“Kailangan Munang Maipangaral ang Mabuting Balita”
“Gayundin, sa lahat ng bansa ay kailangan munang maipangaral ang mabuting balita.”—MARCOS 13:10.
1. Ano ang kaisa-isang bagay na nagpapaging iba sa mga Saksi ni Jehova buhat sa lahat ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, at bakit?
SA LAHAT ng mga nag-aangking Kristiyano, tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang seryoso sa pangangaral ng mabuting balita. Sila lamang ang tanging grupo na bawat miyembro’y nakadarama ng personal na obligasyon na palagiang lumapit sa kaniyang kapuwa upang kausapin siya tungkol sa mga layunin ng Diyos. Bakit nga ganito? Sapagkat bawat Saksi ay nakadarama na, bilang isang Kristiyano, siya’y kailangang maging isang tagasunod-yapak ni Kristo. (1 Pedro 2:21) Ano ba ang ipinahihiwatig nito?
2. Ano ang pangmalas tungkol kay Jesu-Kristo ng maraming tao, subalit ano ang kaniyang pangunahing ginawa rito sa lupa?
2 Sa isip ng marami, si Jesu-Kristo ay isa lamang tao na gumawa ng mabuti. Kaniyang pinagaling ang mga maysakit, pinakain ang nagugutom, at nagpakita ng pag-ibig at kabaitan sa mga nasa pangangailangan. Subalit higit pa riyan ang ginawa ni Jesus. Unang-una siya ay isang masigasig na mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Mga ilang buwan pagkatapos na siya’y bautismuhan sa ilog Jordan, sinimulan ni Jesus ang pangmadlang pangangaral: “Magsisi kayo, kayong mga tao, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.” (Mateo 4:17) Ang ulat ni Marcos ay nagsasabi: “Si Jesus ay naparoon sa Galilea, na ipinangangaral ang mabuting balita ng Diyos at sinasabi: ‘Natupad na ang itinakdang panahon, at malapit na ang kaharian ng Diyos. Magsisi kayo, kayong mga tao, at magsisampalataya sa mabuting balita.’”—Marcos 1:14, 15.
3, 4. (a) Bagama’t pinagaling ni Jesus ang bawat uri ng sakit, ano ang kaniyang idiniin sa kaniyang ministeryo? (b) Bakit sinugo si Jesus? (c) Sa ano inihalintulad ni Jesus ang kaniyang pangangaral, at sa kaniyang mga alagad ano ang sinabi niya na gawin?
3 Tinawag ni Jesus sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan upang magsisunod sa kaniya, at ating mababasa: “At nilibot niya ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat uri ng sakit at bawat uri ng karamdaman na nasa mga tao.” Nang ang maraming tao sa Galilea ay sumubok na pigilin siya ng pag-alis, sinabi niya: “Gayundin sa mga iba pang lunsod kailangang ipangaral ko ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa ganito ako sinugo.” Pagkatapos siya’y humayo ng pangangaral sa mga sinagoga ng Judea.—Mateo 4:18-23; Lucas 4:43, 44.
4 Pagkatapos na bumalik uli sa Galilea, si Jesus ay “naglakbay sa bayan-bayan at sa mga nayon, na nangangaral at naghahayag ng mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 8:1) Ang gawaing pangangaral ay inihalintulad niya sa pag-aani at sinabi niya: “Ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.” (Mateo 9:35-38) Kahit na nang siya’y hindi bigyan ng kapahingahan ng karamihan ng mga tao, “sila’y tinanggap niya nang may kabaitan at kaniyang sinimulang salitain sa kanila ang tungkol sa kaharian ng Diyos, at kaniyang pinagaling yaong mga nangangailangang gamutin.”—Lucas 9:11.
5. Nang suguin ni Jesus ang kaniyang mga apostol at ang iba pang mga alagad upang magsagawa ng ministeryo, anong mga utos ang ibinigay niya sa kanila?
