KABANATA 13
“Ihayag Ninyo Ito sa Gitna ng mga Bansa”
1. Bakit maihahalintulad sa pag-ungal ng leon ang pagsasalita ni Jehova sa kaniyang propeta?
NAKARINIG ka na ba ng ungal ng leon? Nakasisindak ang ungal ng leon. Maririnig ito kahit sa layong walong kilometro. Ano ang gagawin mo kung sa katahimikan ng gabi ay makarinig ka ng ungal ng leon sa malapit? Tiyak na kikilos ka agad. Ginamit ni Amos, isa sa 12 propeta na ang akda ay isinasaalang-alang natin, ang paghahambing na ito: “Isang leon ang umungal! Sino ang hindi matatakot? Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ay nagsalita! Sino ang hindi manghuhula?” (Amos 3:3-8) Kung si Jehova mismo ang narinig mong nagsalita, hindi ka ba kikilos na gaya ni Amos? Si Amos ay kaagad na kumilos at humula laban sa sampung-tribong bansa ng Israel.
2. (a) Paano mo matutularan si Amos sa pagtupad sa atas na humula? (b) Ano ang isasaalang-alang natin sa kabanatang ito?
2 Maaaring sabihin mo, ‘Pero hindi naman ako propeta!’ Baka madama mong hindi ka kuwalipikado dahil hindi ka naman pormal na nagsanay bilang propeta. Gayunman, alalahanin si Amos. Nang salansangin siya ng saserdoteng sumasamba sa guya na si Amazias, sinabi ni Amos: “Ako noon ay hindi propeta, ni ako man ay anak ng propeta; kundi ako noon ay tagapag-alaga ng kawan at tagaputi ng mga igos ng mga puno ng sikomoro.” (Amos 7:14) Bagaman hamak ang kaniyang pinagmulan, handang tupdin ni Amos ang kaniyang atas bilang propeta ni Jehova. Kumusta ka naman? Alam mo bang binigyan ka ng atas na sa ilang aspekto ay katulad niyaong sa 12 propeta? Inatasan kang maghayag ng mensahe ng Diyos sa ngayon at magturo at gumawa ng mga alagad. Paano mo itinuturing ang seryosong atas na iyan? Anong mensahe ang ihahayag mo sa gitna ng mga bansa? Puspusan mo bang isinasagawa ang atas na iyan? Paano masasabing matagumpay ka sa gawaing iyan? Isaalang-alang natin ang mga kasagutan.
‘ANG MGA GUYANG TORO NG IYONG MGA LABI’
3. Paano ka nasasangkot sa isang gawaing katulad niyaong sa mga propeta na ang mga akda ay pinag-aaralan natin?
3 Talaga bang nasasangkot ka sa isang gawaing katulad niyaong sa mga propeta? Maaaring hindi mo personal na narinig ang ungal ng leon sa diwa na hindi ka tuwirang kinasihan ni Jehova. Gayunman, narinig mo mula sa kaniyang Salita, ang Bibliya, ang apurahang mensahe tungkol sa dumarating na araw ni Jehova. Gaya ng napansin natin sa Kabanata 1 ng aklat na ito, ang mga salitang “propeta” at “makahula” ay may iba’t ibang kahulugan. Bagaman hindi ka isang propetang katulad ni Amos o ng ibang sinaunang propeta, makapagsasalita ka pa rin tungkol sa hinaharap. Paano? Maihahayag mo ang makahulang mga mensahe na napag-aralan mo sa Banal na Kasulatan, kasama na yaong sa 12 propeta. Ngayon na ang panahon upang gawin iyan.
