Ano ang Inaasahan ni Jehova sa Atin?
“Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—MIKAS 6:8.
1, 2. Bakit maaaring masiraan ng loob ang ilang lingkod ni Jehova, ngunit ano ang malamang na makatutulong?
SI Vera ay isang tapat na Kristiyano na mga 75 taóng gulang at may mahinang kalusugan. “Kung minsan,” ang sabi niya, “dumurungaw ako sa bintana at nakikita ang aking mga kapatid na Kristiyano na nangangaral sa bahay-bahay. Naluluha ako dahil gusto ko silang makasama, ngunit nililimitahan ng sakit ang paglilingkod ko kay Jehova.”
2 Nakadama ka na ba ng ganiyan? Sabihin pa, lahat ng umiibig kay Jehova ay nagnanais na lumakad sa kaniyang pangalan at tumupad sa kaniyang mga kahilingan. Subalit paano kung humihina na ang ating kalusugan, may-edad na tayo, o mayroon tayong mga pananagutan sa pamilya? Baka medyo masiraan tayo ng loob dahil ang gayong mga kalagayan ay maaaring humadlang sa atin na gawin ang lahat ng minimithi ng puso natin sa paglilingkod sa Diyos. Kung ganito ang ating situwasyon, ang pagsasaalang-alang sa Mikas kabanata 6 at 7 ay malamang na magdulot ng napakalaking pampatibay-loob. Ipinakikita ng mga kabanatang ito na ang mga kahilingan ni Jehova ay makatuwiran at kayang abutin.
Kung Paano Pinakikitunguhan ng Diyos ang Kaniyang Bayan
3. Paano pinakitunguhan ni Jehova ang mapaghimagsik na mga Israelita?
3 Suriin muna natin ang Mikas 6:3-5 at pansinin kung paano pinakikitunguhan ni Jehova ang kaniyang bayan. Tandaan na noong panahon ni Mikas, ang mga Israelita ay mapaghimagsik. Sa kabila nito, may-pagkahabag silang kinausap ni Jehova sa pamamagitan ng mga salitang, “O bayan ko.” Nakiusap siya: “O bayan ko, alalahanin mo, pakisuyo.” Sa halip na akusahan sila nang may kabagsikan, sinikap niyang abutin ang kanilang puso sa pamamagitan ng pagtatanong, “Ano ba ang ginawa ko sa iyo?” Pinasigla pa nga niya sila na ‘magpatotoo laban’ sa kaniya.
4. Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng halimbawa ng Diyos sa pagpapakita ng habag?
4 Kayhusay na halimbawa ang ipinakita ng Diyos para sa ating lahat! May-pagkahabag niyang tinawag na “bayan ko” kahit na ang mapaghimagsik na bayan ng Israel at Juda noong panahon ni Mikas at kinausap sila sa pamamagitan ng salitang “pakisuyo.” Kung gayon, tiyak na dapat tayong magpakita ng habag at kabaitan sa ating pakikitungo sa mga kabilang sa kongregasyon. Totoo, maaaring hindi madaling pakitunguhan ang iba, o baka mahina sila sa espirituwal. Gayunman, kung iniibig nila si Jehova, nais natin silang tulungan at pagpakitaan ng habag.
5. Anong pangunahing punto ang pinalitaw sa Mikas 6:6, 7?
5 Ngayon, bumaling naman tayo sa Mikas 6:6, 7. Nagharap si Mikas ng sunud-sunod na mga tanong, na nagsasabi: “Ano ang ihaharap ko kay Jehova? Ano ang dadalhin ko sa aking pagyukod sa harap ng Diyos na nasa kaitaasan? Ako ba ay maghaharap sa kaniya ng mga buong handog na sinusunog, ng mga guya na isang taóng gulang? Malulugod ba si Jehova sa libu-libong barakong tupa, sa sampu-sampung libong ilog ng langis? Ibibigay ko ba ang panganay kong anak na lalaki dahil sa aking pagsalansang, ang bunga ng aking tiyan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa?” Hindi, hindi maaaring palugdan si Jehova “sa libu-libong barakong tupa, sa sampu-sampung libong ilog ng langis.” Ngunit may isang bagay na makalulugod sa kaniya. Ano iyon?
