Impiyerno
Kahulugan: Ang salitang “impiyerno” ay masusumpungan sa maraming salin ng Bibliya. Sa mga talata ding yaon ang ibang salin ay kababasahan ng “libingan,” “daigdig ng mga patay,” at iba pa. Ang ibang salin ng Bibliya ay basta na lamang gumagamit ng mga salita sa orihinal na wika na madalas isaling “impiyerno”; alalaong baga’y, isinusulat nila ito sa mga titik ng ating abakada subali’t hindi isinasalin ang mga salita. Ano ang mga ito? Ang salitang Hebreo na she’ohlʹ at ang katumbas nito sa Griyego na haiʹdes, na tumutukoy, hindi sa indibiduwal na mga libingang dako, kundi sa karaniwang libingan ng patay na sangkatauhan; ganoon din ang Griyegong geʹen·na, na ginagamit bilang sagisag ng walang-hanggang pagkalipol. Gayumpaman, kapuwa sa Sangkakristiyanuhan at sa maraming di-Kristiyanong relihiyon ay itinuturo na ang impiyerno ay isang dako na tinatahanan ng mga demonyo at na kung saan ang mga balakyot, pagkamatay nila, ay pinarurusahan (at ang iba ay naniniwala pa na ito ay may kalakip na pagpapahirap).
Ipinahihiwatig ba ng Bibliya kung baga nakakaramdam ng hirap ang mga patay?
Ecles. 9:5, 10: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mangamamatay; nguni’t kung tungkol sa mga patay, sila’y walang nalalamang ano pa man. . . . Anomang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagka’t walang gawa ni katha ni kaalaman ni karunungan man sa Sheol,* ang dakong iyong paroroonan.” (Kung sila’y walang nalalamang ano man, maliwanag na hindi sila nakakaramdam ng hirap.) (*“Sheol,” AS, RS, NE, JB; “ang libingan,” KJ, Kx; “impiyerno,” Dy; “daigdig ng mga patay,” TEV.)
Awit 146:4: “Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya’y nagbabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.”* (*“Pag-iisip,” KJ, 145:4 sa Dy; “panukala,” JB; “plano,” RS, TEV.)
Ipinahihiwatig ba ng Bibliya na ang kaluluwa ay nakakaligtas pagkamatay ng katawan?
Ezek. 18:4: “Ang kaluluwa* na nagkakasala ay mamamatay.” (*“Kaluluwa,” KJ, Dy, RS, NE, Kx; “ang tao,” JB; “ang persona,” TEV.)
“Ang paniwala hinggil sa ‘kaluluwa,’ na ang tinutukoy ay isang lubusang espirituwal, di-materyal na bagay, hiwalay sa ‘katawan,’ . . . ay hindi umiiral sa Bibliya.”—La Parole de Dieu, (Paris, 1960), Georges Auzou, propesor ng Banal na Kasulatan, Rouen Seminary, Pransiya, p. 128.
“Bagaman ang salitang Hebreo na nefesh [sa Hebreong Kasulatan] ay madalas isaling ‘kaluluwa,’ magiging mali na mag-ukol dito ng isang Griyegong pangangahulugan. Ang nefesh . . . ay hindi kailanman itinuring na kumikilos nang hiwalay sa katawan. Sa Bagong Tipan ang salitang Griyego na psyche ay madalas isaling ‘kaluluwa’ subali’t ito rin ay hindi dapat karakarakang unawain ayon sa pagkaunawa ng mga pilosopong Griyego sa salitang ito. Madalas ito ay nangangahulugan ng ‘buhay,’ o ‘kasiglahan,’ o kung minsan, ‘ang sarili.’ ”—The Encyclopedia Americana (1977), Tomo 25, p. 236.
Anong uri ng mga tao ang nagtutungo sa impiyernong binabanggit sa Bibliya?
Sinasabi ba ng Bibliya na ang mga balakyot ay nagtutungo sa impiyerno?
Awit 9:17, KJ: “Ang mga balakyot ay mauuwi sa impiyerno,* pati ng lahat ng mga bansa na nagsisilimot sa Diyos.” (*“Impiyerno,” 9:18 sa Dy; “kamatayan,” TEV; “dako ng kamatayan,” Kx; “Sheol,” AS, RS, NE, JB, NW.)
Sinasabi din ba ng Bibliya na ang mga matuwid ay nagtutungo sa impiyerno?
