KABANATA 1
Mga Mensahe ni Jehova Noon at Ngayon
1, 2. Paano naghahanap ang ilan ng natatagong kayamanan, subalit ano ang makatutulong sa iyo upang masumpungan ang kaligayahan sa buhay?
SA LOOB ng maraming taon, maraming tao ang nangarap na makasumpong ng natatagong kayamanan. Nakabasa ka na ba ng makasaysayang mga ulat hinggil sa mga manggagalugad, arkeologo, at iba pa na aktuwal na naghanap ng gayong uri ng kayamanan? Bagaman maaaring hindi mo pa nasubukang makibahagi sa gayong paghahanap, paano kung may nasumpungan ka ngang kayamanan? Tiyak na magiging kasiya-siya nga ito kung mapabubuti ng kayamanang iyon ang buhay mo o magagawa itong mas maligaya at matagumpay!
2 Ang karamihan sa mga tao ay hindi kailanman aktuwal na nakibahagi sa paghahanap ng literal na kayamanan, subalit maaaring hinahanap nila ang kaligayahan sa pamamagitan ng pagtatamo ng salapi, mabuting kalusugan, at matagumpay na pag-aasawa, mga kayamanang hindi nahuhukay sa lupa. Wala rin namang literal na mapang nagpapakita kung saan matatagpuan ang mga kayamanang iyon. Gaya ng nalalaman mo, kailangan ang pagsisikap upang makamtan ang mga ito. Iyan ang dahilan kung bakit marami ang nagpapahalaga sa maaasahang payo kung paano nila maaabot ang kanilang mga tunguhin at magagawang mas maligaya at matagumpay ang kanilang buhay.
3, 4. Saan ka makasusumpong ng praktikal na payo kung paano mamuhay?
3 Sa katunayan, mayroon kang makukuhang kapaki-pakinabang na payo at patnubay na nakatulong na sa iba na maging maligaya. Gaya ng natanto ng marami, ang Bibliya ay naglalaan ng pinakamainam na payo kung paano mamuhay. Ganito ang sinabi ng awtor na Ingles na si Charles Dickens tungkol sa Bibliya: “Ito ang pinakamagaling na aklat na kailanma’y nakilala o makikilala sa buong daigdig . . . dahil itinuturo nito sa iyo ang pinakamahuhusay na aral na maaaring pumatnubay sa kaninumang tao.”
4 Ang komentong iyan ay hindi kataka-taka sa lahat ng kumikilala sa Bibliya bilang kinasihan ng Diyos. Malamang na sumasang-ayon ka sa katiyakang mababasa natin sa 2 Timoteo 3:16: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” Sa ibang salita, ang Bibliya ay naglalaman ng lubhang kapaki-pakinabang na impormasyon na nagtuturo sa mga tao kung paano mamuhay sa kabila ng komplikadong mga problema sa daigdig sa ngayon. Ang mga sumusunod sa patnubay ng Bibliya ay maaaring mamuhay nang mas maligaya at matagumpay.
5-7. Sa anu-anong aklat ng Bibliya maaari kang sumangguni para sa kapaki-pakinabang na patnubay?
5 Pero sa palagay mo, saan kaya sa Bibliya masusumpungan ang payong iyon? Maaaring naiisip ng ilan ang Sermon sa Bundok, kung saan nagbigay si Jesus ng mabisang payo tungkol sa iba’t ibang aspekto ng pang-araw-araw na buhay. Maaalaala naman ng iba ang mga isinulat ni apostol Pablo. At makasusumpong ang sinuman ng nakatutulong na payo sa Mga Awit at Mga Kawikaan—mga aklat na punô ng karunungan. Sa katunayan, depende sa kalagayan mo o mga problemang napapaharap sa iyo, maaaring maging kapaki-pakinabang ang alinmang aklat sa Bibliya, kahit ang mga aklat sa Bibliya na pangunahin nang naglalaman ng kasaysayan, gaya ng mga aklat mula Josue hanggang Esther. Ang kasaysayang masusumpungan doon ay naglalaman ng mga babalang aral para sa lahat ng naghahangad na maging maligaya sa paglilingkod sa Diyos. (1 Corinto 10:11) Oo, ang mga aklat na ito ay nagbibigay ng payo na nagsisilbing patnubay sa iyong mga hakbang at nakatutulong upang maging matagumpay ang iyong buhay. Alalahanin ang katotohanang ito: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”—Roma 15:4; Josue 1:8; 1 Cronica 28:8, 9.