4. Sa anong diwa natutupad sa ngayon ang hula sa Joel 2:28-32?
4 Tingnan mo ito mula sa iba namang punto de vista. Sinabi ng Diyos na Jehova kay propeta Joel ang tungkol sa isang panahon kapag ang lahat ng uri ng tao ay manghuhula, wika nga: “Pagkatapos nito ay mangyayari nga na ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay tiyak na manghuhula. Kung tungkol sa inyong matatandang lalaki, mananaginip sila ng mga panaginip. Kung tungkol sa inyong mga kabataang lalaki, makakakita sila ng mga pangitain.” (Joel 2:28-32) Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ikinapit ni apostol Pedro ang tekstong ito sa pagbubuhos ng banal na espiritu sa mga nagkatipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem at sa ginawa nilang pangangaral hinggil sa “mariringal na mga bagay ng Diyos” pagkatapos nito. (Gawa 1:12-14; 2:1-4, 11, 14-21) Isaalang-alang ngayon ang ating panahon. Ang malaking katuparan ng hula ni Joel ay nagaganap na mula pa noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano—lalaki at babae, matanda at bata—ay nagsimulang ‘manghula,’ yaon ay, maghayag ng “mariringal na mga bagay ng Diyos,” kalakip na ang mabuting balita ng Kaharian, na naitatag na ngayon sa langit.
5. (a) Ano ang pribilehiyo nating lahat? (b) Ano ang kahulugan ng paghahandog ng “mga guyang toro ng [iyong] mga labi” at bakit ito isang pribilehiyo?
5 Bagaman hindi inianak ng banal na espiritu upang maging mga anak ng Diyos, “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ang nagsasabi sa pinahirang mga tagasunod ni Jesu-Kristo: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.” (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16; Zacarias 8:23) Ang pag-asa mo man ay buhay na walang hanggan sa langit o sa lupa, may pribilehiyo kang maghandog ng “mga guyang toro ng [iyong] mga labi.” (Oseas 14:2) Ano ang ibig sabihin ng pananalitang iyan sa hula ni Oseas? “Ang mga guya . . . ang pinakamainam na mga hayop bilang handog ng pasasalamat,” ang sabi ng iskolar sa Bibliya na si C. F. Keil. Ang Oseas 14:2 ang tinutukoy ni apostol Pablo nang sumulat siya: “Lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Oo, ang pananalitang “mga guyang toro ng [ating] mga labi” ay tumutukoy sa pinakamainam ng ating mga labi, mga salitang sinasambit natin sa pagpuri kay Jehova.
6. Bakit natin dapat suriin ang kalidad ng ating mga hain ng papuri?
6 Naghahandog ka kay Jehova ng mga hain ng papuri kapag taos-puso kang nananalangin sa kaniya, nagkokomento sa Kristiyanong mga pagpupulong bilang pagpapahalaga sa kaniya, at masiglang nakikipag-usap sa iba sa pangmadlang ministeryo. Gayunman, maitatanong ng bawat isa sa atin, ‘Kapag nakikibahagi ako sa gayong mga gawain, ano ba ang kalidad ng aking paghahandog?’ Batay sa iyong napag-aralan, tiyak na kaiinisan mo ang mga saserdote noong panahon ni Malakias na walang-pakundangang nagdala ng mga hayop na may depekto sa altar ng Diyos. Kailangang itawag-pansin sa kanila ni Jehova sa pamamagitan ni Malakias ang mababang kalidad ng kanilang mga hain, sapagkat sa palagay nila, hindi naman iyon paghamak sa mesa ni Jehova. (Malakias 1:8) Kaya makabubuting suriin natin ang kalidad ng ating mga hain upang matiyak na pinakamainam ang mga ito at walang depekto sa anumang paraan.
ANG MENSAHENG DAPAT IHAYAG
7. Anong aspekto ng ating mensahe ang kailangan nating ihayag nang may lakas ng loob?
7 Ang paghahandog ng “mga guyang toro ng [ating] mga labi” sa ministeryo ay nangangailangan ng lakas ng loob, hindi ba? Sapagkat may dalawang aspekto ang mensaheng dinadala natin sa mga tao, at ang isa sa mga ito ay tiyak na hindi katanggap-tanggap sa marami. Ganito ang sinabi ni propeta Joel sa bayan ng Diyos: “Ihayag ninyo ito sa gitna ng mga bansa, ‘Magpabanal kayo ng digmaan! Pukawin ang makapangyarihang mga lalaki! Palapitin sila! Paahunin sila, lahat ng mga lalaking mandirigma!’” (Joel 3:9) Kung tungkol sa katuparan nito sa ating panahon, isang hamon nga iyan sa mga bansa! Isa itong kapahayagan ng matuwid na digmaan ni Jehova laban sa mga taong sumasalansang sa Diyos. Samantalang tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan na ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos,’ sinasabi naman niya sa kaniyang kaaway na mga bansa na “pukpukin [nila] ang [kanilang] mga sudsod upang maging mga tabak at ang [kanilang] mga karit na pampungos upang maging mga sibat.” (Mikas 4:3; Joel 3:10) Oo, kailangang maghanda ang mga kaaway ng Diyos na makipagdigma laban sa Maylalang ng sansinukob. Tiyak na hindi iyan isang kaayaayang mensahe na ihahatid natin.
