Aklat ng Bibliya Bilang 33—Mikas
Manunulat: Si Mikas
Saan Isinulat: Sa Juda
Natapos Isulat: Bago ang 717 B.C.E.
Panahong Saklaw: c. 777–717 B.C.E.
1. Anong uri ng lalaki si Mikas?
GUNI-GUNIHIN ang isang maygulang na lalaki, isang tapat na lingkod ni Jehova sa maraming taon. Guni-gunihin ang isang magiting na lalaki, na nakapagsabi sa mga pinunò ng bansa, “Kayong napopoot sa mabuti at umiibig sa masama, . . . kayong kumakain ng laman ng aking bayan, at lumalapnos ng kanilang balat.” Guni-gunihin ang isang maamong lalaki, na ang kapurihan sa kaniyang maririing pananalita ay iniukol kay Jehova na nagkaloob sa kaniya ng espiritu upang magsalita. Hindi ba ninyo gustong makasama ang gayong lalaki? Napakayamang impormasyon at matinong payo ang maibabahagi niya! Gayon si propeta Mikas. Mababasa natin ang kaniyang mahusay na payo sa aklat na ipinangalan sa kaniya.—Mik. 3:2, 3, 8.
2. Ano ang nalalaman tungkol kay Mikas at sa panahon ng kaniyang paghula?
2 Gaya ng sa ibang propeta, kakaunti ang sinasabi ng aklat tungkol kay Mikas; ang mensahe ang siyang mahalaga. Ang pangalang Mikas (Micah) ay pinaikling anyo ng Miguel (Michael) ibig sabihin, “Sino Ang Gaya Ng Diyos?”) o Micaia (Micaiah, ibig sabihin, “Sino Ang Gaya Ni Jehova?”). Naging propeta siya noong naghahari sina Jotham, Achaz, at Ezekias (777-717 B.C.E.), kaya nakasabay niya sina propeta Isaias at Oseas. (Isa. 1:1; Ose. 1:1) Hindi tiyak ang haba ng kaniyang paghula, ngunit matagal na ang 60 taon. Ang hula niya sa pagkagiba ng Samaria ay tiyak na naibigay bago nawasak ang lungsod noong 740 B.C.E., at ang buong aklat ay malamang na napasulat nang magtapos ang paghahari ni Ezekias noong 717 B.C.E. (Mik. 1:1) Si Mikas ay propetang taga-bukid mula sa nayon ng Moreset sa mabungang Shepelah, sa timog-kanluran ng Jerusalem. Ang kasanayan niya sa buhay sa bukid ay maaaninaw sa mga halimbawang ginamit niya upang idiin ang kaniyang kapahayagan.—2:12; 4:12, 13; 6:15; 7:1, 4, 14.
3. Sa anong mahalagang panahon naglingkod si Mikas, at bakit siya inatasan ni Jehova bilang propeta?
3 Nabuhay si Mikas sa mga panahong mapanganib at makahulugan. Sunud-sunod na mga pangyayari ang nagbadya ng lagim para sa Israel at Juda. Napaugat na nang malalim ang kahalayan at idolatriya sa Israel, at ito ang naghatid ng kapahamakan mula sa Asirya, malamang na noong nabubuhay pa si Mikas. Mula sa paggawa ng mabuti noong panahon ni Jotham, ginaya ng Juda ang kabalakyutan ng Israel noong mapaghimagsik na paghahari ni Achaz at sa panunumbalik noong panahon ni Ezekias. Ibinangon ni Jehova si Mikas upang magbigay ng mariing babala tungkol sa sasapitin ng Kaniyang bayan. Ang mga hula ni Mikas ay nagpatotoo sa mga hula nina Isaias at Oseas.—2 Hari 15:32–20:21; 2 Cron. kab. 27-32; Isa. 7:17; Ose. 8:8; 2 Cor. 13:1.
4. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng aklat ni Mikas?