6 Subalit may isang bahagi sa Bibliya kung saan masusumpungan ang kayamanan na halos hindi sinusuri o pinag-aaralan ng marami. Ito ang 12 aklat na kadalasan nang tinatawag na mga Pangalawahing Propeta. Ang mga ito ay karaniwan nang masusumpungan pagkatapos ng mas malalaking aklat ng Bibliya na Ezekiel at Daniel subalit bago ang Ebanghelyo ni Mateo. (Ganito ang pagkakasunud-sunod ng 12 aklat na ito sa karamihan ng mga Bibliya: Oseas, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, Zefanias, Hagai, Zacarias, at Malakias.) Gaya ng nakita na natin, ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos, at ito ay kapaki-pakinabang sa pagtuturo sa mga tao kung paano mamuhay. Gayundin kaya ang mga aklat na ito?
7 Tiyak iyan! Sa katunayan, ang tinatawag na mga Pangalawahing Propeta ay naglalaman ng kayamanan na talagang kapaki-pakinabang sa pagtuturo sa atin kung paano tayo mamumuhay sa ngayon. Upang maunawaan kung bakit hindi gaanong pinapansin ng ibang tao ang mga aklat na ito, pag-isipan kung ano ang tawag sa 12 aklat sa maraming wika: mga Pangalawahing Propeta. Nakaapekto kaya ang katawagang ito sa pangmalas ng mga tao sa mga aklat na ito? Naapektuhan din kaya nito ang iyong pananaw?
TALAGA BANG HINDI GAANONG MAHALAGA ANG MGA “PANGALAWAHING PROPETA”?
8. (a) Ano ang isang mahalagang paraan na ginagamit ng Diyos upang magbigay ng patnubay? (b) Ano ang karaniwang tawag sa 12 aklat na tinatalakay natin, subalit ano ba talaga ang kahulugan ng katawagang ito?
8 Sinimulan ni apostol Pablo ang kaniyang liham sa mga Hebreo: “Ang Diyos, na noong matagal nang panahon ay nagsalita sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta, ay nagsalita sa atin sa wakas ng mga araw na ito sa pamamagitan ng isang Anak.” (Hebreo 1:1, 2) Yamang ginagamit ng Diyos ang mga propetang tao upang ihatid ang kaniyang mga mensahe, hindi natin dapat ituring na “pangalawahin” ang sinuman sa mga mensaherong iyon ni ang isinulat man nila. Gayunpaman, ang katawagang mga “Pangalawahing Propeta” ay naging dahilan upang ituring ng ilan na pangalawahin lamang ang nilalaman ng mga aklat at sa gayo’y hindi gaanong mahalaga. Inakala naman ng iba na ang mga mensahe sa mga aklat na ito ay walang gaanong awtoridad kung ihahambing sa ibang aklat ng Bibliya. Subalit ang totoo, tinatawag ito sa maraming wika na mga “Pangalawahing Propeta” dahil lamang sa mas maikli ang 12 aklat na ito kaysa sa iba.
9. Bakit ang haba ng isang aklat ng Bibliya ay hindi batayan ng tunay na halaga nito?
9 Hindi dahil sa maikli ang isang aklat ng Bibliya ay nangangahulugang hindi na ito mahalaga sa iyo. Ang aklat ng Ruth ay mas maikli kaysa sa mga aklat bago at pagkatapos nito, ngunit talaga namang makasusumpong ka rito ng nakaaantig-damdaming impormasyon! Itinatampok ng maikling aklat na ito ang katapatang dapat nating ipamalas sa tunay na pagsamba, ipinakikita nito kung gaano lubhang pinahahalagahan ng Diyos ang mga babae, at naglalaan ito ng mahahalagang detalye tungkol sa talaangkanan ni Jesus. (Ruth 4:17-22) Ang isa pang halimbawa ay ang aklat ng Judas, na masusumpungan mo malapit sa huling bahagi ng Bibliya. Napakaikli nito anupat sa ilang nailimbag na Bibliya, hindi pa nito napuno ang isang pahina. Gayunman, napakahalagang impormasyon at patnubay ang masusumpungan mo rito: ang pakikitungo ng Diyos sa napakasamang mga anghel, mga babala tungkol sa tiwaling mga lalaking pumapasok sa kongregasyon, at mga paghimok na puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya! Makatitiyak ka na bagaman maikli, hindi mababa ang uri ni ang halaga ng nilalaman ng mga aklat na tinatawag na mga Pangalawahing Propeta.