Dapat Tayong Magsagawa ng Katarungan
6. Anong tatlong kahilingan ng Diyos ang nakasaad sa Mikas 6:8?
6 Sa Mikas 6:8, malalaman natin kung ano ang inaasahan ni Jehova sa atin. Nagtanong si Mikas: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” Ang tatlong kahilingang ito ay nagsasangkot sa ating damdamin, pag-iisip, at pagkilos. Dapat nating naisin na ipakita ang mga katangiang ito, isipin kung paano ipamamalas ang mga ito, at gumawa ng hakbang upang maitanghal ang mga ito. Isa-isa nating talakayin ang tatlong kahilingang ito.
7, 8. (a) Ano ang ibig sabihin ng “magsagawa ng katarungan”? (b) Anong mga kawalang-katarungan ang laganap noong panahon ni Mikas?
7 Ang ibig sabihin ng “magsagawa ng katarungan” ay gawin kung ano ang tama. Ang pamamaraan ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay ang siyang pamantayan ng katarungan. Subalit hindi katarungan ang isinasagawa ng mga kapanahon ni Mikas kundi kawalang-katarungan. Sa anu-anong paraan? Isaalang-alang ang Mikas 6:10. Sa dulo ng talatang iyon, inilalarawan ang mga mangangalakal na gumagamit ng isang “kulang na takal ng epa,” na ang ibig sabihin ay isa na napakaliit. Idinagdag ng talata 11 na sila’y gumagamit ng “mga batong panimbang na may daya.” At ayon sa talata 12, “ang kanilang dila ay mapandaya.” Kaya, ang madayang mga sukat, madayang mga timbangan, at mapandayang pananalita ay laganap sa daigdig ng komersiyo noong panahon ni Mikas.
8 Hindi lamang sa pamilihan ginagawa ang kawalang-katarungan. Karaniwan din ito sa mga hukuman. Ipinahihiwatig ng Mikas 7:3 na “ang prinsipe ay may hinihingi, at ang humahatol ay gumagawa nito dahil sa gantimpala.” Sinusuhulan ang mga hukom upang lapatan nila ng di-makatarungang mga sentensiya ang mga taong walang-sala. Ang “dakila,” o maimpluwensiyang mamamayan, ay kasabuwat sa mga krimen. Sa katunayan, sinasabi ni Mikas na “pinaghahabi-habi,” o pinagtutugma-tugma, ng prinsipe, ng hukom, at ng taong dakila ang kanilang balakyot na mga gawa.
9. Paano naapektuhan ang Juda at Israel sa kawalang-katarungan na isinasagawa ng mga balakyot?
9 Ang kawalang-katarungan na isinasagawa ng mga balakyot na lider ay nakaaapekto sa buong Juda at Israel. Sinabi ng Mikas 7:5 na ang kawalan ng katarungan ay naging sanhi ng kawalan ng pagtitiwala sa pagitan ng magkakasama, matalik na magkakaibigan, at maging ng mga mag-asawa. Sinabi ng talata 6 na ito’y humantong sa isang situwasyon na ang malapit na magkakamag-anak na tulad ng mag-aama at mag-iina ay namumuhi sa isa’t isa.
10. Sa gitna ng kawalang-katarungan sa makabagong-panahong ito, paano gumagawi ang mga Kristiyano?
10 Kumusta naman sa ngayon? Hindi ba’t ganito ring mga kalagayan ang nakikita natin? Tulad ni Mikas, tayo ay napaliligiran ng kawalang-katarungan, kawalan ng pagtitiwala, at pagguho ng lipunan at buhay pampamilya. Gayunman, bilang mga lingkod ng Diyos sa gitna ng di-matuwid na sanlibutang ito, hindi natin pinahihintulutang makapasok sa kongregasyong Kristiyano ang espiritu ng di-makatarungang pakikitungo ng sanlibutang ito. Sa halip, sinisikap nating itaguyod ang mga simulain ng katapatan at integridad, anupat ipinamamalas ang mga ito sa ating araw-araw na pamumuhay. Oo, ‘gumagawi tayo nang matapat sa lahat ng bagay.’ (Hebreo 13:18) Hindi ka ba sumasang-ayon na sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katarungan ay nagtatamasa tayo ng mayayamang pagpapala mula sa isang kapatirang nagpapamalas ng tunay na pagtitiwala?