5 Totoo, pinagaling ni Jesus ang maysakit at may mga okasyon na pinakain ang nagugutom. Subalit higit kaysa anupaman, siya’y naging abala ng pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. At ibig niyang maging ganoon din ang kaniyang mga tagasunod. Pagkatapos na masanay niya ang kaniyang mga apostol, sila’y sinugo niya nang dala-dalawa upang mangaral, na nagsasabi: “At samantalang kayo’y naglalakad, magsipangaral kayo, na ang sabihin, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’” (Mateo 10:7) Sinabi ni Lucas: “Kaniyang sinugo sila upang mangaral ng kaharian ng Diyos at magpagaling.” (Lucas 9:2) Sa 70 mga alagad, si Jesus ay nagbigay rin ng utos na ‘pagalingin ang mga maysakit at humayo ng pagsasabi sa kanila na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.’—Lucas 10:9.
6. Bago umakyat sa langit, anong mga utos kung tungkol sa kanilang ministeryo ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
6 Bago umakyat sa langit, sinugo ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod upang ipagpatuloy at palawakin pa ang pangangaral. Kaniyang iniutos sa kanila: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Gayundin, sinabi niya: “Kayo’y tatanggap ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Samakatuwid, kapuwa si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay nagbigay ng pangunahing pansin sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Ang Kaharian ay Ipangangaral sa Panahon Natin
7. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pangangaral na gagawin sa “katapusan ng sistema ng mga bagay”?
7 Sa kaniyang hula tungkol sa mga pangyayaring magaganap sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” sinabi ni Jesus: “At ang mabuting balita ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:3, 14) O, gaya ng pagkasabi sa Marcos 13:10: “Gayundin, sa lahat ng bansa ay kailangan munang maipangaral ang mabuting balita.”—Tingnan din ang Apocalipsis 14:6, 7.
8. (a) Ano ang kasali sa mabuting balita noong panahon ng mga apostol? (b) Ano ang kasali sa ngayon sa mensahe ng mabuting balita?
8 Sa “mga huling araw,” ang mabuting balita ng Kaharian ay mas malawak kaysa noong narito sa lupa si Jesus. Si Jesus ay nangaral na ang Kaharian ay malapit na, anupa’t tumatawag-pansin sa bagay na siya’y naroroon sa gitna ng mga tao bilang ang Mesiyas at Hari. (2 Timoteo 3:1; Mateo 4:17; Lucas 17:21) Sa mabuting balita na ipinangaral ng mga unang Kristiyano ay kasali ang tungkol sa pagkabuhay-muli at pag-akyat sa langit ni Jesus, at pinalakas-loob nito na ang mga maaamo’y maglagak ng pananampalataya sa darating na Kaharian. (Gawa 2:22-24, 32; 3:19-21; 17:2, 3; 26:23; 28:23, 31) Ngayon na sumapit na tayo sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay kasali ang kapansin-pansing balita na ang Kaharian ay natatag na sa langit.—Apocalipsis 11:15-18; 12:10.
Sino ang Mangangaral ng Mabuting Balita?
9. (a) Paano marahil nangangatuwiran ang iba na ang pangangaral ng mabuting balita ay hindi isang obligasyon para sa lahat ng Kristiyano sa ngayon? (b) Sino ang ginamit ni Jehova noong nakaraan upang mangaral ng kaniyang salita, at ano ang kahulugan nito para sa atin ngayon?
9 Sino, sa ngayon, ang dapat makibahagi sa pangangaral? Maliwanag, naniniwala ang Sangkakristiyanuhan na hindi ito obligasyon ng bawat isa, at totoo naman na nang sinabi ni Jesus na ipangangaral ang mabuting balita, hindi niya espisipikong tinukoy kung sino ang gagawa nito. Subalit, sino pa nga ba ang gagamitin ni Jehova para sa gayong gawain kundi yaong mga sumasampalataya sa kaniyang Salita at nangagsimula nang ikapit ito sa kanilang buhay? Nang ipasiya ni Jehova noong kaarawan ni Noe na bigyang-babala ang balakyot na sanlibutan ng sangkatauhan tungkol sa isang darating na pagkapuksa, kaniyang ginamit ang isang tao na “lumakad na kaalinsabay ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:9, 13, 14; 2 Pedro 2:5) Nang ibig niya noon na maipahatid sa Israel ang makahulang mga pasabi, kaniyang sinugo ang ‘kaniyang mga lingkod, ang mga propeta.’ (Jeremias 7:25; Amos 3:7, 8) Ang nag-alay na bansa ng Israel ay isang bansa ng kaniyang mga saksi. (Exodo 19:5, 6; Isaias 43:10-12) Oo, ginagamit ni Jehova ang kaniyang nag-alay na mga lingkod bilang kaniyang mga saksi.
