BUHOK
Sa buong kasaysayan, itinuturing ng mga lalaki at mga babae ang kanilang buhok bilang palamuti na tumutulong upang higit silang maging kaakit-akit, at kadalasan na, bilang tanda ng lakas at kabataan. Dahil dito, ang buhok ay inaalagaan nang husto.
Mga Ehipsiyo. Malamang na ang mga Ehipsiyo ang may pinakakakaibang mga kaugalian may kinalaman sa buhok. Ang mga lalaki, lalo na ang mga saserdote at mga kawal, ay nag-aahit ng buhok sa ulo at ng balbas. Sinabi ni Herodotus na inaahitan ng mga naninirahan sa Nilo ang ulo ng mga batang lalaki at nag-iiwan lamang ng ilang bungkos ng buhok sa gilid at marahil pati sa harap at likod. Kapag ang bata ay sumapit na sa hustong gulang, pinuputol ang mga ito palibhasa’y mga palatandaan ito ng pagkabata. Para sa kalalakihan, isang tanda ng pagdadalamhati o pagkaburara ang pagpapahaba ng buhok sa ulo at ng balbas. Kaya naman nang ilabas si Jose sa bilangguan, nag-ahit muna siya bago siya dinala sa harap ni Paraon. (Gen 41:14) Ngunit kung minsan, ang mga lalaking Ehipsiyo ay nagsusuot ng peluka at ng balbas na de-tali. Sa mga paglalarawan sa mga bantayog ng Ehipto, ang mga lalaking may matataas na posisyon ay makikitang may mahahabang buhok na ayós na ayós, bagaman hindi matiyak kung iyon ay natural o peluka lamang.
Sa kabaligtaran, ang buhok ng mga babaing Ehipsiyo ay pinahahaba at itinitirintas. Ang maraming momya ng mga babaing Ehipsiyo ay may buhok na nakatirintas at napreserbang mabuti.
Mga Asiryano, mga Babilonyo, at mga Romano. Ang mga lalaking Asiryano at Babilonyo, at ang mga Asiano sa pangkalahatan, ay nagpapahaba ng buhok. Sa mga relyebe ng Asirya, makikita na ang mga lalaki ay may buhok na nakasuklay nang dapâ at ang kulot na dulo nito ay nakabagsak sa balikat. Mahahaba rin ang kanilang balbas, na kung minsa’y may dalawa o tatlong baytang ng kulot na balbas, at ang kanilang bigote ay ginugupitan at kinukulot din. Ipinapalagay ng iba na ang napakahahabang buhok na makikita sa mga bantayog ay artipisyal at idinugtong lamang sa natural na buhok.
Noong sinaunang mga panahon, maliwanag na nagpapahaba ng balbas ang mga Romano ngunit noong mga ikatlong siglo B.C.E., sinunod na rin nila ang kaugaliang mag-ahit.
Mga Hebreo. Sa pasimula pa lamang ay kaugalian na ng mga lalaking Hebreo ang magpahaba ng balbas, ngunit pinananatili nila itong maayos; at ginugupitan nila ang kanilang buhok hanggang sa katamtamang haba. Hinggil kay Absalom, ang kaniyang buhok ay napakalago anupat kapag ginugupitan niya ito minsan sa isang taon, ito’y tumitimbang nang 200 siklo (2.3 kg; 5 lb), anupat maaaring mas bumigat ito dahil sa paggamit ng langis o mga ungguento. (2Sa 14:25, 26) Itinagubilin ng kautusan ng Diyos sa mga lalaking Israelita na huwag ‘gupitin nang maikli ang buhok sa gilid ng kanilang mukha,’ ni sirain ang “dulo” ng kanilang balbas. Hindi naman nito ipinagbabawal ang paggupit ng buhok o balbas kundi maliwanag na ito ay upang maiwasan nila ang pagtulad sa mga kaugaliang pagano. (Lev 19:27; Jer 9:25, 26; 25:23; 49:32) Ang pagpapabaya sa buhok o sa balbas, anupat malamang ay hindi ito ginugupitan o inaayos, ay tanda ng pagdadalamhati. (2Sa 19:24) Sa mga tagubilin ng Diyos sa mga saserdote sa pamamagitan ng propetang si Ezekiel, iniutos Niya na kanilang gupitin, ngunit huwag ahitin, ang buhok sa kanilang ulo at huwag nilang hayaang nakalugay ang kanilang buhok kapag naglilingkod sila sa templo.—Eze 44:15, 20.
Hinggil sa mga babaing Hebreo, inaalagaan nila ang kanilang buhok bilang palatandaan ng kagandahan (Sol 7:5), anupat pinahahaba nila ito. (Ju 11:2) Ang pagputol ng isang babae sa kaniyang buhok ay tanda ng pagdadalamhati o pagkabagabag. (Isa 3:24) Kung mabihag ng isang kawal na Israelita ang isang birhen mula sa isang kaaway na lunsod at nais niyang mapangasawa ito, kailangan munang putulin ng babae ang kaniyang buhok at asikasuhin ang kaniyang mga kuko at sumailalim sa pagdadalamhati nang isang buwan para sa kaniyang mga magulang, yamang malamang na napatay ang mga ito noong bihagin ang lunsod.—Deu 21:10-13; 20:10-14.
