Si Jehova—Ang Diyos ng mga Panahon at mga Kapanahunan
“Sa bawat bagay ay may takdang panahon.”—ECLESIASTES 3:1.
1, 2. (a) Sa paanong ang mga tao ay palaisip sa panahon? (b) Ano ang mangyayari sa malaking bahagi ng buhay ngayon kung hindi natin alam ang takbo ng panahon?
SA ARAW-ARAW na buhay, tayo’y lubhang palaisip tungkol sa panahon. Halimbawa, pagka nakita natin sa orasan na gumagabi na at palubog na ang araw at dumidilim na ang kalangitan, batid natin na patungo na sa gabi. At, sa mga ilang mga panig ng mundo, pagka ayon sa ipinahihiwatig ng kalendaryo’y nasa huling bahagi na ang taglagas at patuloy na lumalamig ang simoy ng hangin at lumalaglag na ang mga dahon ng punongkahoy, ating napatutunayan na ang taglamig ay malapit na. Kaya naman ang mga ebidensiya ng kung ano ngang panahon o kapanahunan iyon, iyan ang pinatutunayan kung ano ang sinasabi ng mga orasan at kalendaryo.
2 Kung hindi natin alam ang mga panahon at mga kapanahunan ang malaking bahagi ng buhay ngayon ay mapapasadlak sa kaguluhan. Halimbawa, ano kaya ang mangyari sa daan-daang mga eroplano na ibig lumunsad sa isang walang tigil na lunsarang airport kung walang paraan ng pagkaalam ng panahon ng paglunsad at pagbaba! O gunigunihin lamang ang angaw-angaw na mga tao na nagmamadalian upang makarating sa kanilang trabaho nang nasa oras kung hindi nila alam ang takbo ng panahon!
3. Kanino nagmula ang mga panahon at mga kapanahunan?
3 Kanino ba nagmula ang mga panahon at mga kapanahunan? Ito’y nagmula sa Maylikha ng sansinukob, ang Diyos na Jehova. Ang Genesis 1:14 ay nagsasabi: “At sinabi ng Diyos: ‘Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at magsilbing mga tanda at mga tagapagbaha-bahagi ng mga kapanahunan at mga araw at mga taon.’”
Lalong Mahalagang mga Panahon at mga Kapanahunan
4-6. (a) Ano ang lalong mahalaga kaysa pagkaalam lamang ng mga panahon o mga kapanahunan para sa mga gawain ng tao? Bakit? (b) Ano ang mga dapat nating itanong?
4 Bagaman ang pagkaalam ng panahon o ng kapanahunan ay mahalaga para sa mga gawain ng tao, mayroong higit na lalong mahalaga: Anong panahon o kapanahunan nga ito kung para sa pangmalas ng Diyos? Ang Eclesiastes 3:1 ay nagsasabi: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, kahit man panahon sa bawat pangyayari sa silong ng langit.” Bagaman ito’y totoo buhat sa pangmalas ng tao, lalo na ngang totoo ito sa pangmalas ng Diyos. Siya’y mayroong tiyak na mga panahon at mga kapanahunan para sa matagumpay na pagsasagawa ng kaniyang layunin. Kung ang ating mga buhay hindi natin itutugma sa katotohanang ito, lahat ng pagsasaayos ng ating mga buhay upang mapaayon sa mga orasan o sa mga kalendaryo ay mawawalang kabuluhan sa bandang huli.
5 Bakit nga gayon? Sapagkat si Jehova ay may layunin para sa lupang ito at para sa mga tao na narito; kung hindi gayon ay tiyak na hindi niya lalalangin ang mga ito. Kung ang ating buhay ay hindi natin iaayon sa layuning iyan, di tayo makakasali riyan. At ang kaniyang layunin ay tiyak na matutupad sa mismong itinakdang panahon. Kaniyang sinasabi: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Ito’y hindi babalik sa akin nang walang bunga, kundi tiyakang gagawin ang kinalulugdan ko, at tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.”—Isaias 55:11.
6 Kung gayon ay kailangang itanong natin: Kung sa pangmalas ni Jehova, anong panahon o kapanahunan na ngayon? Ano ba ang dako ng mga bansa at mga bayan ng sanlibutang ito sa kaniyang talaorasan ng panahon? Oo, ikaw naman? Isinaplano mo ba ang iyong buhay na kasuwato ng layunin ng Diyos at ng kaniyang talaorasan ng panahon?
