ARALING ARTIKULO 50
Makinig sa Tinig ng Mabuting Pastol
“Makikinig sila sa tinig ko.”—JUAN 10:16.
AWIT 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas
NILALAMANa
1. Ano ang isang dahilan kung bakit ikinumpara ni Jesus sa mga tupa ang mga tagasunod niya?
IKINUMPARA ni Jesus ang kaugnayan niya sa mga tagasunod niya sa malapít na ugnayan ng pastol at mga tupa nito. (Juan 10:14) Tama naman kasi kilala ng mga tupa ang pastol nila at nakikinig sila sa tinig nito. Napatunayan iyan ng isang turista. Sinabi niya: “Gusto naming kunan ng litrato ang mga tupa at sinubukan namin silang palapitin. Pero hindi sila lumalapit kasi hindi nila kilala ang boses namin. Pagkatapos, may lumapit na batang pastol, at hindi man lang siya nahirapang tawagin at palapitin ang mga tupa.”
2-3. (a) Paano ipinapakita ng mga tagasunod ni Jesus na nakikinig sila sa kaniyang tinig? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito at sa susunod?
2 Makikita natin sa karanasan ng turista ang mga sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tupa—ang mga alagad niya. Sinabi niya: “Makikinig sila sa tinig ko.” (Juan 10:16) Pero nasa langit si Jesus. Paano tayo makikinig sa tinig niya? Nakikinig tayo sa tinig ni Jesus kapag isinasabuhay natin ang mga turo niya.—Mat. 7:24, 25.
3 Tatalakayin natin ngayon at sa susunod na artikulo ang ilang turo ni Jesus. Makikita natin na tinuturuan tayo ni Jesus na huwag nang gawin ang ilang bagay pero may mga bagay na dapat gawin. Talakayin muna natin ngayon ang dalawang bagay na sinabi ng mabuting pastol na huwag na nating gawin.
“HUWAG NA KAYONG MASYADONG MAG-ALALA”
4. Ayon sa Lucas 12:29, ano ang puwedeng maging dahilan ng ‘masyadong pag-aalala’?
4 Basahin ang Lucas 12:29. Pinayuhan ni Jesus ang mga tagasunod niya na ‘huwag nang masyadong mag-alala’ sa materyal na mga pangangailangan nila. Alam natin na laging tama at magandang sundin ang mga payo ni Jesus. Gusto nating sundin iyon pero minsan, baka nahihirapan tayong gawin iyon. Bakit?
5. Bakit nag-aalala ang ilan tungkol sa materyal na mga pangangailangan nila?
5 May ilan na nag-aalala sa materyal na mga pangangailangan nila gaya ng pagkain, pananamit, at tirahan. Baka nakatira sila sa mahirap na bansa. Maaaring hiráp silang kumita para masuportahan ang pamilya nila. O baka namatay ang kapamilya nila na siyang kumikita ng pera kaya nahihirapan na sila. Maaaring nawalan sila ng trabaho dahil sa COVID-19. (Ecles. 9:11) Kung ganito ang nararanasan natin, paano natin masusunod ang utos ni Jesus na huwag nang masyadong mag-alala?
6. Ano ang nangyari kay apostol Pedro?
6 Nasa bangka si apostol Pedro at ang ibang apostol sa Lawa ng Galilea. Malakas ang hangin noon at nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kung ikaw iyan, utusan mo akong pumunta sa iyo sa ibabaw ng tubig.” Nang sabihan siya ni Jesus na “halika,” bumaba si Pedro mula sa bangka at “naglakad sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus.” Tingnan natin ang sumunod na nangyari. “Nang makita niyang malakas ang hangin, natakot siya. At nang lumulubog na siya, sumigaw siya: ‘Panginoon, iligtas mo ako!’” Iniunat ni Jesus ang kamay niya at iniligtas si Pedro. Tandaan na nakalakad si Pedro sa ibabaw ng tubig noong nakapokus siya kay Jesus. Pero nang makita niya na malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog.—Mat. 14:24-31.
7. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Pedro?