Sa pagsusuri sa ketong, ang isang salik na kailangang tingnan ng saserdote ay ang kulay at kundisyon ng buhok o balahibo sa apektadong bahagi.—Lev 13:1-46.
Mga Kristiyano. Ang mga apostol na sina Pedro at Pablo ay kapuwa nagpayo sa mga babaing Kristiyano na huwag labis na magbigay-pansin sa pag-aayos ng buhok at sa mga palamuti, gaya ng kaugalian noong panahong iyon. Sa halip, pinaalalahanan sila na ang igayak sa kanilang sarili ay ang walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu.—1Pe 3:3, 4; 1Ti 2:9, 10.
Itinawag-pansin din ng apostol na si Pablo ang kalagayan sa gitna ng mga tao na kaniyang sinulatan at ang karaniwang kaugalian ng mga ito, at ipinakita niya na likas lamang na mas maikli ang buhok ng lalaki kaysa sa babae. (Tingnan ang KALIKASAN.) Ang babaing nagpagupit o nagpaahit ng kaniyang buhok ay kahiya-hiya. Binigyan ng Diyos ang babae ng mahabang buhok “sa halip na isang panakip sa ulo,” ngunit sinabi ni Pablo na hindi maaaring gamitin ng isang babae ang likas na pantakip na ito, na kaluwalhatian sa kaniya, upang ipangatuwiran ang hindi niya paglalagay ng talukbong sa ulo, na isang “tanda ng awtoridad,” kapag siya’y nananalangin o nanghuhula sa kongregasyong Kristiyano. Sa pamamagitan ng pagkilala niya sa bagay na ito at pagsusuot ng talukbong sa gayong mga kalagayan, ipinakikita ng babaing Kristiyano na kinikilala niya ang teokratikong pagkaulo at nagpapamalas siya ng pagpapasakop bilang Kristiyano. Sa gayo’y niluluwalhati niya kapuwa ang kaniyang ulong asawang lalaki at ang Diyos na Jehova, na siyang Ulo ng lahat.—1Co 11:3-16.
Makasagisag na Paggamit. Nang mawalan si Job ng mga anak at mga ari-arian, ginupit niya ang buhok sa kaniyang ulo bilang sagisag ng kaniyang kaabahan.—Job 1:20.
Inutusan si Ezekiel na putulin ang buhok sa kaniyang ulo at ang kaniyang balbas, hatiin ito sa tatlong bahagi, at itapon sa mga paraan na makahulang maglalarawan sa nakapipighating mga bagay na sasapit sa mga tumatahan sa Jerusalem kapag inilapat na ang mga kahatulan ng Diyos laban sa lunsod. (Eze 5:1-13) Ang pagbunot o pagputol sa buhok ay sumasagisag din sa kabagabagan at kapighatian. (Ezr 9:3; Jer 7:29; 48:37; Mik 1:16) Maaari namang ipakita ang panghihiya, pagkagalit, o pagdusta sa pamamagitan ng pagbunot sa buhok sa ulo o mukha ng iba.—Ne 13:25; Isa 50:6.
Ang bilang ng mga buhok sa ulo ng isang tao (sinasabing 100,000 sa katamtaman) ay ginamit upang lumarawan sa malalaking bilang o sa pagiging di-mabilang. (Aw 40:12; 69:4) Ginamit naman ang pagkapino ng buhok upang sumagisag sa pagiging napakaliit. (Huk 20:16) Ang pananalitang ‘walang isa mang buhok ng iyong ulo ang mawawala (o, mahuhulog)’ ay garantiya ng lubos na proteksiyon at kaligtasan. (Luc 21:18; 1Sa 14:45; 2Sa 14:11; 1Ha 1:52; Gaw 27:34) Ipinahihiwatig din ito ng mga salita ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad tungkol sa pagmamalasakit ng Diyos sa kanila: “Ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat.”—Mat 10:30; Luc 12:7.
Ang ulong may uban ay karapat-dapat sa paggalang (Kaw 16:31; 20:29), at kung minsan ay ginagamit ito bilang singkahulugan ng katandaan at ng karunungan. (Job 15:9, 10; tingnan ang UBAN.) Sa isang pangitain ni Daniel, si Jehova ay makasagisag na inilarawang may buhok na maputi, “gaya ng malinis na lana,” bilang “ang Sinauna sa mga Araw.” (Dan 7:9) Sa isang pangitain naman ng apostol na si Juan, nakita niya si Jesu-Kristo na may buhok na “maputi na gaya ng puting balahibo ng tupa.”—Apo 1:1, 14, 17, 18; tingnan din ang BALBAS.