Tinutupad ba ng Sanlibutang ito ang Layunin ng Diyos?
7. Ano ang paniwala ng karamihan ng mga taong relihiyoso, subalit bakit iyon walang kabuluhan?
7 Maraming tao ang may paniwala na sila’y bahagi ng layunin ng Diyos sapagkat sila’y naniniwala raw sa Diyos. Subalit, pagka hiniling mo sa kanila na ipakita sa iyo buhat sa sariling Salita ng Diyos kung ano ang layuning iyon, hindi nila nagagawa iyon. Sila’y lumalakad ng kanilang sariling lakad, gayunman sila’y naniniwala na sa paano mang paraan ay sasang-ayunan sila ng Diyos. Karamihan ng mga pinuno ng daigdig ay mayroon ding ganiyang saloobin sa lumipas na daan-daang taon. Kanilang inaakala na tinutupad ng Diyos ang kaniyang layunin sa pamamagitan nila, ano man ang gawin ng kani-kanilang bansa. Subalit sila man naman ay hindi makapagsabi kung ano nga ang layuning iyon.
8. Bakit di-makatuwiran na isipin na tatangkilikin ng Maylikha ang mga pinuno at mga tao ng sanlibutang ito?
8 Ipinakikita ba ng Bibliya na tinatangkilik ng Diyos ang sanlibutang ito, pati na ang mga pinuno at mga mamamayan na mayroong relihiyon? Pag-isipan ito: Ang kapangyarihan ng Diyos ay totoong kasindak-sindak. Kaniyang nilalang ang sansinukob, at kasali na rito ang bilyung-bilyong galaksi, bawat isa’y mayroong maraming bilyung-bilyong mga bituin. (Awit 147:4) Isa pa, walang hanggan ang karunungan ng Diyos. Kung ang Diyos, sa taglay niyang kapangyarihan at karunungan, ang tumatangkilik sa mga bansa, sila kaya ay nakaranas ng gayong napakaraming karahasan, digmaan, pang-aapi, at pagdurusa sa loob ng maraming daan-daang taong lumipas? Aakayin kaya ng Diyos ang mga pinuno ng mga bansa at ang angaw-angaw na mga mamamayan nila na magdigmaan at pumatay ng iba pang mga pinuno ng bansa at ng angaw-angaw na kanilang mga mamamayan na nag-aangkin na sila’y inaakay ng Diyos? Iyan kaya ay makatuwiran?
9. Ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos na kailangang maging espirituwal na kalagayan ng kaniyang mga tunay na lingkod?
9 Sinasabi ng Bibliya sa atin sa 1 Corinto 14:33 na “ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” At, sa kaniyang tunay na mga lingkod ay sinasabi ni Jehova: “Kayong lahat ay magsalita ng may pagkakaisa, at huwag magkaroon sa inyo ng pagkakabaha-bahagi, kundi kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Kung sinoman sa mga lingkod ng Diyos ay hindi susunod sa pamantayang ito, ano ngayon ang mangyayari? Ang Roma 16:17 ay nagpapayo: “Tandaan ninyo yaong mga pinagmumulan ng pagkakabaha-bahagi . . . laban sa aral na inyong natutuhan, at iwasan ninyo sila.” Samakatuwid ang pagkakabaha-bahagi ng mga bansa at mga relihiyon at ang kanilang mga alitan ay malinaw na patotoo na hindi tinatangkilik ng Diyos ang gayong mga bansa, mga pinuno ng relihiyon, at ang kanilang mga tagasunod.
10, 11. Anong mga kasulatan ang nagpapakita kung sino ang tumatangkilik sa mga pinuno at mga tao ng sanlibutang ito?
10 Kung gayon ay sino nga ang tumatangkilik sa kanila? Ang 1 Juan kabanatang 3, talatang 10 hanggang 12, ay nagsasabi: “Dito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Sapagkat ito ang pasabing inyong narinig buhat nang pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa’t-isa; hindi gaya ni Cain, na nagmula sa balakyot at pinatay niya ang kaniyang kapatid.” Gayundin, ang 1 Juan kabanatang 4, talatang 20, ay nagsasabi: “Kung sinasabi ng sinoman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ ngunit napopoot sa kaniyang kapatid, siya’y sinungaling. Sapagkat siyang hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.” Kaya naman ganito ang ibinigay na tuntunin ni Jesus sa Juan 13:35: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.”