MAKAHULA SA ANONG DIWA?
10, 11. (a) Ano ang naiisip ng ilan sa terminong “propeta”? (b) Ayon sa Bibliya, ano ba ang isang propeta?
10 Ang isa pang aspekto na dapat isaalang-alang ay may kaugnayan sa mga terminong “propeta” at “makahula.” Maaaring ipaalaala ng mga salitang ito ang hinggil sa pagsisiwalat ng kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Para sa maraming tao, ang propeta ay isa lamang na humuhula tungkol sa hinaharap—marahil sa pamamagitan ng mahiwagang pananalita na maaaring bigyan ng maraming interpretasyon. Nakaapekto ito sa pangmalas ng ilan tungkol sa 12 aklat.
11 Sabihin pa, habang binabasa mo ang 12 aklat na ito, agad mong makikita na ang mga ito ay naglalaman ng maraming hula, na ang karamihan ay tungkol sa dumarating na dakilang araw ni Jehova. Kasuwato ito ng pangunahing kahulugan ng salitang “propeta.” Ang propeta ay isa na may matalik na kaugnayan sa Diyos at isa na kadalasang inaatasan upang isiwalat kung ano ang mangyayari. Simula kay Enoc, marami nang propeta sa Bibliya ang humula hinggil sa hinaharap.—1 Samuel 3:1, 11-14; 1 Hari 17:1; Jeremias 23:18; Gawa 3:18; Judas 14, 15.
12. Paano mo maipaliliwanag na hindi lamang paghula ang papel ng isang propeta?
12 Gayunman, kailangan nating tandaan na ang papel ng mga propeta ni Jehova ay hindi lamang bumigkas ng mga hula mula sa Diyos. Karaniwang ginagamit ng Diyos ang mga propeta bilang mga tagapagsalita upang sabihin sa iba ang kaniyang kalooban. Bilang halimbawa, maaaring hindi natin akalaing humula sina Abraham, Isaac, at Jacob hinggil sa hinaharap, gayunman sa Awit 105:9-15 itinuturing sila bilang mga propeta. Kung minsan, ginagamit sila ng Diyos upang isiwalat ang isang bagay tungkol sa hinaharap, gaya nang pagpalain ni Jacob ang kaniyang mga anak na lalaki. Subalit ang mga patriyarkang iyon ay mga propeta rin dahil sinabi nila sa kanilang pamilya ang sinabi ni Jehova tungkol sa kanilang magiging papel sa layunin ng Diyos. (Genesis 20:7; 49:1-28) Ang isa pang kahulugan ng terminong “propeta” sa Bibliya ay makikita sa bagay na si Aaron ay nagsilbing propeta para kay Moises. Isinagawa ni Aaron ang papel ng isang propeta sa pamamagitan ng pagiging tagapagsalita, o “bibig,” ni Moises.—Exodo 4:16; 7:1, 2; Lucas 1:17, 76.
13, 14. (a) Ipaliwanag kung ano pa ang ginawa ng mga propeta bukod sa paghula. (b) Paano ka makikinabang sa pagkaalam na hindi lamang paghula ang ginawa ng mga propeta?