10. Paano makikita buhat sa mga salita ng Mateo 28:19, 20 na ang utos na gumawa ng mga alagad ay kapit sa lahat ng mga Kristiyano?
10 Ang iba’y nagsasabi na ang utos na gumawa ng mga alagad, na ibinigay sa Mateo 28:19, 20, ay ibinigay tangi lamang sa mga apostol at samakatuwid hindi kapit sa mga Kristiyano sa pangkalahatan. Subalit pansinin ang sinabi ni Jesus: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” Ang mga tagasunod ni Jesus ay magtuturo sa mga bagong alagad na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ni Jesus. At ang isa sa mga bagay na kaniyang iniutos ay ‘humayo at gumawa ng mga alagad.’ Tiyak, na lahat ng mga bagong alagad ay kailangang turuan na ganapin din ang partikular na utos na ito.
11. (a) Anong obligasyon ang nakaatang sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo? (b) Ano ang kailangan upang ang isa’y maligtas, at ano ang kasali rito?
11 Ang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ay tinawag na ‘bayang tanging pag-aari ng Diyos na dapat maghayag sa madla ng mga kaningningan niyaong tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.’ (1 Pedro 2:9) Ang mga miyembro nito ay masigasig na nagpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Gawa 8:4, 12) Lahat ng “mga banal,” na pinahirang mga Kristiyano sa Roma ay sinabihan na “sa pamamagitan ng bibig ginagawa ang pagpapahayag sa madla tungkol sa ikaliligtas” at “bawat tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Roma 1:7; 10:9, 10, 13) Sa pagpapahayag na ito sa madla ukol sa ikaliligtas, na ginagawa sa oras ng pagbabautismo ng isang tao, ay kasali rin ang pangangaral sa madla ng mabuting balita ng Kaharian ni Jehova.
12, 13. (a) Ano ang kasali sa “pagpapahayag sa madla ng ating pag-asa” na binanggit sa Hebreo 10:23? (b) Paano ipinakikita ng Awit 96 na kailangan ang isang pagpapahayag sa madla sa labas ng kongregasyon, at paano ito inaalalayan ng Apocalipsis 7:9, 10?
12 Si apostol Pablo ay sumulat sa mga Hebreong Kristiyano: “Magpakatatag tayo sa pagpapahayag sa madla ng ating pag-asa nang walang alinlangan, sapagkat tapat ang nangako.” (Hebreo 10:23) Ang pagpapahayag na ito sa madla ay hindi limitado sa mga pulong ng kongregasyon. (Awit 40:9, 10) Sa Awit 96:2, 3, 10 ay malinaw na makikita natin ang isang inihulang pag-uutos na mangaral sa labas ng kongregasyon, sa mga bansa, sa mga salitang ito: “Sa araw-araw ay ihayag ninyo ang mabuting balita ng kaniyang pagliligtas. Ipamalita ninyo sa gitna ng mga bansa ang kaniyang kaluwalhatian, sa gitna ng lahat ng mga bayan ang kagila-gilalas niyang mga gawa. Sabihin sa gitna ng mga bansa: ‘Si Jehova mismo ay naging hari.’” Tunay nga, sa Mateo 28:19, 20 at Gawa 1:8, iniutos ni Jesus sa mga Kristiyano na mangaral sa mga bansa.
13 Ang pangangaral na ito sa madla ay tinutukoy sa higit pang mga salita ni Pablo sa pinahirang mga Hebreong Kristiyano: “Sa pamamagitan niya tayo’y palaging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Sa aklat ng Apocalipsis, ang “malaking pulutong,” na tinipon buhat sa lahat ng bansa, ay nakikita rin na nagsasabi nang malakas na tinig: “Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” (Apocalipsis 7:9, 10) Samakatuwid, sa panahong ito ng katapusan ng sistema ng mga bagay, ang pangangaral ng mabuting balita ay ginagawa ng nag-alay na mga Saksi ni Jehova, ito’y ang nalabi ng espirituwal na mga kapatid ni Kristo at ang kanilang tulad-tupang mga kasama na bumubuo ng “malaking pulutong.” Subalit paano nila aktuwal na gagawin ang gawaing ito?