7 May matututuhan tayo sa halimbawa ni Pedro. Nang bumaba siya mula sa bangka, hindi niya pinansin ang malakas na hangin at hindi niya inisip na lulubog siya. Gusto niyang maglakad sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Pero imbes na magpokus siya kay Jesus, naagaw ang pansin niya ng malakas na hangin. Siyempre, hindi natin kayang lumakad sa tubig, pero puwedeng masubok ang pananampalataya natin. Kapag naalis ang pokus natin kay Jehova at sa mga pangako niya, hihina ang pananampalataya natin na para bang lumulubog tayo dahil sa labis na pag-aalala. Kaya anumang malakas na hangin o matitinding problema ang dumating sa buhay natin, dapat na lagi tayong magpokus kay Jehova at sa kakayahan niyang tulungan tayo. Paano natin iyan magagawa?
8. Ano ang makakatulong para hindi tayo masyadong mag-alala sa materyal na mga pangangailangan natin?
8 Makakatulong ang pagtitiwala natin kay Jehova para maiwasan ang pag-aalala. Tandaan na tinitiyak sa atin ng maibiging Ama natin sa langit, si Jehova, na ibibigay niya ang mga pangangailangan natin kung uunahin natin ang espirituwal na mga bagay. (Mat. 6:32, 33) Laging tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya. (Deut. 8:4, 15, 16; Awit 37:25) Naglalaan si Jehova sa mga ibon at mga bulaklak kaya talagang hindi tayo dapat mag-alala kung ano ang kakainin o isusuot natin. (Mat. 6:26-30; Fil. 4:6, 7) Kung paanong naglalaan sa materyal ang mga magulang sa mga anak nila dahil sa pag-ibig, mahal din tayo ng ating Ama sa langit kaya inilalaan niya ang materyal na mga pangangailangan ng bayan niya. Kaya makakasiguro tayo na hindi tayo papabayaan ni Jehova!
9. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ng isang mag-asawa?
9 Tingnan ang isang karanasan na nagpapakita na kayang ilaan ni Jehova ang materyal na mga pangangailangan natin. Isang mag-asawang payunir ang nagbibiyahe nang mahigit isang oras gamit ang luma nilang kotse para sunduin ang mga sister sa refugee center para makadalo ang mga ito sa pulong. Ikinuwento ng brother: “Pagkatapos ng pulong, niyaya namin ang mga sister na kumain sa bahay, pero bigla naming naisip na wala nga pala kaming pagkain.” Ano ang sumunod na nangyari? Sinabi ng brother: “Pag-uwi namin, nakita namin na may dalawang malaking bag ng pagkain sa harap ng pinto namin. Hindi namin alam kung sino ang nag-iwan ng mga iyon. Hindi kami pinabayaan ni Jehova.” Di-nagtagal pagkatapos noon, nasira ang kotse nila. Iyon ang ginagamit nila sa ministeryo; pero wala silang pampagawa. Nang dalhin nila ito sa talyer para malaman kung magkano ang magagastos, may lumapit na lalaki at nagtanong: “Kaninong kotse ’yan?” Sinabi ng brother na sa kaniya iyon at kailangan itong ipagawa. Sinabi ng lalaki: “Okey lang iyan. Ganiyang model ng kotse ang gusto ng asawa ko at ganiyang kulay ang gusto niya. Magkano mo ito ibibigay sa akin?” Kaya may pambili na ang brother ng ibang kotse. Sinabi niya: “Ang saya-saya namin nang araw na iyon. Alam namin na hindi iyon nagkataon lang. Talagang tinulungan kami ni Jehova.”
10. Paano tayo matutulungan ng Awit 37:5 na huwag masyadong mag-alala sa materyal na mga pangangailangan natin?
10 Makakatiyak tayo na paglalaanan tayo ni Jehova kung papakinggan natin ang mabuting pastol at hindi na masyadong mag-aalala sa materyal na mga pangangailangan natin. (Basahin ang Awit 37:5; 1 Ped. 5:7) Pag-isipan ang mga sitwasyon sa parapo 5. Maaaring gamitin ni Jehova ang isang ulo ng pamilya o isang employer para tulungan tayo sa mga pangangailangan natin sa araw-araw. Pero kung wala na sa kalagayan ang isang ulo ng pamilya na gawin ito o mawalan tayo ng trabaho, paglalaanan tayo ni Jehova sa ibang paraan. Sigurado iyon. Tingnan natin ang isa pang bagay na iniutos ng mabuting pastol na huwag na nating gawin.