13 Isipin din ang mga propetang sina Samuel at Natan. (2 Samuel 12:25; Gawa 3:24; 13:20) Kapuwa sila ginamit ni Jehova upang ipahayag ang mangyayari sa hinaharap, ngunit pinaglingkod din niya sila bilang mga propeta sa iba pang paraan. Bilang propeta, hinimok ni Samuel ang mga Israelita na talikdan ang pagsamba sa mga idolo at manumbalik sa dalisay na pagsamba. At ipinahayag niya ang hatol ng Diyos laban kay Haring Saul, kung saan matututuhan natin na pinahahalagahan ni Jehova ang pagsunod kaysa sa materyal na mga hain. Oo, kabilang sa gawain ni Samuel bilang propeta ang paghahayag niya ng pananaw ng Diyos tungkol sa tamang paraan ng pamumuhay. (1 Samuel 7:3, 4; 15:22) Inihula naman ni propeta Natan na itatayo ni Solomon ang templo at na ang kaniyang kaharian ay matibay na matatatag. (2 Samuel 7:2, 11-16) Subalit ginampanan din ni Natan ang papel ng isang propeta nang banggitin niya ang kasalanang ginawa ni David kasama si Bat-sheba at laban kay Uria. Tiyak na hindi malilimutan ng marami kung paano inilantad ni Natan ang pangangalunya ni David—ang ilustrasyon tungkol sa taong mayaman na kumuha sa minamahal at nag-iisang kordero ng taong dukha! Nagkaroon din ng papel si Natan sa pagsasaayos ng tunay na pagsamba sa santuwaryo ng Diyos.—2 Samuel 12:1-7; 2 Cronica 29:25.
14 Ang punto ay hindi natin dapat isipin na mga prediksiyon lamang hinggil sa hinaharap ang nilalaman ng makahulang mga aklat na ito. Naglalaman ang mga ito ng mga kapahayagang kinasihan ng Diyos tungkol sa maraming iba pang bagay, kabilang na ang mahusay na pagkaunawa hinggil sa kung paano dapat sanang namuhay ang bayan ng Diyos noon at kung paano tayo dapat mamuhay sa ngayon. Sa katunayan, tinitiyak sa atin na ang masusumpungan natin sa Bibliya, kasama na ang 12 aklat na ito, ay lubhang kapaki-pakinabang at praktikal, na makatutulong sa mga tao na makita ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay. Ang kinasihang mga aklat na ito ay nagbibigay sa atin ng kapaki-pakinabang na patnubay na makatutulong sa atin na “mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.”—Tito 2:12.
KUNG PAANO KA MAKIKINABANG
15, 16. (a) Anong makasagisag na mga bagay ang masusumpungan sa mga “Pangalawahing Propeta”? (b) Anong makahulang paglalarawan ang nilalaman ng mga aklat na ito?
15 Makikinabang tayo sa maraming paraan sa pagbabasa ng kinasihang Salita ng Diyos. Ang ilang aklat sa Bibliya ay nagsasabi kung ano ang nangyari sa isang partikular na panahon, ang iba naman ay matulain, anupat may natatanging halaga ang bawat isa. Sa iba pang aklat ng Bibliya, itinatampok ang makasagisag, o simbolikong mga bagay, gaya ng mababasa sa 12 aklat na ito. Halimbawa, tinukoy ni Jesus ang mga pangyayari sa aklat ng Jonas nang sabihin Niya: “Ang isang balakyot at mapangalunyang salinlahi ay patuloy na naghahanap ng isang tanda, ngunit walang tanda na ibibigay rito maliban sa tanda ni Jonas na propeta. Sapagkat kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng pagkalaki-laking isda nang tatlong araw at tatlong gabi, gayundin ang Anak ng tao ay mapapasapuso ng lupa nang tatlong araw at tatlong gabi. Ang mga tao ng Nineve ay babangon sa paghuhukom kasama ng salinlahing ito at hahatulan ito; sapagkat sila ay nagsisi sa ipinangaral ni Jonas, ngunit, narito! isang higit pa kaysa kay Jonas ang narito.”—Mateo 12:39-41.
16 Maliwanag, nakita ni Jesus na ang aklat ng Jonas ay hindi lamang isang makasaysayang ulat tungkol sa pakikitungo ng Diyos kay Jonas, sa gawain ng propetang ito sa Nineve, at sa naging resulta ng paghahayag ni Jonas ng babalang mensahe ng Diyos. Batid ni Jesus na si propeta Jonas ay may ginampanang makasagisag na papel, na tumutukoy kay Jesu-Kristo, sa kaniyang pagkamatay at pagkatapos ay pagbangon sa ikatlong araw. Karagdagan pa, kitang-kita ang kaibahan ng naging reaksiyon ng mga Ninevita—kabaligtaran ng naging pagtugon ng karamihan sa mga Judio sa pangangaral at mga gawa ni Jesus. (Mateo 16:4) Kaya nga, mauunawaan natin na ang 12 aklat na ito ay naglalaman ng makahulang paglalarawan, o pagkakatulad, ng mga pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan sa makabagong panahon. Ang gayong mga pag-aaral ay kawili-wili at mahalaga.a
