‘Manganlong sa Pangalan ni Jehova’
“Mag-iiwan ako . . . ng isang bayan na mapagpakumbaba at mababa, at manganganlong sila sa pangalan ni Jehova.”—ZEF. 3:12.
1, 2. Anong makasagisag na bagyo ang malapit nang humagupit sa sangkatauhan?
NARANASAN mo na bang manganlong sa ilalim ng isang tulay dahil biglang bumuhos ang napakalakas na ulan? Maaaring maproteksiyunan ka ng tulay mula sa napakalakas na ulan, pero kung bagyo ang darating, malamang na hindi na ito sapat na masisilungan.
2 Isang naiibang uri ng bagyo ang dumarating—isa na magiging banta sa pag-iral ng sangkatauhan. Ito’y makasagisag na “araw ng bagyo.” Apektado ng “dakilang araw [na ito] ni Jehova” ang lahat ng tao. Pero makasusumpong tayo ng kanlungan. (Basahin ang Zefanias 1:14-18.) Paano tayo makapanganganlong sa “araw ng poot ni Jehova” na malapit nang dumating?
Mga Araw ng Bagyo sa Bibliya
3. Anong “makulog na bagyo” ang sumapit sa sampung-tribong kaharian ng Israel?
3 Ang araw ni Jehova ay magsisimula sa pagpuksa sa lahat ng huwad na relihiyon sa lupa. Para malaman kung paano tayo makasusumpong ng kanlungan, maaari nating suriin ang kasaysayan ng sinaunang bayan ng Diyos. Ang hatol ni Jehova sa apostatang sampung-tribong kaharian ng Israel ay inihambing ni Isaias, nabuhay noong ikawalong siglo B.C.E., sa isang “makulog na bagyo” na hindi nila kayang pigilan. (Basahin ang Isaias 28:1, 2.) Natupad ang hulang iyan noong 740 B.C.E. nang salakayin ng Asirya ang lupain ng sampung tribong iyon, na ang pinakaprominente ay ang Efraim.
4. Paano dumating sa Jerusalem noong 607 B.C.E. ang “dakilang araw ni Jehova”?
4 Noong 607 B.C.E., dumating ang “dakilang araw ni Jehova” laban sa Jerusalem at sa kaharian ng Juda. Naganap ito dahil nag-apostata rin ang mga naninirahan sa Juda. Sa pangunguna ni Nabucodonosor, pinagbantaan ng mga Babilonyo ang Juda at ang kabisera nito, ang Jerusalem. Ang mga Judeano ay bumaling sa “kanlungang kasinungalingan”—ang kanilang pakikipag-alyansa sa Ehipto. Gayunman, gaya ng mapangwasak na bagyo ng graniso, pinalis ng mga Babilonyo ang “kanlungang” iyon.—Isa. 28:14, 17.
5. Ano ang mangyayari sa bayan ng Diyos bilang isang grupo kapag winasak na ang lahat ng huwad na relihiyon?
5 Ang dakilang araw ni Jehova na dumating sa Jerusalem ay nagpapahiwatig ng hatol na sasapit sa apostatang Sangkakristiyanuhan sa ating panahon. Bukod diyan, wawasakin din ang iba pang bahagi ng “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Pagkatapos, lilipulin naman ang natitirang bahagi ng masamang sistema ni Satanas. Pero ang bayan ng Diyos bilang isang grupo ay makaliligtas dahil nanganganlong sila kay Jehova.—Apoc. 7:14; 18:2, 8; 19:19-21.
Espirituwal at Pisikal na Kanlungan
6. Paano nakasusumpong ng kanlungan ang bayan ni Jehova?
6 Paano nakasusumpong ng kanlungan ang bayan ng Diyos ngayon mismo sa panahong ito ng kawakasan? Nakasusumpong tayo ng espirituwal na kanlungan kapag ‘palaisip tayo sa pangalan ng Diyos’ at masigasig na naglilingkod sa kaniya. (Basahin ang Malakias 3:16-18.) Pero alam natin na higit pa ang kailangan kaysa sa pagiging palaisip lang sa kaniyang pangalan. Mababasa natin: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Roma 10:13) Magkaugnay ang pagtawag sa pangalan ni Jehova at ang gagawin niyang pagliligtas. At nakikita nga ng maraming tapat-pusong tao ang pagkakaiba ng mga tunay na Kristiyano, na “palaisip sa kaniyang pangalan” at naglilingkod bilang kaniyang mga Saksi, at ng mga taong hindi naglilingkod sa kaniya.