8. Bakit inihahalintulad sa isang leon “ang mga nalalabi sa Jacob”?
8 Sa mensahe ni propeta Mikas, ang mga naghahandog ng ‘mga guyang toro ng kanilang mga labi’ ay inihalintulad sa isang leon. Sumulat siya: “Sa gitna ng mga bansa, . . . ang mga nalalabi sa Jacob ay magiging tulad ng isang leon sa gitna ng mga hayop sa kagubatan, tulad ng isang may-kilíng na batang leon sa gitna ng mga kawan ng mga tupa, na kapag dumaraan ito ay kapuwa nanyuyurak at nanluluray; at wala ngang tagapagligtas.” (Mikas 5:8) Bakit angkop ang paghahambing na ito? Sa ating panahon, ang bayan ng Diyos, na pinangungunahan ng pinahirang nalabi, ay dapat magpakita ng tulad-leong lakas ng loob sa paghahayag ng babalang mensahe sa mga bansa.a
9. (a) Kailan mo kailangang magpakita ng tulad-leong lakas ng loob? (b) Paano ka magkakaroon ng lakas ng loob sa harap ng pagsalansang o kawalang-interes?
9 Malakas ba ang loob mong gaya ng isang leon sa paghahayag ng aspekto ng mensahe na nagbibigay-babala? Baka kailanganin mo ang gayong lakas ng loob hindi lamang kapag humaharap ka sa mga awtoridad kundi kapag nagsasalita ka sa iyong mga kaeskuwela o katrabaho o sa iyong di-sumasampalatayang mga kamag-anak. (Mikas 7:5-7; Mateo 10:17-21) Paano ka magtitipon ng lakas ng loob sa harap ng pagsalansang o kawalang-interes? Pakinggan mo kung paano naisagawa ni Mikas ang mahirap na atas na pagbibigay ng babala tungkol sa pagkawasak kapuwa ng Samaria at Jerusalem: “Ako naman ay napuspos ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova, at ng katarungan at kalakasan, upang sabihin sa Jacob ang kaniyang pagsalansang at sa Israel ang kaniyang kasalanan.” (Mikas 1:1, 6; 3:8) Ikaw man ay maaaring ‘mapuspos ng kapangyarihan’ sapagkat maaari ka ring tumanggap ng saganang suplay ng nagbibigay-lakas na espiritu ng Diyos. (Zacarias 4:6) Sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos sa panalangin, maipahahayag mo ang mga salita na maaaring magpangilabot sa mga tainga.—2 Hari 21:10-15.
10. Paano natin matutularan si Zefanias sa paghahayag ng mensahe tungkol sa “araw ni Jehova”?
10 Gusto mong maging malakas ang loob, pero dapat ka ring maging mataktika kapag inihaharap mo sa mga tao ang babalang mensahe. Kailangan tayong maging “banayad [o, “mataktika”] sa lahat,” kahit na ang mensahe ay tungkol sa dumarating na “araw ni Jehova.” (2 Timoteo 2:24; talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References; Joel 2:1, 11; Zefanias 1:14) Minsan pa, may matututuhan tayo mula sa 12 propeta. Bagaman buong-tapang nilang inihayag ang mga mensahe ng kahatulan mula kay Jehova, naging makonsiderasyon sila sa mga makikinig. Halimbawa, hindi bantulot si propeta Zefanias nang buong-tapang siyang magsalita sa mga prinsipe (o, mga maharlika) noong panahon niya na matitigas ang puso, ngunit hindi niya isinama ang tapat na si Haring Josias sa pagbatikos na iyon. (Zefanias 1:8) Kapag ipinahahayag ang babalang mensahe, matutulungan ba natin ang mga tao sa pamamagitan ng pagturing sa kanila bilang posibleng mga tupa, anupat hindi nagkakaroon ng negatibong pangmalas sa kanila?—Mateo 25:32-34.