Job 14:13, Dy: “[Nanalangin si Job:] Sino ang magkakaloob sa akin nito, na ako’y ikanlong mo sa impiyerno,* at ikubli mo ako hanggang sa ang iyong poot ay makalipas, at takdaan mo ako ng panahon upang alalahanin ako?” (Sinabi mismo ng Diyos na si Job ay isang “taong walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at humihiwalay sa masama.”—Job 1:8.) (*“Ang libingan,” KJ; “ang daigdig ng mga patay,” TEV; “Sheol,” AS, RS, NE, JB, NW.)
Gawa 2:25-27, KJ: “Sinasabi ni David tungkol sa kaniya [si Jesu-Kristo], . . . Sapagka’t hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa impiyerno,* ni titiisin man na ang iyong banal ay makakita ng kabulukan.” (Ang bagay na hindi “iniwan” ng Diyos si Jesus sa impiyerno ay nagpapahiwatig na si Jesus ay napasa impiyerno, o Hades, kahit na sa sandaling panahon lamang, hindi ba?) (*“Impiyerno,” Dy; “kamatayan,” NE; “dako ng kamatayan,” Kx; “daigdig ng mga patay,” TEV; “Hades,” AS, RS, JB, NW.)
Mayroon bang sinoman na nakakalabas mula sa impiyernong binabanggit sa Bibliya?
Apoc. 20:13, 14, KJ: “At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng impiyerno* ang mga patay na nasa kanila: at sila’y hinatulan bawa’t tao ayon sa kanilang mga gawa. At ang kamatayan at ang impiyerno ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.” (Kaya ang mga patay ay tutubusin mula sa impiyerno. Pansinin din na ang impiyerno at ang dagatdagatang apoy ay hindi iisa kundi ang impiyerno ay ihahagis sa dagatdagatang apoy.) (*“Impiyerno,” Dy, Kx; “ang daigdig ng mga patay, TEV; “Hades,” NE, AS, RS, JB, NW.)
Bakit may kalituhan hinggil sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa impiyerno?
“Nagkaroon ng malaking kalituhan at maling pagka-unawa dahil sa kaugalian ng mga sinaunang mga tagapagsalin ng Bibliya na laging pagsasalin sa Hebreong Sheol at sa Griyegong Hades at Gehenna sa salitang impiyerno. Ang transliterasyon lamang ng mga salitang ito sa panig ng mga tagapagsalin ng nirebisang mga edisyon ng Bibliya ay hindi naging sapat upang linawin ang kalituhan at maling pagka-unawang ito.”—The Encyclopedia Americana (1942), Tomo XIV, p. 81.
Pinahintulutan ng mga tagapagsalin ang kanilang personal na paniwala na makaimpluwensiya sa kanilang gawa sa halip na itugma ang kanilang salin sa mga salita ng orihinal na wika. Bilang halimbawa: (1) Isinalin ng King James Version ang she’ohlʹ bilang “impiyerno,” “libingan,” at “hukay”; ang haiʹdes ay isinalin nito na kapuwa “impiyerno” at “libingan”; ang geʹen·na ay isinalin ding “impiyerno.” (2) Ang Today’s English Version ay gumamit ng transliterasyon na “Hades” para sa haiʹdes subali’t isinalin din ito na “impiyerno” at “daigdig ng mga patay.” Subali’t bukod sa pagsasalin ng “impiyerno” mula sa haiʹdes ay ganito rin ang ginawa nitong salin ukol sa geʹen·na. (3) Ginagamit ng The Jerusalem Bible ang transliterasyon ng haiʹdes nang anim na ulit, subali’t sa ibang talata ay isinasalin ito na “impiyerno,” at “ang daigdig ng kalaliman.” Isinalin din nito ang geʹen·na bilang “impiyerno,” gaya ng ginawa nito sa haiʹdes sa dalawang pagkakataon. Kaya lumabo ang wastong kahulugan ng mga salita sa orihinal na wika.
May walang-hanggang kaparusahan ba ukol sa mga balakyot?