7, 8. Paano nakaligtas sa pisikal na paraan ang mga Kristiyano noong unang siglo? Sino ang katulad nila sa ngayon?
7 Gayunman, hindi lang espirituwal na kanlungan ang nakalaan sa atin. Nangangako rin ang Diyos na ililigtas niya ang kaniyang bayan sa pisikal na paraan. Ipinakikita ito ng nangyari noong 66 C.E. matapos salakayin ng hukbong Romano sa pangunguna ni Cestio Gallo ang Jerusalem. Inihula ni Jesus na ang mga araw ng kapighatiang iyon ay “paiikliin.” (Mat. 24:15, 16, 21, 22) Naganap iyan nang sa di-inaasahan ay umatras ang hukbong Romano, anupat nabigyan ng pagkakataong ‘makaligtas’ ang ilang “laman,” samakatuwid nga, ang mga tunay na Kristiyano. Nakatakas sila mula sa lunsod at sa nakapalibot na lugar. Ang ilan ay tumawid ng Jordan at nanganlong sa kabundukan sa silangang panig ng ilog na iyon.
8 May pagkakatulad ang mga Kristiyanong iyon at ang bayan ng Diyos sa ngayon. Nakasumpong ng kanlungan ang mga Kristiyano noong unang siglo, at makasusumpong din ng kanlungan ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Pero hindi ito pagtakas tungo sa isang partikular na lugar, dahil ang mga tunay na Kristiyano ay nasa iba’t ibang dako sa daigdig. Gayunman, bilang isang grupo, ang “mga pinili” at ang kanilang tapat na mga kasama ay makaliligtas sa pagkawasak ng apostatang Sangkakristiyanuhan sa pamamagitan ng panganganlong kay Jehova at sa kaniyang tulad-bundok na organisasyon.
9. Sino ang gumagawa ng paraan para malimutan ang pangalan ni Jehova? Magbigay ng halimbawa.
9 Samantala, nararapat lang na puksain ang Sangkakristiyanuhan dahil hindi nito itinuturo sa kaniyang mga miyembro ang katotohanan tungkol sa Diyos at kinapopootan nito ang pangalan ng Diyos. Noong Edad Medya, kilalang-kilala sa Europa ang personal na pangalan ng Diyos. Ang pangalang iyan, na kinakatawanan ng apat na titik Hebreo na tinatawag na Tetragrammaton at karaniwang tinutumbasan ng transliterasyong YHWH (o JHVH), ay makikita sa mga barya, sa harap ng mga bahay, sa maraming aklat at Bibliya, at maging sa ilang simbahang Katoliko at Protestante. Pero nitong bandang huli, inaalis na ang pangalan ng Diyos mula sa mga salin ng Bibliya at sa iba pang pinaggagamitan nito. Ang isang halimbawa ay ang Letter to the Bishops’ Conferences on ‘the Name of God,’ may petsang Hunyo 29, 2008, mula sa Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments. Sa liham na ito, sinabi ng Simbahang Romano Katoliko na ang Tetragrammaton, sa iba’t ibang pagkakasalin nito, ay dapat halinhan ng “Panginoon.” Itinagubilin ng Vatican na ang personal na pangalan ng Diyos ay hindi dapat gamitin o bigkasin sa mga himno at dasal sa mga serbisyong Katoliko. At tungkol naman sa mga lider ng ibang mga relihiyon sa loob at labas ng Sangkakristiyanuhan, hindi nila ipinakikilala sa kanilang milyun-milyong miyembro kung sino ang tunay na Diyos.
Proteksiyon Para sa mga Nagpapabanal sa Pangalan ng Diyos
10. Paano pinararangalan ang pangalan ng Diyos sa ngayon?
10 Kabaligtaran ng ginagawa ng ibang mga relihiyon, pinararangalan at niluluwalhati ng mga Saksi ni Jehova ang pangalan ng Diyos. Pinababanal nila iyon sa pamamagitan ng magalang na paggamit dito. Nalulugod si Jehova sa mga nagtitiwala sa kaniya, at ginagampanan niya ang anumang papel na kailangan para pagpalain at ipagsanggalang ang kaniyang bayan. “Nakikilala niya yaong mga nanganganlong sa kaniya.”—Na. 1:7; Gawa 15:14.
11, 12. Sino ang mga nanganlong sa pangalan ni Jehova sa sinaunang Juda? Sino ang gumagawa nito sa modernong panahon?