11. (a) Ano ang ikalawang aspekto ng mensaheng taglay natin? (b) Paano mo matutularan ang 12 propeta kapag inihahayag ang araw ni Jehova?
11 Ano ang isa pang aspekto ng mensaheng taglay natin? Ang aspektong iyon ay itinatampok sa Mikas kabanata 5. “Ang mga nalalabi sa Jacob ay magiging tulad ng hamog mula kay Jehova sa gitna ng maraming bayan, tulad ng saganang ulan sa pananim, na hindi umaasa sa tao o naghihintay sa mga anak ng makalupang tao.” (Mikas 4:1; 5:7) Dahil sa mabuting balita na dinadala nila sa “maraming bayan” sa ngayon, “ang mga nalalabi” ng espirituwal na Jacob, o Israel, at ang kanilang mga kasama ay gaya ng nakarerepreskong “hamog mula kay Jehova” at “saganang ulan sa pananim.” Tiyak na marami tayong matututuhan mula sa huling 12 aklat ng Hebreong Kasulatan tungkol sa ikalawang aspekto ng ating mensahe, yamang ang mga propetang iyon ay naghayag hindi lamang ng pagkawasak kundi ng pagsasauli rin naman. Sa iyong ministeryo, itinatawag-pansin mo ba ang positibong aspekto ng mensahe tungkol sa araw ni Jehova?
PAANO MO INIHAHAYAG ANG MENSAHENG ITO?
12, 13. (a) Ano ang kahulugan ng paghahambing sa bayan ng Diyos sa kulupon ng mga insekto? (b) Ano ang nadarama mo tungkol sa nabasa mo sa Joel 2:7, 8?
12 Kung gayon, paano mo inihahayag ang mensaheng ito na may dalawang aspekto? Inihalintulad ni propeta Joel ang gawain ng bayan ng Diyos sa sunud-sunod na mga salot ng insekto, kasama na ang mga balang. (Joel 1:4) Subalit bakit natin inihahambing sa kulupon ng mga insekto ang bayan ni Jehova? Sapagkat gaya ng masusumpungan sa Joel 2:11, tinutukoy ng Diyos ang mga insektong ito bilang “kaniyang hukbong militar.” (Ang bayan ng Diyos ay isinasagisag din ng mga balang sa aklat ng Apocalipsis. Tingnan ang Apocalipsis 9:3, 4.) Ang gawain ng mga insekto na inilarawan ni Joel ay tulad ng lumalamong apoy, anupat ang waring katulad ng “hardin ng Eden” ay nagiging “ilang na tiwangwang” kapag dinaanan nila. (Joel 2:2, 3) Paano mo maipakikita na alam mo ang kahulugan ng hula ni Joel?
13 Isipin kung paano puspusang gumagawa ang maliliit na nilalang na ito. Ganito ang pagkakasabi ni Joel tungkol dito: “Tumatakbo silang gaya ng makapangyarihang mga lalaki. Sumasampa sila sa pader na gaya ng mga lalaking mandirigma. At humahayo sila bawat isa sa kani-kaniyang mga lakad, at hindi sila nagbabago ng kanilang mga landas. At hindi sila nagtutulakan sa isa’t isa. Gaya ng matipunong lalaki sa kaniyang landas, sila ay patuloy na humahayo; at kung may mabuwal man maging sa gitna ng mga suligi, ang iba ay hindi lumilihis ng landas.” (Joel 2:7, 8) Walang “pader” ng pagsalansang ang makahahadlang sa kanila at sa salot na dala nila. “Kung may mabuwal man maging sa gitna ng mga suligi,” gaya ng nangyari sa matapat na mga Kristiyanong pinatay ng mapaniil na mga kaaway, ipinagpapatuloy ng iba ang gawain, anupat isinasagawa ang misyon ni Jehova para sa kanila. Determinado ka bang patuloy na tuparin ang atas na ihayag ang araw ni Jehova hanggang sa sabihin ng Diyos na tapos na ito? Maaari pa ngang ipinagpapatuloy mo ang gawain ng ilang tapat na mga Kristiyanong namatay na.