“Sa Madla at sa Bahay-Bahay”
14. Saan nangaral si Jesus, at anong simulain ang ating matututuhan dito?
14 Si Jesus ay nangaral nang tuwiran sa mga tao. Mababasa natin, halimbawa, na siya’y nangaral sa mga sinagoga. Bakit? Sapagkat ang mga tao’y nagkakatipon doon kung Sabbath at nakikinig sila sa pagbabasa at sa pagtalakay sa Kasulatan. (Mateo 4:23; Lucas 4:15-21) Si Jesus ay nangaral din sa mga tao na nasa mga tabing-daan, mga nasa tabing-dagat, sa tagiliran ng bundok, sa isang balon sa labas ng siyudad, at sa mga tahanan. Saanman na mayroong mga tao, si Jesus ay nangaral sa kanila.—Mateo 5:1, 2; Marcos 1:29-34; 2:1-4, 13; 3:19; 4:1, 2; Lucas 5:1-3; 9:57-60; Juan 4:4-26.
15. (a) Anong mga tagubilin ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad nang kaniyang suguin sila na mangaral? (b) Paano ito ipinaliwanag ng mga ibang komentarista sa Bibliya?
15 Nang suguin ni Jesus ang kaniyang mga alagad upang mangaral, kaniya rin namang sinugo sila nang tuwiran sa mga tao. Ito’y makikita sa kaniyang mga tagubilin na nasusulat sa Mateo 10:1-15, 40-42. Sa Mat 10 talatang 11 sinabi niya: “Sa alinmang lunsod o nayon na inyong pasukin, siyasatin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat, at magsitahan kayo roon hanggang sa kayo’y magsialis.” Ganito ang pagkasalin sa talatang ito ng The Jerusalem Bible: “Magtanong kayo kung sino roon ang mapagkakatiwalaan,” na para bagang ang mga alagad ay kailangang magtanong sa isang prominente o may kaalamang tao sa nayon upang alamin nito kung sino ang may mabuting pangalan at sa gayo’y karapat-dapat sa mensahe. (Tingnan din ang Weymouth at ang King James Version.) At ito ang paliwanag na ibinibigay tungkol sa Mat 10 talatang 11 ng mga ibang komentarista sa Bibliya.
16. Sa pamamagitan ng walang pagkiling na pagsasaalang-alang ng mga salita ni Jesus sa Mateo 10:11, ano ang ipinakikita nito tungkol sa kung paano hahanapin ng mga apostol yaong mga karapat-dapat?
16 Gayunman, dapat isaisip na sa kalakhang bahagi, ang mga teologo ng Sangkakristiyanuhan ay hindi naman nagbabahay-bahay, at marami sa mga komentarista sa Bibliya ang nagbibigay ng interpretasyon sa Kasulatan ayon sa konteksto ng kanilang sariling karanasan. Ang higit na walang kinikilingang pagsasaalang-alang ng tagubilin ni Jesus ay nagpapakita na siya’y nagsasalita tungkol sa pagsasaliksik na ginagawa ng kaniyang mga alagad upang mahanap na isa-isa ang mga tao, sa pagbabahay-bahay man o sa mga dakong pampubliko, at paghaharap sa kanila ng balita ng Kaharian. (Mateo 10:7) Ang kanilang pagtugon ang magpapakita kung sila baga’y karapat-dapat o hindi.—Mateo 10:12-15.
17. Ano ang nagpapatotoo na ang mga alagad ni Jesus ay hindi lamang dumadalaw sa karapat-dapat na mga tao batay sa rekomendasyon o sa isang patiunang kaayusan na sila’y patuluyin?
17 Ito’y makikita sa mga salita ni Jesus sa Mateo 10:14: “Sinumang hindi tumanggap sa inyo o makinig sa inyong mga salita, pag-alis ninyo sa bahay o lunsod na iyon ay ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa.” Ang tinutukoy ni Jesus ay yaong tungkol sa pagdalaw ng kaniyang mga alagad sa mga tao bagama’t hindi sila iniimbitahan upang mangaral sa kanila. Totoo, kanilang tatanggapin din ang paanyayang makituloy sa tahanan ng isa sa mga sambahayan na tumugon sa mensahe. (Mateo 10:11) Subalit ang pinakamahalagang bagay ay ang pangangaral. Sa Lucas 9:6 ay sinasabi: “Nang magkagayo’y humayo na sila at naparoon sa teritoryo sa mga nayon, na ipinangangaral ang mabuting balita at nagpapagaling saan-saanman.” (Tingnan din ang Lucas 10:8, 9.) Ang mga taong karapat-dapat na nagpatuloy sa kanilang mga tahanan ng mga alagad bilang mga propeta, anupa’t binibigyan pa sila marahil ng “isang saro ng malamig na tubig” o pinatutuloy pa mandin sila, ay hindi mawawalan ng kanilang kagantihan. Kanilang mapapakinggan ang balita ng Kaharian.—Mateo 10:40-42.
