na siglo C.E., gumuho na ang lunsod, at nang dakong huli ay hindi na ito umiral. Ito ay naging “mga bunton ng mga bato” na lamang.—Jer 51:37.
Sa ngayon ay wala nang nalalabi sa Babilonya kundi mga gulod at mga guho, isa ngang tiwangwang na lupain. (LARAWAN, Tomo 2, p. 324) Ang aklat na Archaeology and Old Testament Study ay nagsasabi: “Isang maliit na bahagi lamang ng malawak na kaguhuang ito ang nahukay sa kabila ng mga pagsisikap ni Koldewey. Sa nakalipas na mga siglo, dinambungan ito ng napakaraming materyales sa pagtatayo. Ito ang isang dahilan kung bakit ang kalakhang bahagi ng tanawing makikita ngayon ay napakagulo, kagayang-kagaya ng sinabi sa mga hula ng Isa. xiii. 19–22 at Jer. l. 39 f., anupat lalong tumitingkad ang pagkatiwangwang dahil tigang ang malaking bahagi ng lugar ng kaguhuan.”—Inedit ni D. W. Thomas, Oxford, 1967, p. 41.
Relihiyon. Ang Babilonya ay isang napakarelihiyosong dako. Ipinakikita ng katibayan mula sa mga paghuhukay at mula sa mga sinaunang teksto na mayroon itong mahigit sa 50 templo. Ang pangunahing diyos ng lunsod ng imperyo ay si Marduk, tinatawag na Merodac sa Bibliya. Sinasabi ng ilan na si Nimrod ay itinuring bilang ang diyos na si Marduk, ngunit iba-iba ang opinyon ng mga iskolar kung tungkol sa pag-uugnay ng mga diyos sa espesipikong mga tao. Prominente rin sa relihiyon ng Babilonya ang mga tatluhang bathala. Ang isa sa mga ito, na binubuo ng dalawang diyos at isang diyosa, ay sina Sin (ang diyos-buwan), Shamash (ang diyos-araw), at Ishtar; ang mga ito ang sinasabing mga tagapamahala ng sodyako. Ang isa pang tatluhang diyos ay binubuo naman ng mga diyablong sina Labartu, Labasu, at Akhkhazu. Ang idolatriya ay kitang-kita sa lahat ng dako. Tunay ngang ang Babilonya ay “isang lupain ng mga nililok na imahen,” maruruming “mga karumal-dumal na idolo.”—Jer 50:1, 2, 38.
Ang mga Babilonyo ay naniniwala sa imortalidad ng kaluluwa ng tao.—The Religion of Babylonia and Assyria, ni M. Jastrow, Jr., 1898, p. 556.
Kinatha ng mga Babilonyo ang astrolohiya sa pagsisikap na tuklasin ang kinabukasan ng tao sa mga bituin. (Tingnan ang ASTROLOGO.) Naging prominenteng bahagi ng kanilang relihiyon ang mahika, panggagaway, at astrolohiya. (Isa 47:12, 13; Dan 2:27; 4:7) Maraming bagay sa kalangitan, halimbawa ay mga planeta, ang ipinangalan sa mga diyos ng Babilonya. Ang panghuhula ay patuloy na naging isang pangunahing sangkap ng relihiyon ng Babilonya noong mga araw ni Nabucodonosor, na gumamit nito sa kaniyang mga pagpapasiya.—Eze 21:20-22.
Malaon na Kaaway ng Israel. Maraming ulit na tinukoy ng Bibliya ang Babilonya, pasimula pa sa ulat ng Genesis tungkol sa orihinal na lunsod ng Babel. (Gen 10:10; 11:1-9) Kabilang sa samsam na kinuha ni Acan mula sa Jerico ang “isang opisyal na kasuutan mula sa Sinar.” (Jos 7:21) Pagkatapos bumagsak ang hilagang kaharian ng Israel noong 740 B.C.E., dinala roon ang mga tao mula sa Babilonya at sa iba pang mga lugar upang ihalili sa mga binihag na Israelita. (2Ha 17:24, 30) Nagkamali si Hezekias nang ipakita niya ang mga kayamanan ng kaniyang bahay sa mga mensaherong nagmula sa Babilonya; nang maglaon, ang mismong mga kayamanang ito at ang ilan sa “mga anak” ni Hezekias ay dinala sa Babilonya. (2Ha 20:12-18; 24:12; 25:6, 7) Si Haring Manases (716-662 B.C.E.) ay dinala ring bihag sa Babilonya, ngunit dahil nagpakumbaba siya, ibinalik siya ni Jehova sa kaniyang trono. (2Cr 33:11) Dinala ni Haring Nabucodonosor sa Babilonya ang mahahalagang kagamitan ng bahay ni Jehova, kasama ang libu-libong bihag.—2Ha 24:1–25:30; 2Cr 36:6-20.