11 Nakikita mo ba ang pagkakahawig ng pag-ibig at pagkakaisa na kailangang umiral sa gitna ng tunay na mga lingkod ng Diyos at sa hakbangin na sinunod ng mga pinuno ng daigdig at ng mga tao sa pangkalahatan sa loob ng daan-daang taon? Kahit na lamang ang pagpapatayan sa isa’t-isa ng mga taong relihiyoso sa siglo nating ito ay lumipol ng angaw-angaw na buhay. Malimit na yaong nagpapatayan ay nasa iisang relihiyon! Iyan ay tiyak na ebidensiya na hindi ang Diyos ang tumatangkilik sa kanila. Sa halip, gaya ng ipinakikita ng Salita ng Diyos, ang tumatangkilik sa kanila ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo. Kaya naman sinabi ni apostol Juan: “Nalalaman natin na tayo’y sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Oo, si Satanas “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Siya ang kapangyarihan na nagpapakilos sa mga pinuno at mga mamamayan ng sanlibutang ito na ang mga ikinikilos ang nagpapakita na ang mga taong ito ay hindi mula sa Diyos.
Ang Layunin ni Jehova para sa Maaamo
12, 13. Ano ang layunin ng Diyos para sa lupang ito at sa mga tao?
12 Gayunman, nang lalangin ni Jehova ang mga tao, nilayon niya na ang buong lupa ay maging isang paraiso tulad ng halamanan ng Eden, na tinatahanan ng sakdal, nagkakaisa, maligayang mga tao. (Genesis 1:26-28; 2:15; Isaias 45:18) Ang layuning iyan ay hindi nabigo dahil sa mapaghimagsik na mga tao at balakyot na mga espiritu. Gayundin, yamang si Jehova ay isang Diyos ng mga panahon at mga kapanahunan, ang kaniyang layunin ay matutupad sa takdang panahon na kaniyang nilayon para dito. Hindi niya pahihintulutan na ang mga tao ang patuloy na maghari at hadlangan ang kaniyang layunin sa takdang panahon.
13 Si Jesus ay may lubos na pagtitiwala sa layunin ni Jehova para sa lupang ito. Sinabi niya sa isang manlalabag-batas na nagpakita ng kaunting pananampalataya sa kaniya: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Iyon ang makalupang Paraiso na darating. Mas maaga pa dito ay sinabi na ni Jesus: “Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Dito, ang marahil tinutukoy ni Jesus ay yaong diwa ng Awit 37:11, na nagsasabi: “Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”
14. Anong uri ng mga tao ang magmamana ng lupa?
14 Sino yaong mga magmamana ng lupa? Ang Awit 37:34 ay nagsasabi: “Hintayin mo si Jehova at sundin mo ang kaniyang daan, at kaniyang itataas ka upang ariin mo ang lupain. Pagka nilipol na ang mga balakyot, makikita mo iyan.” Isinususog pa ng mga Aw 37 talatang 37 at 38: “Masdan mo ang taong walang kapintasan at malasin mo ang matuwid, sapagkat ang hinaharap ng taong iyon ay mapayapa. Ngunit ang mga mananalansang ay tiyak na malilipol na sama-sama; ang hinaharap ng mga taong balakyot ay tunay na mapaparam.” Samakatuwid, yaong mga taong magmamana ng lupa ay dapat makakilala kay Jehova, na naniwala sa kaniyang mga pangako, at kaniyang itinuturing na matuwid at walang kapintasan sapagkat sila’y sumusunod sa kaniyang mga batas. Gaya ng sinasabi ng 1 Juan 2:17: “Ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”
15. Para maganap ang malalaking kapaki-pakinabang na mga pagbabago sa daigdig, ano ang isang mahalagang bagay na kailangang mangyari?
15 Gayunman, upang ang mga pagbabagong iyon ay maganap kailangan ang kabaligtaran ng kalagayan ng mga bagay-bagay na umiiral ngayon. Unang-una, kakailanganin na alisin ang lahat ng kasalukuyang pamamahala sa lupa, yamang ang pamamahala ng tao ay hindi kailanman nakapagdulot ng kanais-nais na mga kalagayan. Ngunit ang ganiyang yumayanig-mundong mga pagbabago ay kayang-kaya ni Jehova. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Kaniyang binabago ang mga panahon at mga kapanahunan, inaalis ang mga hari at inilalagay ang mga hari.”—Daniel 2:21.