17. Sa ano nagtutuon ng pansin ang aklat na ito may kinalaman sa 12 aklat?
17 Gayunman, isinulat ang aklat na ito na hawak mo hindi para pag-aralan ang makasagisag, o simbolikong, kahulugan ng aklat ng Jonas o ng 11 iba pang aklat. Hindi rin ito talata-por-talatang pagsusuri. Sa halip, ang pangunahing pinagtutuunan nito ng pansin ay kung paano natin maikakapit sa araw-araw na pamumuhay ang impormasyon sa mga aklat na ito. Tanungin ang iyong sarili: ‘Sa 12 aklat na ito, anong kapaki-pakinabang na payo ang ibinibigay sa akin ni Jehova? Paano ako matutulungan ng mga aklat na ito na “mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay”? Ano ang sinasabi ng mga ito sa akin tungkol sa Kristiyanong pamumuhay, moralidad, buhay pampamilya, at mga saloobin sa mapanganib na mga panahong ito, yamang “ang araw ni Jehova ay dumarating, sapagkat iyon ay malapit na”?’ (Tito 2:12; Joel 2:1; 2 Timoteo 3:1) Habang nakikita mo ang kasiya-siyang mga kasagutan, malamang na makasusumpong ka ng mga talatang lubha mong mapahahalagahan, mga talatang hindi mo pa nagagamit sa pagpapayo sa iba mula sa Bibliya. Sa ganitong paraan, tiyak na lalago ang iyong kaalaman sa mahahalagang talata sa Bibliya.—Lucas 24:45.
18. Ano ang pagkakaayos ng aklat na ito, at paano ka makikinabang dito?
18 Ang mga kabanata sa aklat na ito ay nahahati sa apat na seksiyon. Sikaping makuha ang pangkalahatang ideya ng bawat seksiyon habang binabasa mo ito. Masusumpungan mo sa bawat isa sa sumusunod na 13 kabanata ang dalawang kahon na dinisenyo upang tulungan kang matandaan ang natutuhan mo. Sa pamamagitan ng mga tanong sa mga kahong iyon, mabubulay-bulay mo ang kahalagahan at pagkakapit ng nabasa mo. Ang unang kahon ay nasa bandang gitna ng kabanata. Kapag narating mo ang kahong iyon, isaalang-alang ang mga tanong doon. Ang paggawa nito ay makatutulong sa iyo na ikintal sa iyong puso ang napag-aralan mo. (Mateo 13:8, 9, 23; 15:10; Lucas 2:19; 8:15) Ang ikalawang kahon ay tutulong naman sa iyo na mabulay-bulay ang nabasa mo sa huling bahagi ng kabanatang iyon at ikintal ito sa iyong isip. Kaya maglaan ng panahon upang pag-aralan ang mga kahong ito. Tunay na ang mga ito ay maaaring maging mga pantulong upang masumpungan mo ang praktikal na mga paraan para makinabang ka sa iyong pinag-aaralan.
19. Ano muna ang dapat mong pagtuunan ng pansin tungkol sa 12 aklat?
19 Bilang paghahanda sa pag-aaral sa aklat na ito, tanungin ang iyong sarili kung ano ang nalalaman mo hinggil sa nilalaman ng bawat isa sa 12 aklat na ito. Sa pamamagitan nino ibinigay ng Diyos ang mga mensaheng ito, at anong uri sila ng mga tao? Sa anu-anong yugto ng panahon sila nabuhay, at sa anu-anong kalagayan sila naglingkod bilang mga propeta? (Lubhang kapaki-pakinabang na tingnan ang talâ ng mahahalagang pangyayari sa pahina 20 at 21; malimit na sumangguni rito habang pinag-aaralan mo ang kasunod na mga kabanata.) Sa anu-ano kumakapit ang mga mensahe noong panahong isulat ang mga ito, at paano makatutulong sa iyo ang kaalamang ito upang maunawaan ang materyal ayon sa konteksto? Tutulungan ka ng susunod na kabanata na masagot ang mahahalagang katanungang ito.
a Halimbawa, tingnan ang paliwanag hinggil sa Hagai at Zacarias sa Paradise Restored to Mankind—By Theocracy! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova subalit hindi na inililimbag.