Paano Naririnig ng mga Tao “ang Mismong Tinig ni Jehova”?
11. Paano natutupad ang Mikas 7:12?
11 Inihula ni Mikas na sa kabila ng mga kalagayan ng kawalang-katarungan, ang katarungan ay tatamasahin ng lahat ng uri ng tao. Patiunang sinabi ng propeta na titipunin ang mga tao “mula sa dagat at dagat, at mula sa bundok at bundok” upang maging mga mananamba ni Jehova. (Mikas 7:12) Sa ngayon, sa pangwakas na katuparan ng hulang ito, hindi isang partikular na bansa lamang, kundi mga indibiduwal mula sa lahat ng bansa ang nakikinabang mula sa walang-pagtatanging katarungan ng Diyos. (Isaias 42:1) Paano ito nagkakatotoo?
12. Paano naririnig sa ngayon “ang mismong tinig ni Jehova”?
12 Para sa sagot, isaalang-alang ang naunang mga sinabi ni Mikas. Sinasabi ng Mikas 6:9: “Sa lunsod ay tumatawag ang mismong tinig ni Jehova, at ang taong may praktikal na karunungan ay matatakot sa iyong pangalan.” Paano naririnig ng mga tao sa lahat ng bansa “ang mismong tinig ni Jehova,” at paano ito nauugnay sa pagsasagawa natin ng katarungan? Sabihin pa, hindi literal na naririnig ng mga tao sa ngayon ang tinig ng Diyos. Subalit sa pamamagitan ng ating pandaigdig na gawaing pangangaral, ang tinig ni Jehova ay naririnig ng mga indibiduwal mula sa lahat ng lahi at katayuan sa lipunan. Bunga nito, yaong mga nakikinig ay ‘natatakot sa pangalan ng Diyos,’ at nagkakaroon ng mapitagang pagpapahalaga rito. Tiyak na tayo ay kumikilos sa makatarungan at maibiging paraan sa pamamagitan ng ating paglilingkod bilang masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian. Sa pamamagitan ng walang-pagtatanging pagpapakilala sa pangalan ng Diyos sa lahat ng tao, tayo ay ‘nagsasagawa ng katarungan.’
Dapat Nating Ibigin ang Kabaitan
13. Ano ang pagkakaiba ng maibiging-kabaitan at pag-ibig?
13 Talakayin naman natin ang ikalawang kahilingan na binanggit sa Mikas 6:8. Inaasahan ni Jehova na ‘iibigin natin ang kabaitan.’ Ang salitang Hebreo na isinaling “kabaitan” ay isinasalin din na “maibiging-kabaitan,” o “matapat na pag-ibig.” Ang maibiging-kabaitan ay isang aktibong pagbibigay-pansin sa iba, isang mahabaging pagmamalasakit sa kanila. Ang maibiging-kabaitan ay naiiba sa katangian ng pag-ibig. Paano? Ang pag-ibig ay isang terminong may mas malawak na saklaw, isa na maikakapit maging sa mga bagay o mga ideya. Halimbawa, ang Kasulatan ay bumabanggit hinggil sa isang tao na “umiibig sa alak at langis” at sa isang tao na “umiibig sa karunungan.” (Kawikaan 21:17; 29:3) Sa kabilang panig naman, ang maibiging-kabaitan ay laging may kaugnayan sa mga tao, lalo na sa mga naglilingkod sa Diyos. Kaya ang Mikas 7:20 ay bumabanggit sa “maibiging-kabaitan na ibinigay kay Abraham”—isang lalaki na naglingkod sa Diyos na Jehova.
14, 15. Paano ipinakikita ang maibiging-kabaitan, at anong katibayan nito ang binanggit sa parapo?