Mat. 25:46, KJ: “Sila ay pasasa walang-hanggang kaparusahan [“pagkaputol,” Int; Griyego, koʹla·sin]: nguni’t ang mga matuwid ay pasasa walang-hanggang buhay.” (Ang The Emphatic Diaglott ay kababasahan ng “pagkaputol” sa halip na “kaparusahan.” Ang isang talababa ay nagsasaad: “Ang kolasin . . . ay hinango mula sa kolazoo na nangangahulugang, 1. Pagputol; gaya ng pagputi ng mga sanga ng punong-kahoy, pagpungos. 2. Pagpigil, pagsupil . . . 3. Pagkastigo, pagparusa. Ang paghiwalay sa isa mula sa buhay, o sa lipunan, o pati na ang pagpigil, ay itinuturing na parusa;—kaya dito’y lumilitaw ang ikatlong maka-talinghagang gamit ng salita. Ang unang kahulugan ang siyang sinusunod, sapagka’t higit itong nakakasuwato ng ikalawang bahagi ng pangungusap, sa gayo’y napapanatili ang puwersa at kagandahan ng katumbalikan. Ang matuwid ay nagtutungo sa buhay, ang balakyot ay sa pagkaputol mula sa buhay, o sa kamatayan. Tingnan ang 2 Tes. 1:9.”)
2 Tes. 1:9, RS: “Sila’y tatanggap ng kaparusahan ng walang-hanggang pagkalipol* at pagkahiwalay mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.” (*“Walang-hanggang pagkawasak,” NAB, NE; “mawawala magpakailanman,” JB; “sila’y hahatulan ng walang-hanggang kaparusahan,” Kx; “walang-hanggang kaparusahan sa pagkalipol,” Dy.)
Jud. 7, KJ: “Gayon din ang Sodoma at Gomorra, at ang mga bayang nasa palibot ng mga ito, na dahil sa pagpapakabuyo sa pakikiapid at sa pagsunod sa ibang laman, ay inilagay na pinakahalimbawa, na sila’y nagbabata ng parusang apoy na walang-hanggan.” (Ang apoy na tumupok sa Sodoma at Gomorra ay namatay libulibong taon na ngayon ang nakalilipas. Subali’t nananatili ang epekto ng apoy na yaon; ang mga lunsod ay hindi na naitayong muli. Gayumpaman, ang paghatol ng Diyos ay hindi lamang laban sa mga lunsod na yaon kundi laban din sa kanilang balakyot na mga mamamayan. Ang nangyari sa kanila ay isang babalang halimbawa. Sa Lucas 17:29, sinabi ni Jesus na sila ay “nilipol”; ipinakikita ng Judas 7 na ang pagkalipol ay walang-hanggan.)
Ano ang kahulugan ng ‘walang-hanggang pagpapahirap’ na tinutukoy sa Apocalipsis?
Apoc. 14:9-11; 20:10, KJ: “Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Diyos, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya’y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Kordero: at ang usok ng hirap [Griyego, basa·ni·smouʹ] nila ay napaiilanlang magpakailan-kailanman: at sila’y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.” “At ang diyablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta, at sila’y pahihirapan araw at gabi magpakailan-kailanman.”
Ano ang ‘paghihirap’ na tinutukoy ng mga kasulatang ito? Kapansinpansin na sa Apocalipsis 11:10 (KJ) ay may ginagawang pagtukoy sa ‘mga propeta na nagpahirap sa nangananahan sa ibabaw ng lupa.’ Ang gayong pagpapahirap ay bunga ng kahiyahiyang pagkakalantad sa mga mensahe na inihahayag ng mga propetang ito. Sa Apocalipsis 14:9-11 (KJ) ang mga mananamba sa makasagisag na “hayop at sa kaniyang larawan” ay sinasabing “pahihirapan ng apoy at asupre.” Hindi ito maaaring tumukoy sa may-malay na pagpapahirap pagkaraang mamatay sapagka’t “ang mga patay ay walang nalalaman ano pa man.” (Ecles. 9:5, KJ) Kung gayon, ano ang nagdudulot sa kanila ng gayong paghihirap samantalang sila’y mga buháy pa? Yaon ay ang ginagawang paghahayag ng mga lingkod ng Diyos na ang mga mananamba sa “hayop at sa kaniyang larawan” ay dadanas ng ikalawang kamatayan, na isinasagisag ng “dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre.” Ang usok, na kaugnay ng kanilang maapoy na pagkalipol, ay pumapailanlang magpakailanman sapagka’t ang kanilang pagkalipol ay walang-hanggan at hindi na kailanman makakalimutan. Nang sabihin ng Apocalipsis 20:10 na ang Diyablo ay dadanas ng ‘pagpapahirap magpakailan-kailanman’ sa “dagatdagatang apoy at asupre,” ano ang kahulugan nito? Malinaw na sinasabi ng Apocalipsis 21:8 (KJ) na “ang dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre” ay nangangahulugan ng “ikalawang kamatayan.” Kaya ang ‘pagpapahirap’ sa Diyablo doon magpakailanman ay nangangahulugan na siya’y hindi mahahango mula roon; siya’y mapipigilan doon magpakailanman, sa aktuwal ay sa walang-hanggang kamatayan. Ang gamit na ito ng salitang “pahirap” (mula sa Griyegong baʹsa·nos) ay nagpapaalaala sa atin ng paggamit nito sa Mateo 18:34, na kung saan ang gayon ding saligang salitang Griyego ay ikinakapit sa isang ‘tagapagbilanggo.’ —RS, AT, ED, NW.