14. Paano ka makatutulong upang maging puspusan ang gawaing pangangaral?
14 Ang pagiging puspusan, iyan ang mahalagang aral. Paano ka personal na makatutulong upang maging puspusan ang gawaing pangangaral na inilarawan sa hula ni Joel? Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay at pagkatapos ay pagbabalik upang turuan ang mga nagpakita ng interes. Dumadalaw ka ring muli upang makausap ang mga hindi mo naabutan sa tahanan. Kaya ipinakikita mong nauunawaan mo ang makahulang paglalarawang ito. At kapag nagpapatotoo ka sa mga tao sa lansangan, maaaring matagpuan mo ang mga taong hindi mo nasusumpungan sa ibang paraan. Narito ang isa pang paraan: Maaari mong tulungan ang mga banyaga sa inyong lugar.b Alisto ka ba at nakikibahagi sa lahat ng pagkakataong iyon upang maging puspusan ang gawaing pangangaral sa ngayon?
PAANO MASASABING MATAGUMPAY KA?
15. Ano ang kapansin-pansin hinggil sa pagtugon ng mga tao sa mga mensahe ng 12 propeta?
15 Paano tumutugon ang mga tao sa mensahe tungkol sa kakila-kilabot na araw ni Jehova? Hindi ka dapat mabigla kapag napaharap ka sa pagsalansang o kawalang-interes. Ganiyan ang naging kalagayan ng marami sa mga propeta ng Diyos, na ang karamihan ay naghatid ng mabigat na babalang mga mensahe. (Jeremias 1:17-19; 7:27; 29:19) Sa kabila niyan, nakita ng maraming propeta ang positibong mga resulta! Di-kukulangin sa lima sa kanila—sina Jonas, Mikas, Zefanias, Hagai, at Zacarias—ang nakapagpakilos sa puso ng ilang tao na magsisi sa kanilang nakalipas na mga kasalanan at magbago ng kanilang landasin.
16. Ano ang naging bunga ng mga pagsisikap ni Mikas bilang propeta?
16 Ang gawain ni Zefanias bilang isang propeta ang maliwanag na nagpakilos kay Haring Josias na pasimulan ang pagpapanumbalik ng dalisay na pagsamba. Buong-tapang na ipinahayag ni Mikas ang kahatulang mensahe laban sa mga pinuno ng Juda, at ang mga pagkilos ni Haring Hezekias ay kasuwato ng mga pananalita ni Mikas. (Mikas 3:1-3) Kapansin-pansin, ipinahiwatig ng ilang matatandang lalaki noong panahon ni Jeremias na si Hezekias ay isang mabuting halimbawa nang sabihin nilang ‘kinatakutan ng hari si Jehova at pinalambot ang mukha ni Jehova.’ (Jeremias 26:18, 19; 2 Hari 18:1-4) Sa ilalim ng pangunguna ni Hezekias, ipinagdiwang ng mga tao sa Juda at ng mga masunurin mula sa hilagang kaharian ang Paskuwa at ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, at pinalawig pa nga ang kapistahan nang isang linggo. Ano ang naging resulta ng kanilang pagbabalik sa tunay na pagsamba? “Nagkaroon ng malaking pagsasaya sa Jerusalem.” (2 Cronica 30:23-26) Sinimulang ihayag ni Mikas sa apostatang bansa sa ilalim ni Haring Ahaz ang mensahe ng Diyos hinggil sa kapahamakang sasapitin nila. Gayunman, nakita ng propeta ang mabubuting resulta ng kaniyang mga pagsisikap nang positibong tumugon ang anak ni Ahaz na si Hezekias.