14 Ayon sa Mikas 7:18, sinabi ng propeta na “nalulugod [ang Diyos] sa maibiging-kabaitan.” Sa Mikas 6:8, sinabihan tayo na hindi lamang magpakita ng maibiging-kabaitan kundi ibigin ang katangiang iyon. Ano ang matututuhan natin sa mga kasulatang ito? Ang maibiging-kabaitan ay ipinakikita nang kusang-loob at walang pasubali sapagkat nais natin itong ipakita. Tulad ni Jehova, tayo ay nasisiyahan, o nalulugod, sa pagpapamalas ng maibiging-kabaitan sa mga nangangailangan.
15 Sa ngayon, ang gayong maibiging-kabaitan ay isang katangian ng bayan ng Diyos. Isaalang-alang ang isa lamang halimbawa. Noong Hunyo 2001, isang tropikal na bagyo ang naging dahilan ng malawakang pagbaha sa Texas, E.U.A., na sumira sa libu-libong tahanan, kabilang na ang daan-daang tahanan ng mga Saksi ni Jehova. Upang tulungan ang kanilang mga kapatid na Kristiyano na nangangailangan, mga 10,000 Saksi ang kusang-loob at walang-bayad na naglaan ng kanilang panahon at lakas. Sa loob ng mahigit na kalahating taon, ang mga boluntaryo ay nagtrabaho nang walang tigil, na ginagamit ang kanilang mga araw, gabi, at dulo ng sanlinggo upang itayong muli ang 8 Kingdom Hall at mahigit sa 700 tahanan para sa kanilang mga kapatid na Kristiyano. Yaong mga hindi makapagtrabaho nang gayon ay nag-abuloy ng pagkain, mga gamit, at salapi. Bakit tinulungan ng libu-libong Saksing ito ang kanilang mga kapatid? Sapagkat kanilang ‘iniibig ang kabaitan.’ At totoong nakaaantig-pusong malaman na ang gayong mga gawa ng maibiging-kabaitan ay ipinakikita ng ating mga kapatid sa buong daigdig! Oo, ang pagtupad sa kahilingang “ibigin ang kabaitan” ay hindi isang pasanin kundi isang kagalakan!
Maging Mahinhin sa Paglakad na Kasama ng Diyos
16. Anong paghahalimbawa ang tumutulong upang idiin ang pangangailangang maging mahinhin sa paglakad na kasama ng Diyos?
16 Ang ikatlong kahilingan ng Mikas 6:8 ay ang “maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos.” Ang ibig sabihin nito ay kilalanin ang ating mga limitasyon at umasa sa Diyos. Upang ilarawan: Gunigunihin mo sandali ang isang munting batang babae na nakahawak nang mahigpit sa kamay ng kaniyang ama habang naglalakad sila sa gitna ng bagyo. Alam na alam ng batang babae na limitado ang kaniyang lakas, ngunit nagtitiwala siya sa kaniyang ama. Dapat din nating kilalanin ang ating mga limitasyon ngunit dapat tayong magtiwala sa ating makalangit na Ama. Paano natin mapananatili ang pagtitiwalang ito? Ang isang paraan ay ang laging isaisip kung bakit matalino na manatiling malapít sa Diyos. Tatlong dahilan ang ipinaaalaala sa atin ni Mikas: Si Jehova ang ating Tagapagligtas, ang ating Tagapatnubay, at ang ating Tagapagsanggalang.
17. Paano iniligtas, pinatnubayan, at ipinagsanggalang ni Jehova ang kaniyang sinaunang bayan?
17 Ayon sa Mikas 6:4, 5, sinabi ng Diyos: “Iniahon kita mula sa lupain ng Ehipto.” Oo, si Jehova ang Tagapagligtas ng Israel. Sinabi pa ni Jehova: “Isinugo ko sa unahan mo si Moises, si Aaron at si Miriam.” Sina Moises at Aaron ay ginamit upang patnubayan ang bansa, at si Miriam ang nanguna sa mga babae ng Israel sa isang sayaw ng tagumpay. (Exodo 7:1, 2; 15:1, 19-21; Deuteronomio 34:10) Si Jehova ay naglaan ng patnubay sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod. Sa talata 5, ipinaalaala ni Jehova sa bansang Israel na kaniyang ipinagsanggalang sila laban kina Balak at Balaam at binigyan niya ng proteksiyon ang mga Israelita sa huling yugto ng kanilang paglalakbay mula sa Sitim sa Moab hanggang sa Gilgal sa Lupang Pangako.