Inaalis ang mga Mananalansang
16, 17. (a) Paano nakitungo si Jehova sa Paraon na sumalansang sa Kaniyang layunin? (b) Paanong napatunayan na totoo ang makahulang salita ni Jehova?
16 Pag-isipan ang ginawa ni Jehova sa makapangyarihang mga hari at mga angkan ng mga hari noong nakalipas, lalo na yaong mga sumubok na humadlang sa kaniyang layunin. Sila’y pinagwatak-watak at pinasambulat sa hangin tulad ng hamak na alabok, pati rin ang kanilang mga kaharian. Halimbawa, nariyan si Paraon ng Egipto na umalipin sa bayan ng Diyos. Subalit si Jehova ay may layunin para sa kaniyang mga lingkod, at kaniyang sinugo si Moises upang sabihin kay Paraon na palayain sila. Sa halip, may kahambugan na sinabi ni Paraon: “Sino ba si Jehova at kailangan ko pang sundin ang kaniyang tinig?” At sinabi pa niya: “Hindi ko nakikilala si Jehova, at higit pa, hindi ko pahihintulutang yumaon ang Israel.”—Exodo 5:2.
17 Binigyan ni Jehova si Paraon ng maraming pagkakataon upang baguhin ang kaniyang pag-iisip. Subalit, paulit-ulit, gaya ng sinasabi ng Exodo 11:10, si Paraon ay ‘nagmatigas.’ Gayunman, ang lakas ni Jehova ay hindi maaaring labanan. Nang dumating ang kaniyang itinakdang panahon, kaniyang nilunod sa Dagat na Pula si Paraon at ang kaniyang mga hukbo. Ang Exodo 14:28 ay nagsasabi: “Walang natira kahit isa sa kanila.” Sa kabilang dako, ang mga lingkod ni Jehova ay iniligtas at pinalaya. Isa pa, ito’y dumating sa eksaktong panahon na sinalita ni Jehova ayon sa kaniyang makahulang salita, sa katapusan ng 400 taon na yugto ng panahong kaniyang sinabi sa tapat na si Abraham daan-daang taon bago pa noon.
18. Ano ang ginawa ni Jehova kay Nabukodonosor ng Babilonya? Bakit?
18 At nariyan si Haring Nabukodonosor ng Babilonya. Kaniyang ipinaghambog ang kaniyang lakas at mga nagawa, na para bagang siya’y isang diyos. Subalit ang Daniel 4:31 ay nagsasabi na “samantalang nasa bibig pa ng hari ang salita, may isang tinig na nanggaling sa langit, na nagsasabi: ‘Sa iyo’y sinasabi, Oh Nabukodonosor na hari, “Ang kaharian ay inaalis na sa iyo.”’” Sinabi sa kaniya ni Jehova na siya’y ibababa na gaya ng isang mabangis na hayop sa parang, hanggang, gaya ng sinasabi ng Dan 4 talatang 32, kaniyang malalaman “na ang Kataas-taasan ay Hari sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kaninomang ibig niyang pagbigyan.” Ganiyan nga ang nangyari nang sumapit ang eksaktong panahon ni Jehova para doon.
19. Bakit hinatulan ni Jehova ng kapahamakan ang Babilonya at ang hari nito, si Belsasar?
19 Ang huling naghari sa Babilonya ay si Belsasar. Panahon iyon ni Jehova para sa pagbabagsak sa dambuhalang imperyong iyon. Bakit? Sapagkat binihag ng mga taga-Babilonya ang bayan ni Jehova at sila’y namusong kay Jehova. Ang Daniel kabanata 5 ay naglalahad na si Belsasar ay gumawa ng isang malaking kapistahan para sa isang libo ng kaniyang mga opisyales. Pagkatapos si Belsasar ay “nag-utos na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nabukodonosor na kaniyang ama sa templo na nasa Jerusalem, . . . at inuman ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, at ng kaniyang mga kinakasamang babae at ng kaniyang mga kerida.” (Daniel 5:2, 3) Pansinin ang susunod na ginawa nila: “Sila’y nag-inuman ng alak, at nagsipuri sa mga diyos na ginto at pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.” (Daniel 5:4) Sa gayong pag-inom sa banal na mga sisidlan na ginagamit sa pagsamba kay Jehova, kanilang tinuya si Jehova at sila’y namusong sa kaniya. Sa pagsamba sa kanilang huwad na mga diyos, si Satanas ang sinasamba nila.
20, 21. Anong pasabi ang ibinigay ni Daniel kay Belsasar, at papaano iyon natupad?