17. Ano ang naisagawa nina Hagai at Zacarias?
17 Isaalang-alang din ang mga propetang sina Hagai at Zacarias. Pinaglingkuran nila ang nakabalik na mga Judio, na naging mapagwalang-bahala at makasarili. (Hagai 1:1, 2; Zacarias 1:1-3) Nang gampanan ng dalawang propeta ang kanilang mga atas, 16 na taon na ang nakalilipas buhat nang ilatag ang pundasyon ng templo. Ang bayan ay “tumatakbo, bawat isa para sa kaniyang sariling bahay” samantalang ang bahay ni Jehova ay “giba.” Nanawagan si Hagai sa mga Judio: “‘Magpakalakas kayo, kayong buong bayan ng lupain,’ ang sabi ni Jehova, ‘at gumawa kayo.’” Ano ang nangyari? “Pinukaw ni Jehova ang espiritu” ni Gobernador Zerubabel, ng mataas na saserdoteng si Josue, at ng “lahat ng mga nalalabi sa bayan.” Bilang resulta, natapos nila ang gawain sa templo.—Hagai 1:9, 12, 14; 2:4.
18, 19. (a) Paano tumutugon ang mga tao sa ilang lupain sa paghahayag ng araw ni Jehova? (b) Paano ka tutugon sa pangangailangang ihayag ang babalang mensahe sa lahat ng tao?
18 Inihayag ng karamihan sa 12 propeta ang mga mensahe sa bansang dating nakaalay kay Jehova. Maaaring nangangaral tayo sa mga taong hindi pa kailanman nakilala ang tunay na Diyos, subalit may matututuhan pa rin tayo sa mga resulta ng mga gawain ng mga propeta. Sa maraming teritoryo rin sa ngayon, tumutugon ang mga tao sa apurahang mensahe tungkol sa araw ni Jehova. Nakikita natin ang mga resultang gaya ng inihula ni Zacarias: “Ang maraming bansa ay tiyak na malalakip kay Jehova sa araw na iyon, at sila ay magiging aking bayan; at tatahan ako sa gitna mo.” (Zacarias 2:11) Sa kasalukuyan, sa literal na diwa, ang mga tao mula sa “maraming bansa” ay tumutugon sa mensaheng inihahayag ng bayan ng Diyos. (Apocalipsis 7:9) Inihula ni Zacarias: “Maraming bayan at makapangyarihang mga bansa ang paroroon upang hanapin si Jehova ng mga hukbo sa Jerusalem at upang palambutin ang mukha ni Jehova.” Inilalarawan sila bilang “sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa” na tatangan sa laylayan ng isang espirituwal na Israelita, na sinasabi: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.”—Zacarias 8:20-23.
19 Pansinin ang pagtukoy sa “lahat ng wika ng mga bansa.” Ang Bibliya at literatura sa Bibliya ay isinasalin na sa maraming wika, at ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasanay ng mga ministro upang turuan ang mga tao ng “lahat ng wika ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8) Baka nag-aral ka ng ibang wika upang tulungan ang mga tao sa inyo mismong lugar na nagsasalita ng wikang iyon. At marami ang handang mag-aral ng isa o dalawang bagong wika at lumipat sa mga bansa kung saan marami ang buong-pananabik na tumutugon sa mabuting balita. Puwede ka bang lumipat sa mabubungang teritoryong iyon at sa gayo’y ‘ihayag ito sa gitna ng mga bansa’? May-pananalanging isaalang-alang iyan. Kung ikaw ay may pamilya, paulit-ulit na talakayin ang posibilidad ng gayong paglipat sa inyong pag-uusap bilang pamilya, at patuloy na ikintal ang tunguhing iyan sa inyong lumalaking mga anak.