18. Paano kumikilos ang Diyos bilang ating Tagapagligtas, Tagapatnubay, at Tagapagsanggalang sa ngayon?
18 Habang lumalakad tayo na kasama ng Diyos, inililigtas niya tayo mula sa sanlibutan ni Satanas, pinapatnubayan tayo sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon, at ipinagsasanggalang tayo bilang isang grupo kapag sinasalakay tayo ng mga mananalansang. Dahil dito ay taglay natin ang sapat na dahilan upang manghawakang mahigpit sa kamay ng ating makalangit na Ama habang lumalakad tayong kasama niya sa gitna ng mabagyong huling yugto ng ating paglalakbay patungo sa isang lugar na mas dakila kaysa sa sinaunang Lupang Pangako—ang matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.
19. Paano nauugnay ang kahinhinan sa ating mga limitasyon?
19 Ang pagiging mahinhin sa paglakad na kasama ng Diyos ay tumutulong sa atin na magkaroon ng makatotohanang pangmalas sa ating kalagayan. Ito ay totoo sapagkat kalakip sa pagpapamalas ng kahinhinan ang pagkakaroon ng kabatiran sa ating mga limitasyon. Maaaring limitahan ng pagtanda o ng paghina ng kalusugan ang ating magagawa sa paglilingkod kay Jehova. Gayunman, sa halip na pahintulutan itong makasira ng ating loob, makabubuting tandaan na tinatanggap ng Diyos ang ating mga pagsisikap at pagsasakripisyo ‘ayon sa taglay natin, hindi ayon sa hindi natin taglay.’ (2 Corinto 8:12) Ang totoo, inaasahan ni Jehova na maglilingkod tayo sa kaniya nang buong kaluluwa, na ginagawa ang ayon sa ipinahihintulot ng ating kalagayan. (Colosas 3:23) Kapag marubdob at masigasig nating ginagawa ang buong makakaya natin sa paglilingkod sa kaniya, sagana tayong pinagpapala ng Diyos.—Kawikaan 10:22.
Nagdudulot ng mga Pagpapala ang Mapaghintay na Saloobin
20. Ang pagkaalam sa anong bagay ang dapat tumulong sa atin na magpamalas ng mapaghintay na saloobin na kagaya ni Mikas?
20 Ang pagtatamasa ng pagpapala ni Jehova ay gumaganyak sa atin na tularan ang saloobin ni Mikas. Ipinahayag niya: “Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan.” (Mikas 7:7) Ano ang kaugnayan ng mga salitang ito sa ating paglakad nang may kahinhinan kasama ng Diyos? Ang pagkakaroon ng mapaghintay na saloobin, o pagiging matiisin, ay tumutulong sa atin na huwag masiraan ng loob bagaman hindi pa dumarating ang araw ni Jehova. (Kawikaan 13:12) Ang totoo, pinananabikan nating lahat ang katapusan ng balakyot na sanlibutang ito. Subalit bawat linggo ay libu-libong tao ang nagsisimula pa lamang sa paglakad na kasama ng Diyos. Ang pagkaalam nito ay nagbibigay sa atin ng dahilan para magpakita ng mapaghintay na saloobin. Isang matagal nang Saksi ang nagsabi may kaugnayan dito: “Sa pagbabalik-tanaw sa nakalipas na 55 taon sa gawaing pangangaral, kumbinsido ako na hindi ako nalugi sa aking paghihintay kay Jehova. Sa kabaligtaran pa nga, naiwasan ko ang maraming masasaklap na karanasan.” Nagkaroon ka rin ba ng katulad na karanasan?
21, 22. Paano natutupad sa ating panahon ang Mikas 7:14?