4 Sagana ang katibayan sa pagiging-tunay ng aklat. Dati na itong ibinibilang ng mga Judio sa Hebreong kanon. Ang Jeremias 26:18, 19 ay tuwirang tumutukoy sa mga salita ni Mikas: “Ang Sion ay aararuhing parang bukid, at ang Jerusalem ay magiging bunton ng kagibaan.” (Mik. 3:12) Ang hula ay natupad nang tamang-tama noong 607 B.C.E. nang ang Jerusalem ay sinalanta ng hari ng Babilonya, “at lahat ay naging kagibaan.” (2 Cron. 36:19) Natupad din ang isang nakakatulad na hula sa Samaria, na ito’y magiging “bunton ng kagibaan sa parang.” (Mik. 1:6, 7) Ang Samaria ay giniba ng mga taga-Asirya noong 740 B.C.E., nang kanilang mabihag ang hilagang kaharian ng Israel. (2 Hari 17:5, 6) Noong ikaapat na siglo B.C.E. sinakop ito ni Alejandrong Dakila at noong ikalawang siglo B.C.E. winasak ito ng mga Judio sa ilalim ni John Hyrcanus I. Sa huling pagkawasak na ito ng Samaria, ang The New Westminster Dictionary of the Bible, 1970, pahina 822, ay nagsasabi: “Winasak ito ng nagwagi, at pinawi ang lahat ng patotoo na noong minsan isang nakukutaang lungsod ang nakatayo sa ibabaw ng burol.”
5. Papaano nagpapatotoo ang arkeolohiya sa katuparan ng mga hula ni Mikas?
5 Umaalalay din ang arkeolohiya sa mga katuparan ng hula ni Mikas. Binabanggit ng mga taunang-aklat ng Asirya ang kanilang pagwasak sa Samaria. Halimbawa, naghambog si Haring Sargon ng Asirya: “Kinubkob at nilupig ko ang Samaria (Sa-me-ri-na).”a Gayunman, ang pananakop ay malamang na tinapos ng sinundan ni Sargon, si Salmaneser V. Tungkol kay Salmaneser, ganito ang sinasabi ng isang salaysay ng Babilonya: “Winasak niya ang Samaria.”b Ang hula ni Mikas na pagsalakay sa Juda noong panahon ni Hezekias ay naiulat nang buo ni Senacherib. (Mik. 1:6, 9; 2 Hari 18:13) Nagpagawa siya ng isang malaking nakaumbok na larawan sa pader ng kaniyang palasyo sa Nineve tungkol sa pagbihag sa Lachis. Sa kaniyang prism ay sinabi niya: “Kinubkob ko ang 46 na nakukutaang lungsod . . . Pinalayas ko (mula sa kanila) ang 200,150 tao . . . Siya ay ibinilanggo ko sa Jerusalem, sa sarili niyang palasyo, gaya ng ibon sa hawla.” Itinatala rin niya ang buwis na ibinayad ni Ezekias, bagaman lubha niyang pinalaki ang halaga. Hindi niya binanggit ang kapahamakang sumapit sa kaniyang hukbo.c—2 Hari 18:14-16; 19:35.
6. Ano ang pumapawi sa lahat ng alinlangan tungkol sa pagiging-kinasihan ng Mikas?
6 Lahat ng alinlangan sa pagiging-kinasihan ng aklat ay pinapawi ng namumukod-tanging hula ng Mikas 5:2, tungkol sa dakong pagsisilangan ng Mesiyas. (Mat. 2:4-6) May mga talata rin na nakakatulad ng mga pangungusap sa Kristiyanong Kasulatang Griyego.—Mik. 7:6, 20; Mat. 10:35, 36; Luc. 1:72, 73.
7. Ano ang masasabi tungkol sa puwersa ng pagsasalita ni Mikas?
7 Bagaman si Mikas ay mula sa mga bukirin ng Juda, hindi siya nagkulang ng kakayahan sa pagsasalita. Nasa aklat ang ilan sa pinakamagagandang pangungusap na mababasa sa Salita ng Diyos. Ang kabanata 6 ay isang nakakapukaw na dayalogo. Ang mga bumabasa ay naaakit ng mga biglang pagbabago dahil sa mabilis na paglipat ni Mikas ng punto, mula sa pagsumpa tungo sa pagpapala at pabalik sa pagsumpa. (Mik. 2:10, 12; 3:1, 12; 4:1) Sagana ang matitingkad na salitang-larawan: “Ang mga bundok ay matutunaw sa ilalim [ni Jehova], at ang mga libis ay mauupos, gaya ng pagkit sa harap ng apoy, gaya ng tubig sa talon.”—1:4; tingnan din ang 7:17.
