Mga Gawa ng mga Apostol
1 Ang unang ulat na binuo ko, O Teofilo, ay tungkol sa lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus+ 2 hanggang sa araw na dalhin siya sa langit,+ pagkatapos niyang magbigay ng tagubilin sa pamamagitan ng banal na espiritu sa pinili niyang mga apostol.+ 3 Pagkatapos niyang magdusa, ipinakita niya sa kanila na buháy siya sa pamamagitan ng maraming nakakukumbinsing katibayan.+ Nakita nila siya sa loob ng 40 araw, at nagsasalita siya tungkol sa Kaharian ng Diyos.+ 4 Nang minsang makipagkita siya sa kanila, inutusan niya sila: “Huwag kayong umalis sa Jerusalem+ kundi patuloy ninyong hintayin ang ipinangako ng Ama,+ na narinig ninyo sa akin; 5 si Juan ay nagbautismo sa tubig, pero kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu+ pagkalipas lang ng ilang araw mula ngayon.”
6 Kaya nang magtipon sila, tinanong nila siya: “Panginoon, ibabalik mo ba sa Israel ang kaharian sa panahong ito?”+ 7 Sinabi niya: “Hindi ninyo kailangang alamin ang mga panahon o kapanahunan na ang Ama lang ang may karapatang magpasiya.+ 8 Pero tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu,+ at magiging mga saksi+ ko kayo sa Jerusalem,+ sa buong Judea at Samaria,+ at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”+ 9 Pagkasabi nito, iniakyat siya sa langit habang nakatingin sila, at isang ulap ang tumakip sa kaniya kaya hindi na nila siya nakita.+ 10 Habang nakatitig sila sa kaniya noong paakyat siya sa langit, bigla na lang na may nakatayong dalawang lalaki na nakaputing* damit+ sa tabi nila, 11 at sinabi ng mga ito: “Mga lalaki ng Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatingin sa langit? Ang Jesus na ito na kasama ninyo noon at iniakyat sa langit ay darating din sa katulad na paraan kung paano ninyo siya nakitang umakyat sa langit.”
12 Pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem+ mula sa Bundok ng mga Olibo, na malapit sa Jerusalem—mga isang kilometro lang ang layo. 13 Pagdating nila, umakyat sila sa silid sa itaas, kung saan sila tumutuloy—si Pedro, gayundin sina Juan at Santiago at Andres, sina Felipe at Tomas, sina Bartolome at Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na masigasig, at si Hudas na anak ni Santiago.+ 14 Silang lahat ay paulit-ulit na nanalangin nang may iisang kaisipan, kasama ang ilang babae,+ si Maria na ina ni Jesus, at ang mga kapatid ni Jesus.+
15 Sa isa sa mga araw na iyon, tumayo si Pedro sa gitna ng mga kapatid (ang bilang ng mga tao ay mga 120). Sinabi niya: 16 “Mga kapatid na lalaki, kinailangang matupad ang nasa Kasulatan na inihula ni David sa patnubay ng banal na espiritu tungkol kay Hudas,+ na nagsama sa mga aaresto kay Jesus.+ 17 Dahil kabilang siya sa amin+ at may bahagi siya sa ministeryong ito. 18 (At ang taong ito mismo ay bumili ng isang bukid gamit ang bayad para sa kasamaan niya,+ at bumagsak siya na una ang ulo,* nabiyak ang katawan, at lumabas ang mga laman-loob.+ 19 Nalaman ito ng lahat ng taga-Jerusalem, kaya ang bukid ay tinawag nilang Akeldama, o “Bukid ng Dugo,” ayon sa wika nila.) 20 Dahil nakasulat sa aklat ng mga Awit, ‘Maging tiwangwang nawa ang tirahan niya, at wala nawang manirahan doon’+ at, ‘Kunin nawa ng iba ang katungkulan niya bilang tagapangasiwa.’+ 21 Kaya kailangan nating pumili ng isa mula sa mga lalaking nakasama natin noong* isinasagawa ng Panginoong Jesus ang kaniyang gawain kasama natin, 22 mula nang bautismuhan siya ni Juan+ hanggang sa araw na kunin siya mula sa atin at dalhin sa langit.+ At ang isang ito ay dapat na nakasaksi rin sa kaniyang pagkabuhay-muli tulad natin.”+
23 Kaya nagmungkahi sila ng dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas at tinatawag ding Justo, at si Matias. 24 Pagkatapos, nanalangin sila: “Ikaw, O Jehova, ang nakababasa ng puso ng lahat,+ ipaalám mo kung sino sa dalawang lalaking ito ang pinili mo 25 para sa ministeryo at pagkaapostol na tinalikuran ni Hudas dahil sa pagtahak ng ibang landasin.”+ 26 Kaya nagpalabunutan sila,+ at si Matias ang nabunot; ibinilang siyang kasama ng 11 apostol.