Ano ang ‘maapoy na Gehenna’ na tinukoy ni Jesus?
Ang pagtukoy sa Gehenna ay lumilitaw nang 12 beses sa Kristiyanong Griyegong mga Kasulatan. Sa limang mga pagkakataon ay tuwiran itong iniuugnay sa apoy. Isinalin ng mga tagapagsalin ang Griyegong pariralang geʹen·nan tou py·rosʹ bilang “apoy ng impiyerno” (KJ, Dy), “mga apoy ng impiyerno” (NE), “maapoy na hukay” (AT), at “mga apoy ng Gehenna” (NAB).
Kasaysayan: Ang Libis ng Hinnom (Gehenna) ay nasa labas ng mga pader ng Jerusalem. May panahon na ito’y ginamit sa idolatrosong pagsamba, lakip na ang paghahain ng mga bata. Noong unang siglo ang Gehenna ay ginamit bilang sunugan ng basura ng Jerusalem. Ang mga bangkay ng patay na hayop ay inihagis sa libis upang sunugin sa apoy, na hinaluan ng asupre upang tumindi ang pagliyab. Ang mga bangkay din naman ng pinatay na mga kriminal, na itinuring na di-karapatdapat sa paglilibing sa isang alaalang libingan, ay inihagis sa Gehenna. Kaya, sa Mateo 5:29, 30, binanggit ni Jesus ang tungkol sa paghahagis ng “buong katawan” ng isa sa Gehenna. Kung ang katawan ay mahulog sa patuluyang nagliliyab na apoy, ito’y masusupok, subali’t kung ito’y pumatak sa bingit ng malalim na bangin ang nabubulok na laman nito ay agad mapupuno ng mga uod na laging naroroon. (Mar. 9:47, 48) Ang mga taong buháy ay hindi inihahagis sa Gehenna; kaya yaon ay hindi isang dako ukol sa may-malay na pagpapahirap.
Sa Mateo 10:28, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na “ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa Gehenna.” Ano ang kahulugan nito? Pansinin na wala ritong binabanggit na pagpapahirap sa mga apoy ng Gehenna; sa halip, sinasabi niya na ‘katakutan yaong makapupuksa sa Gehenna.’ Sa pagtukoy nang hiwalay sa “kaluluwa,” idinidiin dito ni Jesus na kayang puksain ng Diyos ang lahat ng pag-asa ng isang tao ukol sa buhay; kaya wala na siyang pag-asa ukol sa pagkabuhay-muli. Dahil dito, ang mga pagtukoy sa ‘maapoy na Gehenna’ ay may kahulugan gaya din ng ‘dagatdagatang apoy’ ng Apocalipsis 21:8, alalaong baga’y, pagkapuksa, “ikalawang kamatayan.”
Ano ang sinasabi ng Bibliya na kabayaran ng kasalanan?
Roma 6:23: “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.”
Pagkamatay ng isa, mapapailalim pa ba siya sa karagdagang parusa dahil sa kaniyang mga kasalanan?
Roma 6:7: “Ang namatay ay pinalaya na sa kasalanan.”
Ang walang-hanggang pagpapahirap ba sa mga balakyot ay kasuwato ng personalidad ng Diyos?
Jer. 7:31: “Sila [ang mga apostatang Judeano] ay nagtayo ng matataas na dako ng Tophet, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang sunugin ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy, isang bagay na hindi ko iniutos at na hindi ko man lamang isinapuso.” (Kung ito’y hindi isinapuso ng Diyos, tiyak na siya ay hindi nagtataglay at gumagamit ng ganitong bagay sa isang mas malawak na antas.)