“HUWAG NA KAYONG HUMATOL”
11. Ayon sa Mateo 7:1, 2, ano ang sinabi ni Jesus na huwag na nating gawin, at bakit nahihirapan tayong sundin ito?
11 Basahin ang Mateo 7:1, 2. Alam ni Jesus na may tendensiya tayong maging mapamuna sa iba kasi hindi tayo perpekto. Pansinin ang sinabi niya: “Huwag na kayong humatol.” Baka sinisikap naman natin na huwag hatulan ang mga kapatid. Pero nagagawa pa rin natin ito kung minsan kasi hindi tayo perpekto. Kaya ano ang dapat nating gawin? Makinig kay Jesus, at magsikap nang husto na huwag nang humatol.
12-13. Paano makakatulong ang halimbawa ni Jehova para hindi na tayo humatol sa iba?
12 May matututuhan tayo sa mga halimbawa ni Jehova. Nagpopokus siya sa magagandang katangian ng mga tao. Makikita natin iyan sa pakikitungo niya kay Haring David, na nakagawa ng malulubhang kasalanan. Halimbawa, nangalunya siya kay Bat-sheba, at ipinapatay pa nga niya ang asawa nito. (2 Sam. 11:2-4, 14, 15, 24) Kaya nagdala ito ng kapahamakan, hindi lang sa kaniya, kundi pati sa pamilya niya at sa iba pa niyang asawa. (2 Sam. 12:10, 11) Sa isa namang pagkakataon, hindi naipakita ni David ang tiwala niya kay Jehova nang ipabilang niya ang mga lalaki sa hukbo ng Israel kahit hindi naman ito iniutos ni Jehova. Malamang na masyado siyang nagtiwala sa laki ng hukbo niya. Ano ang resulta? Namatay ang 70,000 Israelita dahil sa salot!—2 Sam. 24:1-4, 10-15.
13 Kung nandoon ka sa Israel noon, ano ang magiging tingin mo kay David? Huhusgahan mo ba siya at iisipin na hindi siya karapat-dapat patawarin ni Jehova? Hindi ganiyan si Jehova. Nagpokus siya sa magandang rekord ng katapatan ni David at nakita niya na talagang nagsisisi ito. Kaya pinatawad ni Jehova si David sa malulubhang kasalanan nito. Alam ni Jehova na mahal na mahal siya ni David at gustong-gusto niyang gawin ang tama. Mabuti na lang, nagpopokus ang ating Diyos sa magagandang katangian natin.—1 Hari 9:4; 1 Cro. 29:10, 17.
14. Ano ang makakatulong para hindi na tayo humatol sa iba?
14 Kung hindi inaasahan ni Jehova na magiging perpekto tayo at hinahanap niya ang magagandang katangian natin, dapat na ganiyan din tayo. Napakadaling hanapan ng mali ang iba at punahin sila. Pero kung gusto nating tularan si Jehova, magpopokus tayo sa magagandang katangian ng iba kahit alam natin na may mga kahinaan din ang mga ito. Hindi magandang tingnan ang isang diamond kapag hindi pa ito napapakinis. Alam ng matalinong tao ang halaga ng isang diamond, at na gaganda ito kapag naproseso. Gaya ni Jehova at ni Jesus, hindi tayo dapat magpokus sa pisikal na hitsura ng mga tao kundi sa magagandang katangian nila.