21 Ang paglakad na kasama ni Jehova ay walang alinlangang nagdudulot ng mga kapakinabangan sa atin. Gaya ng mababasa natin sa Mikas 7:14, inihahambing ni Mikas ang bayan ng Diyos sa mga tupa na tumatahang tiwasay kasama ng kanilang pastol. Sa mas malaking katuparan ng hulang ito sa ngayon, ang nalabi ng espirituwal na Israel pati na rin ang “ibang mga tupa” ay nakasusumpong ng katiwasayan sa kanilang pinagtitiwalaang Pastol, si Jehova. Sila ay tumatahang “mag-isa sa kagubatan—sa gitna ng isang taniman,” anupat sa espirituwal na diwa ay nakahiwalay sa nagiging lalong maligalig at mapanganib na sanlibutang ito.—Juan 10:16; Deuteronomio 33:28; Jeremias 49:31; Galacia 6:16.
22 Ang bayan ng Diyos ay nagtatamasa ng kasaganaan, gaya ng inihula rin ng Mikas 7:14. Tungkol sa mga tupa, o bayan, ng Diyos, sinabi ni Mikas: “Pakainin mo sila sa Basan at sa Gilead.” Kung paanong ang mga tupa sa Basan at Gilead ay nanginain sa mabungang mga pastulan at nanagana, sa gayunding paraan ang bayan ng Diyos sa ngayon ay nagtatamasa ng espirituwal na kasaganaan—na isa pang pagpapala para sa mga lumalakad nang mahinhin na kasama ng Diyos.—Bilang 32:1; Deuteronomio 32:14.
23. Anong aral ang matututuhan natin sa pagsasaalang-alang sa Mikas 7:18, 19?
23 Sa Mikas 7:18, 19, itinampok ng propeta ang hangarin ni Jehova na patawarin ang mga nagsisisi. Sinasabi ng talata 18 na si Jehova ay “nagpapaumanhin sa kamalian” at “nagpapalampas ng pagsalansang.” Ayon sa talata 19, kaniyang ‘ihahagis sa mga kalaliman ng dagat ang lahat ng kanilang mga kasalanan.’ Ano ang isang aral na matututuhan natin dito? Maaari nating tanungin ang ating sarili kung tinutularan ba natin si Jehova sa bagay na ito. Pinatatawad ba natin ang mga kamaliang nagagawa ng iba laban sa atin? Kapag ang gayong mga indibiduwal ay nagsisisi at nagnanais na makipagkasundo, tiyak na nanaisin nating tularan si Jehova sa pagiging handang magpatawad nang lubos at permanente.
24. Paano ka nakinabang mula sa hula ni Mikas?
24 Paano tayo nakinabang mula sa pagsasaalang-alang na ito sa hula ni Mikas? Pinaaalalahanan tayo nito na si Jehova ay naglalaan ng tunay na pag-asa para sa mga lumalapit sa kaniya. (Mikas 2:1-13) Pinasisigla tayo na gawin ang buong makakaya natin upang maitaguyod ang tunay na pagsamba nang sa gayon ay makalakad tayo sa pangalan ng Diyos magpakailanman. (Mikas 4:1-4) At tinitiyak sa atin na anuman ang ating kalagayan, kaya nating tuparin ang mga kahilingan ni Jehova. Oo, ang hula ni Mikas ay tunay na nagpapalakas sa atin na lumakad sa pangalan ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Ayon sa Mikas 6:8, ano ang hinihiling ni Jehova sa atin?
• Ano ang kailangan upang ‘makapagsagawa tayo ng katarungan’?
• Paano natin maipakikita na ‘iniibig natin ang kabaitan’?
• Ano ang nasasangkot sa ‘pagiging mahinhin sa paglakad na kasama ng Diyos’?
[Mga larawan sa pahina 21]
Sa kabila ng balakyot na mga kalagayan noong kaniyang panahon, naisagawa ni Mikas ang mga kahilingan ni Jehova. Magagawa mo rin ito
[Larawan sa pahina 23]
Magsagawa ng katarungan sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga tao anuman ang kanilang katayuan sa lipunan
[Mga larawan sa pahina 23]
Ipakita na iniibig mo ang kabaitan sa pamamagitan ng pagtugon sa mga pangangailangan ng iba
[Larawan sa pahina 23]
Gawin mo ang iyong buong makakaya samantalang may-kahinhinang kinikilala ang iyong mga limitasyon