20 Datapuwat, nang sandaling iyon ay may nangyaring isang bagay na nakapagtataka. Nakita ang mga daliri ng isang kamay na sumusulat sa pader ng palasyo! Ganiyan na lamang ang kabiglaanan ng hari na anopat “nagbago ang kaniyang pagmumukha, at binagabag siya ng kaniyang mga pag-iisip, at ang pagkakasugpong ng mga balakang ay nakalag at ang kaniyang mga tuhod ay nagkaumpugan.” (Daniel 5:6) Walang isa man sa mga tagapayo ni Belsasar sa relihiyon ang nakaintindi sa sulat-kamay, kayat ang lingkod ni Jehova na si Daniel ay tinawag upang ipaliwanag iyon. Ipinabatid ni Daniel sa hari na ang pasabi ay galing kay Jehova, at ganito: “Tinakdaan ng Diyos ng bilang ang mga araw ng iyong kaharian at niwakasan ito. . . . Ikaw ay tinimbang sa timbangan at nasumpungang kulang. . . . Ang kaharian mo ay pinaghati-hati at ibinigay sa mga taga-Media at mga taga-Persia.”—Daniel 5:26-28.
21 Nang gabi ring iyon, ang mga hukbo ng Medo-Persia ay lumusob sa lunsod sa pamamagitan ng pagpasok sa mga pintuan, na naiwanan palang bukás. Gaya ng pagtatapos na sabi ng Daniel 5:30: “Nang mismong gabing iyon si Belsasar . . . ay napatay.” Dahilan sa pagbagsak ng Babilonya ang bayan ni Jehova ay nakabalik sa kanilang sariling lupain eksaktong 70 mga taon buhat sa pasimula ng kanilang pagkabihag. Iyan ay eksaktong naaayon sa talaorasan ng panahon ni Jehova, gaya ng isiniwalat sa Jeremias 29:10.
22, 23. Paano nakitungo si Jehova kay Haring Herodes Agrippa I, nang sumalansang ito sa mga Kristiyano noong unang siglo?
22 Noong unang siglo, si Haring Herodes Agrippa I ang huling hari ng Palestina, na bahagi ng Imperyong Romano. Si Herodes ang nagpabilanggo kay apostol Pedro, at pinag-usig niya ang mga iba pang Kristiyano. Siya rin ang nagpapatay sa apostol na si Santiago. (Gawa 12:1, 2) Si Herodes ay nagsaayos din ng mga labanan ng gladiator at iba pang mga panooring pagano. Lahat na ito ay nagpabulaan sa kaniyang pag-aangkin na siya’y isang mananamba sa Diyos.
23 Subalit, sumapit ang takdang panahon ni Jehova para lipulin ang mananalansang na ito. Ang Gawa 12:21 hanggang 23 ay nagsasabi: “Sa isang takdang araw ay nagsuot si Herodes ng damit-hari at naupo sa luklukan ng paghatol at nagsimulang nagtalumpati sa madla. At ang nagkakatipong mga tao ay nagsigawan: ‘Tinig ng isang diyos, at hindi ng isang tao!’” Ano ang sumunod na nangyari? Sinasabi ng Bibliya: “Pagdaka’y sinaktan siya ng isang anghel ni Jehova, sapagkat hindi niya ibinigay sa Diyos ang kaluwalhatian; at siya’y kinain ng mga uod at namatay.” Narito ang isa pang halimbawa ng ‘pag-aalis ng mga hari’ ni Jehova gaya ng sinabi ng Daniel 2:21.
24. Sa ano nagpapatunay ang gayong mga pangyayari sa kasaysayan?
24 Ang gayong mga pangyayari sa kasaysayan ay nagpapatunay na may mga panahon at mga kapanahunan si Jehova para sa kaniyang mga layunin. Ipinakikita rin na tiyakang mayroon siya ng kakayahan at ng kapangyarihan na tuparin ang kaniyang layunin na ang lupang ito’y gawing isang paraiso na kung saan “tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit totoong mahalaga na malaman ang mga panahon at mga kapanahunan ni Jehova?
◻ Bakit hindi tinatangkilik ng Diyos ang mga pinuno at mga mamamayan ng sanlibutang ito?
◻ Anong uri ng mga tao ang magmamana ng darating na Paraiso sa lupa?
◻ Paanong ipinakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan na ibagsak ang mga pinuno na sumasalansang sa kaniya?