11 Bagaman naging apostata ang karamihan ng tao sa sinaunang Juda, may ilan namang ‘nanganlong sa pangalan ni Jehova.’ (Basahin ang Zefanias 3:12, 13.) Pinarusahan ng Diyos ang di-tapat na Juda nang hayaan niyang lupigin ng mga Babilonyo ang lupain at bihagin ang mga tagaroon, pero iniligtas niya ang ilan gaya nina Jeremias, Baruc, at Ebed-melec. Namuhay sila noon “sa gitna” ng isang apostatang bansa. Ang iba naman ay nanatiling tapat samantalang mga bihag. Noong 539 B.C.E., ang Babilonya ay nilupig ng mga Medo at Persiano sa pangunguna ni Ciro. Di-nagtagal, nagpalabas si Ciro ng utos na nagpapahintulot sa mga nalabing Judio na makabalik sa kanilang lupain.
12 Tungkol sa mga magtatamasa ng pagsasauli ng tunay na pagsamba, inihula ni Zefanias na ililigtas sila ni Jehova at magsasaya Siya dahil sa kanila. (Basahin ang Zefanias 3:14-17.) Natutupad din iyan sa ating panahon. Matapos itatag ang Kaharian ng Diyos sa langit, pinalaya ni Jehova ang tapat na nalabi ng mga pinahiran mula sa espirituwal na pagkabihag sa Babilonyang Dakila. At nagsasaya siya dahil sa kanila hanggang sa ngayon.
13. Mula saan pinalalaya ang maaamong tao?
13 Ang mga umaasang mabuhay nang walang hanggan sa lupa ay lumabas na rin sa Babilonyang Dakila at nakalaya na mula sa huwad na mga turo. (Apoc. 18:4) Kaya may malaking katuparan sa ating panahon ang Zefanias 2:3: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa.” Ang maaamo mula sa lahat ng bansa, makalangit man o makalupa, ay nanganganlong na ngayon sa pangalan ni Jehova.
Hindi Agimat ang Pangalan ng Diyos
14, 15. (a) Ano ang ginamit ng ilan bilang agimat? (b) Ano ang hindi dapat gamitin bilang anting-anting?
14 Para sa ilang Israelita, ang templo ay isang agimat na magsasanggalang sa kanila laban sa mga kaaway. (Jer. 7:1-4) Bago nito, inakala ng mga Israelita na ang kaban ng tipan ay isang agimat na magsasanggalang sa kanila sa labanan. (1 Sam. 4:3, 10, 11) Ipininta ni Constantinong Dakila ang mga titik Griego na khi at rho, ang unang dalawang titik ng titulong “Kristo” sa Griego, sa kalasag ng kaniyang mga kawal bilang proteksiyon sa labanan. At sinasabing isinuot ni Haring Gustav Adolph II ng Sweden, na nakipaglaban sa Tatlumpung Taóng Digmaan, ang baluti na makikita sa pahina 7. Pansinin na kitang-kita ang pangalang Iehova sa harap nito.
15 Ang ilang lingkod ng Diyos na sinalakay ng mga demonyo ay nanganlong kay Jehova sa pamamagitan ng pagtawag nang malakas sa kaniyang pangalan. Pero ang isang bagay na may pangalan ng Diyos ay hindi dapat ituring na agimat o gamitin bilang anting-anting, na para bang may kapangyarihan itong magsanggalang. Hindi ito ang ibig sabihin ng panganganlong sa pangalan ni Jehova.
Panganganlong sa Ngayon
16. Paano tayo nanganganlong ngayon sa espirituwal na paraan?
16 Nanganganlong tayo ngayon sa espirituwal na katiwasayang tinatamasa ng bayan ng Diyos bilang isang grupo. (Awit 91:1) Binababalaan tayo ng “tapat at maingat na alipin” at ng mga elder sa kongregasyon sa mga kalakaran sa sanlibutan na maaaring magsapanganib sa katiwasayang iyon. (Mat. 24:45-47; Isa. 32:1, 2) Napakadalas tayong binababalaan tungkol sa materyalismo at naipagsasanggalang tayo ng mga babalang iyon laban sa espirituwal na kapahamakan. At kumusta naman ang panganib ng pagwawalang-bahala, na maaaring humantong sa ating pagiging di-aktibo sa paglilingkod kay Jehova? Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagwawalang-bahala ng mga hangal ang sisira sa kanila. Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa akin, tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.” (Kaw. 1:32, 33) Ang pagsisikap na manatiling malinis sa moral ay nakatutulong din para maingatan ang ating espirituwal na katiwasayan.