8. Ano ang nilalaman ng bawat isa sa tatlong seksiyon ng Mikas?
8 Ang aklat ay mahahati sa tatlong seksiyon, bawat isa ay nagsisimula sa “Dinggin” at naglalaman ng mga pagsaway, mga babala ng pagpaparusa, at mga pangako ng pagpapala.
NILALAMAN NG MIKAS
9. Anong parusa ang iginawad sa Samaria at Juda?
9 Seksiyon 1 (1:1–2:13). Lumalabas si Jehova mula sa templo upang parusahan ang idolatriya ng Samaria. Gagawin niya itong “bunton ng kagibaan” at “ilalagpak sa libis ang mga bato niyaon,” upang durugin ang mga larawang inanyuan nito. Wala nang paggaling. Ang Juda ay nagkasala rin at sasalakayin “hanggang sa pintuang bayan ng Jerusalem.” Ang mga nagbabalak ng kasamaan ay hahatulan at sila’y mananaghoy: “Kami ay lubos na nasira!”—1:6, 12; 2:4.
10. Papaano napatampok ang awa ni Jehova?
10 Biglang napatampok ang awa ni Jehova nang ipahayag ng propeta sa pangalan ni Jehova: “Titipunin ko ang Jacob . . . Sila’y magkakaisa, gaya ng tupa sa kulungan, gaya ng kawan sa gitna ng pastulan; sila’y magkakaingay dahil sa karamihan.”—2:12.
11. (a) Anong pagtuligsa ang iniharap laban sa mga pinunò ng Jacob at ng Israel? (b) Papaano kinilala ni Mikas ang bukal ng kaniyang katapangan?
11 Seksiyon 2 (3:1–5:15). Nagpapatuloy si Mikas: “Dinggin ninyo, pakisuyo, kayong mga pangulo ni Jacob at pinunò ng sambahayan ni Israel.” Masakit ang pagtuligsa sa “mga napopoot sa mabuti at umiibig sa masama” at umaapi sa bayan. Sila ay “bumabali ng kanilang mga buto.” (3:1-3) Kabilang dito ang mga bulaang propeta na walang naiaalok na tunay na patnubay, kaya naliligaw ang bayan ng Diyos. Higit pa sa katapangan ng tao ang kailangan upang ihayag ang mensahe! Ngunit buong-tiwalang sinabi ni Mikas: “Ako’y napuspos ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova, ng katarungan at ng kalakasan, upang ipahayag sa Jacob ang kaniyang paghihimagsik at sa Israel ang kaniyang pagkakasala.” (3:8) Umabot sa sukdulan ang matinding pagtuligsa sa mga pinunong maysala-sa- dugo: “Ang mga pangulo niya’y humahatol dahil sa suhol, ang mga saserdote niya’y nagtuturo dahil sa upa, at ang mga propeta niya’y nanghuhula dahil sa salapi.” (3:11) Kaya ang Sion ay aararuhing parang bukid, at ang Jerusalem ay magiging bunton ng kagibaan.
12. Anong dakilang hula ang ibinigay para sa “huling bahagi ng mga araw”?
12 Sa isa pang biglang pagbabago, ang hula ay bumabaling sa “huling bahagi ng mga araw” upang magharap ng isang maringal, nagpapakilos na larawan ng pagsasauli ng pagsamba ni Jehova sa kaniyang bundok. (4:1) Paroroon ang mga bansa upang matuto ng kaniyang daan, pagkat ang kaniyang kautusan at salita ay lalabas sa Sion at sa Jerusalem. Hindi na sila mag-aaral ng pakikidigma, kundi bawat isa ay mauupo sa ilalim ng kaniyang punong ubas at punong igos. Hindi sila matatakot. Hayaan ang mga tao na sumunod sa kanilang diyos, ngunit ang mga tunay na mananamba ay lalakad sa pangalan ni Jehova at siya ay magiging Hari nila magpakailanman. Ngunit, dapat munang maging tapon sa Babilonya ang Sion. Dudurugin lamang ni Jehova ang mga kaaway kapag ang Sion ay naisauli na.