15. Paano makakatulong ang pagsasaisip sa kalagayan ng iba para huwag na tayong humatol?
15 Bukod sa pagpopokus sa magagandang katangian ng iba, ano pa ang makakatulong para huwag na tayong humatol? Isipin natin ang kalagayan nila sa buhay. Tingnan ang isang halimbawa. Minsan, nakita ni Jesus ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang maliit na barya sa kabang-yaman ng templo. Hindi niya itinanong: “Bakit iyon lang ang inihulog niya?” Imbes na tumingin sa halagang inihulog ng biyuda, nagpokus si Jesus sa motibo at kalagayan ng biyuda at pinapurihan siya ni Jesus dahil sa pagsisikap nito.—Lucas 21:1-4.
16. Ano ang matututuhan mo sa karanasan ni Veronica?
16 Makikita sa karanasan ni Veronica kung gaano kahalaga na isipin ang kalagayan ng iba. Mayroon silang kakongregasyon na isang nanay na mag-isang nagpapalaki ng anak. Sinabi ni Veronica: “Napansin ko na hindi sila masyadong nakakadalo at nakakapaglingkod sa ministeryo. Kaya hindi nila ako napapatibay. Pero minsan, nakapartner ko y’ong nanay sa ministeryo. Ikinuwento niya sa akin na nahihirapan siya sa pag-aalaga sa anak niya na autistic. Ginagawa niya ang lahat para ilaan ang pisikal at espirituwal na pangangailangan nila. Minsan, napipilitan silang dumalo sa ibang kongregasyon dahil sa kalusugan ng anak niya.” Sinabi ni Veronica: “Hindi ko naisip na ganoon pala kahirap ang kalagayan niya. Napatibay niya ako at napapahalagahan ko na ang lahat ng pagsisikap niya na paglingkuran si Jehova.”
17. Batay sa Santiago 2:8, ano ang dapat nating gawin, at paano natin ito magagawa?
17 Ano ang dapat nating gawin kapag napansin natin na hinahatulan na natin ang isang kapatid? Dapat nating tandaan na inutusan tayong mahalin ang mga kapatid. (Basahin ang Santiago 2:8.) Dapat din nating ipanalangin na tulungan tayo ni Jehova na huwag nang humatol. Pagkatapos, kumilos at sikaping makilala pa ang taong pinupuna natin. Puwede natin siyang yayain na makapartner sa ministeryo o kumain. Kapag ginawa natin iyon, sikapin nating hanapin ang magagandang katangian niya, gaya ng ginagawa ni Jehova at ni Jesus. Sa ganiyang paraan, maipapakita natin na nakikinig tayo sa utos ng mabuting pastol na huwag nang humatol.
18. Paano natin maipapakita na nakikinig tayo sa tinig ng mabuting pastol?
18 Gaya ng isang literal na tupa na nakikinig sa tinig ng pastol niya, nakikinig din ang mga tagasunod ni Jesus sa tinig niya. Kung magsisikap tayo na hindi na masyadong mag-alala sa materyal na mga pangangailangan natin at hindi na natin hahatulan ang iba, pagpapalain tayo ni Jehova at ni Jesus. Bahagi man tayo ng “munting kawan” o “ibang mga tupa,” patuloy sana tayong makinig at sumunod sa tinig ng mabuting pastol. (Luc. 12:32; Juan 10:11, 14, 16) Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang dalawang bagay na sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na dapat nilang gawin.
AWIT 101 Naglilingkod Nang May Pagkakaisa
a Nang sabihin ni Jesus na dapat makinig ang mga tupa niya sa kaniyang tinig, gusto niyang sabihin sa mga alagad niya na dapat silang makinig sa kaniyang mga turo at isabuhay ang mga ito. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang dalawa sa mga turo ni Jesus. Una, huwag nang mag-alala sa materyal na mga bagay. Ikalawa, huwag nang hatulan ang iba. Tatalakayin natin kung paano natin maisasabuhay ang mga payong ito.
b LARAWAN: Isang brother ang nawalan ng trabaho, wala nang panggastos para sa pamilya niya, at nangangailangan ng matitirhan. Dahil sa pag-aalala, baka mawala ang pokus niya sa paglilingkod sa Diyos.
c LARAWAN: Isang brother na na-late sa pulong. Pero may magaganda siyang katangian: nagpapatotoo nang di-pormal, tumutulong sa may-edad, at nagmamantini ng Kingdom Hall.