17, 18. Ano ang tumutulong sa milyun-milyon para makapanganlong sa pangalan ni Jehova?
17 Pinatitibay rin tayo ng tapat na alipin na sundin ang utos ni Jesus na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong tinatahanang lupa. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Binanggit ni Zefanias ang isang pagbabago na tutulong sa mga tao na makapanganlong sa pangalan ng Diyos. Mababasa natin: “Kung magkagayon ay ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.”—Zef. 3:9.
18 Ano ba ang dalisay na wikang ito? Ito’y ang katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin gaya ng mababasa sa kaniyang kinasihang Salita. Sa diwa, ginagamit mo ang wikang iyan kapag ibinabahagi mo sa iba ang tamang unawa tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung paano nito pababanalin ang kaniyang pangalan, kapag itinatampok mo ang pagbabangong-puri sa soberanya ng Diyos, at kapag masigla mong ipinakikipag-usap ang walang-hanggang mga pagpapala na tatamasahin ng mga taong tapat. Dahil napakaraming nagsasalita ng makasagisag na wikang iyan, dumarami rin ang ‘tumatawag sa pangalan ni Jehova’ at ‘naglilingkod sa kaniya nang balikatan.’ Oo, milyun-milyon na sa buong daigdig ang nanganganlong kay Jehova.—Awit 1:1, 3.
19, 20. Noong panahon ng Bibliya, paano nabigo ang pagtitiwala sa isang “kanlungang kasinungalingan”?
19 Ang mga tao sa daigdig ay napapaharap sa gabundok na mga problema. Sa kagustuhang malutas ang mga ito, marami ang umaasa sa di-sakdal na mga tao, o kaya’y sa pulitikal na mga institusyon, kung paanong ang Israel noon ay humingi ng tulong sa karatig na mga bansa at nakipag-alyansa sa kanila. Pero alam mong hindi iyon nakatulong sa Israel. At walang pulitikal na estado sa ngayon, kahit pa ang United Nations, ang lubos na makalulutas sa mga problema ng tao. Kaya bakit pa manganganlong sa pulitikal na mga institusyon at mga alyansa? Sa hula ng Bibliya, ang mga ito ay tinawag na isang “kanlungang kasinungalingan.” Angkop lang na ituring mong gayon ang mga ito dahil ang lahat ng umaasa sa mga ito ay daranas ng matinding kabiguan.—Basahin ang Isaias 28:15, 17.
20 Malapit nang humagupit sa lupa ang makasagisag na bagyo ng graniso ng araw ni Jehova. Walang maibibigay na proteksiyon ang mga plano ng tao, ni ang mga nuclear shelter at kayamanan. Sinasabi sa Isaias 28:17: “Papalisin ng graniso ang kanlungang kasinungalingan, at babahain ng tubig ang mismong dakong kublihan.”
21. Anong pakinabang ang matatamo natin sa pagsunod sa taunang teksto para sa 2011?
21 Ngayon at sa darating na kapahamakang iyon, ang bayan ng Diyos ay makasusumpong ng tunay na katiwasayan sa kanilang Diyos na si Jehova. Ang pangalan ni Zefanias, na nangangahulugang “Ikinubli ni Jehova,” ay tumutukoy sa tunay na kublihang iyon. Kaya angkop lang na maging taunang teksto natin para sa 2011 ang matalinong payong ito: ‘Manganlong sa pangalan ni Jehova.’ (Zef. 3:12) Ngayon pa man, tayo ay dapat nang manganlong sa pangalan ni Jehova, anupat lubos na nagtitiwala sa kaniya. (Awit 9:10) Alalahanin natin sa araw-araw ang katiyakang ito mula sa Bibliya: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.”—Kaw. 18:10.
Natatandaan Mo Ba?
• Paano tayo makapanganganlong ngayon sa pangalan ni Jehova?
• Bakit hindi tayo dapat magtiwala sa “kanlungang kasinungalingan”?
• Anong kanlungan ang tinitiyak sa atin para sa hinaharap?
[Blurb sa pahina 6]
Taunang teksto para sa 2011: ‘Manganlong sa pangalan ni Jehova.’—Zefanias 3:12.
[Picture Credit Line sa pahina 7]
Thüringer Landesmuseum Heidecksburg Rudolstadt, Waffensammlung “Schwarzburger Zeughaus”