Sinasabi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan kung paanong si Jeconias (Jehoiakin), na dinalang bilanggo sa Babilonya, ay isang kawing sa linya ng angkan ni Jesus. (Mat 1:11, 12, 17) Ang unang kanonikal na liham ng apostol na si Pedro ay isinulat mula sa Babilonya. (1Pe 5:13; tingnan ang PEDRO, MGA LIHAM NI.) Ang “Babilonya” na iyon ay ang lunsod sa Eufrates, at hindi ang Roma na gaya ng sinasabi ng ilan.
Tingnan ang BABILONYANG DAKILA.
2. Ang Imperyo ng Babilonya ay tinukoy rin sa pangalan ng kabiserang lunsod nito, ang Babilonya, at nakasentro sa mababang libis ng Mesopotamia.—MAPA, Tomo 2, p. 321.
Kung minsan ay hinahati ng mga istoryador ang Babilonia, anupat tinatawag na Akkad (Acad) ang hilagaang bahagi at Sumer o Caldea ang timugang bahagi. Noong una, ang teritoryong ito ay tinutukoy sa Kasulatan bilang ang “lupain ng Sinar.” (Gen 10:10; 11:2; tingnan ang SINAR.) Nang maglaon, nang ang Babilonya ay gawing kabisera ng nagpupunong mga tagapamahala, ang lugar na ito ay nakilala bilang Babilonia. Dahil ang mga dinastiyang Caldeo kung minsan ang nangingibabaw, tinatawag din itong “lupain ng mga Caldeo.” (Jer 24:5; 25:12; Eze 12:13) Ang ilan sa sinaunang mga lunsod sa Babilonia ay ang Adab, Akkad, Babilonya, Borsippa, Erec, Kis, Lagash, Nippur, at Ur. Sabihin pa, ang Imperyo ng Babilonya ay umabot nang lampas pa sa Babilonia, anupat nasakop nito ang Sirya at Palestina pababa hanggang sa hanggahan ng Ehipto.
Noong mga unang kalahatian ng ikawalong siglo B.C.E., isang Asiryanong hari na nagngangalang Tiglat-pileser III (Pul) ang namamahala sa Babilonia. (2Ha 15:29; 16:7; 1Cr 5:26) Nang maglaon, isang Caldeo na tinatawag na Merodac-baladan ang naging hari ng Babilonya, ngunit pagkaraan ng 12 taon ay pinatalsik siya ni Sargon II. Nang halinhan ni Senakerib si Sargon II, napaharap siya sa isa pang paghihimagsik ng mga Babilonyo na pinangunahan ni Merodac-baladan. Pagkatapos ng di-matagumpay na pagtatangka ni Senakerib na bihagin ang Jerusalem noong 732 B.C.E., si Merodac-baladan ay nagpadala ng mga sugo kay Hezekias ng Juda posibleng upang humiling ng suporta laban sa Asirya. (Isa 39:1, 2; 2Ha 20:12-18) Nang maglaon ay naitaboy ni Senakerib si Merodac-baladan at kinoronahan ang kaniyang sarili bilang tagapamahala ng Babilonya, isang posisyon na hinawakan niya hanggang sa kaniyang kamatayan. Muling itinayo ng kaniyang anak na si Esar-hadon ang Babilonya. Sinuportahan ng mga Babilonyo si Nabopolassar at iginawad sa kaniya ang pagkahari. Sa kaniya nagsimula ang dinastiyang Neo-Babilonyo na nagpatuloy hanggang kay Belsasar. Ang dinastiyang iyon mula sa anak ni Nabopolassar na si Nabucodonosor hanggang kay Belsasar ay inilalarawan sa hula ng Bibliya bilang ang ulong ginto ng imaheng napanaginipan ni Nabucodonosor (Dan 2:37-45) at bilang isang leon na may mga pakpak ng agila at puso ng tao sa isang pangitaing napanaginipan ni Daniel.—Dan 7:4.
