Ezekiel
44 Ibinalik niya ako sa silangang pintuang-daan ng malaking looban ng santuwaryo,+ at nakasara ito.+ 2 At sinabi sa akin ni Jehova: “Mananatiling nakasara ang pintuang-daang ito. Hindi ito bubuksan, at hindi makakapasok dito ang sinumang tao; dumaan dito si Jehova, ang Diyos ng Israel,+ kaya mananatili itong nakasara. 3 Pero uupo rito ang pinuno para kumain ng tinapay sa harap ni Jehova,+ dahil siya ay isang pinuno. Papasok siya sa beranda ng pintuang-daan at lalabas din doon.”+
4 At idinaan niya ako sa hilagang pintuang-daan papunta sa harap ng templo. At nakita kong napuno ng kaluwalhatian ni Jehova ang templo ni Jehova.+ Kaya sumubsob ako sa lupa.+ 5 At sinabi ni Jehova: “Anak ng tao, magbigay-pansin ka,* tumingin, at makinig na mabuti sa lahat ng sasabihin ko sa iyo tungkol sa mga batas at kautusan ng templo ni Jehova. Tingnan mong mabuti ang pasukan ng templo at ang lahat ng labasan ng santuwaryo.+ 6 Sabihin mo sa rebeldeng sambahayan ng Israel, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Sobra na ang kasuklam-suklam na mga gawain ninyo, O sambahayan ng Israel. 7 Kapag ipinapasok ninyo sa aking santuwaryo ang mga banyagang di-tuli ang puso at laman, nalalapastangan nila ang templo ko. Inihahandog ninyo sa akin ang aking tinapay, ang taba at dugo, pero sumisira naman kayo sa tipan dahil sa lahat ng inyong kasuklam-suklam na gawain. 8 Hindi ninyo iningatan ang aking mga banal na bagay.+ Sa halip, nag-atas kayo ng iba para mag-asikaso ng mga gawain sa aking santuwaryo.”’
9 “‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Hindi puwedeng pumasok sa aking santuwaryo ang sinumang banyagang nakatira sa Israel na di-tuli ang puso at laman.”’
10 “‘Pero ang mga Levita na lumayo sa akin+ nang iwan ako ng Israel para sumunod sa karima-rimarim na mga idolo* ay mananagot sa kasalanan nila. 11 Pagkatapos, sila ay magiging mga lingkod sa aking santuwaryo na mangangasiwa sa mga pintuang-daan ng templo+ at maglilingkod sa templo. Papatayin nila ang buong handog na sinusunog at ang hain para sa bayan, at tatayo sila sa harap ng bayan para maglingkod sa mga ito. 12 Naglingkod sila sa mga ito sa harap ng karima-rimarim na mga idolo at naging katitisuran na sanhi ng pagkakasala ng sambahayan ng Israel,+ kaya itinaas ko ang kamay ko bilang panunumpa laban sa kanila,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘at mananagot sila sa kasalanan nila. 13 Hindi sila makalalapit sa akin para maglingkod bilang mga saserdote ko; hindi rin sila makalalapit sa alinman sa aking mga banal o kabanal-banalang bagay, at mahihiya sila dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa nila. 14 Pero aatasan ko sila sa pag-aasikaso ng mga gawain sa templo, ang pagsasagawa ng mga atas doon at ng lahat ng iba pang bagay na dapat gawin doon.’+
15 “‘Para naman sa mga saserdoteng Levita, ang mga anak ni Zadok,+ na nag-asikaso sa mga gawain sa aking santuwaryo nang iwan ako ng mga Israelita,+ makalalapit sila sa akin para maglingkod, at tatayo sila sa harap ko para maghandog ng taba+ at dugo,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 16 ‘Sila ang papasok sa aking santuwaryo, at lalapit sila sa aking mesa para maglingkod sa akin,+ at aasikasuhin nila ang mga atas ko sa kanila.+
17 “‘Kapag pumasok sila sa mga pintuang-daan ng maliit na looban, mga kasuotang lino ang dapat na suot nila.+ Hindi sila puwedeng magsuot ng kahit anong lana kapag naglilingkod sa mga pintuang-daan ng maliit na looban o sa loob nito. 18 Dapat silang magsuot ng turbanteng lino at panloob* na lino.+ Hindi sila puwedeng magsuot ng anumang magpapapawis sa kanila. 19 Bago sila pumunta sa malaking looban—ang malaking looban kung saan naroon ang mga tao—dapat nilang hubarin ang mga kasuotang ginamit nila sa paglilingkod+ at ilagay ang mga iyon sa mga banal na silid-kainan.*+ Magpapalit sila ng kasuotan para hindi nila mapasahan ng kabanalan* ang mga tao sa pamamagitan ng mga kasuotan nila. 20 Hindi sila puwedeng mag-ahit ng buhok sa ulo+ o magpahaba ng buhok. Dapat nilang gupitan ang buhok nila sa ulo. 21 Ang mga saserdote ay hindi dapat uminom ng alak kung papasok sila sa maliit na looban.+ 22 Hindi sila puwedeng mag-asawa ng biyuda o diborsiyada;+ pero puwede nilang maging asawa ang isang dalagang Israelita o biyuda ng isang saserdote.’+
23 “‘Dapat nilang ituro sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at di-banal; at ituturo nila sa mga ito ang pagkakaiba ng marumi at malinis.+ 24 Dapat silang maging mga hukom sa isang usapin sa batas;+ dapat silang humatol ayon sa aking mga hudisyal na pasiya.+ Dapat nilang sundin ang aking mga kautusan at batas may kinalaman sa lahat ng aking kapistahan,+ at dapat nilang pabanalin ang mga sabbath ko. 25 Hindi nila puwedeng lapitan ang isang bangkay dahil magiging marumi sila. Pero puwede silang maging marumi para sa kanilang ama, ina, anak na lalaki o babae, kapatid na lalaki, o kapatid na babae na walang asawa.+ 26 At pagkatapos ng pagdadalisay sa isang saserdote, paghihintayin pa nila siya nang pitong araw. 27 Sa araw na pumasok siya sa banal na lugar, sa maliit na looban, para maglingkod sa banal na lugar, dapat niyang ihain ang kaniyang handog para sa kasalanan,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
28 “‘At ito ang magiging mana nila: Ako ang mana nila.+ Huwag ninyo silang bibigyan ng anumang pag-aari sa Israel, dahil ako ang pag-aari nila. 29 Sila ang kakain ng handog na mga butil,+ handog para sa kasalanan, at handog para sa pagkakasala,+ at ang lahat ng bagay sa Israel na inialay ay magiging kanila.+ 30 Ang pinakapili sa lahat ng unang hinog na bunga at lahat ng klase ng abuloy ninyo ay mapupunta sa mga saserdote.+ At dapat ninyong ibigay sa saserdote ang inyong magaspang na harina mula sa mga unang bunga.+ Dahil dito, pagpapalain ang inyong mga sambahayan.+ 31 Ang mga saserdote ay hindi puwedeng kumain ng anumang ibon o hayop na natagpuang patay o luray-luray.’+