13. Anong uri ng tagapamahala ang lalabas sa Betlehem, at “ang mga nalabi ni Jacob” ay magiging gaya ng ano?
13 Inihula ang paglabas sa Betlehem Ephrata ng isang pinunò sa Israel “na ang pinagmulan ay mula pa noong una.” Magpupuno siya bilang ‘pastol sa kalakasan ni Jehova’ at magiging dakila, hindi lamang sa Israel, kundi “hanggang sa mga wakas ng lupa.” (5:2, 4) Panandalian lamang ang tagumpay ng taga-Asirya sapagka’t siya’y pauurungin at ang lupain ay mawawasak. “Ang mga nalabi ni Jacob” ay magiging gaya ng “hamog mula kay Jehova” at gaya ng matapang na leon sa gitna ng mga bayan. (5:7) Bubunutin ni Jehova ang huwad na pagsamba at maghihiganti siya sa masuwaying mga bansa.
14. (a) Sa anong paglalarawan nagbubukas ang seksiyon 3 ng Mikas? (b) Anong mga kahilingan ni Jehova ang hindi naabot ng mga taga-Israel?
14 Seksiyon 3 (6:1–7:20). Isang kakaibang paglilitis ang inihaharap sa anyong dayalogo. Si Jehova ay may “kaso” laban sa Israel, at tinatawagan niyang saksi ang mga burol at mga bundok. (6:1) Hinahamon niya ang Israel na sumaksi laban sa kaniya, at nirerepaso niya ang kaniyang matuwid na mga gawa alang-alang sa kanila. Ano ang hinihiling ng Diyos? Hindi ang paghahandog ng maraming hayop, kundi “ang maging makatarungan at ibigin ang kabaitan at maging mapagpakumbaba sa paglakad na kasama ng Diyos.” (6:8) Ito ang kulang sa Israel. Imbes na katarungan at kabaitan ay “madayang mga timbangan,” karahasan, kasinungalingan at kataksilan. (6:11) Sa halip na paglakad na kasama ng Diyos, lumalakad sila sa masasamang payo at idolatriya nina Haring Omri at Ahab ng Samaria.
15. (a) Ano ang ikinalungkot ng propeta? (b) Anong angkop na pagtatapos ang taglay ng aklat ni Mikas?
15 Dinamdam ni Mikas ang pagsamâ ng bayan. Ang “pinakamatuwid ay masahol pa sa isang bakod ng mga tinik.” May pagtataksil sa gitna ng matatalik na magkaibigan at magkakasambahay. Hindi nawawalan ng loob si Mikas. “Kay Jehova ako aasa. Maghihintay ako sa Diyos ng aking kaligtasan. Diringgin ako ng aking Diyos.” (7:7) Binalaan niya ang iba na huwag magalak sa pagparusa ni Jehova sa Kaniyang bayan pagkat darating ang katubusan. Papastulan at pakakanin sila ni Jehova at pagpapakitaan sila ng “kagilagilalas na mga bagay,” upang matakot ang mga bansa. (7:15) Sa pagtatapos, idiniriin ni Mikas ang kahulugan ng kaniyang pangalan nang purihin niya si Jehova sa kagandahang-loob Niya. Oo, ‘Sinong Diyos ang gaya ni Jehova?’—7:18.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
16. (a) Papaano naging kapaki-pakinabang ang hula ni Mikas noong panahon ni Ezekias? (b) Anong maririing payo ang nilalaman nito para sa ngayon?
16 Sa nakalipas na 2,700 taon, ang hula ni Mikas ay naging ‘kapaki-pakinabang sa pagsaway,’ nang ang bansa ay akayin ni Haring Ezekias sa pagsisisi at repormasyon sa pagsamba. (Mik. 3:9-12; Jer. 26:18, 19; ihambing ang 2 Hari 18:1-4.) Ang kinasihang hulang ito ay lalong kapaki-pakinabang ngayon. Lahat ng nag-aangking sumasamba sa Diyos, dinggin ang payak na babala ni Mikas laban sa huwad na relihiyon, idolatriya, kasinungalingan, at karahasan! (Mik. 1:2; 3:1; 6:1) Pinatunayan ito ni Pablo sa 1 Corinto 6:9-11 sa pagsasabing ang mga Kristiyano ay nahugasan na at ang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. Payak at maliwanag na isinasaad ng Mikas 6:8 ang kahilingan ni Jehova sa tao na lumakad na kasama Niya sa katarungan, kabaitan, at pagpapakumbaba.