20. Anong saloobin ang itinawag-pansin ni Jehova tungkol sa mga tao sa Nineve?
20 Si Jonas ang isa pang propeta na nagsalita sa isang bayang ipinalalagay na hindi makikinig. Positibong tumugon sa mensahe ni Jonas ang mga tao sa Nineve, maging ang hari mismo, at nanampalataya sila kay Jehova. Ang Diyos mismo ay nagtanong: “Hindi ba ako dapat manghinayang sa Nineve na dakilang lunsod, kung saan may mahigit sa isang daan at dalawampung libong tao na hindi man lamang nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa?” (Jonas 4:11) Isip-isipin ang mga salitang iyon may kaugnayan sa kung ano ang nag-uudyok sa iyo na ihayag sa iba ang kakila-kilabot na araw ni Jehova. Nadarama mo bang utang na loob mo kay Jehova ang pagliligtas niya sa iyo sa pamamagitan ng pantubos? Nadarama mo bang may pananagutan ka bilang isang nakaalay na lingkod ni Jehova? (1 Corinto 9:16, 17) Makatuwirang mga dahilan ito upang ihayag ang araw ni Jehova. Bukod pa riyan, hindi ka ba ‘nanghihinayang’ sa mga tao na pinangangaralan mo hinggil sa araw ni Jehova? Tunay ngang magiging maligaya ka kapag pinakilos ka ng tulad-diyos na awa upang sabihin sa mga tao ang tungkol sa araw na iyon!
21. Ano ang matututuhan mo sa halimbawa ni Amos sa pagharap niya sa banta ni Amazias?
21 Wala tayong gaanong nalalaman sa naging pagtugon ng mga tao kina Joel, Obadias, Nahum, Habakuk, at Malakias. Sa paanuman, nalalaman natin ang naging pagtugon kay Amos. Matinding sinalansang ni Amazias si Amos, at pinaratangan ang propeta ng pakikipagsabuwatan laban sa hari at sinikap niyang pagbawalan si Amos sa pangangaral sa Bethel. (Amos 7:10-13) Lakas-loob na hinarap ni Amos ang pagsalansang. Sa ngayon, maaaring sinisikap ding impluwensiyahan ng mga panatiko sa relihiyon ang ilang pulitikal na lider upang pag-usigin ang bayan ni Jehova o ipagbawal pa nga ang kanilang kapaki-pakinabang na gawaing pangangaral. Tutularan mo ba si Amos sa buong-tapang na paghahayag ng mabuting balita sa kabila ng pagsalansang?
22. Paano mo masasabing matagumpay ang ministeryo sa inyong teritoryo?
22 Bagaman iba’t iba ang naging pagtugon sa 12 propeta, tinupad ng lahat ang kanilang atas. Ang mahalaga ay, hindi ang pagtugon ng mga tao sa ating mensaheng may dalawang aspekto, kundi ang paghahandog natin kay Jehova ng “mga guyang toro ng [ating] mga labi,” ang ating pinakamainam na “hain ng papuri.” (Oseas 14:2; Hebreo 13:15) Sa gayon, maipauubaya na natin sa Diyos ang mga resulta. Palalapitin niya ang mga tunay na tupa. (Juan 6:44) Isa pa, maaari kang maging matagumpay bilang isang tagapaghayag ng mensahe ng Diyos anuman ang maging pagtugon ng mga tao. Makatitiyak ka na ang “mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, niyaong naghahayag ng kapayapaan,” ay maganda sa paningin ng mga may-pagpapahalagang tumatanggap sa mabuting balita. Ngunit higit sa lahat, magaganda ang mga ito sa paningin ni Jehova. (Nahum 1:15; Isaias 52:7) Dahil napakalapit na ng dakilang araw ni Jehova, maging determinado kang patuloy na gawin ang inihula ni Joel sa ating panahon: “Ihayag ninyo ito sa gitna ng mga bansa, ‘Magpabanal kayo ng digmaan! Pukawin ang makapangyarihang mga lalaki!’” Nangangahulugan iyan ng pakikipagdigma ng Diyos laban sa mga bansa.—Joel 3:9.
a Ang hulang ito ay maaaring unang natupad noong yugtong Macabeo nang palayasin ng mga Judio sa ilalim ng mga Macabeo ang kanilang mga kaaway mula sa Juda at muling inialay ang templo. Dahil dito, naging posible para sa isang nalabi ng mga Judio na malugod na tanggapin ang Mesiyas nang lumitaw ito.—Daniel 9:25; Lucas 3:15-22.
b Ang buklet na Good News for People of All Nations, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay matagumpay na ginagamit sa pagtulong sa mga tao na hindi nagsasalita ng wikang karaniwang ginagamit sa inyong lugar.