Paglalarawan: Ano ang iisipin ninyo sa isang magulang na pilit na inilalagay ang kamay ng kaniyang anak sa apoy para parusahan ang bata dahil sa pagkakasala nito? “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Gagawin kaya niya ang hindi kailanman magagawa ng isang matinong magulang? Tiyak na hindi!
Dahil sa sinabi ni Jesus tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro, itinuturo ba ni Jesus ang tungkol sa pagpapahirap sa mga balakyot pagkamatay nila?
Ang ulat ba, sa Lucas 16:19-31, ay literal o isa lamang larawan ng ibang bagay? Ang The Jerusalem Bible, sa isang talababa, ay umaamin na ito ay isang “talinghaga sa anyong kuwento at na walang anomang pagtukoy sa alinmang makasaysayang tauhan.” Kung uunawain sa paraang literal, mangangahulugan na yaong mga nagtatamasa ng banal na pagsang-ayon ay magkakasiya lahat sa sinapupunan ng iisang tao, si Abraham; na ang tubig sa dulo ng daliri ng isa ay hindi mapatutuyo ng apoy ng Hades; na ang isa lamang patak ng tubig ay magpapaginhawa na sa isang naghihirap doon. Sa palagay ba ninyo’y makatuwiran ito? Kung ito’y literal, magiging salungat ito sa iba pang bahagi ng Bibliya. Kaya kung ang Bibliya ay nagkakasalungatan, gagamitin ba ito ng isang umiibig sa katuwiran bilang saligan ng kaniyang pananampalataya? Subali’t ang Bibliya ay hindi sumasalungat sa sarili.
Ano ang kahulugan ng talinghaga? Ang “taong mayaman” ay kumatawan sa mga Fariseo. (Tingnan ang Luc 16 bersikulo 14.) Ang pulubing si Lazaro ay kumatawan sa mga karaniwang Judio na kinamuhian ng mga Fariseo subali’t nangagsisi at naging mga tagasunod ni Jesus. (Tingnan ang Lucas 18:11; Juan 7:49; Mateo 21:31, 32.) Makasagisag din ang kanilang pagkamatay, na kumakatawan sa isang pagbabago sa kanilang mga kalagayan. Kaya, ang dating kinamumuhian ay napasa katayuan ng banal na pagsang-ayon, at ang mga dating wari’y sinasang-ayunan ay itinakwil ng Diyos, samantalang sila’y pinahihirapan ng may-paghatol na mga mensahe na inihahatid niyaong mga dati nilang kinamumuhian.—Gawa 5:33; 7:54.
Ano ang pinagmulan ng turo ng maapoy na impiyerno?
Sa sinaunang mga paniniwalang Babiloniko at Asiryano ang “daigdig ng kalaliman . . . ay inilarawan bilang isang dako ng mga bagay na kakilakilabot na pinangangasiwaan ng mga diyos at demonyo na nagtataglay ng malaking kapangyarihan at kabagsikan.” (The Religion of Babylonia and Assyria, Boston, 1898, Morris Jastrow, Jr., p. 581) Ang unang ebidensiya ng maapoy na impiyerno ng Sangkakristiyanuhan ay masusumpungan sa relihiyon ng sinaunang Ehipto. (The Book of the Dead, New Hyde Park, N. Y., 1960, na may pambungad ni E. A. Wallis Budge, p. 144, 149, 151, 153, 161) Ang Buddhismo, na nagpasimula noong ika-6 na siglo B.C.E., nang maglaon ay nagtampok kapuwa ng mainit at malamig na mga impiyerno. (The Encyclopedia Americana, 1977, Tomo 14, p. 68) Ang mga paglalarawan ng impiyerno na nakaguhit sa mga simbahang Katoliko sa Italya ay tinutunton sa mga ugat na Etruscano.—La civiltà etrusca (Milan, 1979), Werner Keller, p. 389.
Subali’t ang talagang mga ugat ng doktrinang ito na lumalapastangan sa Diyos ay mas malalim pa kaysa rito. Ang buktot na mga paniwala na kaugnay ng isang impiyerno ng paghihirap ay lumalapastangan sa Diyos at nagmumula sa pangunahing maninirang-puri sa Diyos (ang Diyablo, na ang pangala’y nangangahulugan ng “Maninirang-Puri”), ang tinukoy ni Jesu-Kristo na “ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.