Noong 632 B.C.E., ang Asirya ay nalupig ng bagong dinastiyang ito ng mga Caldeo, sa tulong ng mga kaalyadong Mediano at Scita. Noong 625 B.C.E., tinalo ng panganay na anak ni Nabopolassar, na si Nabucodonosor (II), si Paraon Neco ng Ehipto sa pagbabaka sa Carkemis, at nang taon ding iyon ay hinawakan niya ang katungkulan sa pamamahala. (Jer 46:1, 2) Sa ilalim ni Nabucodonosor, ang Babilonya ay naging “isang ginintuang kopa” sa kamay ni Jehova upang ibuhos ang galit laban sa di-tapat na Juda at Jerusalem. (Jer 25:15, 17, 18; 51:7) Noong 620 B.C.E. pinilit niya si Jehoiakim na magbayad ng tributo, ngunit pagkatapos ng mga tatlong taon ay naghimagsik si Jehoiakim. Noong 618 B.C.E., o noong ikatlong taon ni Jehoiakim bilang sakop na tagapamahala, si Nabucodonosor ay umahon laban sa Jerusalem. (2Ha 24:1; 2Cr 36:6) Gayunman, bago pa man siya madala ng mga Babilonyo, si Jehoiakim ay namatay. Matapos halinhan ni Jehoiakin ang kaniyang ama, siya ay kaagad na sumuko at dinalang bihag sa Babilonya noong 617 B.C.E. kasama ng iba pang mga taong mahal. (2Ha 24:12) Si Zedekias ang sumunod na inatasan sa trono ng Juda, ngunit naghimagsik din siya; at noong 609 B.C.E. muling kinubkob ng mga Babilonyo ang Jerusalem at sa wakas ay nabutas ang mga pader nito noong 607 B.C.E. (2Ha 25:1-10; Jer 52:3-12) Ang taóng iyon ng 607 B.C.E., kung kailan itiniwangwang ang Jerusalem, ay isang mahalagang taon sa pagbilang ng panahon hanggang sa ang pandaigdig na tagapamahala na pinili ni Jehova, na Soberano ng Sansinukob, ay mailagay niya sa kapangyarihan ng Kaharian.—Tingnan ang TAKDANG PANAHON NG MGA BANSA, MGA (Pasimula ng ‘pagyurak’).
Isang tapyas na cuneiform ang natagpuan na tumutukoy sa isang kampanya laban sa Ehipto noong ika-37 taon ni Nabucodonosor (588 B.C.E.). Maaaring noong pagkakataong iyon napasailalim ng kontrol ng Babilonya ang makapangyarihang Ehipto, gaya ng inihula ng propetang si Ezekiel maliwanag na noong taóng 591 B.C.E. (Eze 29:17-19) Nang dakong huli, pagkatapos ng 43-taóng paghahari, kabilang na rito ang pananakop sa maraming bansa at ang isang malaking programa ng pagtatayo sa Babilonia mismo, si Nabucodonosor II ay namatay noong Oktubre ng 582 B.C.E. at hinalinhan ni Awil-Marduk (Evil-merodac). Ang bagong tagapamahalang ito ay nagpakita ng kabaitan sa bihag na si Haring Jehoiakin. (2Ha 25:27-30) Kakaunti ang nalalaman tungkol sa paghahari ni Neriglissar, maliwanag na kahalili ni Evil-merodac, at gayundin sa paghahari ni Labashi-Marduk.
Mas kumpleto ang taglay nating impormasyon sa kasaysayan tungkol kay Nabonido at sa kaniyang anak na si Belsasar, na maliwanag na magkasamang namamahala noong panahong bumagsak ang Babilonya.
Sa puntong ito, ang mga Medo at mga Persiano sa ilalim ng pangunguna ni Cirong Dakila ay humahayo na upang sakupin ang Babilonia at upang maging ang ikaapat na kapangyarihang pandaigdig. Noong gabi ng Oktubre 5, 539 B.C.E. (kalendaryong Gregorian), ang Babilonya ay nasakop, at si Belsasar ay napatay. Noong unang taon ni Ciro, kasunod ng pananakop sa Babilonya, inilabas niya ang kaniyang bantog na batas na nagpapahintulot sa isang pangkat ng 42,360 Israelita, bukod pa sa maraming alipin at bihasang mang-aawit, na makabalik sa Jerusalem. Pagkaraan ng mga 200 taon, ang pamumuno ng Persia sa Babilonia ay nagwakas nang mabihag ni Alejandrong Dakila ang Babilonya noong 331 B.C.E. Noong kalagitnaan ng ikalawang siglo B.C.E., ang Babilonia ay napasailalim ng kontrol ng mga Parto sa pangunguna ng kanilang haring si Mithradates I.
Yamang dumarami ang mga komunidad ng mga Judio sa Babilonya, si Pedro na apostol sa mga Judio ay nagpunta roon, at doon niya isinulat ang isa sa kaniyang kinasihang mga liham. (Gal 2:7-9; 1Pe 5:13) Ang mga Judiong lider sa Silanganing mga komunidad na ito ang siya ring bumuo ng Babilonikong Targum, na kilalá rin bilang ang Targum ni Onkelos, at gumawa ng maraming manuskrito ng Hebreong Kasulatan. Ang Petersburg Codex of the Latter Prophets, na nagmula noong 916 C.E., ay katangi-tangi sapagkat naglalaman ito ng pinaghalong mga tekstong Silanganin (Babiloniko) at Kanluranin (Tiberiano).
[Map on page 282, 283]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Lunsod ng Sinaunang Babilonya
Bagong Lunsod
Kanal
Palasyong Pantag-araw
Ishtar Gate
Hanging Gardens
Palasyo ng Lunsod
Ziggurat na Etemenanki
Pintuang-daan ng Ilog
Pader ng Ilog
Ilog Eufrates
Mga Pader sa Loob ng Lunsod
Kanal
Templo ni Marduk
Processional Way
Mga Pader ni Nabucodonosor sa Labas ng Lunsod
Kanal