18, 19. (a) Sang-ayon sa Gawa 5:42, paano isinagawa ng mga unang Kristiyano ang kanilang pangangaral? (b) Paanong ang mga salita ni Pablo sa Gawa 20:20, 21 ay nagpapakita na ang tinutukoy niya’y tungkol sa isang ministeryo sa mga di-sumasampalataya, hindi tungkol sa isang panloob na gawaing pagpapastol?
18 Pagkatapos na maitatag ang kongregasyong Kristiyano, ating mababasa tungkol sa mga apostol: “At sa araw-araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang lubay sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42; tingnan ang Reference Bible, talababa.) Ang pananalita sa Griego na isinaling “sa bahay-bahay” ay kat’ oiʹkon. Dito ang ka·taʹ ay nasa diwang pamamahagi. Samakatuwid, masasabi na ang pangangaral ng mga alagad ay ipinamahagi sa bahay-bahay. Sila’y hindi gumagawa ng patiunang isinaayos lamang na mga sosyal na pagdalaw. Ang isa na nakakatulad na gamit ng ka·taʹ ay masusumpungan sa Lucas 8:1 sa pananalitang “sa lunsud-lunsod at sa nayun-nayon.”
19 Ang ganiyan ding pananalita sa pangmaramihan, kat’ oiʹkous, ay ginagamit ni apostol Pablo sa Gawa 20:20. Doon ay sinabi niya: “Hindi ko ipinagkait . . . ang pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay.” Ang pananalitang “sa bahay-bahay” ay isinalin na “sa inyong mga tahanan” sa mga ilang salin. Sa gayon may mga komentarista sa Bibliya sa Sangkakristiyanuhan na nagsasabing ang tinutukoy rito ni Pablo ay ang pagpapastol na mga pagdalaw sa mga tahanan ng sumasampalataya. Subalit ang susunod na mga salita ni Pablo ang nagpapakita na ang tinutukoy niya’y isang ministeryo sa mga di-sumasampalataya, sapagkat sinabi niya: “Kundi ako’y lubusan na nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa harap ng Diyos at sa pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.”—Gawa 20:21.
20. (a) Gaano na kalawak naipangaral ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian sa panahon natin? (b) Paano kaya mamalasin ng iba ang tungkol sa pagpapatuloy ng pangangaral?
20 Ang ganitong paraan upang marating ang mga tao ay dapat samakatuwid na gamitin sa panahon natin na ang “mabuting balita ng kaharian” ay kailangang ‘maipangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.’ (Mateo 24:14) Sa loob ng mahigit na 65 taon, ang mga Saksi ni Jehova ay masigasig na nangangaral ng mabuting balita ng natatag na Kaharian ng Diyos sa madla at sa bahay-bahay—ngayon ay sa 210 mga bansa. Anong pagkalawak-lawak na pagpapatotoo ang naisasagawa! At ito’y sa kabila ng bagay na karamihan ng mga tao sa ngayon ay nakakapakinig ng balita “ngunit hindi tumutugon,” ang iba’y nayayamot pa. (Mateo 13:15) Bakit ba ang mga Saksi ni Jehova’y nagpapatuloy pa rin ng pangangaral kung saan ang mga tao’y tumatangging makinig o dili kaya’y pinag-uusig pa sila? Ang tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang ipinakikita ng Kasulatan tungkol sa katangian ng ministeryo ni Jesus?
◻ Anong mga tagubilin ang ibinigay sa mga apostol sa kanilang ministeryo?
◻ Anong gawain ang kailangang gawin sa panahon natin, at bakit?
◻ Sino ang mga gagamitin ni Jehova upang mangaral ng mabuting balita sa kaarawan natin?
◻ Saan at paano isasagawa ang pangangaral?