17. Anong pampasigla ang inilalaan ni Mikas sa mga naglilingkod sa ilalim ng pag-uusig at kahirapan?
17 Ang mensahe ni Mikas ay inihatid sa isang nababahaging bayan na doon ‘ang naging kaaway ng tao ay ang mismong kasambahay.’ Malimit mangaral ang mga Kristiyano sa gitna ng mga kalagayang ito, at ang iba’y ipinagkakanulo pa man din at mahigpit na pinag-uusig ng mga kasambahay. Dapat silang magtiyaga sa paghihintay kay Jehova, ang ‘Diyos ng kaligtasan.’ (Mik. 7:6, 7; Mat. 10:21, 35-39) Sa pag-uusig o kapag napaharap sa mahirap na atas, ang umaasa kay Jehova nang may tibay-loob ay “mapupuspos ng kapangyarihan, . . . ng espiritu ni Jehova” sa paghaharap ng Kaniyang mensahe, gaya ni Mikas. Inihula ni Mikas na ang ganitong tibay-loob ay mamamalas lalo na sa “mga nalabi sa Jacob.” Sila’y magiging gaya ng ‘leon sa gitna ng mga bayan,’ at gaya ng nakagiginhawang hamog at ambon mula kay Jehova. Ang mga katangiang ito ay tiyak na naaninaw sa ‘nalabi ng Israel (Jacob)’ na naging kaanib ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo.—Mik. 3:8; 5:7, 8; Roma 9:27; 11:5, 26.
18. Anong hula ni Mikas ang nauugnay sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus?
18 Bilang katuparan ng hula ni Mikas, ang pagsilang ni Jesus sa Betlehem ay hindi lamang patotoo ng banal na pagkasi, kundi ito ay nagbibigay-liwanag din sa pagiging-makahula ng konteksto ng talata kaugnay ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus. Si Jesus ang lalabas sa Betlehem (Bahay ng Tinapay) taglay ang nagbibigay-buhay na pakinabang sa mga sasampalataya sa kaniyang hain. Siya ang “magpapastol sa kalakasan ni Jehova” at na magiging dakila at magdudulot ng kapayapaan sa buong lupa sa isinauli, nagkakaisang kawan ng Diyos.—Mik. 5:2, 4; 2:12; Juan 6:33-40.
19. (a) Anong nagpapatibay-pananampalatayang pampasigla ang inilalaan para sa mga nabubuhay sa “huling bahagi ng mga araw”? (b) Papaano itinatanghal ni Mikas ang soberanya ni Jehova?
19 Malaking pampatibay-loob ang makakamit sa hula ni Mikas tungkol sa “huling bahagi ng mga araw,” kapag ang “mga bansa” ay naturuan na ni Jehova. “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging karit. Hindi na sila magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa sila ng pakikidigma. Sila’y mauupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at punong igos, at walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng bibig ni Jehova ng mga hukbo.” Tinalikuran nila ang huwad na pagsamba, at nakikiisa sila kay Mikas: “Kung para sa atin, lalakad tayo sa pangalan ni Jehova na ating Diyos, magpakailan-kailan man.” Nagpapatibay-pananampalataya ang hula ni Mikas dahil sa paglalaan ng patiunang pangmalas sa makasaysayang mga pangyayaring ito. Namumukod-tangi rin ang pagtatanghal nito kay Jehova bilang walang-hanggang Soberano at Hari. Kapana-panabik ang mga salitang: “Si Jehova ay maghahari sa Bundok Sion, mula ngayon at sa walang-hanggan”!—Mik. 4:1-7; 1 Tim. 1:17.
[Mga talababa]
a Ancient Near Eastern Texts, pinamatnugutan ni James B. Pritchard, 1974, pahina 284.
b Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, pahina 73.
c Ancient Near Eastern Texts, 1974, pahina 288; Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 894-5.